Chapter 16
"Mama! mama, gising na po," ingay ng anak ko ang nagpagising sa akin. Minulat ko ang mga mata at nakangiting dumungaw si Saul.
"Mama, gising na po, magsisimba pa po tayo ngayon!" natatawa na lang akong makita siyang handang-handa na para magsimba, samantalang ako ito kakagising ko pa lang.
Nakarating ako kagabi galing sa bar bandang alas onse na, hinatid na kami ni Dino dahil hindi pwede na mag tataxi ako na mag-isa. Hanggang ngayon hindi pa rin mawala sa isipan ko na nakita ko si Eula, hindi ako nagkakamali, siya talaga yon.
Bakit siya nandito sa Cebu? Sinusundan niya ba ako?
"Mama, let's go. Ikaw na lang ang hindi nakapag bihis, kanina pa ako." nagdadabog na ang anak ko. Napapangiti na lang ako dahil ganito din minsan ang ama niya. Kapag pumupunta yon sa bahay at may lakad kaming dalawa, umabot na lang kami ng 30 minutes o mahigit pa bago umalis ng bahay dahil ang bagal ko.
Hindi naman ako matagal sa pag mamake-up dahil lipstick ayos na ako, tinutulungan ko pa kasi sina mama sa mga gawaing bahay. Kahit tinataboyan na ako ni mama ay sige pa rin ako ng sige.
Wait, bakit ba pumasok sa isip ko ang lalaki na yon?. Wala na kami kaya dapat hindi ko na alalahanin pa ang nakaraan namin.
Dahil malapit ng malukot ang mukha ng anak ko kaya nagmamadali na akong pumunta ng banyo.
Linggo ngayon kaya ipapasyal ko ang anak ko dahil wala ako next week ng tatlong araw at dalawang gabi. First time kung mawalay sa anak ko kapag natuloy nga. Kung hindi ko lang kailangan ng pera ay hindi na talaga ako sasama.
Nakapagsimba na raw sina mama at papa kanina, kasama ang mga kambal. Dahil nasabihan ko na ang anak ko na mawawala ako dahil sa trabaho kaya nag suggest na lang ako na ipapasyal ko siya at tuwang-tuwa nga at sa sobrang excited ito na ready na siya sa kanyang white polo with black pants at white shoes na damit.
Siya na lang ang nagbibihis ng sarili niya, hindi na talaga siya yung dating baby ko na ako lahat, ngayon marunong na siya. Minsan nga ay sinasaway pa ako dahil alam na niya daw ang ginagawa niya.
Ni minsan hindi talaga ako binibigyan ng sakit ng ulo ng anak kong ito eh, kahit sa school niya, lagi niya na lang pinagmamalaki ang kanyang maraming star.
"Ok na ok na, magbibihis na si mama, malapit na akong matapos maligo!" sigaw ko sa loob ng banyo para hindi na magtampo.
Lumabas na muna siya at ang batang yon, inorasan pa talaga ako.
"Ma, ipapasyal ko lang po muna si Saul pagkatapos magsimba kaya siguro hindi na kami dito maglulunch, baka dinner dito po, alam niyo na.. wala ako next week ng ilang araw at first time kung mawalay sa anak ko, kaya kailangan kong maglambing," sabi ko habang kumukuha ng sachet ng kape. Iinom muna ako nito bago umalis para hindi sumakit ang ulo ko at makatipid kaysa bibili pa sa labas.
Napabuntong hininga si mama kaya nilingonan ko siya, nakatitig na pala sa akin.
"Hindi mo ba ipaalam sa kanya anak ang tungkol kay Saul?" bigla na lang akong huminto sa paglalagay ng mainit na kape sa baso dahil sa sinabi ni mama. Sinabi ko kasi sa kanya na ang boss ko ay dating kasintahan ko. "May karapatan siyang malaman ang tungkol sa anak niyong dalawa Mica. Lumalaki na si Saul, alam kong maraming katanungan sa isipan niya lalo na at nag-aaral na ang bata, pero ang maganda lang sa kanya ay hind ka niya kinukulit. Sa tingin mo na ayos lang sa kanya pero hindi anak, matalino ang anak mo. Alam niya ang nangyayari sa paligid niya," sabi ng mama ko.
"Mama?"
