Chapter 8
Unang araw sa trabaho ni Anna bilang nanny, kaya naman maaga siyang bumangon at naligo. Masigla ang bawat galaw niya. Hanggat maaari ay ayaw niyang pa-apekto sa mga kasamahan sa loob ng mansion.
Kung ayaw nila sa akin, bahala sila. Basta ako, kailangan ko ang trabahong ito! Aniya sa isipan.
Matapos makaligo ay naghanap si Anna ng masusuot, pero akmang isusuot na niya ang damit nang pumasok sa loob ng silid na inuukupa nila si Bebang, ang mayordoma.
Isang silid lang ang ginagamit nilang mga katulong, pero malaki iyon at malapad. May kani-kaniyang bed spaces. Maluwag pa sa kanilang lima. May sariling bathroom at kusina rin iyon. Kung iisipin ay hindi iyon ordinaryong silid lamang.
Napatingin si Anna sa damit na inilapag ni Bebang sa ibabaw ng higaan niya.
"Iyan ang uniporme mo." supladang sabi ni Bebang kay Anna.
Pero gayunpaman ang pakitungo ni Bebang kay Anna ay hindi na lamang iyon iniisip pa ni Anna. Magalang siyang nagpasalamat sa mayordoma.
"Salamat po." aniya.
"Pagkatapos mo d'yan, bumaba ka na dahil ikaw ang magpapakain sa alaga mo."
"Opo."
Pagkasabi no'n ay lumabas na ng silid si Bebang. Matapos naman isuot ni Anna ang uniporme, at matapos ayusin ang sarili ay agad siyang lumabas ng silid.
Naglalakad siya sa pasilyo ng kabahayan palabas sa maid's quarter ng makasalubong niya si Paolo.
"Ate Anna!" masiglang tawag ni Paolo kay Anna. 'Ate' na ang tawag nito sa dalaga.
Sinalubong naman ng nakangiti ni Anna ang bata. "Hello, pogi!" gigil na pinaghahalikan ni Anna ang leeg ni Paolo. Hindi pa man sila gan'on kalapit ng bata sa isa't isa pero hulog na ang damdamin ni Anna kay Paolo. Mabait kasi ito at bibo. Kahit sino naman sigurong tao ay mapapalapit kaagad sa bata.
"Ate Anna, feed me, please..." anang bata na may halong paglalambing kay Anna.
Mahinang natawa si Anna, kapagkuwan ay mahinang pinisil ang umbok na pisngi ni Paolo. "Oo naman, ikaw pa. Tara na't i-fe-feed na kita." pag-aaya niya sa bata.
Tumango naman ito at nagpabuhat pa sa kan'ya.
Pagdating nila sa hapag ay naroon at at nakaupo na si Brett. Tahimik ito at nagbabasa ng dyaryo. Maingat ang bawat pagkilos ni Anna na tila ayaw niyang makalikha ng ingay. Pinaupo niya si Paolo sa silya. Nag-alinlangan si Anna kung uupo rin ba siya o ano.
"Sit down, Miss Samson, at pakainin mo na ang anak ko. He's waiting." utos ni Brett. Ibinaba nito ang hawak na dyaryo sa ibabaw ng mesa, at kinuha ang kape nito na kasing itim na yata ng softdrinks, saka iyon hinigop.
Ang tapang ng kape niya a. Ang kapeng kaya kang ipaglaban.
Bulong ni Anna sa isipan.
Pero napapitlag pa siya nang magsalita muli si Brett. This time ay may diin na ang pagbigkas nito ng mga salita.
"I said, sit down, Miss Samson. Hindi ka naman yata bingi, 'di ba? Kung gusto mo ng kape, magtimpla ka." sarkastikmong saad ni Brett.
Tila napahiya naman si Anna sa sinabi ng amo. Hindi naman niya alam na gano'n na pala siya tumingin sa kapeng iniinom nito. Nagmukha pa tuloy siyang patay-gutom sa kape!
"P-pasensya na po..." marahan siyang umupo sa silya. Kinuha niya ang plato ni Paolo saka ito sinimulang subuan ng pagkain.
