Epilogo
Tahimik na nakatingin sa kalangitan ang batang Xiara at masayang pinapakiramdaman ang malamig na simoy ng hangin. Nakahiga siya sa damuhan at masayang naglalaro sa playground.
"Piolo, huwag ka ngang madaya. Kanina mo pa kami inaaway ni Eunice. Sige ka, isusumbong ka namin sa papa niya. Pulis 'yon," pagrereklamo ng batang Xiara sa kalaro.
Sa halip na makaramdam ng takot ay tinawanan lang siya ng kalaro at mas lalong inasar.
"Pulis nga papa niya pero uhugin naman siya. Eunice uhugin. Uhugin! Marami ka ngang laruan, hindi ka naman mahal ng mama at papa mo. Yaya mo nga ang nag-aalaga sa iyo," pang-aasar pa ng lalaki.
Nang dahil sa sinabi nito ay mas lalong lumakas ang pag-iyak ng batang Eunice kaya mabilis siyang pinatahan siya ng batang Xiara. Nasa duty kasi ang papa ni Eunice at architect ang mama niya sa Europe kaya madalas yaya niya ang nakakasama.
"Ayos lang yan, Eunice. Huwag mo na silang pansinin kasi inggit lang sila sa iyo. Love ka kaya ni Tito Robert. Tara na nga sa bahay niyo, doon na lang tayo maglaro," pagyaya ng batang Xiara.
Akmang maglalakad na sila palayo nang biglang batuhin ng lalaki si Eunice gamit ang tsinelas niya. Nang matamaan ito ay mabilis na nagtawanan ang mga kasama ng lalaki kaya muling umiyak ang batang Eunice.
"Sapul ang uhugin! Kawawa naman siya! Buti nga sa iyo. Huwag ka na kasing dadayo sa teritoryo namin," giit pa ng batang lalaki.
Hindi na napigilan ng batang Xiara ang sarili at mabilis na tumakbo papalapit sa lalaki at wala itong pag-aalinlangan na sinipa sa tiyan. Sinampal niya rin ito at dinuraan sa mukha bago tumakbo papalayo at hatakin ang batang Eunice.
...
Walang tigil sa pagluha si Eunice habang pinagmamasdan ang picture frame at inaalala kung paano sila nagkakilala ng kaibigan niya. Limang buwan na rin ang nakalipas pero sariwa pa rin sa isip at puso niya ang lahat. Parang kahapon lang mula noong iwanan siya ni Xiara.
"Bakit naman kasi ang daya mo? Ang sabi mo magkasama tayong lalaban? Sabi mo gagawin mo ang lahat para lang magsama pa tayo nang matagal? But what happened? Why did you just leave me alone?" mahinang hikbi niya habang hinahampas ang mga damo.
Mag-isa siyang nakaupo ngayon sa damuhan at hindi na rin niya alintana pa ang init ng araw na dumadampi sa balat niya. Gusto niyang matutunan na tanggapin na wala na si Xiara at hindi na muling babalik pero hindi niya pa kaya. Hindi niya alam kung saan magsisimula.
"B-Bakit mo ako iniwanan? Hindi ko kaya, Xiara. I've lost you. Wala akong nagawa para mapigilan ang sakit mo. I-I'm sorry. Sorry talaga dahil hindi kita nayakap at naiparamdam sayo kung gaano ako kasaya na nakilala kita. I'm sorry..." muling bulalas niya.
Sa pagkakataong ito ay tuluyan nang naglabasan ang mga luha niya pababa sa kaniyang pisngi. Wala siyang ano mang ideya kung papaano ba mawawala ang libo-libong karayom na nakatusok sa puso niya. Ilang luha na rin ang nailabas niya pero hindi pa rin nababawasan ang sakit.
"Miss na miss na kita. Sino na lang ang magtatanggol sa akin ngayon? Wala nang ibang may lakas ng loob para duraan ang kaaway niya sa mukha. Paano na ako?"
