Chapter 6 The call
Dahan-dahang minulat ng dalaga ang kanyang mga mata mula sa nakakasilaw na liwanag. Di man siya isang devoted na kristiyano ay pakiramdam niya noong mga oras na iyon ay nasa langit siya.
"Doc, gising na po ang pasyente!" Narinig niyang sabi sa background kasunod noon ay ang nag uunahang mga paa na papalapit sa kanya. Naramdaman niya ang kamay ng isang tao na marahan na binukas ang isang mata niya at ituon ang flashlight na hawak.
Napaungol ang dalaga sa pagnanais na iwasan ang mas nakakasilaw na liwanag na iyon.
"Miss, do you hear me? Igalaw mo ang iyong mga daliri kung naririnig mo ako." Utos nito sa kanya.
Dahan-dahang sinubukan ng dalaga na maigalaw ang mga daliri sa kamay. Narinig niya ang pagsinghap ng mga tao sa paligid niya.
Dahan-dahang minulat ng dalaga ang mga mata. Sa pagkakataong ito ay unti unti na siyang nasasanay sa liwanag.
"Nasaan ako?" Sa mahinang tinig ay tanong ng dalaga.
"Andito ka sa hospital. Anim na araw kang walang malay. Kumustang pakiramdam mo? May masakit ba sayo?" Tanong ng doctor sa kanya.
Marahan siyang umiling iling. Ang totoo ay may kirot siyang nararamdaman sa buong katawan pero wala yun kumpara sa sakit na dinaranas niya sa grupong iyon.
"Mabuti na lang talaga at nadaanan ka ng mga magsasaka habang patungo sila sa bukid noong madaling araw na iyon. Kung natagalan pa ay baka naubusan ka ng dugo sa katawan sa mga sugat na natamo mo. Ano ba ang nangyari? " Tanong ng nurse sa kanya.
Wala ding maisagot ang dalaga sa tanong na iyon. Nagtataka din siya kung papaanong nakaalis siya sa impiyernong lugar na iyon. Ang alam niya ay sinuntok siya ng isa sa dalawang lalaki bago siya nawalan ng malay. Papaanong nakaligtas siya sa mga kamay ng mga ito? Sino ang tumulong sa kanya?
Kasalukuyan:
Nagulat ang binatang detective nang tumunog ang cellphone na nasa kanyang bulsa. Nakakunot ang noong napatitig siya sa numerong nakarehistro sa screen. Ang numerong tumatawag ngayon sa kanya ay walang iba kundi ang personal number ng pinaslang na kaibigan. Kasama ng suspect na naglaho ang cellphone na iyon kaya sigurado siya na ang tumatawag sa kanya ngayon ay ang taong mismong pumatay sa kanyang kaibigan.
"Sino ka? Anong motibo mo bakit pinatay mo ang kaibigan ko?" Agad niyang tanong sa kabilang linya.
"Sssshhh kinakabahan ka na ba?"
Malamig ang boses ng kausap sa kabilang linya. Boses ng isang babae na kailan man ay di niya makakalimutan ang may ari ng boses na iyon.
Nanindig ang kanyang balahibo nang makilala ang kausap.
Ito na ang oras na kinakakatakutan niya. Ang mga oras na kailangan na niyang harapin ang kahapong pilit nilang binabaon sa limot.