CHAPTER 1

Halos magkababata na sina Jemima Mendoza at Simon Saavedra. Lumaki na kasi siya sa loob ng mansiyon ng mga Saavedra. Ang kanyang ina ang personal na tagapag-alaga ng lola nitong si Gng. Chanda Saavedra.

Si Simon naman ang panganay na apo at panganay ring anak nina Romeo at Kristine Saavedra. Dahil sa isa ito sa mga panganay na apo, may malaki rin itong tungkuling dapat gampanan sa kanilang negosyo.

“Simon, saan ka na naman galing?” tanong ni Jemima sa binatang noon pa ma’y mahal na niya.

“Diyan lang, nagkaroon ng liga sa loob ng kampus, sumama ako sa mga kabarkada ko para manood sa kanila. Ikaw?” balik na tanong naman ni Simon sa kanya, matapos sagutin ang tanong niya.

“Ako?” Naituro pa niya ang kanyang sarili.

“Hindi siya,” pabirong turo ni Simon sa likoran niya.

“Wala namang tao e!” napasinghal niyang sagot sa nagbibirong binata.

“E kasi, naman ang engot mo na naman, sino pa bang tinatanong ko e ikaw lang naman ang kausap ko,” sabi nitong muli sabay bunghalit ng tawa. Masaya kasi itong parati na lang siyang naiinis.

“Wala ka ring magawa no, pang-asar ka talaga, pagkatapos kitang hintayin dito sa harap ng university mo,” nakasimangot niyang sumbat sa binata.

“Wala naman kasing nagsasabi sa iyong maghintay ka rito, bakit mo ba ginawa iyan?” tanong ni Simon sa kanya. Ang totoo hindi niya rin alam kung bakit niya ginagawa iyon. Siguro dahil sa mahal lang talaga niya ang binata, kahit pa alam naman niyang may nobya na ito. Hindi niya maunawaan kung bakit pilit niyang sinusunod ang puso niya, kahit na ayaw naman talagang gawin iyon ng isip niya.

“Oy! Simon, girl friend mo?” tanong ng isang lalaking dumaan na kakilala ni Simon no’ng nakita nitong magkausap sila. Naka akbay kasi ang isang braso nito sa balikat niya. Parang wala na lang kasi iyong sa binata dahil nga sa magkababa naman sila at sa iisang bahay lang rin nakatira.

“Hoy! Hindi no! Grabe kayo sa akin, ang pangit nito!” sigaw ni Simon sa mga kakilalang binata rin. Sabay turo pa sa kanya. Naramdaman naman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi, alam niyang napahiya siya pero sinikap niyang isiping biro lang iyon ni Simon.

Napasinghot na lang siya upang mapigilan ang nagbabadyang mga luha na papatak na lamang basta sa kanyang pisngi. At iyon ang ayaw niyang mangyari.

“Oy, umiiyak na siya, ikaw naman joke lang iyon, alam mo naman diba na hindi ka pangit, kaya lang malayo ka kasi sa GF ko,” sabi pa nito.

“K-kanino kay Mica? Oo na mas di hamak na mas maganda na nga siya, sige na ihanap mo na lang ako ng iba diyang lalake, iyong mas posi sa iyo ha!” sabi na lang niyang idinaaan na lang kunwari sa biro ang lahat, upang itago ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang puso.

“Ay! Sorry ha, kasi wala nang mas po pogi pa sa akin,” bumanghalit ito ng tawa ng makitang nakasimangot na siya at umaarko na ang mga kilay niya. Alam kasi ni Simon kung kailan siya okay pa at kung kailan siya tunay na napipikon na.

“Edi okay, diyan ka na nga….” ngunit nagulat pa silang pareho nang isang kotse ang huminto sa kanilang harapan.

“Sir Simon!” tawag ng isang lalaking nakasakay sa kotse.

“Jemie! Wait!” tawag naman ni Simon sa kanya dahilan upang huminto siya.

“Kinakailangan niyo pong magtungo sa hospital, nasa ospital po ang Lola mo,” sabi ng lalaking nakaitim, alam nilang isa iyon sa mga tauhan ng Papa ni Simon.

Hindi na sila nagtanong pa, magkasama na silang sumakay upang tumungo sa ospital na pinagdalhan sa lola ni Simon, at doon pa lang ay kuta-kutakot nang kaba ang dumadagan sa kanya. Alam niya kasing lubos ding maapektuhan silang mag-ina sa kung anong magaganap sa matanda.

