Chapter 10
"Halika! May ipapakita ako sa'yo." Inabot ko ang aking isang kamay para alalayan siyang tumayo.
"Saan?" tanong niya na halatang nasasabik.
Nang hawakan niya ang aking kamay ay hindi ko na hinayaang makabitiw pa siya. Magkahawak kamay kaming naglalakad sa gitna ng gubat. Nararamdaman kong malapit nang dumating ang umaga kaya naisip kong dalhin si Luna sa spot na iyon para pagmasdan ang pagsikat ng araw.
Nakita ko ang magandang spot na iyon nang minsan akong naligaw rito sa gubat. Malayo iyon sa kuta ng dalawang panig kaya alam kong walang makakakita sa amin roon.
Ang spot na iyon ay makikita sa bandang norte nitong isla. Doon ay may malaking bato na sa tingin ko ay nangangalahati ang taas sa isang puno.
Gusto kong sulitin ang bawat oras na magkasa kami ni Luna. Bawat oras ay mahalaga dahil hindi namin alam kung ano ang magyayari mamaya o bukas. Ayaw kong magsisi.
"Malapit na tayo."
Ilang menuto kaming naglakad sa masukal na gubat bago nakarating sa spot na iyon. Inalalayan ko si Luna na makaakyat sa bato pagkatapos ay sumunod din ako. Sumisilip na si haring araw nang makarating kaming dalawa sa pinakatuktok ng malaking bato. Mula roon ay kitang-kita ang malawak at kumikintab na dagat.
"Wow!" manghang usal ni Luna.
Napangiti ako nang makita ang kanyang manghang ekspresyon. Ito ang unang beses na nakita ko ang masayang mukha niyang ito at nagpagaan ito sa nararamdan ko.
Ibinuka niya ang kanyang dalawang braso sabay pikit ng mga mata. Maaliwalas ang hangin sa bandang ito hindi katulad sa kuta namin na kahit napapalibutan ng puno ay hindi mo parin malalanghap ang sariwang hangin. Ang hanging dumadaan doon ay para bang nahahaloan ng kaba at pagkabahala na baka'y mamaya ay may biglang sumugod na kalaban.
Sa patuloy na pagdaan ng minuto ay siya rin ang dahan-dahang pag labas ng araw. Naghahalong kulay dilaw at dalandan ang masisilayan sa gitnang bahagi ng dagat.
Dumating na ang tamang oras.
Lumuhod ako sa harap ni Luna na lubos niyang ikinagulat.
"Anong ginagawa mo?" naguguluhan niyang tanong.
Habang nakaluhod ay hinawakan ko ang kanyang dalawang kamay sabay titig sa kanyang mga mata.
"Luna... puwede ba kitang maging kasintahan?" Oo, hindi ko nagawang tanongin siya ng seryoso noong una kaya ko ito ginagawa ngayon. Gusto kong maramdaman niya na seryoso ako sa nararamdaman ko para sa kanya.
Batid ko ang kanyang pagkagulat. Iniwas niya ang kanyang tingin para itago ang nagtutubig niyang mga mata.
"Oo. Oo naman," mangiyak-ngiyak niyang tugon. Hinila niya ang mga kamay ko para tuluyan akong makatayo at nang makatayo ako ay bigla na lang niya akong hinalikan... sa labi.
Ang kanyang mga halik ay mas matamis kaysa sa una naming halik. Marahil ay dahil ngayon mas ramdam namin ang pagmamahal sa isa't-isa. Ang isang braso ko ay nasa kanyang baywang habang ang isa naman ay nasa kanyang likod, hinahaplos ang kanyang likuran.
Pareho kaming naghahabol ng hininga nang kami'y bumitaw.
"Mahal na mahal kita." Sambit ko ulit saka binigyan siya ng mga maliliit na halik sa labi.
"Ganu'n din ako."
Inakbayan ko siya at ipinatong ang kanyang ulo sa aking balikat.
"Wala kang nararamdaman para kay Drake, hindi ba?"
"Ano? Syempre wala."
"Kung gano'n, puwede bang humanap ka ng ibang kubo na matutulugan? Ayaw kong magkasama kayo sa iisang kubo. Alam nating may gusto siya sa'yo kaya paano kung..." Tinakpan niya ang aking bibig gamit ang kanyang daliri.
"Shh.. huwag kang mag-alala. Alam ni Drake ang kanya hangganan. Sandali, paano mo pala nalaman na magkasama kami sa iisang bahay?" nagtatagpo ang kanyang dalawang kilay.
Sasabihin ko ba sa kanya ang totoo?
Nag-iwas ako ng tingin, "Narinig ko sa isa sa mga kasamahan ninyo noong lumusob kami sa inyong kuta. Ang sabi pa niya nakita niya raw kayong..."
"Ano?"
"Naghahalikan."
Tinanggal niya ang kamay kong nakaakbay sa kanya pagkatapos ay hinarap ako.
"Naghahalikan? Hindi totoo iyon! Marahil ay mali lamang ang kanyang pagkakaintindi."
Napangiti ako sa aking narinig.
"Mabuti naman kung gano'n. Sandali, paano mo pala ako nakilala?"
Naalala ko noong una naming magkita na tinawag niya kaagad ako sa aking pangalan. Pinag-aralan din ba nila kami katulad ng ginawa namin sa kanila?
Ngumiti siya. Ngayon ko lang napansin na mas lalo pala siyang gumaganda kapag nakangiti.