"Kaya mo yan anak, itanong mo rin kung bakit niya ginawa ang bagay na 'yon," aniya habang hinahaplos ang aking balikat.
"Hindi ko pa kaya ma, paano kung may gagawin s'ya sa anak ko? Paano kung ayaw niyang maniwala na anak niya si Saul, kasi di ba? Siya ang dahilan ma kung bakit kamuntikan akong makunan, siya ang dahilan kung bakit lagi akong balisa na akala ko kapag makakita ako ng tao pulis ay huhulihin nila ako dahil sa ginawa ko sa babaeng iyon."
Simula nung nangyari sa akin at medyo gumaling na ako ay sinabi ko na sa kanilang dalawa ni papa ang nangyari sa akin 6 years ago. Hindi madali na sa isang iglap, yung taong alam ang ibang pangarap ko ay siya rin ang taong sumira.
Nagising ako at agad minulat ang mga mata, hindi ito ang bahay namin. Bakit nandito ako? Teka bakit nakagapos ang mga kamay ko ngayon? Anong nangyayari?
Pinilit ko ang sarili ko na makawala sa pagkakagapos, bandana yata ito o tela lang ang ginawang pantali sa kamay ko.
Teka, si Ignacio? Bago ako nawalan ng malay ay nakita ko pa siya sa hindi kalayuan. Pumayag siya na makipag-usap sa akin pero bakit narito ako at bakit niya ako iniwan sa malamig na sahig, gawa ng bamboo.
Nasa maliit ako na kubo kung saan dito kami pumupunta ni Ignacio kapag wala kaming maisip na pupuntahan pero bakit nagawa niya sa akin ito. Anong plano niya?
"Ignacio! Ignacio!" tawag ko at nagbabakasakali na balikan niya ako.
"Ignacio, tulong! Nasaan ka?" sigaw ko parin sa pangalan niya.
Maya-maya may bumukas na pinto. Inangat ko ang tingin ko at hindi si Ignacio ang bumungad sa akin.
"Sino ka?" tanong ko dahil hindi ko masyadong maasinag ang mukha niya dahil ang buwan lang ang tanging ilaw ko. Hindi sinagot ang tanong ko kundi tumawa lang ito. Boses babae.
"Ang tanga mo naman Michaella, remember me?"
Pilit kong tinititigan siya kung sino ang babaeng nasa harapan ko. Na matanto kung sino ito ay bigla akong natakot. Bakit siya nandito, bakit ako nagkaganito? Anong nangyari sa kanya? Hindi na siya ang Eula na nakilala ko dati na parang reyna ng campus sa school na halos lahat ng estudyante ay takot sa kanya.
"Anong kailangan mo sa akin? Bakit Ikaw ang nandito? Nasaan si Ignacio?" sunod-sunod na tanong ko. Pilit pa ring tinatanggal ang nakagapos sa aking mga kamay na nasa likod. Iba ang pakiramdam ko dito sa babaeng ito.
Isa pa, baka hahanapin ako ng mga magulang ko kapag nalaman nila na wala ako ngayon sa bahay ng ganitong oras.
Umupo siya sa may silya na plastic doon habang nakatitig sa akin, nakangisi, "Ohh si Ignacio, well siya lang naman ang nagsabi sa akin kung saan ka hahanapin. See? Pinaubaya ka niya sa akin." saad niya.
"No, hindi ako naniniwala," sigaw ko sa pagmumukha niya pero isang malakas na sampal ang natanggap ko.
"Really, oh wait. Ito oh conversation namin, sa tingin ko naman ay maniniwala kana nito." may pinakita siya sa akin sa cellphone.
From: Ignacio
Papunta na ng dalampasigan, abangan mo na lang. Ikaw na ang bahala sa kanya.
To:
Babasahin ko pa sana pero pinatay niya na agad ang cellphone niya at nilagay sa kanyang bulsa.
"See? Naniwala kana?"
Ignacio, bakit? Bakit ginawa mo ito sa akin? Gusto lang naman kitang makausap, wala akong kasalanan. Bakit ang bilis mong manghusga sa pagkatao ko.
Binalingan ko si Eula, matalim ang mga matang napatingin ako sa kanya.
"Anong kailangan mo sa akin? Wala akong ginagawang masama sa'yo!"
"Wala?" malakas itong tumawa." Akala mo lang yon Mica, Bakit? Dahil anak ka lang naman sa taong kinamumuhian ko kung bakit nagkasakit ang ina ko!" sigaw niya.