Namamangha si Anna sa mga nakahain sa lamesa. Almusal palamang iyon at napakaraming pagpipiliang pagkain. Hindi katulad sa nakasanayan niya na itlog at tuyo lang ay ayos na.
Ano pa nga ba ang in-expect niya sa mga mayayaman? Napailing na lang siya, at napansin iyon ni Paolo.
"Are you okay, Ate Anna? Why are you shaken your head?" untag ni Paolo sa dalaga.
"H-huh? Ah, e, wala. Sumakit lang bigla ang ulo ko." palusot ni Anna.
"Kumain ka na rin, Miss Samson. Baka iyan ang dahilan ng pagsakit ng ulo mo dahil hindi ka pa nag-aalmusal." sabat naman ni Brett sa usapan. Utos iyon at walang halong pag-aalala.
Mabilis na umiling si Anna sa sinabi ni Brett. Hindi naman siya nagugutom. At isa pa ang bilin sa kan'ya ni Bebang hindi siya puwedeng sumabay kumain sa mag-ama dahil may sarili silang kainan.
"Hindi po ako nagugutom, Sir. Mamaya na lang po ako kakain pagkatapos ni Paolo." magalang niyang sagot sa amo.
Wala na siyang natanggap na salita mula kay Brett. Tahimik na muling binasa ng binata ang dyaryo. Ipinagpatuloy na lang ni Anna ang pagpapakain kay Dero. Nang matapos iyon ay siya naman ang nag-almusal, pero sa kusina nila, hindi sa kainan ng mag-ama.
Mag-isa na lang siyang nag-aalmusal roon dahil tapos na ang ilang kasamahan niya. Tahimik lamang siyang kumakain hanggang sa pumasok sa kusina ang isang katulong na sa pagkakatanda niya ay Rona ang pangalan.
"Kain tayo, Rona." alok niya sa babae.
"Sige lang, Anna. Tapos na ako." simpleng sagot nito.
Ang buong akala ni Anna ay aalis na at hindi na muling magsasalita si Rona pero laking gulat niya nang umupo ito sa silya paharap sa kan'ya.
"Ang ganda mo, Anna. Alam mo bang ikaw palang ang nanny na nagustuhan ni Paolo? Ikaw palang ang natipuhan niya, at nagpasubo pa talaga siya sayo a."
Gulat naman ang rumihestro sa mukha ni Anna sa sinabing iyon ni Rona.
"Huh? Talaga?"
"Oo, Anna. Maraming ng nanny ang dumaan kay Paolo, pero ngayon lang iyan naging behave ng gan'yan. Madalas kasi kung hindi niya aawayin e pagti-tripan niya. Pilyong bata kasi. Palibhasa nasanay na nakukuha ang lahat ng gusto. Ang hindi niya lang makuha-kuha ay iyong..." lumungkot ang mga mata ni Rona sa huling salitang binanggit nito.
Ayaw naman ni Anna na magmukha siyang chismosa kaya hindi na niya kinulit si Rona kung ano ang hindi makuha-kuha ni Paolo. Natutuwa rin siya sa isiping na-be-behave si Paolo dahil sa kan'ya. Pero nangunot ang noo niya nang maalala ang ina ng bata. Simula kahapon ay hindi pa niya nakikita o na-meet ang asawa ng amo niya.
Pero hindi na lang niya tinanong si Rona. Siguro hindi matatapos ang linggo na makikilala rin niya ang babaeng amo. Ang asawa ni Brett.
"Kalimutan mo na lang ang sinabi ko, Anna." ani ni Rona. Tumango naman siya bilang sang-ayon sa babae.
Matapos kumain ay binalikan ni Anna ang alaga niya. Nasa playhouse ito at tahimik na naglalaro. Nang makita siya ay lumiwanag ang mukha nito.
"Hindi ka ba nag-aaral?" tanong niya sa bata.
"Nag-aaral po. Mamayang nine o' clock ang pasok ko." Sa sinabi ni Paolo ay muling napatayo si Anna.
"Hala, halika na at maligo na. Mala-late na tayo!" taranta niyang sabi kay Paolo nang makita ang orasan na pasado alas-otso na ng umaga.
