CHAPTER 2

Makalipas ang tatlong buwan, umalis nga sila sa poder ng mga Saavedra, at umuwi sa kanilang probinsiya sa Bulacan, mayroong maliit na lupa ro’n ang kanyang ina na siyang tinirhan nila, nag-aral pa siya bilang nurse sa university na malapit ro’n dahil sa kaunti na lang naman ay ga-graduate na siya. Nabalitaan niya ang pagtatapos ni Simon, nalungkot siya na hindi manlang niya nasamahan ang dating kaibigan.

Hindi na niya ito maituring na kaibigan dahil sa huling pag-uusap nila, nalaman niyang hindi bukas ang isipan nito na nagkagusto siya sa binata. Mahal niya ito at hindi basta gusto lang, wala siyang magagawa kung iyon ang sinasabi ng kanyang puso. “Kumusta na kaya siya? Sana okay lang siya, pati na sina Tita at Tito, at si Bunsong Ronabel,” sabi na lang niya sa kanyang sarili habang sapo-sapo ang kanyang baba na nakatingin sa kulay asul na langit na natatanaw niya mula sa kanyang silid

“Jemina! Halika!” tawag ng kanyang ina.

Agad naman siyang tumayo sa kanyang inuupuang gawa sa kawayan. “O-opo!” sigaw rin niya.

Nagulat pa siya ng may makitang kotse sa tapat ng gate nilang gawa rin sa kawayan, natanaw niya kasi buhat sa nakabukas na bintana na nadaraanan niya sa pagbaba ng hagdan, nanlaki pa lalo ang mga mata niya ng makita roon ang ina ni Simon na si Gng. Kristine Saavedra.

Patakbo siyang agad na lumapit sa Ginang, “Tita, kumusta na po kayo? Miss na miss ko na po kayo!” masayang-masaya niyang sambit sabay yakap pa sa ginang na noo’y masaya rin nang makita siya.

“Sobrang okay lang kami, ikaw ang ganda-ganda mo pa rin, at medyo nagkalaman na ang katawan mo rito, iba talaga ang matira sa probinsiya,” ngiting-ngiti na sambit ng Ginang.

“Naku, kayo talaga, nagkasundo na naman kayo, umupo ka muna Mrs. Kristine,” sabat ni Aling Alicia.

“Nako, Kristine na lang ang itawag mo sa akin Alicia, huwag na tayong maging pormal masyado sa isa’t isa. Hindi ka naman na nagsisilbi sa bahay namin para kay Mama,” sabi pa nito na sabay hawak pa sa kamay ni Alicia.

“Eto po, Tita. Uminom na muna po kayo ng sariwang gatas ng baka.” Inilapag ni Jemima ang tasa nang may mainit na gatas. Iyon lang ang alam niyang maari niyang maibigay mula sa kanilang kusina.

“Naku, nag-abala ka pa. Salamat.”

“Ano ba ang ipinunta mo rito?” tanong ni Aling Alicia. Seryoso ang mukha nitong tumingin sa ginang, alam nito na may sadya ang babae.

“Aalis na muna po ako, Nay, baka po kasi importante ang inyong pag-uusapan,” magalaing na paalam ni Jemima.

“Hindi, huwag kang umalis Jemie, ikaw at ang nanay mo ang talaga ang sinadya ko rito, kung p’wede sana, makinig kayo sa aking sasabihin.” Hindi man alam ni Jemima ang kanilang pag-uusapan ay umupo siya at nakinig sa nais na sabihin ng ina ng kanyang lalaking minamahal.

ISANG malaking desisyon ang ginawa niya, alam niyang mahirap para sa kanyang ina na maiwan na lang sa bahay nila. Ngunit hindi niya magagawang tiisin na lang ang pamilyang umaruga rin sa kanila matapos ang ilang panahon. Alam niyang hindi pa niya natatapos ang kurso niya, pero nangako naman ang mga ito na tutulungan siyang muling makapag-transper sa dating university na pinapasukan. Nais pa ng mga ito na sa dating university ng anak nilang si Simon siya muling mag-aral.

