CHAPTER 2- He saved me
ISSABELLE'S POV
_________
Matapos akong saktan ni Kaist kagabi, umalis siya at hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi. Tinanong ko si Manong Criss kung nasaan ang amo at ang sagot niya ay nasa bar umano ito na pagmamay-ari ng mga Fostrea.
Gusto kong humingi ng tawad kay Kaist dahil sa nangyari kagabi. Alam kong nagkamali ako. Hindi ko dapat siya basta-basta nilapitan at hinawakan dahil alam kong hindi siya komportable.
Mag-a alas nuwebe na nang lumabas ako ng aking kwarto. Sinigurado ko munang wala na ang pamamaga ng aking pisngi dahil kapag nakita iyon ni Mommy ay tiyak na sasaktan niya ulit si Kaist. Ayaw kong mas lalong sumama ang loob ng asawa ko sa akin.
Nawala ang pamumula at pamamaga ng aking pisngi ngunit hindi nawala ang marka sa aking pulso. Bakas ang pangingitim ng balat sa bahaging iyon dahil sa mahigpit na pagkakahawak ni Kaist kagabi. Ayaw ko iyong makita ng iba lalo na ni Manong Cris kaya naman kahit magtatanghali na ay nagsuot parin ako ng sweatshirt.
Tahimik ang ilalim na bahagi ng bahay. Wala si Mommy sa sala at pati na rin si Daddy Edward. Ang mga katulong naman ay nasa kusina.
Tahimik akong bumaba ng hagdan saka nagpunta sa hapagkainan para uminom ng tubig. Naalala kong hindi pa ako nakapag-agahan subalit hindi naman kumukulo ang aking tiyan kaya napagpasyahan kong hindi na muna kakain. Tubig lang sapat na.
"Ms. Sab, gising na pala kayo."
Napatigil ako sa pag-inom at napatingin sa kaliwa kung saan pumasok si Manong Cris.
"Ahh… Oo." Maikli kong sagot sabay lapag ng baso sa ibabaw ng mesa. Hindi ko siya tiningnan sa mga mata dahil natatakot akong mahalata niyang may tinatago ako.
"Sandali, tatawagin ko ang mga katulong para ipaghanda ka ng pagkain." Tumalikod ito at umakmang hahakbang papunta sa kusina nang agad ko siyang pigilan.
"Huwag na po. Hindi naman ako nagugutom saka nagmamadali rin ako. Pupunta kasi ako ngayon sa ampunan." Ngumisi ako. "Sige po manong, alis na ako."
"Sandali!"
"Ah!" Daing ko nang hawakan ako ni Manong Cris sa pulso. Mukhang nagulat ito kaya agad niya akong binitiwan.
"Pasensya na. Ayos lang po ba kayo, Ms. Sab?" Bakas sa kanyang boses at mukha ang matinding pag-aalala.
Tumingin siya sa kamay ko kaya agad ko iyong itinago sa aking likuran. "Ahh… Oo naman. Wala 'to. Naipit lang 'to kagabi," pagsisinungaling ko. Bumungisngis ako para paniwalain siya ngunit parang hindi umubra.
Sumeryoso ang kanyang mukha.
"Ms. Sab, kailangan nyo pong sabihin sa akin tuwing sasaktan kayo ni sir Kaist. Kailangan iyong malaman ni ma'am Lou."
Nanlaki ang aking mga mata. Agad akong lumapit kay Manong Cris sabay hawak sa kanyang dalawang kamay. "No! Ayos lang naman ako. Huwag mong isusumbong si Kaist. Kaya ko 'to kaya huwag kang mag-alala. Please, ayaw kong saktan siya ulit ng mommy niya."
Ilang segundong naging tahimik si Manong. Pinagdikit ko ang aking dalawang palad saka nagmakaawa.
Di kalaunan ay tumango-tango rin ito. Kasunod nu'n ay ang isang mabigat na paghinga. Kahit papaano ay umaliwalas ang aking mukha.
Oplan paibigin si Kaist.
Iyon ang plano kong gawin kaya kapag napagalitan ulit ni mommy si Kaist ay talagang tuluyan na niya akong isusumpa at tiyak na habang buhay niya akong kamumuhian kaya hanggat kaya ko ay pagtatakpan ko siya.
"Ms. Sab, ihahanda ko na po ang sasakyan." Yumuko si manong Cris sa harap ko. Gumawa siya ng isang hakbang paatras bago tuluyang tumalikod at lumakad palabas ng bahay.