"Calm down, Ate Anna." tatawa-tawang sabi ni Paolo.
Napangiwi na lang si Anna.
Hindi man lang pumasok sa isipan niyang lunes ngayon at hindi naman home school ang bata! Sa taranta ni Anna ay mabilis niyang dinala sa silid ni Paolo—sa banyo, ang bata at pinaliguan ito.
"Ate Anna, I'm big na, ako na ang maliligo mag-isa!" tutol na sabi ni Paolo kay Anna nang hubaran ni Anna ang bata at walang anu-anong binuhusan ito ng tubig.
"K-kaya mo na ba? 'di ba baby ka pa?" tanong ni Anna sa bata.
"I'm not a baby anymore, Ate Anna. But thank you po for telling me na baby pa rin ako..." malungkot na sabi ni Paolo.
Mababakas ni Anna ang kalungkutan sa mga mata ng bata kaya naman hinalikan niya ito sa noo.
"Basta para sa akin, baby ka pa rin, Paolo. O, siya, sige na. Tapusin mo na ang paliligo d'yan, ako naman ay ihahanda ko na ang isusuot mo." wika niya. Nakangiti naman itong tumango.
Matapos maligo ni Paolo ay agad itong binihisan ni Anna. Saktong alas-nueve na nang makababa sila ng hagdan. Naabutan ni Anna ang madilim na anyo ni Brett na nakahalukipkip sa isang tabi na tila kanina pa sila hinihintay roon.
"Late na kayo. Late na rin ako sa trabaho." malamig na sabi ni Brett na hindi siya tinatapunan ng tingin. Kay Paolo nakatuon ang tingin nito.
Napakagat naman sa pang ibabang labi si Anna dahil sa pagkapahiya. Unang araw niya sa trabaho pero pumalpak na kaagad siya.
"Baka nagpaganda pa 'yan, Sir. Baka may balak na mang-akit katulad na lang ng ibang nanny ni Paolo." agaw eksena naman ng isang katulong. Nagva-vaccum ito pero sa kanila nakatingin. Partikular kay Anna.
Gusto sanang sagutin ni Anna ang babae sa maling paratang nito sa kan'ya, pero mas pinili na lang niyang manahimik kahit na uminit na ang tenga niya dahil sa sinabi nito.
Kahit kailan hindi ko gagawin ang mang-akit! Bulong niya sa isipan.
"That's not true, Ate Risa! Hindi na kailangan ni Ate Anna na magpaganda because she is already pretty. She helped me with my clothes and everything," pagtatanggol ni Paolo kay Anna. Kapagkuwan ay hinila nito ang suot na damit ni Brett. "Hindi po totoo ang sinasabi niya, daddy."
Nakita pa ni Anna kung paanong panlisikan ng mga ni Risa ang bata na ikinatago nito sa likuran niya. Gusto niya sanang pagsabihan ito pero naunahan siyang magsalita ni Brett.
"Okay, enough. Let's go." wika ni Brett saka naglakad ito palabas ng mansion.
Hinawakan naman ni Anna sa kamay si Paolo saka ito hinila. Sinundan nila ang papalayong likod ni Brett hanggang sa marating nila ang sasakyan na nakaparada sa labas.
"Get in." utos ng binata na tila nagmamadali na.
Inalalayan ni Anna na makaupo si Paolo sa backseat, nang masigurong maayos na ang bata ay umikot siya sa kotse upang doon naman sa kabila dumaan. Akmang uupo siya nang magsalita si Brett sa tonong naiinis.
"I'm not your driver, Miss Samson. Lumipat ka rito sa harap, katabi ko!"
"Pero, Sir, wala pong kasama rito si Paolo—"
"Miss Samson!"
"Oh, heto na nga't nanginginig pa e!"
"Don't shout at me, Miss Samson!"
Puro na lang Miss Samson! Ganting sigaw ng isipan ni Anna.
"Hindi naman po, Sir." mahinang wika ni Anna nang makaupo na siya sa tabi ng driver seat.
Si Paolo na nasa backseat ay tila aliw na aliw sa kanilang dalawa.
