Chapter 12: Kapatawaran

YVONNE’S POV.

Palihim kong sinundan si Ervin. Nakarating kami sa isang sosyaling restaurant. Palihim akong nakasunod. Nakapaikot sa ulo ko ang balabal na dala ko at nagsuot ako ng isang makapal na salamin para hindi niya ako makilala kung makita man niya ako.

Pasensya na kung nagdududa ako. Hindi naman niya siguro ako masisisi kung nawalan na ako ng tiwala sa kaniya. Gusto kong makita na tunay na siyang nagbago.

Umupo ako sa isang sulok at um-order ng inumin habang palihim pa rin akong nakasunod tingin sa kaniya. May kausap siyang dalawang babae ngayon at nagtatawanan sila. Napakuyom ako ng kamao.

Hindi na yata talaga 'to magbabago, e.

Maya maya ay umupo na si Ervin sa isang lamesa at kinuha ng isang waiter ang order niya. Ilang sandali pa ay may dumating na isang propesyonal na tao. Isang lalaki at umupo iyon sa harap niya. Doon ay seryoso silang nag-usap at nagpakitaan ng mga papel na dala nila.

Napahinga ako nang maluwag. Para akong nabunutan ng tinik.

Buti naman at hindi babae ang kausap niya. Akala ko makikipag-date na naman siya sa hindi niya asawa, e.

Hinintay kong dumating ang order ko at saka na iyon ininom. Kinuhanan ko rin ng litrato si Ervin kasama iyong ka-meeting niya. Nang maubos ko ang iniinom ko ay tumayo na ako para umuwi. Tapos naman na ang rason kung bakit nandito ako. Panatag na akong hindi kabit ang kasama ng asawa ko.

Paalis na ako nang biglang may tumawag sa pangalan ko at pamilyar na boses iyon. Malabo akong magkamali. Alam kong si Ervin iyon.

Napakagat ako sa ilalim ng labi ko at napapikit pa nang madiin. Hindi ako marunong magtago. Ano ba 'yan!

Nag-aalinlangan akong bumaling ng tingin sa kanila at katulad ng inaasahan, pak. Nakatingin na sila sa akin kasama iyong business partner niyang nakatawa.

My ghad! Parang gusto kong magpalamon sa lupa.

"Honey, halika rito." Nilapitan at inakbayan niya ako. Sinabayan niya akong magpunta sa kinaluluguran niya. Napatanggal na tuloy ako ng balabal sa mukha ko pati na rin ang salamin na suot ko.

"H-Hi," nauutal na bati ko sa kasama niya at yumuko para magbigay galang.

"Hello, Mrs Thompson. Nice to meet you," wika ng lalaki kasunod ang pagtaas ng kamay niya para makipagkamay sa akin.

"Nice to meet you po. Ako nga po pala si Yvonne, a-ang asawa ni Ervin."

"I know, I know. I'm Joseph Lee, one of Ervin's business partners," aniya at nakipagkamay na sa akin.

"Honey, maupo ka na. Sabay sabay na tayong kumain dito. Ipakikilala ko na rin ng lubos sa iyo si Mr. Lee. Siya ang napakagaling at napakalakas na business partner natin," aniya.

Nagpatuloy na sila sa pagtatawanan at pag-uusap habang ako, heto. Ilang na ilang sa ginawa ko. Sobrang hiyang-hiya ako pero kahit ano'ng gawin ko, hindi ko na maibabalik ang oras na nasa bahay lang ako at kumakain ng pop corn habang pinanonood ang idol ko.

Sana pala hindi na lang ako umalis. Baka ang nasa isip nitong si Mr. Lee, e, masyado akong nakabuntot sa asawa ko at ayokong nawawala siya sa paningin ko.

I sighed.

Nang matapos silang mag-usap nang masinsinan, nauna nang umuwi iyong si Mr. Lee. Naiwan naman kami ni Ervin dito at mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko.

"Honey, kung iniisip mong babae ang pinuntahan ko, nagkakamali ka. Alam kong mahirap magtiwala ulit pero sana subukan mo. Nakakahiya tuloy kay Mr. Lee," aniya na ikinainit ng ulo ko.

"Aalis na nga ako, e, kaso tinawag mo pa ako. Masisisi mo ba ako kung wala na akong tiwala sa 'yo?"

"E, nakita ka na kasi ni Mr. Lee. Alam kong sinundan mo ako, honey. Kanina ko pa alam na nakasunod ang kotse mo sa kotse ko. Hinayaan lang kita nang mapatunayan ko sa 'yong hindi babae ang ipinunta ko rito kundi trabaho."

Ngumisi na lamang ako imbis na magsalita.

"Sige na. Mauuna na ako umuwi." Tumayo na ako at inayos na ang suot kong damit nang bigla niya akong hilahin ulit paupo sa tabi niya.

"Hindi na. Tutal nandito na tayo, e, mag-date na tayo. May gusto ka pa bang kainin?"

Sandali akong natahimik sa sinabi niya bago ako tumango.

"Fries at sundae lang," sagot ko.

Tinawag niya naman iyong waiter at um-order na. Sandali lang ang hinintay namin at dumating na kaagad ang waiter.

"Teka, puro ice cream na ang gilid ng labi mo." Kumuha siya ng tissue at pinunasan ang bibig ko.

Panandalian akong natulala sa kaniya habang seryoso siya sa ginagawa niya.

Na-miss ko 'to…

"Araw araw akong mag-e-effort at hihingi ng tawad sa 'yo, honey, hanggang sa mapatawad mo na ako," sabi pa niya sabay ang paghawi ng mga hibla ng buhok na tumatabing sa mukha ko.

