Chapter 25

“You look distracted lately,” puna ni Callum habang naglalakad silang magkatipan sa Baywalk nang magkahawak-kamay. “May problema ka ba na hindi mo sinasabi sa ‘kin?” Lumingon ito sa dalaga pero hindi sinalubong ni Daneris ang mata nito.

“W-wala naman.” Pinilit pa niyang ngumiti. “Medyo pagod lang siguro ako.”

“Sabagay. Napaka-busy mo pa rin hanggang ngayon dahil sa X-Rave. Dahil sa ‘yo, kumikita nang malakas ang kompanya ko.”

Napatawa siya rito. “Magagaling lang ang nasa marketing at sales department mo kaya gano’n. Ano bang ginawa ko? Nag-pose lang para magpa-picture… nagpa-interview… iyon lang!”

“Sa pagkakarinig ko, may mga lalaking bumili ng X-Rave dahil naniniwala silang makikita ka nila sa personal sa mga showroom,” tukso nito. “May fanbase ka na.”

Umirap at umismid siya rito. “Tigilan mo nga ako!”

“Seryoso. Meron ka ngang fanbase. Ako ang presidente ng fan club mo,” dagdag pa nitong nakangisi.

“Loko mo!” Napatawa na naman siya. Bahagya niyang kinurot ito sa pisngi at hinampas sa braso. Nahuli nito ang kamay niya bago pa siya makabawi. Hinalikan nito ang kamay niya.

“Ano sa tingin mo ang dapat nating gawin para sa mga fans mo? Magpakopya na lang kaya tayo ng pictures mo na may autograph mo na? Sigurado akong matutuwa ang mga fans mo kapag nakatanggap niyon kapag bumili sila ng X-Rave.”

“Ano ‘yon? Parang accessory lang na libre?”

Napakunot-noo itong napalingon sa kanya. Umiling ito. “Tsk! Huwag na nga. Baka pagpapantasyahan pa nila ang picture mo. Ayokong mangyari ‘yon.”

“Hayan ka na naman, eh. Seloso ‘to.”

Tumigil ito sa paglalakad at hinapit siya sa baywang kahit may maraming tao sa paligid. Nitong huling mga araw ay natuto na siyang huwag mag-isip sa kung ano ang iisipin ng mga tao sa kanilang dalawa ni Callum kapag nagpi-PDA ito.

“Akin ka lang, ‘di ba?”

“Oo naman!” mabilis niyang turan.

“Mabuti naman. Ayoko kasing pakawalan ka.”

‘Kahit na malaman mo ang tungkol kay Tatay?’ nais niyang itanong dito pero nanatili siyang tahimik at nakatitig lang sa katipan.

Nagpatuloy sila sa paglalakad. “’Yong… ‘yong tungkol sa nakabangga nga pala sa inyo, a-ano’ng nangyari sa kanya noong maaksidente kayo? May… naalala ka ba?”

Napatingin ito sa kanya nang ilang saglit bago sumagot.

“Narinig kong nawalan siya ng trabaho. Masuwerte siya dahil mga galos, kaunting sugat, at pasa lang ang natamo niya. Mas malaki nga naman kasi ang sasakyang dala niya kumpara sa kotse namin. Masasabi kong napakasuwerte ng taong ‘yon. Idinismiss ng korte ‘yong kasong isinampa ko sa kanya. Sa findings kasi ng autopsy ni Daddy ay may traces ng alcohol. So, kahit na kasalanan man ‘yon ng taong ‘yon ang pagkabangga sa amin, si Daddy ang tila naging dahilan sa pagkadisgrasya namin. Plus, nasa record pa ng LTO na kailangan niya dapat ng eyeglasses pero wala siyang ginamit noon. So, the case was dismissed.”

Napatikom ng bibig ang dalaga. Magaling kasi ang kakilalang abogado ng kanyang ama na bigay ng kompanya. Kaya naman ay malaki ang ibinayad nila rito pagkatapos ng kaso. Iyon nga lang, nawalan pa rin ng trabaho ang ama niya dahil nakaidlip ito habang nagmamaneho ng truck at may malaking kawalan ito.

Gusto man niya sanang depensahan ang ama kay Callum kung bakit nangyari iyon ay hindi niya masabi sa binata. Natatakot pa rin kasi siya. Alam niya at nakikinita na niyang magagalit ito sa kanya kapag nalaman ang bagay na ito ay itinago niya. Lalo na siguro ang paglihim niyang ama niya ang dahilan ng disgrasyang iyon.

“So, galit ka pa rin ba sa kanya?”

Napabuga ito ng hangin at napapaisip nang saglit. “Hindi ko alam kung mapapatawad ko siya. Huh! Hindi siguro siya makaka-relate kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng pamilya. Sa pagkakaalam ko ay wala siyang pamilya. Sa police report kasi ay nakasaad doon na single siya. Walang asawa at anak.”

Napalunok ang dalaga. “G-gano’n ba?”

“Huh! I think he’s better off like that. Dahil kung meron pa siyang asawa’t anak, siguro ay ipinahanap ko na sila at… hindi ko alam.” Napailing ito. “Kukumprontahin ko siguro sila o kaya naman ay sila ang mapagbubuntunan ng galit ko para sa Jonathan Santos na ‘yon! Kulang ang kabayarang pagkawala ng trabaho niya kumpara sa pagkawala ng mga magulang ko!”

Pilit na namang nilulon ng dalaga ang tila bikig na nakabara sa lalamunan niya. Napaiwas siya ng mukha at kumurap-kurap. Ayaw niyang ipakita sa binata ang reaksyon niya sa mga salitang iyon.

“Bakit mo⸺?” Natigil ito sa pagtatanong sa kanya nang tumunog ang cell phone nito. Nakita niya ang pag-iba ng ekspresyon sa mukha nito. Ni-reject nito ang tawag at ibinalik sa bulsa ang aparato.

“Sino ‘yon?” naitanong niya.

“Nobody,” sabi nito. Mukha namang hindi maipinta ang hitsura nito dahil sa tawag na iyon. Pero ayaw naman nitong sabihin sa kanya kung sino iyon.

“Kung ganyan ba naman ang hitsura mo, sigurado akong hindi lang ‘yon ‘nobody’,” ang punto niya.

Duda niya ay si Mandy iyon. Minsan kasi ay napansin niyang tumawag ito sa binata at sinabi rin ng binata na “nobody.” Naikuwento na rin nito kung bakit naghiwalay ang mga ito kaya lalo lang siyang naapektuhan sa nangyari sa binata.

“Halika na. Bisitahin na lang natin si Aling Merta.”

Nakatitig siya sa lalaki nang ilang saglit bago sumang-ayon.