Chapter 5

"Sampu ang sugatan sa panig natin. Sa ngayon ligtas na silang lahat. Nakita na rin ang mga bangkay at ngayon ay dinadala na papunta sa gilid ng dalampasigan," pag-ulat ni Third.

Nandito kami ngayon sa loob ng bahay na tinitirhan ko. Naka-upo sa harap ko si Third at Victoria habang si Red naman ay nakaupo sa bandang sulok ng bahay. Ilang hakbang ang layo mula sa amin at katulad kanina ay nakatulala pa rin. Sa gitna naming tatlo ay ang isang maliit na mesa kung saan nakapatong ang tasa na may lamang tea.

"Mabuti naman kung ganu'n. Hindi ko nakaharap si Drake, imposibleng hindi siya sumama sa laban kanina." Wika ko habang hinihimas-himas ang ilalim ng aking bibig.

Kinuha ni Victoria ang kanyang tasa na may lamang tea, "Ako ang nakalaban niya," seryoso niyang sambit sabay higop ng tea. Sabay kaming napatingin sa kanya, kahit si Red ay hindi rin pinalampas nang nakakamanghang impormasyon na iyon.

"I-ikaw? Paano nangyaring... malakas siya, hindi ba? Bakit hindi ka nasaktan?" nagtatakang tanong ni Third.

Tumango ako bilang pagsang-ayon. Totoong malakas na kalaban si Drake kaya talagang nakakamangha ang nangyari.

"Hindi kayo nagkamali. Malakas nga siya," nilapag niya ulit ang tasa sa ibabaw ng mesa pagkatapos ay biglang inangat ang kanyang damit upang ipakita ang bahagi ng kanyang tiyan, "Eto ang natamo ko."

Nanlaki ang aming mga mata nang makita ang malaking sugat sa kanyang tagiliran. Palipat-lipat lang ang tingin namin sa kanyang sugat ang sa kanyang mukha.

Ibinaba niya ang kanyang damit upang takpan ang sugat at sunod niyang ipinakita ang bahagi ng kanyang braso, "Eto pa," dugtong niya. Napatakip na lamang si Third sa kanyang bibig.

"Nababaliw ka na ba?! Bakit mo nagawang magpakunwaring ayos lang sa kalagayan mong iyan?!" singhal ni Third sa kaibigan.

Sinubukan niyang hawakan si Victoria sa kamay ngunit umiwas si Victoria. "Huwag kang mag-alala, linagyan ko na ito ng gamot at huminto na rin naman ang pagdurugo."

"Talaga bang ayos ka lang?" Tumango siya bilang sagot sa tanong ko.

"Maliban sa dala niyang pana, may isa pa siyang sandata. Para iyong totoong baril, ang kaibahan lang ay naglalabas iyon ng kulay asul na bilog sa halip na bala. Bilog na kasing laki ng pinagsamang dalawang kamao. Maswerte pa rin ako dahil hindi malalim ang sugat na aking natamo."

"Baril na naglalabas ng kakaibang bala? Ganuon na lang ba ka-unlad ang bayan ng Obsalom para makagawa sila ng ganuong sandata?" Kinuha ko ang tasa sa harap ko at linagok ang laman nito ng isang inuman lang pagkatapos ay linapag ulit.

"Sa susunod, hayaan mong ako ang humarap sa kanya." Tumango siyang muli.

Kasalukuyan akong nagpupunas sa bibig ko nang magsalita si Red, "May nakalaban din akong gumagamit ng kakaibang sandata. Lalaki siya at may singkit na mga mata, may suot siyang kulay asul na bandana at may takip rin ang kanyang mukha. Tanging mata lang ang nakikita." Tumayo siya at lumapit sa amin saka umupo sa gitna namin ni Third.

"Si Sean," nabaling ang tingin naming tatlo kay Victoria.

"Kilala mo siya?" nagtatakang tanong ni Red. Tumango naman si Victoria.

Mula sa kanyang bulsa ay naglabas siya ng mga litrato at inilapag ito sa mesa. Dahan-dahan naman kaming nagsilapitan upang tingnan ito.

"Base sa isinalaysay ni Red, ang nakalaban niya ay ito," dinampot ni Victoria ang isang litrato ng lalaki at pinaharap sa amin. "Sean Aoki, lagi siyang may suot na kulay asul na bandana bilang patunay na siya ay nabibilang sa lahi ng Artemis. Malakas din siya pero hindi ko alam ang tungkol sa kanyang ginagamit na sandata."

Kinuha ni Red ang litrato mula sa kamay ni Victoria at tinitigan ito ng malapitan, "Paypay ang gamit niya."

"Paypay?" nakakunot noo kong tanong.

"Oo. Hindi iyon isang ordinaryong paypay lang. Sa tuwing bumubuka ang paypay na iyon ay naglalabas iyon ng sa tingin ko ay nasa sampung maliliit na  blades."

Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi, napanganga naman si Third at Victoria. Hindi namin inaasahan na ganuon na pala ka-advance pagdating sa paggawa ng sandata ang Obsalom. Walang nagsabi sa amin tungkol sa bagay na iyon at hindi rin iyon nalaman ni Victoria. Marahil ay sinadya nilang ilihim iyon mula sa amin.

