Prologue

Ilang beses nag-snooze ng alarm si Apollo bago bumangon. Puyat at pagod siya dahil sa sunud-sunod na student council meeting at preparasyon para sa foundation day ng school nila. Siya ang president ng student council sa kanilang paaralan. Kahit kailan ay hindi niya inaasahang darating siya sa puntong mamumuno siya ng maraming tao. Nakakapagod at hindi naman siya sumusuweldo pero masaya siya sa ginagawa. Transferee lang siya sa kanilang paaralaan. Nasa kalagitnaan ng taon noong third year high school siya lumipat at doon niya nakilala ang pitong kaibigan. Magkakaiba ang mga ugali nila pero tila sila mga tingting na pinagbungkos para maging isang walis. Wala silang iwanan at hindi talaga dapat pabayaan ang kahit sinuman sa kanila.

Dahan-dahan pa siyang bumangon nang madama ang isang brasong nakayakap sa hubad na katawan niya. Napatingin siya sa magandang babae sa tabi niya. Napangiti siya nang makita itong nahihimbing ng tulog. “Babe, bulong niya rito,” pero lalo lang nitong isiniksik ang sarili sa kanya. Halos isang taon niya na itong kasintahan at seryoso siya rito. Maaaring sobrang bata pa nila kung tutuusin pero hindi naman niya ito pababayaan. Isa pa ay nag-iingat sila sa mga konsekuwensiya ng kapusukan nila. May mga pangarap pa silang dapat na matupad at maabot. Dahan-dahan niyang inalis ang braso nito at dumiretso sa shower. Naroon siya sa condominium unit nito. Nag-iisa lang ito roon kasama ang isang stay out na kasambahay. Masyado kasing independent ang kanyang girlfriend. Ang mga magulang nito ay madalas na nasa Maynila kaya naiwan ito roon. Pwede naman itong sumama pero mas gusto raw ng dalaga sa probinsiya dahil tahimik at maganda ang mga tanawin. Isa pa ay ayaw nilang magkahiwalay kaya magkasama silang lagi.

Dahil nag-aalala siya rito ay madalas siyang natutulog doon. Hindi na kailangan ng isang mahusay na scientist para malamang hindi lang simpleng pagtulog ang ginagawa nila. Nagsisimula na sila sa kasibulan kaya madalas ay nauuwi iyon sa isang mainit na pagniniig na halos gabi-gabi nangyayari. Mahal na mahal niya ito kaya hindi siya nababahala sa ginagawa nila. Ang mga magulang naman niya ay madalas na nasa Italy dahil sa mga business ng ama niyang si Antonio Conti. Ang ina niya ay isang sikat na socialite na mula sa angkan ng mga nagmamay-ari ng malalaking TV stations at recording studios. Si Matilda Segovia ay isang dating beauty queen naging isang sikat na artista bago nakilala ang kanyang ama. Nang ikasal ang mga ito, naging full-time wife ito sa kanyang ama at sa kanilang dalawang magkapatid na si Adriano Marco Conti.

Mabilis niyang tinapos ang paliligo at bumalik sa kuwarto para magbihis. Brief pa lang niya ang naisusuot nang madama ang mga braso ni Gwen na yumakap sa katawan niya. “Morning, love,” inaantok pang sabi nito.

“Morning din, love,” aniya saka humarap dito at magaang hinalikan ang mga labi nito.

“Ngayon ang camping niyo?”

“Oo eh,” nakangiting sabi niya saka ipinagpatuloy ang pagbibihis. “Pasensiya na ha, hindi kita masasamahan buong weekend.”

“Okay lang. Ano ka ba? Lagi naman tayong magkasama. Kailangan mo rin ng social life with your best friends,” nakangiting sabi nito.

“Thank you,” masayang sabi niya at niyakap ito nang mahigpit. Isa pa iyon sa gusto niya rito. Napaka-pasensiyosa at maunawain nito. Nang pakawalan niya ito ay pinagmasdan siya nito nang mataman saka ngumiti. “Bakit?”

“Wala. Ang pogi talaga ng boyfriend kong ubod ng kisig,” malambing na sabi nitong muling yumakap.

“Ikaw talaga,” nahihiyang sabi niya bagaman nakangiti pa rin. Saglit pa silang nag-usap saka lumabas ng unit nito. Pinabaunan pa siya nito ng pagkaing mabilis nitong nailuto. Pagkalabas niya ng building ay naglakad na siya papuntang park. Katapat lang naman iyon ng condominium kaya maaga pa siya makakarating. Pagkalipas ng ilang minuto ay dumating ang mag-pinsang sina Alessandro at Vladimir. Saglit lang ay dumating na ang van na minamaneho ni Jaime kasama ang mga kaibigan nila. Maya-maya ay dumating na rin si Donatello na late at halatang may ginawa pang kalokohan kaya pinagsabihan niya pero tinawanan lang siya nito.