"Ano? Eula hindi kita maintindihan. Anong sinasabi mo?" bakit nasama sa usapan namin ang mga magulang ko?
"Kung hindi lang hiniwalayan ng ama mo ang ina ko eh di sana hindi na depress ang mama ko," huh?
" Hindi kita maiintindihan Eula, walang ibang babae ang papa ko kundi ang mama ko lang, nagkakamali ka ng bintang," saad ko dahil buong buhay ko, trabaho at bahay lang ang ginagawa ng papa ko. Bakit niya nasabing… no.. hindi walang naging kabit ang papa ko habang sila pa ni mama, hindi.. hindi totoo.
"Oo, unang minahal ng papa mo ang mama ko pero dahil inagaw siya ng malandi mong ina kaya noong nagkita sila ulit ay bumalik ang depression niya. Nagmamakaawa ang mama ko na magkabalikan sila pero ayaw ng papa mo!" galit na sabi niya. Lumabas na ang mga ugat sa kanyang leeg habang sinasabi niya ang mga bagay na yan.
Umiling ako, dahil may natanto, " ikaw ba ang naglagay ng mga nakasulat sa mga dingding para takutin ako? Kaya ba, kahit wala akong ginagawa ay ako lang halos ang pinag-iinitan ng ulo mo sa klase, dahil simula pa lang kilala mo na ako?" kaya ba isa ako sa mga nabubully niya?
Ngumisi ulit siya, "tompak, dahil sa mukha mong pangit ay talagang nakakadiri ka. Mas lalo lang kumukulo ang ulo ko na malaman ko kung bakit hindi ako ngayon masaya sa bahay. Dahil sa isang tao at malas lang dahil anak ka niya?"galit na saad niya.
"Eula, hahayaan mo lang ba na mapunta sa mali ang lahat? Bakit hinayaan mo na magka ganyan ang mama mo? Hindi ba pwede na alagaan mo na lang siya. Hindi ka ba naawa sa papa mo na binalewala mo na lang para lang mapunta sa maling tao ang mama mo?" mahinahon kong sabi sa kanya.
"Hindi minahal ng mama ko ang papa ko kahit kailan Mica, alam mo ba yung pakiramdam na yon?" sabi niyang mangingiyak na pero pinigilan lang.
"Hindi ko alam ang pakiramdam na yon Eula pero sana lang tinulungan mo ang mama mo na bumangon, hindi pwede maging sila ni papa dahil hindi na niya ito minahal. Kaya bakit kailangan mong sirain ang pamilya k–" isang sampal ang natanggap ko ulit sa kanya.
"Dahil ayokong nakikita kayong masaya, lalo na ikaw Mica, katulad ka rin ng mama mo na malandi alam mo na yun? Kahit si Ignacio, gusto mong agawin sa akin? Malandi ka! Ako ang pakakasalan niya, nakatadhana kami para sa isa't-isa, pero dahil mga bata pa kami kaya hindi pwede tapos ngayon malalaman ko na lang na kayo na." mas lalo yatang nanikip ang dibdib ko sa mga nalalaman.
Si Ignacio ikakasal na sa kanya? Pero bakit ipinagpatuloy niya pa ang pagpapanggap sa relasyon naming dalawa? Para saan?
"No hindi ako naniniwala Eula, mali ka. Please pakawalan mo na ako, hinahanap na ako sa amin."
Tumayo siya sa plastic na silya at lumapit sa akin, hinila niya ang buhok ko at inangat ang ulo ko, masakit ang anit ko dahil sa higpit niya na pagkahawak, "Pakawalan? Pakawalan lang kita kapag napatay na kita Mica." natakot ako sa sinabi niya. Biglang namilog ang mga matang nakatitig sa kanya. "Total binigay ka na ni Ignacio sa akin dahil nga naging kayo na, ang swerte mo na pero lumandi ka pa sa iba, see… katulad ka rin ng mama mo, Mica."
"No! Bawiin mo ang sinasabi mo dahil hindi totoo na ganyan ang mama ko Eula!" sigaw ko sa kanya. Mabait ang mama ko, nararamdaman ko na hindi marunong umagaw ng kasintahan ang mama ko, no hindi walang agawan na nangyari. "Pakawalan mo ako," pagmamakaawa ko sa kanya. Pinipilit ko pa ring tinatanggal ang nakatali sa mga kamay ko at nararamdaman ko na malapit ko na itong matanggal. Please God. Baka hinahanap na ako ng mga magulang ko.