Itinuwid ni Third ang kanyang likod at sumandal sa upuan sabay kamot sa kanyang kilay. Nakatingin siya sa ilalim na parang nag-iisip.

"Kahina-hinala din ang isang iyon, para siyang nanggaling sa makapangyarihang pamilya," mahina niyang sabi. Tumingin kami sa kanya na nakakunot ang noo.

"Sino?" tanong ni Victoria.

"Iyong nakalaban ko. Isa lang ang gamit niyang sandata. Patalim iyon na maliit ngunit bigla na lamang humahaba, para bang nagiging espada. Kamangha-mangha ang sandatang iyon dahil isang pagtama lang ay napuputol kaagad ang lahat ng natatamaan. Kahit paman ito ay malaking sanga ng puno. Napansin ko rin ang suot niyang kuwintas, isa iyong maliit na bote na kulay asul. Parang nakita ko na ang kuwintas na iyon dati."

"Eto ba ang tinutukoy mo?" Sabay pakita ni Victoria ng isa pang litrato. Kinuha ito ni Third at pinagmasdang mabuti.

"Siya nga!" bulalas niya.

"Si Kkun," sambit ni Victoria.

"Kkun? Sino naman ang lalaking iyan?"  pagsingit ko.

"Kkun Aragon. Siya at si Drake ay malapit na magkadugo, kaya tama ka.  Nanggaling siya sa makapangyarihang pamilya dahil pamangkin siya ng hari. Noong siya'y sampung taong gulang ipinadala siya ng hari upang mag-spy sa bayan natin, parte iyon ng kanyang  pagsasanay. Kung maalala ninyo, nagsasanay din tayo ng mga panahong iyon at nakaharap natin sila, roon mo marahil siya nakita na suot ang kuwintas."

"Siya ang batang iyon?" Naningkit ang mga mata ni Third.

Kinuha ni Victoria ang mga litrato at ipinasok muli sa kanyang bulsa. "Si Luna, Drake, Kkun at Sean ay magkaibigan," dugtong pa niya.

Sa tingin ko nalaman na namin ang lahat tungkol sa aming kalaban at dahil iyon kay Victoria. Napansin kong malapit nang sumikat. Mamaya ay darating na ang magsusundo sa mga bangkay, kaylangan naming matulog para makakuha ng lakas.

"May gagawin pa tayo bukas, magpahinga na kayo," bulalas ko.

Tumayo si Third at mahigpit na  hinawakan ang kamay ni Victoria sabay hila rito, "Tara!" Nagpupumiglas naman ang babae.

"Nababaliw ka na ba!? Saan mo ba ako dadalhin?" singhal ni Victoria. Napailing-iling na lang ako.

"Gagamotin ko ulit ang sugat mo." At tuluyan na silang lumabas ng bahay.

Nang makalabas ang dalawa ay sunod naman na tumayo si Red.

"Aalis na rin ako," mahinahon niyang wika. Tumango lang ako at saka pinagmasdan ang kanyang paglabas.

Kung si Sean ang kanyang nakalaban, ibig sabihin hindi sila nagkaharap ni Luna?

Kung ganun, sino ang nakaharap ni Luna at bakit siya nasugatan ng ganun?

Matapos ang ilang minutong pag-iisip ay napagpasyahan kong ibaling ang atensyon sa iba. Tumayo ako at nagpunta sa banyo para maligo.

Natitiyak kong matatagalan pa bago lumusob ulit ang Artemis. Marami ang nawala sa kanila at ganu'on rin ang mga nasugatan. Alam ni Drake na matatalo sila kapag lumusob sila nang hindi pa gumagaling ang iba nilang kasama.

Sa panig namin, sa ngayon wala pa kaming balak na lumusob, mapanganib iyon lalo pa't hindi namin kabisado ang pasikot-sikot sa kanilang kuta. Kasalukuyan pa iyong pinag-aaralan ni Victoria at kapag handa na ang lahat, lulusob kami at sisiguraduhin naming mauubos namin sila.

__________

Kasalukuyan akong nagpupunas ng tuwalya sa ulo ko nang maalala ko si Luna.

Ayos lang kaya siya?

Ano pa't nakaramdam na naman ulit ako ng pangungulila, ito iyong pakiramdam na kaylanman ay hindi ko inaasahang dadapo sa akin. Kahit ako ay naguguluhan, sa lahat ba naman ng babae bakit kay Luna pa? Bakit sa kaaway ko pa? Mali mang sabihin ngunit, sa tingin ko it was love at first sight.

Namalayan ko na lang ang sarili ko na nakatayo na sa nag-aagaw dilim na bahagi ng gubat. Iyong tipong tanging sinag ng buwan lang ang nagbibigay ng liwanag.

Ito iyong lugar kung saan kami unang nagtagpo ni Luna, dito ko siya hinalikan. Pupunta kaya siya rito ngayon?

Napatingin ako sa unahan, ilang metro ang layo mula sa kinatatayuan ko. Roon, may naaninag akong hugis tao. Tuwid na nakatayo at nakaharap sa akin.

Palihim akong napangiti...

Si Luna.