Chapter 11: Hinala

YVONNE'S POV.

Nakatitig nang kwestyunado ang mukha ni Akiro sa akin. Ako naman itong bumuntong hininga at uminom ng juice.

Kakarating niya lang dito sa bahay. Pinapunta ko muna siya habang wala pa si Ervin. Pumasok siya sa trabaho, e.

"Hindi ka ba magkukwento? Naiirita na ako sa utak ko. Ang dami kong tanong, frenny," nagmamaktol na sabi niya.

Natawa ako nang bahagya at sarkastiko siyang sinagot, "Magtanong ka kasi. Hindi ko alam kung saan ko sisimulan, e."

Napairap at napasapo siya ng noo. "My gosh, frenny! Simulan mo sa kung saan ka komportable. Nakangiti ka riyan pero ang lungkot ng mga mata mo. At saka akala mo ba ay hindi ko nakikita 'yang pasa sa pagmumukha mo? Ano 'yan, ha?" napakataray niyang tanong. Kung magsitaasan ang kilay niya ay akala mo, wala ng bukas.

"Wala ito. Nasubsob lang ako kahapo—"

"Nang ganiyan kalaki? Gosh, frenny! Hindi ako kahapon pinanaganak, okay? Tell me. Sinaktan ka ba niya?"

Hindi ako napaimik. Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Unti-unti kong naramdaman ang pag-init ng mga mata ko. Muling namuo sa gilid niyon ang mga luha ko.

"Argh!" angal ko at tumingala sa sofa. Pinunasan ko ang mga luha ko bago ko inayos ang pagkakaupo ko.

"Sabi na, e. So, ano? Hiniwalayan mo na ba?"

Umiling ako.

"Ano? Hindi pa rin?" gulat na gulat na tanong niya.

"Huwag ka ngang maingay, Akiro! Baka bigla siyang dumating. Ano ka ba?" suway ko sa kaniya.

"Sorry naman. Pero ano ba kasi? Bakit hindi ka pa nakipaghiwalay? Tignan mo 'yang mukha mo, ang laki ng pasa. Kahit itago mo pa iyan ng make-up, kitang-kita pa rin."

"Hayaan mo na. Okay lang 'yan."

"Ano ka mo? Ano'ng okay? Tanga ka ba?"

"Oo. Tanga nga. Pinagbigyan ko ulit, e." Sabay ang pag-inom ng juice sa basong hawak ko.

"Ano? Tanga! Tanga ka nga talaga!" Napasapo siya sa noo bago muling nagsalita, "Frenny, confirm. Hindi ka lang tanga, bobo rin," nakairap na naman na sabi niya.

Napapikit na lang ako. Kahit masakit, tatanggapin ko na lang. Totoo naman, e.

"Wala, e. Mahal ko kasi."

"Ayan tayo sa mahal mahal na 'yan, e. Kaya tayo nasasaktan kasi sa kakamahal mahal na 'yan, e."

"Bakit ikaw? Kaya ka nga din nasaktan kasi mahal mo ang asawa mo, e. Hindi ba at pinatawad mo pa rin siya para lang sa mga anak niyo? May kino-consider ka kaya imbis na hiwalayan mo siya, ano'ng ginawa mo? Huminahon ka, 'di ba? Alang-alang sa mga anak mo, pinili mong lumaban at pagbigyan siya."

Para bang natahi ng malalaking sinulid ang bibig niya. Hindi siya nakapagsalita. Napakamot na lang siya sa ulo niya.

"S-Sabi ko nga. Teka nga. Bakit ka ba galit na galit, ha?"

"Hindi ako sa 'yo galit. Galit ako sa sarili ko."

"Ha?"

"Kasi hindi na ako nagising. Kahit sinasampal na ako, tulog pa rin ang diwa ko sa katotohanan. Kahit na gaano pa kasakit ang ginawa niya sa akin, heto ako, nagpapakabulag pa rin ako kasi mahal ko siya, e. Mahal ko pa rin siya, Akiro, kahit ang sakit sakit na." Ilang ulit kong kinabog nang mahina ang dibdib ko at umiyak nang malakas.

Natahimik siya at umupo sa tabi ko. Hinagod niya ang likod ko at mahigpit na hinawakan ang kamay ko.