"Matagal ko nang naririnig ang iyong pangalan sa aming bayan. Kilala ang iyong buong pamilya, pati na ikaw dahil sa iyong galing. Ang totoo matagal na akong humahanga sa iyo, palihim nga lang iyon," salaysay niya.
"Humahanga? Ako?" Sabay turo ko sa aking sarili, "Kaya ba pumunta ka sa kuta namin noong unang araw para hanapin ako?"
"Hindi. Pumunta ako noon kasi inutusan ako ni Drake na magmasid sa inyo. Nagkataon lang na nahuli mo ako at iyon ang unang pagtatagpo natin. Pagkatapos mo akong halikan ng gabing iyon, magdamag akong hindi nakatulog."
"Talaga?" Natatawa kong tanong. Kung alam niya lang. Noong gabing iyon ay hindi rin ako nakatulog dahil sa pag-iisip sa kanya.
"Hindi ko inaasahang hahalikan mo ako no'n kaya sobra akong nagulat. Tinanong ako ni Drake kung ano ang aking nalaman pero sinabi kong mahigpit kayo kaya wala akong nalaman kahit kaonti. Totoo iyon dahil wala naman talaga akong nakuhang impormasyon ng gabing iyon."
Sandali kaming naging tahimik. Nakatingin lang sa magandang pagsikat ng araw.
"Kaylangan na nating bumalik." Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kanyang sinabi. Kapag nagtagal pa kami ay tiyak paghihinalaan na kami ng mga kasama natin.
Bumalik kami sa lugar kung saan kami nagkikita ni Luna bago tuluyang naghiwalay. Pagdating ko sa aming kuta, hindi ko inaasahang makakasalubong ko si Third na nag-eensayo.
"Saan ka galing?" nakakunot noo niyang tanong. Nag-eensayo siyang magpana.
"Nagmasid," maikli kong sagot. Kinuha ko mula sa likuran ko ang aking pana at agad itong linagyan ng bala saka itinira sa target na ginawa ni Third at napangiti ako nang tumama ang palaso sa gitna. Kahit kaylan talaga ay hindi pumalpak ang aking pinakakawalang tira.
"Nagmasid ka ng ganito ka aga?" hindi parin siya makapaniwala.
Tinapik ko ang kanyang balikat saka tumango, "Oo naman, bakit may problema ba?" nginitian ko siya bago iniwan roon.
Ramdam ko ang kanyang mga tingin sa akin kahit nasa malayo na ako. Marahil ay nagtataka talaga siya pero wala siyang magagawa. Pagkatapos ng lahat ako parin ang pinuno nila kaya dapat lang na paniwalaan nila ang lahat ng mga sinasabi ko.
Tumuloy ako sa aking kubo at doon nadatnan ko si Red na nakaupo sa kama habang pinapalitan ang bendahe sa kanyang sugat. Nagulat pa ako ng kaonti dahil inakala kong bumalik na siya sa kanilang kubo ni Red ngunit hindi pa pala.
"Nakipagkita ka sa kanya?" salubong niya sa akin.
Alam kong si Luna ang ibig niyang sabihin. Lumapit ako sa lababo at nagbuhos ng tubig sa isang baso, "Hindi. Alam kong dito ka matutulog kaya doon ako natulog sa kubo ninyo ni Third," pagsisinungaling ko. Hindi ko alam kung ilang beses na akong nagsinungaling para lang itago ang relasyon namin ni Luna at alam kong magpapatuloy pa ito.
"Sa tingin mo ba maloloko mo ako? Tingnan mo ang iyong mukha sa salamin at nang malaman mo na halatang wala kang tulog."
Tama, kaylan ko pa ba nagawang lokohin si Red? Magkapatid kami kaya alam ko na dapat iyon.
"Papatayin mo ba ako kung sakaling sasabihin kong tama ka?" Nakatingin ako sa kanya. Minamasdan kung ano ang sunod niyang gagawin.
"Alam mong hindi ko iyan magagawa sa ngayon dahil sa kondisyon ko pero hindi ko maipapangakong hindi ko magagawa sa susunod." Katatapos niya lang talian ang kanyang sugat. Inangat niya ang kanyang ulo at diretso akong tiningan sa mga mata, "Minsan akong humanga sa galing mo sa pakikipaglaban pero sa ginawa mong ito, hindi ko alam kung kaya pa ba kitang hangaan ulit."
Tumayo siya at dinampot ang kanyang sandata.
"Masisisi mo ba ako kung ganu'n ang gusto ng aking puso?"
"Mag-iingat ka. Alam mong mali ang iyong ginagawa. Balang araw ay babalik ang mga mali mong ginawa sa'yo, karma ang tawag do'n. Kapag dumating ang araw na iyon, natitiyak kong magiging kaawa-awa ka." Pinanlisikan niya ako ng mata bago lumabas ng silid.
Tila ba naubos ang lahat ng ipon kong lakas sa katawan. Naguguluhan ang aking isip.
Matamlay akong lumapit sa aking kama pagkatapos ay pabagsak na humiga roon.
_____
Ngayon lamang ako nakaramdam ng pagmamahal. Buong buhay ko wala akong ginawa kundi ang mag-ensayo para ma-protektahan ang buong bayan. Walang kahit isang babae sa Arcadia na nakabihag sa aking puso kahit sa aking mga mata hanggang sa nakita ko si Luna.
Si Luna ang una kong minahal, unang kasintahan at una kong halik. Gusto ko lang na maging masaya kami ngunit bakit?