"Papatayin muna kita then isusunod ko ang mga magulang mo para hindi na hinahanap ng mama ko ang walang kwentang ama mo at dahil sa'yo pati pag-aaral ko sinira mong gaga ka! Na expelled lang ako dahil sa kabebehan mo!" sigaw niya at binalibag niya ako sa sahig na kahoy. Hindi agad ako nakagalaw dahil bigla akong nahilo, natamaan ang noo ko sa silya na inuupuan niya kanina bago ako nasubsob sa sahig.
"Please Eula, nagmamakaawa ako," naluluhang sabi ko sa kanya. Para siyang sinapian ng masamang espiritu. Bakit siya ganito, nanlisik ang mga matang nakatingin sa akin.
"Gagawin kong miserable ang buhay niyo, Mica. Dahil nandito ka na naman, mas madali sa akin na gawin ang gusto ko." no, hindi ito si Eula. Ibang-iba na talaga siya ngayon.
Hindi kaya totoo ang sinabi ng ibang estudyante na nakikita daw nila si Eula na kasama ang mga addict na lalaki? Hindi kaya, hindi maari. Kailangan gumawa ako ng paraan.
Pinilit kong makaupo, bumalik sa pag upo sa silya si Eula habang naninigarilyo, maya-maya may kinuha siyang cellphone sa bulsa at kutsilyo? No! Hindi maari, hindi pa ako handang mamatay at lalong- lalo na sa mga kamay ni Eula.
Pinilit ko paring tanggalin ang nakatali. Alam kong magkakaroon ito ng pasa ang pulso ko pero wala na akong pakialam, kailangan iligtas ko ang sarili ko at baka mapahamak pa ang mga mahal ko sa buhay. Wala akong kalaban-laban kay Eula dahil may kaya ang pamilya niya. Kaya niyang baliktarin ang pangyayari.
Malaking pasasalamat ko na natanggal ko ng tuluyan ang pagkatali sa akin. Busy si Eula sa pakikipag-usap sa cellphone niya at wala siyang kaalam-alam na malaya na ako.
"Sure Ignacio, ako ang bahala sa kanya."
Bakit? Bakit Ignacio? Bakit kailangan mong gawin ito sa akin?
Pagkatapos niyang ibaba ang cellphone niya ay tinanaw siya nito at malaking nakangisi. Binalik ko ang mga kamay sa likod para hindi niya malalaman na wala na akong tali. Baka hindi pa ako nakatayo ay nasaksak niya na ako.
Unti-unti siyang lumalapit sa akin. "Narinig mo ba yon? Ako na daw bahala sa'yo, bitch. Hmmm tawagin ko kaya ang ex boyfriend ko na mahilig sa mga feeling inosente. Alam mo bang gusto ka niyang matikman? Kaya pwede siguro.. makapaghintay pa ako, bago kita patayin." lakas ng tawa niya. "Hindi lang yan, pwede ko kayong videohan at kapag natapos na kayo ay pwede kong ipasa ang scandal niyong dalawa sa mga kaibigan ko para naman mag-enjoy ang mga gago, ano sa tingin mo Mica?" aniya na.
"Eula ano bang pinagsasabi mo? Babae ka rin tapos ganyan ka mag-isip sa k–" isang lagapak na naman na sampal ang dumapo sa pisngi ko.
"Wag mo akong tinuturuan! Ito ang gusto ko ako ang masusunod." sigaw niya sa akin. Ngunit napasigaw na lang ako sa sobrang sakit dahil bigla niya na lang nilagay ang sigarilyo niya sa balikat ko.
Bago pa niya inulit ay sinipa ko na siya sa mga tuhod at napahiga siya sa sahig. Agad akong tumayo at dumeretso sa pinto para makaalis na sa lugar na ito.
"Gaga kang babae ka, bumalik ka dito at papatayin kita." sigaw niya.
Ramdam ko ang pagkahilo at halos hindi ako makatakbo o lakad man lang ng maayos dahil sa sakit ng katawan at para akong nasusuka.