"Okay lang 'yan. Magiging maayos din ang lahat. Pero sana, sa susunod na ulitin niya 'yan, kusa mo nang iuntog ang sarili mo sa katotohanan nang magising ka na. Sa ngayon, susuportahan kita sa gusto at nararamdaman mo. Nandito lang ako, frenny," wika niya at hinayaan akong umiyak.

Niyakap ko siya nang mahigpit at iniiyak ko ang lahat. Gusto ko nang maging okay. Ayokong habang buhay ay malugmok sa kalungkutan.

"Tumahan ka na. Maganda na rin na binigyan mo siya ng second chance. Ano bang malay natin kung magbago na talaga siya, 'di ba? Ngayon kung hindi, oras na para tapusin ang dapat tapusin."

Tumango ako bilang pagsang-ayon habang pinupunasan ang mga luha ko. Tumingala ako upang tignan siya.

"Nauunawaan kita, frenny. Pinagdadaanan ko rin iyan ngayon sa asawa ko. Kaya natin 'to. Malalagpasan mo rin ang lahat ng pagsubok, frenny. Mabuti nga at wala pa kayong anak, e. Wala kayong iniisip na batang masasaktan. Sa ngayon, huwag ka munang magpapabuntis hangga't hindi mo pa nakikita ang totoong pagbabago niya.

Muli akong tumango upang sang-ayunan siya. Magsasalita na sana ako nang biglang tumunog ang cellphone niya.

"Teka lang, frenny." Tumayo siya at kinuha sa kabilang sofa ang cellphone niyang tumutunog at saka iyon sinagot.

"Oh, anak? Bakit?"

"Ano?!"

"Oh sige, sige! Huwag mong iiwanan diyan ang kapatid mo. Pauwi na ako. Maliwanag? Sige na. Ba-bye!" Kaagad niyang ibinaba ang cellphone na hawak niya at nagmamadaling isinuot ang shoulder bag na dala niya kanina.

"Ano 'yon? May masama bang nangyari?" nag-aalalang tanong ko at pinunasan ko ang pisngi kong may bahid ng luha.

"Ang anak kong bunso, inaapoy raw ng lagnat. Diyan ka muna at uuwi lang ako. Baka mapano ang anak ko kapag hindi kaagad nadala sa hospital. Wala raw ang tatay nila roon."

"Ano? E, teka lang! Sasama ako."

"Hindi na. Ako nang bahala sa mga bata. Ang gawin mo, magpahina ka na lang dito at mag-isip ka. Babalitaan na lang kita mamaya." Nagmamadali siyang tumakbo palabas ng bahay nang hindi na nagawa pang hintayin ang sagot ko.

"A-Akiro..."

ALAS-SINGKO na nang hapon nang makauwi si Ervin. Naabutan niya ako sa sofa na nanonood ng TV at kumakain nang iniluto kong pop corn kanina.

"Hi, honey! How are you?" tanong niya nang makalapit sa akin at hinalikan ako sa pisngi.

"I'm fine," maikling sagot ko. Siya naman ay pigil ang pagbuntong hininga kasunod ang pagkibit balikat.

"Ah, honey? I-o-order na lang kita ng dinner mo, ha? May importante pa kasi akong pupuntahan, e."

Napalingon ako sa kaniya nang magkasalubong ang kilay.

"Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong ko.

"Sa kaibigan lang. Matagal na kaming hindi nagkita, e."

"Sino naman? Saan kayo magkikita?"

"Sa isang restaurant. Mag-di-dinner lang kami at may mahalaga din kaming pag-uusapan tungkol sa company."

Tahimik akong sinundan siya nang tingin habang isinusubo ang pop corn na hawak ko.

"Maliligo na ako, honey," paalam niya.

Tumango lang ako nang nakasunod pa rin ng tingin sa kaniya.

Parang nakakapagtaka naman yata o sadyang praning lang ako? Na-praning na yata ako dahil sa mga pinaggagagawa niya. Parang ang hirap na tuloy magtiwala sa kaniya.

Sa kaibigan ba talaga siya pupunta o sa kalaguyo niya?

Teka, break na ba sila ni Sheila?