"I love you," dugtong pa niya.

Bigla akong nakaramdam nang pagkailang kaya iniiwas ko ang tingin ko sa kaniya at muling kumain ng fries.

Kung sanang ganyan ka na lang palagi at kuntento sa akin, hindi siguro tayo mag-aaway at hahantong sa ganitong sitwasyon. Gusto kong magpatawad pero nasa healing process pa ako. IpagpapasaDiyos ko na lamang ang mga nangyayari sa atin, Ervin.

Nang matapos naming ubusin ang lahat ng in-order niya, umuwi na kami. Dahil malayo-layo sa bahay ang restaurant na pinuntahan namin, pagod na pagod na ako nang makarating sa bahay. Gayunpaman, naligo ako agad nang makapagpahinga na ako ng deretsyo. Hinahanap na ng katawan ko ang kama.

Humiga ako sa kama nang makaligo ako. Sa kama na rin ako nagsuklay at nagpahid ng lotion sa katawan. Kulang dalawang oras din yata kaming bumyahe kanina.

Nang makita kong pumasok na ng kwarto si Ervin ay nagtulog-tulugan ako. Ayoko muna siyang makausap.

"Honey, tulog ka na?" malambing niyang tanong sa akin. Tumabi na rin siya sa akin at niyakap ako.

Hindi ako kumibo at ipinagpatuloy ko ang pagtutulog-tulugan ko.

"Honey, basa pa ang buhok mo. Huwag kang matulog nang basa ang buhok mo. Gusto mo, i-blower kita?"

Napadilat ako sa tanong niya. Nakatalukbong sa akin ang kumot kaya hindi niya ako makikita. Pero ano raw ang sabi niya? I-bo-blower niya ang buhok ko? Weh?

"Kukuhanin ko lang ang blower mo, honey. Matagal ko nang pangarap na i-blower ang buhok mo, e. Hindi ko lang nagagawa," wika niya at bumaba ng kama.

Pinakiramdaman ko siya at ilang sandali lang, umakyat na ulit siya sa kama.

"Honey, bangon ka na. Heto na 'yong blower. Sinaksak ko na rin," sabi pa niya at pinatunog na ang blower. Wala na akong nagawa kung hindi ang tanggalin ang kumot.

Saglit pa akong nakipagtitigan sa kaniya bago niya ako nginitian ng pilit. Wala akong ibinulong nang bumangon at tumalikod sa kaniya. Hinayaan ko lang siyang patuyuin ang buhok ko.

"Alam mo, honey? Noong una tayong nagkita, ang buhok mo talaga ang una kong nagustuhan, e," aniya.

Bigla akong napalingon sa kaniya nang nakataas ang kilay. Bahagya naman siyang tumawa.

"Oo nga. Sobrang haba kasi ng buhok mo noon at sobrang straight din. Itim na itim at makintab pa. Gandang-ganda ako sa buhok mo lalo na nang makita ko ang mukha mo. Naka-mask ka kasi noong una kitang nakita. Nang tanggalin mo iyon, natigilan ako. Feeling ko nga, na-love at first sight ako sa 'yo noon," dugtong pa niya.

Taas na taas ang kilay ko sa mga naririnig ko. Patuloy kong pinakiramdaman ang bawat kilos niya.

"Nang panahon na 'yon, ang daming nagkakagusto sa 'yo. Sikat ka kasi sa school no'n dahil matalino ka. Running for valedictorian ka noon, 'di ba?" tanong niyang tinanguan ko naman.

High school sweethearts kasi kami. Almost 3 months bago siya umamin sa akin at mahigit isang taon din niya akong niligawan bago ko siya sinagot. Nag-aalinlangan kasi ako sa kaniya noon dahil mukha siyang babaero. Sikat din siya noon dahil sa angking kagwapuhan at kakisigan niya. Madalas pa siyang sumali sa mga contest noon.

"Akala ko nga hindi mo na ako sasagutin no'n, e. Akala ko wala akong pag-asa sa 'yo," malungkot niyang sabi. Hindi pa rin ako nagsalita.

"Mabuti na lang at napa-oo kita. Sa tuwing naaalala ko kung saan tayo nagsimula, kahit lalaki ako, kinikilig ako."

Hindi ko alam kung nagbibiro na lang ba siya o nangbobola na. Dahil ba may kasalanan siya sa akin ay gumaganito siya nang lambingin ulit ako? Kung pinapahalagahan niya pala iyon, sana hindi niya ako pinaglololoko ngayon.

"Sorry honey, ha? Sorry kung nasaktan kita."

Kahit na parang hinahaplos na ang puso ko, hindi ko pa rin siya kinibo. Ayokong magsalita. Ayokong mag-aksaya ng laway. Hangga't may pasa sa mukha ko, mananatili sa isip ko ang mga pambubugbog at pagtali niya sa mga kamay at paa ko noon.

"Ayan! Tuyo na, honey. Mahiga ka na," wika niya.

Sinunod ko iyon at nahiga na. Patalikod ako sa kaniyang nahiga at pumikit. Muli akong nagkunwaring natutulog.

"Good night, honey." Naramdaman ko ang paghalik niya sa pisngi ko bago niya pinatay ang ilaw sa gilid niya.

Pinakiramdaman ko kung natutulog na ba siya bago ako dumilat at tumulala sa kadiliman.

Kung talagang mahal mo ako, hindi mo magagawang saktan ang puso ko ng ganito, Ervin. Madaling sabihing magpatawad pero ang hirap. Mahirap gawin lalo na kung sinugatan ka nito nang matindi.