Samantala, pasado alas otso na ng gabi pero hanggang ngayon ay hindi pa rin umaalis mula sa pagkakaupo sa tulay si Leo. Marami na ang mga nagsasabi na bumaba na siya pero hindi niya ito pinakinggan. Gaya ni Eunice ay hindi niya pa rin magawang tanggapin na wala na si Xiara.
"Akala ko ba simpleng hemotypis lang? Kung alam ko lang na stage four leukemia na 'yan, sana mas nag-ingat ako. Sana hindi na kita pinatakbo. Sana ako na lang 'yung pumunta sa cafeteria para bumili ng pagkain na libre ko sa iyo. Sana hindi na kita pinagod pa," mahinang bulalas ni Leo.
Kanina niya pa minumura ang sarili at ang daming panghihinayang sa isipan niya. Ngayong araw ang birthday ni Xiara kaya kahit ilang buwan na ang nakalipas, tila biglaang bumalik ang lahat ng sakit na nararamdaman niya mula noong namatay ito.
"Ang daya mo. Ang dami mong iniwang memories sa akin na hindi ko na magagawa ulit dahil wala ka na. Akala ko ba ibabalik mo ang saya sa buhay ko? Tang ina naman! Mas lalo mo lang dinagdagan ang sakit na nararamdaman ko," dagdag pa niya.
Mariin siyang tumingin sa madilim na kalangitan at hindi niya mapigilang mapangiwi nang unti-unting magbagsakan ang malalaking tipak ng ulan. Tila sumasabay ito sa mga luha na nagsisimulang maglandas pababa sa pisngi niya.
"Tang ina! Bakit ngayon ka pa nawala kung kailan nagpasya na akong gustuhin ka? Kung alam ko lang na mangyayari ito, sana hindi na lang ako nagpadala sa mga ngiti mo. Paasa ka! Kung iiwanan mo rin pala ako, sana hindi ka na lang dumating sa buhay ko!" malakas na sigaw niya at muntik nang mahulog sa tulay.
Unti-unti niyang naalala ang senaryo noong huling beses na lumabas sila ni Xiara at pumunta sa playground. Ito ang gusto niyang puntahan bago sila mawala dahil sobrang daming alaala niya ang nagsimula sa playground. Ito rin ang unang beses na naramdaman niya ang sakit na si Xiara mismo ang dahilan. Gusto ng dalaga na isipin niya na walang sakit kaya kahit na mahirap ay pinilit ni Leo na tuparin ito.
Tirik na tirik ang araw subalit hindi ito alintana nina Xiara at Leo. Patuloy pa rin sila sa paghaharutan sa damuhan kahit pawis na pawis na.
"Xiara, halika rito! Hindi pa ako tapos. Kikilitiin kita! Bumalik ka rito!" natatawang sambit ni habang tumatakbo para habulin ang dalaga.
Tuluyan niya itong naabutan at walang pagdadalawang-isip na kiniliti sa tagiliran. Walang pakundangan ang pagtawa nilang dalawa. Masaya sila na para bang walang problema kinabukan na kailangang harapin.
"L-Leo! Tama na sabi. Ayoko na! Pakiusap! T-Tama na!" Tila isa siyang bulateng inasinan si Xiara habang kinikiliti ni Leo.
Puno ng halakhak ang munting palaruan at walang sino man ang maiisip na maglumpasay dito. Naglalaro na sa bente-anyos pataas ang edad nila subalit tila bata pa rin kung mag-isip.
"Sa susunod na tawagin ko pa akong bakla, may paglalagyan ka na sa 'kin. Ikaw talaga Xiara, ang pilya mo!" pagrereklamo ni Leo habang nakapangibabaw sa katawan ng dalaga.
Sa tingin ng iba ay nababaliw sila subalit sadyang sanay na ito sa presensya ng isa't isa. Kahit na ilang linggo lang mula noong magkakilala sila pero hindi ito naging hadlang para maging komportable sa isa't isa.