"Tulong!" Sigaw ko at nagbabakasakali na may makarinig sa akin. "Tulong! Tulungan niyo po ako! Ignacio!" walang tigil kong sigaw.
"Papatayin kita," sigaw ni Eula sa malapitan ang narinig ko bago ako natumba sa buhangin. Sinubukan kong gumapang pero hilong-hilo na talaga ako.
Nasa ilalim ako ng buhangin habang nasa ibabaw ko si Eula, matalim ang mga matang nakatitig sa akin.
Ngumisi siya at itinuon ang kutsilyo sa may mukha ko. Hindi ito si Eula, hindi ko na imagine na ganito na siya ka brutal. Bakit?
May nakapa akong bato sa may gilid ko kaya kinuha ko ito. Kaya bago niya pa maisaksak ang kutsilyo sa akin ay pinukpok ko ang bato sa kanyang ulo.
Bigla siyang natumba at nasubsob sa buhangin. Ilang segundo panitig sa kanya ay hindi na siya gumagalaw.
Bumangon ako at lumapit sa kanya. "Eula! Eula!" Niyugyog ko siya sa kanyang balikat at hinawakan ang ulo niya.
Pero yun na lang ang panginginig ng mga kamay ko na may naramdaman akong may malapot sa palad ko.
"No.. no… dugo? Eula?" dahil hindi pa rin siya gumagalaw kaya sa takot at taranta ko ay tumakbo ako palayo.
Umiiyak ako habang umiiling. "Lord God wala akong ginawang masama, wala akong kasalanan please. Please." Iyak ko na pakiusap sa Panginoon.
Tama nga ako na hinahanap nila ako dahil nakabukas ang mga ilaw. Nakarating agad ako sa bahay dahil sa sobrang kaba ko at wala akong ginawa kundi ang tumakbo ng tumakbo.
Bubuksan ko na sana ang pinto na kusa na itong bumukas at lalabas sana si papa.
"Anak, anong nangyari sayo, saglit bakit nagkaganyan ang itsura mo ha? May nangyari ba sa yo? May nag bastos ba sayo anak?" sunod-sunod na tanong ni papa habang umiiling ako.
"Anong yan pang, Mica? Anong nangyari sayo, bakit may mga dugo ang damit mo?" natatarantang tanong ni mama.
"Mama, papa aalis na po tayo dito!" sabi ko sa kanila.
" Huh? Bakit tayo aalis? May nangyari ba? Sabihin mo sa akin dahil pupunta agad tayo ng barangay!" pinipigilan niyang sumigaw.
Umiling ulit ako, "aalis na po muna tayo mama, papa, pakiusap.. pakiusap," iyak ko sa harapan nila. "Kahit saan basta umalis na muna tayo sa lugar na ito, please.. please," nanginginig kong sabi sa kanila. Hindi na nila ako makausap ng matino dahil sa walang tigil na pag-iyak.
Alam kong naiintindihan na nila ang pangyayari, hindi ko pa kayang ikwento sa kanila lahat. Hindi ko kaya... No… hindi pa siya patay. Buhay si Eula. Buhay siya.
"Mama tara na po, malalate tayo."
Bumalik ako sa realidad dahil sa tawag ng anak ko. Hanggang ngayon nandoon parin yung trauma na nangyari sa akin dati. Kaya noong nakita ko si Eula sa party ay napanatag ako kahit papano dahil buhay pa rin siya. Sana lang nagbago na siya at hindi na niya yon uulitin pa.
Kung darating man ang araw na magkaharap kami ay hihingi ako ng tawad, dahil sa pagpukpok ko sa ulo niya. Sana ganun din siya sa akin. Kasi naiintindihan ko na siya kung bakit niya nagawa ang mga bagay na iyon, kaya sana lang hihingi rin siya ng sorry sa akin, kung hindi man ay ayos lang basta ako, yon ang gagawin ko to have peace of mind.
Pero kay Ignacio.. hindi ko alam dahil kung hindi dahil sa kanya ay wala ako doon sa dalampasigan at nakikipaglaban sa buhay ko. Siya ang nagdala sa akin doon. Pinahamak niya ako. Kaya bakit ko ipapaalam sa kanya ang tungkol sa anak ko? May karapatan pa ba siya?
Dahil kung ako ang tatanungin, hindi ko pa alam. Hindi ko alam kung paano mag-umpisa.