Tutal naman daw ay nakapagtapos na si Simon, ang dahilan kaya siya pumayag na muling sumama ay para tulungan ang mag-asawa na kumbinsihin si Simon na pumayag sa kasunduan at last will and testament na iniwan ni Lola.

Iyon ay ang pakasalan siya. Hindi na sumama ang kanyang ina, tumutol kasi ito nang marinig na ayaw ng binata na makasal sa kanya. Alam daw nito na isang araw ay babalik lang siyang lumuluha, sa kadahilanang ayaw naman ni Simon sa kanya.

Ngunit para sa kanya, makakaya niyang tiisin ang lahat. Alam niyang makakaya niyang mapaibig ang lalaki kung mabibigyan siya ng pagkakataon, kilala niya si Simon, alam niya kung ano ang mga ayaw at gusto ng binata, at kung hindi man, naniniwala siyang balang araw ay mamahalin din siya nito.

Basta hindi lang mangyari ang banta ng abogado na maghihirap ang buong pamilya ng mga Saavedra. Sila ang first family, at si Ronabel, bata pa. Hindi pa nito makakayang dumanas ng hirap sa buhay. Maging si Simon, alam niyang mahihirapan.

“Ano naman ang ginagawa ng babaeng iyan dito Mama?” May himig galit ang boses ni Simon nang magtanong. Nanlaki kaagad ang mga mata nito, hindi dahil sa gulat ng kasiyahan, kundi dahil sa galit. Hindi nito inaasahan ang paglitaw niya roon.

“Anak, calm down! Kararating mo lang galing trabaho, umupo ka muna!” Sabay lapit ng ina ni Simon sa binata upang pakalmahin ito at paupuin sa sopa.

“How? How could I calm?”

“Anak! Pwede bang makinig ka muna, hindi mo kasi alam kung gaanong nag-aalala sa iyo si Jemie. Anak bakit hindi niyo muna subukan? Mahal ka niya anak, kaya niyang gawin ang gusto ng lola mo,” paliwanag pa ni Gng. Kristine sa anak.

“Ma! Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo? Wala akong planong I-take over kay Papa ang kumpanya natin, okay na sa akin ang posisyon ko sa kumpanya, at kung kinakailangan sige, mapunta na lang sa second family ng Saavedra!” Nakumpas pa nito ang isang kamay.

“Anak! Hindi mo nauunawaan, ang Papa mo, may karamdamang katulad ng Lola mo! Hindi siya pwedeng ma-stress ng matagal, at kung hindi niya maililipat sa iyo ang pamamahalan, baka lumala ang kundisyon ng Papa mo,” naiiyak na paliwanag ni Gng. Kristine. Habang siya ay nanahimik na nakaupo lang sa harap ng halos magwalang si Simon.

“Ang mabuti pa, go to your room,” sabi ng Ginang.

“What Ma?” nakapamaywang na tanong nito sa ina.

“Go to your room at magpalit ka nang damit, maya maya ay pasusunurin ko si Jemie sa kwarto mo, para makapag-usap kayo. We need to plan your wedding,” maawtoridad na sabi ng Ginang. Sa puntong iyon, galit na lumakad patungong hagdan si Simon, halos patakbo itong umakyat papaitaas upang magkulong sa silid.

“Don’t you ever come up to my room!” mabalasik na salita at napakasamang tingin ang ipinukol ng binata sa kanya nang may pagbabanta, para bang lalamunin na siya ng buhay nito sa sandaling pumanhik nga siya sa silid nito.

Siya naman ay naluluhang ibinaling sa ibang dereksiyon ang kanyang paningin. Wala naman sa kanya na ayaw nitong pakasalan siya, kahit na ba isang malaking sampal ang marinig iyon mula sa bibig ng minamahal na binata. “I’m so sorry!” naibulalas niya sa kanyang sarili.

Pagkalipas ng kalahating oras ay pinaakyat siya ng Ginang sa silid ng binata, kinakabahan man ay wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa kanyang magiging biyenan. Hawak niya sa kanyang mga kamay ang susi ng silid ng binata, ibinigay iyon ng ginang upang kung sakaling hindi siya pagbuksan ni Simon.