Agad naman akong bumalik sa aking silid at nagbihis. Nagsuot lang ako ng kulay asul na high-waisted denim pants at kulay itim na 3 inches heels. Kulay itim na off-shoulder naman ang napili ko bilang pang-itaas na damit para bumagay sa suot kong heels. Pagkatapos magbihis ay bumaba na ako.
Habang nasa sasakyan, bigla kong naalala si Mommy. Kakaiba ang katahimikan sa bahay ng mga Fostrea kanina. Para bang maliban sa mga katulong ay ako lang ang naroroon.
"Manong?" Tiningnan ako ni manong gamit ang rearview mirror. "Alam mo ba kung nasasaan si Mrs. Fostrea?" Hindi parin talaga ako sanay na tawagin siyang mommy.
"Ahh… umalis si ma'am Lou kasama si sir papuntang US. Ang pagkakaalam ko, makikipagkita umano sila sa mga investors."
"Talaga? Nabanggit ba nila kung kailan sila babalik?"
"Hindi e, dati kasi tumatagal sila ng ilang buwan. Minsan naman bigla-bigla na lang silang dumarating," aniya ni Manong.
Nasa US ang mag-asawa. Ibig sabihin, kaming dalawa lang ni Kaist ang natira sa bahay?
Pagkakataon ko na ba para mapalapit sa kanya?
"Teka, manong, ano po bang mga pagkain ang gusto ni Kaist o kahit prutas?" Nakangiti kong tanong kay Manong Cris.
"Aba! Mahilig si sir Kaist sa mga matatamis na pagkain. Sa prutas naman, paborito niya 'yung strawberry."
Napangiwi ako sa sinabi ni Manong. "Eh? Strawberry po?"
Sariwang-sariwa pa sa isipan ko ang nangyari sa akin sa ampunan noong ako'y sampung taong gulang pa lamang. Muntik na akong mamatay dahil sa pagkain ko ng strawberry. Hindi ko naman alam na allergy pala ako sa prutas na iyon.
"Oo. Bakit po, Ms. Sab?"
"W-wala naman po. Manong, mamaya huwag mo na akong sunduin. May pupuntahan pa kasi ako."
Tumango naman si Manong at hindi na nagtanong pa.
Balak kong pumunta sa mall mamaya para ipagbili si Kaist ng pagkain. Gusto ko siyang ibili ng strawberry kahit kinamumuhian ko ang prutas na 'yun.
Pagkarating namin sa ampunan agad akong sinalubong ng mga bata. Bakas sa mukha nila ang saya nang makita ako. Ilang linggo rin akong hindi nakapunta rito kaya namiss ko sila.
Nagpaalam na ako kay Manong pagkaraan ay agad nang tumuloy sa loob ng bahay ampunan.
"Ate, Belle, bakit ngayon lang kayo dumalaw ulit? Si Josua, lagi siyang malungkot. Ang sabi niya namimiss ka niya," usal ni Liza. Isa sa mga bata.
Tiningnan ko isa-isa ang mga batang nakapaligid sa akin. Tama, si Josua pala. Hinanap ko siya ngunit hindi siya nakita ng aking mga mata.
Huminto ako sa paglalakad at umupo para pumantay sa mga bata.
"Alam niyo ba kung nasaan si Josua?"
Nagtinginan ang mga ito. Itinuro ni Liza ang bintana kaya tumayo ako at sumilip. Nakita ko si Josua na nasa labas habang nakaupo sa ilalim ng puno. Nasa malayo ang tingin.
Napabuntong hininga na lang ako.
Dumating si Josua rito sa ampunan noong pitong taong gulang siya. Simula noon ako na ang nag-alaga sa kanya. Magaan ang loob ko sa kanya, marahil ay dahil pareho kami nang pinagdaanan. Namatay rin ang kanyang mga magulang dahil sa aksidente.
"Belle!"
"Sister!" Tanaw ko si sister Annie na kalalabas lang ng kanyang opisina. "Mga bata, maglaro muna kayo doon sa playground kakausapin ko lang si sister Annie." Agad nagsitakbuhan ang mga bata palabas ng bahay.
"Buti naman at nakadalaw ka. Halika!" Pumasok kami sa kanyang opisina at doon nag-usap.
Sinabi sa akin ni sister Annie na malapit ng matapos ang pagrerenovate sa isang building. Pinapaabot niya rin ang pasasalamat kay Mommy dahil sa mga tulong nito sa ampunan.
