CHAPTER 8

“Kasi nga sabi mo mahal mo ako! Kaya mo ginagawa ang lahat ng iyan, nakakuha ka lang ng kakampi, akala mo na kung sino ka, wala akong pake kahit sino pang lalake ang sumapo sa iyo, pero maghintay ka kung hanggang kailan ako magsasawa na ipadama sa iyo ang parusa ko!” mariing salita ni Simon sa kanya. Ngunit alam nitong tulak lang ng bibig, kabig ng dibdib ang salitang iyon.

Ngunit isang malakas na sampal ang ginawa niya kay Simon, galit siya at nasasaktan sa mga salitang paulit-ulit na niyang tinanggap sa puso niya, pero masakit pa rin. Masakit pa rin pala, kahit na anong sabi niya sa puso niya, nasasaktan pa rin siya kapag sa mga labi na ni Simon nanggagaling ang lahat.

“Okay Fine! Aalis na lang ako sa tabi mo, magmula bukas, hindi na ako papasok pa sa kwarto mo kahit kailan, baka mali ang strategy ko na paibigin ka pa, mali na ginagawa ko, ang lahat ng ito, mali na ipinipilit ko sa iyo ang sarili ko, mali, kasi mahal kita, kaya ngayon palalayain na kita, iiwan na kita!” banta niya pa sa lalaking hindi niya alam kung magagawa nga niya. Umiiyak siyang lumabas ng opisina ni Simon at tuluyan nang umalis.

“Gawin mo, iwan mo na ako, layuan mo na ako, iyang naman ang gusto ko, iyon ba talaga ang gusto ko?” palihim nitong natanong sa sarili. Habang sinundan na

lang ng tingin ang umalis na asawa.

NANG makauwi siya sa mansiyon nila, hinanap niya kaagad si Jemima, kinakabahan siya kasi nauna na itong umalis sa opisina, tinatawagan naman niya ang cellphone nito ngunit hindi naman sinasagot.

“Ma! Nandito na ba si Jemima?”

“Wala pa siya anak, hindi ba at kayo ang magkasama kaninang umaga?”

“Nagkaroon kasi kami ng pagtatalo, u-umalis siya,” nauutal na salita ni Simon.

“Ano? Bakit hindi mo manlang sinundan? O hindi ka manlang nagpakasiguro na dito uuwi, o nakauwi na?”

“Tinatawagan ko naman siya ma, kaya lang niya sinasagot.” Napaupo pa siya sa sopa. Parang sa mga oras na iyon ay may kakaiba siyang damdaming na hindi niya mawari sa kanyang sarili, hindi niya alam kung pag-aalala ba iyon para sa asawa.

“O uupo ka na lang ba? Hanapin mo ang asawa mo!” sigaw naman ng Papa niya.

“Saan ko naman siya hahanapin Pa?” nakasinagot niyang tugon sa ama, ngunit nagulat pa siya na bigla na lang hinablot ng ama niya ang kwelyo niya.

“Ano! Ganyan ka na lang Simo! Magpakalalaki ka naman! Asawa mo na iyan, kung ayaw mo talaga, at hindi mo magawang mahalin at pahalagahan, ibigay mo na kay Poul! Hindi iyong pinahihirapan mo ng ganyan!” pabalibag siyang binitawan ng kanyang ama.

“Romeo, huminahon ka, makakasama sa iyo iyan!” sigaw naman ng mama niya.

“Nabalitaan ko ang magandang bagay na nagawa ni Jemima, its that not enough para mahalin mo rin, dati mo namang kaibigan, kilalang-kilala mo, anong problema mo?”

“Oo na, tama ka na nga e, mahal ko si Jemima, hindi ko lang matanggap na sa ganitong paraan kami kinasal, ewan ko, hindi ko na rin alam!” napapahilamos ng mga palad na sigaw na rin ni Simon.

Muling nagalit si G. Romeo at uundayan na sana ng suntok ang sariling anak na si Simon, ngunit may mabilis na umawat.

“Papa, tama na po!” malakas na sigaw ni Jemima. Napatakbo ito kaagad ng makitang nagkakasakitan ang mag-ama, nayakap niya kagaagad si Simon, upang hindi na matamaan ng kamao ng ama.

“Jemima, umalis ka diyan, nararapat nang masaktan ang lalaking iyan!” sigaw pa uli ni G. Romeo.

“Huwag po Papa, huwag niyo na pong saktan ang anak niyo, ako na lang po ang aalis, kung talagang ayaw sa akin ni Simon, hindi ko na po ipipilit ang sarili ko, pakiusap huwag na po kayong mag-away nang dahil lang sa akin,” sabi pa niya, habang mahigpit pang niyakap ang asawa niyang si Simon.

TAHIMIK siyang nakahiga sa kama nang patagilid. Nakatalikod siya sa asawa na noo’y doon din sa silid na iyon pinatulog ng mga magulang, alam niyang hindi siya komportable, pero kinakailangan na niyang harapin ang lalaki.

Bumangon siya, at pa-indian seat na naupo sa kama, “Simon, mag-usap tayo, ito na ang oras para mag-usap,” sabi pa niya sa asawang nakahiga ng patagilid at patalikod sa kanya.

“Anong pag-uusapan?” tanong lang nito sa mahinang boses.

“Itong sa atin? Ano gusto mo na ba talaga akong umalis at lumayo sa iyo? Hindi mo ba talaga ako kayang mahalin? Si Mica? Kailan ba ang balik niya?”

“Ano ka ba, bakit mo pa tinatanong kung kailan babalik iyong ex ko,” pasinghal na naman ang paraan ng pagtatanong nito sa kanya.

“Kasi nag-aalala ako sa iyo, kung aalis ako, kung iiwan kita, sino na ang mag-aalaga sa iyo, sinong maghahanda ng mga damit mo? Sinong magtitimpla ng gatas mo, sinong magpapainit ng pampaligo mo? Sinong mamimili ng mga damit na isusuot mo?” naluluhang tanong niya sa asawa habang nag-iisip siya. Hindi na niya namalayang nakabangon na ito at mabilis siyang kinabig, at hinalikan sa kanyang mga labi.

Napadilat naman siya, nanlalaki ang mga mata niyang naiangat pa ang mga kamay niya. Pakiramdam niya ay idinuyan siya sa alapaap sa halik na iyon na iginawad sa kanya ni Simon, mahal din pala siya ng lalaking pinili niyang pakasalan at panindigang mahalin.

“Tuloy na natin to?” tanong ni Simon habang malagkit na nakatitig sa kanya, muli nitong inilapat sa kanyang mga labi ang mga labi nito, at dinama nilang muli ang tamis ng halik na iyon sa isa’t isa.

Siya naman ay hinatak ang malaking blangket nila at itinabing niya sa kanilang dalawa, para sa kanya, iyon ang hinihintay niyang sandali, ang mahalin at ibigin din siya ni Simon. Hiling niya lang na sana hindi iyon panaginip.

Sana hindi iyon panaginip na sapaggising niya kinabukasan ang inaming pag-ibig nila sa isa’t isa ay hindi na magbabago pa.