"S-Sandali lang kasi, hihinga muna ako. Ang tulis ng kuko mo, sakit sa tagiliran. Umalis ka muna sa ibabaw ko," pag-uutos ni Xiara.
Mabilis namang sumunod si Leo habang pinagmamasdan ang dalaga. Inayos nito ang kanyang sarili habang pilit na hinahabol ang hininga.
"Siguraduhin mo lang na may maganda kang ipapaliwang sa 'kin dahil baka ituloy ko ang balak sa 'yo," pagbabantang sambit ni Leo ngunit sa loob niya ay halos humalakhak dahil sa sobrang tuwa.
Hindi ito pinansin ni Xiara at mariing ngumisi. Alam niyang kapag sinabi niya ang dahilan, hahabulin na naman siya nito.
"Alam mo ba kung bakit?" nakabungisngis na tanong ni Xiara.
Umupo muna sila sa duyan nang sa gayon ay makabawi sa hangin na nawala kanina. Masyado silang natuwa at hindi namalayan ang naging epekto nito.
"Xiara, alam mo, kanina pa ako naiinis sa 'yo. Ang sarap mong kutusan pero alam kong bawal. Nakakagigil ka!" bulalas ni Leo.
Tumawa na lamang ang dalaga dahil alam niyang hindi siya kayang saktan ng binata. Masyado siyang importante para saktan.
"Leo, ilang ulit ko bang sasabihin sa 'yo na maghanap ka ng taong mamahalin at poprotektahan mo? Para hindi ka maiwang mag-isa kapag nawala na ako. Sandali, bakla ka ba? Leo naman, hanap mo ba lalaki?" pang-aasar na sambit ni Xiara.
Bahagyang lumukot ang noo ni Leo at mariing tumingin kay Xiara. Pinigilan niya ang sarili dahil kahit saang anggulo tignan, maling saktan ang mga babae. Isa pa, siguradong mapapagalitan siya ng tatay niya at mabubulyawan ni Eunice.
"Xiara, bakit ba ako maghahanap ng ibang mamahalin at poprotektahan kung nariyan ka naman? Ikaw talaga, hindi kita iiwan. Kaya magpagaling ka na para kumuha pa tayo ng maraming litrato at gumawa ng magagandang memories na magkasama," nakangiting sambit niya.
Tumayo siya sa duyan at pumunta sa likod ng dalaga. Unti-unti niya itong niyakap at hindi niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang luha.
"Leo, bakit ka umiiyak? Ikaw naman, hindi ka mabiro. Sige na nga, hindi ka na bakla. Pero basta kapag namatay na ako, ipangako mo na hindi ka iiyak nang dahil sa akin," pagbawi ni Xiara.
Nag-aalalang tumingin sa kaniya ang dalaga ngunit ngumiti siya. Hindi niya hahayaang mag-alala ang dalaga. Alam niyang makakaligtas ito at magsisimula na ang love story nila.
"Ganito na lang, para hindi ka na maging malungkot, kakantahan na lang kita. Ayos ba, Leo-tampuhin?" nakangising sambit ni Xiara.
Bahagyang tumango si Leo habang patuloy pa rin sa pagduyan sa dalaga. Ang bawat lirikong binibigkas nito ay tumatagos sa puso niya.
Insert: Kay Tagal by Mark Carpio
Walang tigil sa pagbagsak ang kanyang mga luha habang inuugoy sa duyan ang kapatid. Nakangiti ito habang kumakanta na animo'y walang problemang nadarama.
"X-Xiara, tama na. Nasasaktan na ako, mahal ko," naluluhang sambit niya.
Bahagyang lumingon sa kaniya ang dalaga at mas pinalawak pa nito ang kaniyang ngiti. Ang matamis na ngiti na nagdudulot sa kaniya ng ibayong sakit.