Nang makarating sila sa ospital kung saan naroon ang matanda, halos naghihingalo na ito ng kanilang abutan, “Lola! Lola!” natatakot na sambit ni Simon. Mabilis nitong nahawakan ang kamay ng lola niya at medyo inilapit ang kanyang tainga, may nais sana itong sabihin ngunit hindi na nagawang ituloy pa dahil sa nalagutan na ito ng hininga.

“Lola!” muling naisigaw ni Simon.

“Lola!” sigaw rin ni Jemie, na tuluyan na ring naiyak. Pareho silang napayakap sa matanda, at humagulhol ng iyak sa ibabaw ng katawan ng matanda.

Matapos na nawala ng biglaan ang lola ni Simon, dumaan ang lahat sa kalungkutan, maging sila ng nanay niya ay namighati rin. Naisip na nga nilang umalis na lamang pagkatapos ng libing ng matanda. Ayaw pa sana niya, ayaw niya kasing mahiwalay kay Simon, alam niyang isang malaking kalokohan, pero ano naman ang magagawa niya kung labis na niya itong minamahal.

“S-Simon aalis na kami,” paalam niya sa binatang ayaw man niyang iwan ay wala naman siyang magagawa.

Para sa kay Aling Alicia, wala nang dahilan para manatili pa sila sa lugar na iyon. Ayaw man niya, ngunit hindi naman niya maaring suwayin ang desisyon ng kanyang ina.

“Sige, umalis na kayo, salamat sa pag-aalaga niyo sa Lola ko, ikaw? Okay ka na ba?” tanong nito, matapos na sumagot sa pamamaalam niya. Natuwa naman siya kasi kahit paano ay kinumusta nito ang kalagayan niya. Kaya lang ay nakikita niyang bakas pa rin ang matinding kalungkutan sa mga mata ni Simon. Malapit kasi ito sa yumaong matanda.

“Oo, okay na ako. Masakit man sa akin na nawala si Lola, pero okay na kami ni Nanay.”

“Sorry, hindi ko na kayo maihahatid, kinakailangan ko rin kasing sunduin si Mica sa airport, ngayon kasi ang dating niya e, sorry ha.” Sabay tapik nito sa balikat niya. Sa puntong iyon medyo kumirot ang puso niya. Pero siyempre tiniis na lamang niya ang pakiramdam na iyon.

Ngunit nang nakatalikod na ang binata, tila ba hindi niya natiis na masabi ang isang bagay.

“Simon!” sigaw niya pa bago ito tuluyang umalis.

Napalingon naman ito sa kanya, “B-bakit?” nagtatakang pilit itong ngumiti bagamat may pagtataka siyang nasilayan sa mga mata nito.

“M-mahal kita!” nasabi niya bagamat hindi iyon masyadong malakas, ngunit may diin at puno ng determinasyon.

Napangiti naman si Simon, inaakalang nagbibiro na naman siya, madalas na kasing naging biruan nila ang mga ganong salita, sa tagal na nilang magkakilala, at halos sabay nang lumaki, pero wala pala sa hinagap nito ang magustuhan siya at mahalin gaya nang nararamdaman niya.

“Ano? Nagbibiro ka na naman ba?” kumunot ang noo nito, at ngumiti sa kanya.

“Hindi, mahal kita Simon! A-alam kong mali, alam kong wala akong karapatan, pero anong magagawa ko, ito ang nararamdaman ko, mahal kita, sana naman mapatawad mo ako!” Niyakap niyang bigla ang binata. Ikinagulat naman iyon ni Simon, natatawa na nalilito ang itsurang lumarawan sa mukha ni Simon.

Ngunit pagalit na tinanggal ni Simon ang mga nakayakap niyang braso sa baywang nito, “How dare you! Parang kapatid lang ang tingin ko sa iyo! Bitiwan mo na nga ako, mas okay nga iyang aalis na kayo! Makakalimutan mo rin iyang pantasya mo!” mahinang sambit ni Simon, ngunit may diin sa tinig nito.

Tinalikuran siya at tuluyang umalis, naiwan naman siyang naiiyak dahil sa ginawang pagtrato sa kanya ng kaibigan niya, na ngayon ay hindi na niya maituturing pang kaibigan.