"Wear your seatbelt, Miss Sam—"
"—son."
"Are you repeating my words?" nagtatagis ang bagang na tanong ni Brett sa dalaga.
Sinalubong naman ni Anna ang tingin ng binata kahit na ang dibdib niya ay parang tinatambol na ng drum dahil sa lakas ng tunog no'n. Hindi niya rin alam kung saan siya kumuha ng kapal ng mukha para putulin at dugtungan ang sinabi ni Brett, na amo niya.
"Hindi po, Sir. Tinutulungan na nga kitang bigkasin e. Para hindi na po kayo mahirapan. Paulit-ulit kasi, nakakarindi na." matapos sabihin iyon ay huli na ang lahat para bawiin pa ni Anna ang sinabi. Nakagat na lamang niya ang dila sa sobrang hiya at kaba lalo na ng dumilim ang anyo ng binata.
Nalintikan na! Kailan pa ako naging madaldal? Amo ko pa itong sinasagot-sagot ko! Kastigo niya sa isipan.
"P-pasens—"
"Stop talking."
Iyon lang at pinaandar na ni Brett ang sasakyan. Napatahimik na lang sa isang tabi si Anna at napakagat sa pang-ibabang labi nito.
"And will you please stop bitting your lips? Nakakairita." dagdag na sabi pa ni Brett sa dalaga na ikinaawang ng mga labi nito.
"Isara mo 'yang bibig mo baka mapasukan iyan ng langaw."
At isinara na nga ni Anna ang bibig nito. At ibinaling na lang ang tingin sa labas ng kotse. Sa isip-isip niya ay nais niyang tirisin itong amo niya. Hindi naman ito inaano ng bibig niya pero bakit gigil na gigil ito kanina pa?
At bakit sa tuwing mapapatingin ito sa kan'ya e, napapalunok pa?
Gusto ba niya akong kainin?
Katanongan na hindi alam sagutin ni Anna.
Nang makarating sila sa School ni Paolo ay agad na bumaba ng kotse si Anna. Sumama sa kanila si Brett hanggang sa silid-paaralan ni Paolo.
Matapos nitong ipakilala si Anna sa teacher ni Paolo ay agad din itong umalis.
Matapos ang klase ay hindi na si Brett ang sumundo sa kanila, kundi ang driver nitong si Karlito.
Pero bago pa man makarating sina Anna at Paolo sa kotse ay may isang lalaking guro ang nagpakilala sa dalaga. Si Teacher David Buentes.
"Nice to meet you, Anna." anang guro na hindi na yata matatanggal ang nakapaskil na ngiti sa mga labi.
"Nice to meet you rin po, Sir David. Sige po, aalis na kami." magalang na sabi ni Anna sa binata.
Guwapo si David, may matitipunong katawan. Iyon nga lang parang hindi gusto ni Anna ang pagiging presko nito. At hindi man sa mapanghusga siyang tao pero para sa kan'ya ay babaero ito. Nababase niya rin iyon sa mga kababaihan sa paligid nila na ang ilan ay masasamang tingin ang ipinukol sa kan'ya na tila ba inaagaw niya ang lalaking guro.
"Anna, just call me, David." pahabol na saad ni David sa dalaga. Tango na lamang ang isinagot ni Anna sa lalaki.
Ayaw naman niyang maging bastos at talikuran na lang basta ang lalaki, pero nahahatak na rin siya ni Paolo dahil kating-kati na itong umuwi.
"Anna, can I have your number?" Laking gulat pa ni Anna nang bigla na lang sumulpot ang ulo ni David sa bintana ng kotse. Muntik pang maipit ang ulo nito nang isasara na sana niya ang glass window!
"Ha? Ah, e, Sir, wala po akong cellphone e. Pasensya na po kayo." ani niya. Palusot lamang niya iyon dahil ayaw na niyang humaba pa ang usapan. Nakakahiya sa driver ng amo niya!
"Oh, okay, Anna. See you again tomorrow."
Tango lang ang isinagot ni Anna kay David. Nakahinga siya ng maluwag nang magsimulang umandar ang kotse.