DAMA na ni Apollo ang tama ng beer pero hindi pa naman siya lasing. Naubos na nila halos ang dalawang case ng mga bote habang pinupulutan ang baboy-ramo na kanina ay humahabol sa kanila. Kanina pa sila nagkukuwentuhan hanggang makuha nila ang loob ni Tatay Tiyago. Masayang-masaya siyang nakakilala ng ikalawang ama sa katauhan nito.

“Pero ‘Tay, bakit mag-isa lang kayo rito?” Hindi mapigilan si Donatello sa pagtatanong.

“Sino po iyung Victoria? Napakaganda niya naman ‘Tay,” dagdag naman ni Alessandro.

Napangiti si Tatay Tiyago. “Masaya dito, tahimik, walang magugulo at madadaldal katulad niyong dalawa,” sagot nito kaya nagtawanan silang lahat habang napapakamot sa batok ang dalawa.

“Sige na, ‘Tay, kuwentuhan niyo naman kami,” sabi naman ni Jaime.

“Opo, ‘Tay. Nabasa na naman namin iyung mga love letters niyo eh,” dagdag ni Leandro.

Sumeryoso ang mukha nito saka napabuntung-hininga. “Ikakasal kami ni Victoria. Suntok sa buwan pero nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Namamasukan lang ako bilang magsasaka sa hacienda ng pamilya nila. Nagbunga ang pagsasama namin pero nalaman ko na lang na ikakasal na siya sa iba. Nabaon sa utang ang pamilya nila at si Vicky ang ginawang pambayad.”

“Bakit ayaw niyo pong ipaglaban?” Hindi na napigilan ni Lucas na magtanong.

“Ayaw niya namang lumaban,” naiiling na sabi ng lalaki.

“Mahal niyo pa po ba?” Si Isaac naman ang nagtanong.

“Mahal na mahal,” sabi nito.

“Kung tutulungan po namin kayo, siguradong may magagawa po tayo,” determinadong sabi ni Apollo.

“Wala pa kayong alam,” sabi naman nito.

“Alam po namin at tutulungan po namin kayo,” aniya sa mga kaibigan na nagsitanguan. “Ito po bang gubat, may nagmamay-ari po ba nito.”

“Meron, ang pamilya ng mapapangasawa ni Victoria, ginawang pambayad sa akin para layuan ko siya,” anitong tumalim ang mga mata.

“Bakit naman po nila gagawin iyon?”

“Anak ako sa labas ni Don Escudero Sevilla,” balewalang sabi nito kaya napanganga silang lahat. “Mga bata pa kayo pero ipapaliwanag ko sa inyo. Nakilala ko na kayo ngayon, kasama ang mga angkan niyo sa mga makapangyarihan sa probinsiyang ito. Parang mafia lang ang lahat ng mga angkan dito na iniiwasan ang alitan sa isa’t isa.”

“Bakit niyo po tinanggap?” Muling tanong ni Donatello.

“Wala akong magagawa kundi tanggapin dahil sabi ni Victoria ay wala siyang magagawa.”

“Ano pong pangalan ng mapapangasawa niya?” Si Leandro naman ang nagtanong.

“Nicanor Legaspi,” sabi naman nito.

Sabay-sabay silang napangisi dahil sa kabila ng edad nila ay hinahayaan na sila ng mga ama nilang maging involved sa negosyo ng mga ito. Matatalik na magkakaibigan ang mga ito katulad nila kaya kapag nagsama-sama ang mga ito, walang babangga sa mga ito. Ang mga Legaspi ang isa sa kinagagalitan ng mga ito dahil sa mga ilegal na gawain ng angkan. Sa katunayan ay nagpaplano na ang mga ito ng mga gagawin nang sa gayon ay mabuwag na ang kapangyarihan ng mga ito. Doon niya naunawaan na gagamitin lang ng angkan ang impluwensiya ng pamilya ng kasintahan ni Tatay Tiyago. “Tutulungan po namin kayo. Siguradong may magagawa po kami. Kapag nagtagumpay kami, bibilhin namin itong gubat sa takdang-panahon,” determinadong sabi niya. Naiiling na napangiti lang si Tatay Tiyago sa kanila pero lahat ay naniniwalang magtatagumpay sila.

Pagkalipas ng ilang buwan ay naipakulong na ang mapapangasawa ni Victoria Allegre na si Nicanor kasama na ang ama, dalawang kapatid na lalaki, dalawang tiyuhin, at ilang mga pinsan nito. Patung-patong ang naging kaso ng mga ito kasama na ang drug trafficking, child trafficking, murder, rape, at illegal gambling. Na-freeze ang assets ng angkan at naipasara ang mga pasugalan at negosyong ginawang pantakip sa mga drugs. Isang taon ang nakalipas ay ikinasal sina Tatay Tiyago at Nanay Victoria na nakapanganak na. Isang lalaki ang panganay ng mag-asawa at lahat sila ay imbitado sa kasal at binyag para gawing mga ninong. Siyempre ay ipinaalala nila ang naging usapan at nangako naman si Tatay Tiyago na ibebenta sa kanila ang buong gubat na nakapangalan dito sa tamang panahon. Pag-iipunan nila iyon at gagawing tunay na santuwaryo nilang matatalik na magkakaibigan sa Santiago.