Hindi na niya kayang pigilan ang sarili at napahagulgol na lang habang pinagmamasdan ang dalaga. Damang-dama niya ang emosyon nito at bahagya pang pumalakpak. Sobrang suwerte niya na nakilala niya ito.
Bahagya siyang tumingin sa kalangitan nang sa gayon ay subukang patigilan ang kanyang luha ngunit nabigo siya. Nagsisimula na ring dumilim ang paligid at nagbabadya ang malakas na ulan.
"B-Bakit ang daya mo? Akala ko ba walang iwanan? P-Protektahan pa kita, hindi ba? Anong nangyari? Hindi pa nagsisimula ang love story natin pero iniwan mo na ako," naluluhang sambit niya.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa dalaga at napansin niyang napawi ang ngiti nito. Bahagya ring lumukot ang mukha at nagsimulang manubig ang mata.
"Leo, alam mo naman na mahal kita, hindi ba? Pakawalan mo na ako, itigil mo na ang pag-ugoy sa duyan. Sinasaktan mo lang ang sarili mo. Wala na ako at hindi na babalik pa," nagmamakaawang pakiusap ni Xiara.
Bahagyang umiling si Leo habang tumatangis. Hindi siya titigil sa pag-ugoy. Hindi niya kaya. Hindi niya alam kung papaano mabubuhay nang wala ang dalaga.
"Limang buwan na ang nakalipas, Leo, ngumiti ka na. Huwag mo nang balikan ang kahapon, at bigyan mo ang sarili ng pagkakataon. Pakiusap," nangungusap na sambit niya.
Sa isang iglap ay unti-unting naglalaho ang katawan ni Xiara habang nakatingin sa kanya. Muli siyang ngumiti sa dalaga. Ngumiti na may magkahalong pait at saya na kasama.
"Mahal na mahal kita, Leo. Lagi mong tatandaan na narito lang ako at mananatili sa puso mo. Maiksing panahon man tayong nagkasama pero sapat na ito para maiparamdam sa isa't isa kung gaano tayo kasuwerte," nakangiting sambit ni Xiara bago tuluyang maglaho ang imahe.
Mahigpit na hinawakan ni Leo ang duyan bago magpasyang umupo. Pilit niyang inalala kung anong dahilan at bumalik siya sa lugar na 'to. Bumalik sa kalunos-lunos na senaryo na ito
"Ano ka ba, Leo! Limang buwan na ang nakalipas. Palayain mo na siya. Patay na si Xiara! Wala na siya!" naiinis niyang sambit.
Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili subalit hindi niya kayang kalimutan ang minamahal. Ito ang pinaka-iingatan niya sa buong buhay ngunit kinuha sa kanya.
"Xiara, ang daya mo kasi. Akala ko hanggang dulo? Bakit mo 'yon ginawa? Bakit hindi ka lumaban? Akala ko ba hahanapan mo pa ako ng taong mamahalin at poprotektahan? P-Paano na lang ako?" bulalas niya.
Sinimulan niyang pagalawin ang duyan habang ginugunita ang mga masasayang alaala nila ni Xiara. Panahon na para sundin ang minamahal at kalimutan siya. Mahirap, ngunit dapat niyang kayanin.
"Hindi kita magagawang kalimutan, ngunit huwag kang mag-alala, malapit na tayong magkasama. Xiara, malaya ka na!" nakangiti niyang sambit habang ninanamnam ang pait.
Pagkatapos nito ay muli siyang bumalik sa reyalidad. Ngumiti siya kasabay nang unti-unting pagsariwa sa alaala ng mama niya at ni Xiara. Ito na ang dapat niyang ginawa noon pa man pero nagpadala siya sa bugso ng damdamin kaya hindi natuloy. Ngayon, wala nang ibang makapipigil pa sa kaniya.
"Ayoko nang maglaro," mariing giit niya bago ngumiti at hayaan ang sarili na unti-unting mahulog sa tulay.