"Kamusta ka naman? Ayos lang ba ang buhay mo kasama ang mga Fostrea?"
Agad kong iniwas ang aking tingin.
"A-yos naman po." Awkward akong ngumiti.
"Mabuti naman kung ganuon. Nakikita ko sa'yong mahal na mahal mo ang asawa mo." Nakangiti niyang tugon.
Tumango ako.
Bigla kong naalala ang nangyari 4 years ago.
FLASHBACK
______
"Pasensya na, hija, pero hanggang ngayon ay wala pa kaming suspect sa pagkamatay ng mga magulang mo."
Hindi ako nakasagot at tanging pagyuko na lang ang aking nagawa.
"Tatawagan ka nalang namin kapag nakahanap na kami ng lead," aniya ng pulis.
Parang gustong bumagsak ng aking mga luha matapos marinig ang sinabi ng pulis. Ilang taon na ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay hindi parin nalalaman ng mga pulis kung sino ang bumangga sa kotse ng aking mga magulang.
Ang sabi ng imbestigador, wasak umano ang gilid na bahagi ng kotse kung saan nakaupo si Papa. Ibig sabihin hindi sila ang bumangga kundi sila ang binangga. Malakas ang impact kaya kahit si Mama ay napuruhan at idineklarang dead on arrival.
Walang cctv sa lugar at wala ring witness kaya lahat ay nahihirapan.
"Watch out!"
Bigla akong bumalik sa realidad matapos marinig ang sigaw ng isang lalaki. Nanlaki ang aking mga mata at nanigas ang ako sa kinatatayuan ko nang makita ang sasakyan na rumaragasa papunta sa akin.
Akala ko katapusan ko na kaya napapikit na lamang ako. Hanggang sa maramdaman ko ang mainit na kamay na biglang humawak sa aking isang braso.
Naramdaman ko ang isang malakas na paghila. Kahit nakapikit ay ramdam ko ang pag-ikot ng paligid hanggang sa namalayan ko na lang na nakatihaya na ako sa sementadong daan.
Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata at unang tumambad sa akin ang mukha ng isang guwapong lalaki. Ang kanyang isang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo. Nakapikit siya at halatang may iniindang sakit kaya naman bigla akong napaupo.
"Ayos ka lang ba? Pasensya na talaga." Ini-scan ko ang kanyang buong katawan ngunit mukhang wala naman siyang malaking sugat kaya napanatag ako kahit papaano.
"Magpapakamatay ka ba?! Hays! Aray, argh!"
"Naku, pasensya na talaga." Tinangka kong hawakan ang kanyang braso para sana alalayan siyang tumayo ngunit hinawi niya ang kamay ko.
Kahit nahihirapan ay tinanggihan niya ang tulong ko at mas piniling tumayong mag-isa. Sunod akong tumayo.
Tiningnan niya ang kanyang suot na white long sleeve at napamura siya nang makitang nadumihan iyon. Ramdam ko ang panginginig ng aking katawan habang pinagmamasdan siyang nagpapagpag sa kanyang damit.
"Sorry. Sorry talaga. May sugat ka. Sandali, gagamo–"
"No need." Naiirita niya akong tiningnan. "Tsk! Sa susunod tumingin ka sa dinadaanan mo para wala kang maabalang tao." Pagkatapos niyang magsalita ay agad na siyang naglakad palayo.
Pipigilan ko pa sana siya ngunit hindi ko na itinuloy at mas piniling magpasalamat na lang.
Iyon ang unang pagtatagpo namin ni Kaist. Kahit sinungitan niya sa ako ng araw na iyon ay hindi parin siya mawala sa isip ko. Ang kanyang guwapong mukha.
Kung hindi dahil sa kanya ay baka wala na ako ngayon.
_________
Nasa ground floor na ako ng mall at palabas na nang may mabangga akong isang babae. Nakatingin kasi ako sa aking cellphone habang naglalakad dahil baka may mensahe galing kay Manong Criss kaya hindi ko napansing may kasalubong pala ako.
Nabitawan ko ang isang supot na may lamang mga prutas kaya gumulong iyon sa sahig.
"Naku! Pasensya na talaga-" Napatigil ako nang makita ang babae.
Nakatayo siya sa harap ko at nakataas ang kanyang kilay habang nakatingin sa akin. Hawak niya sa balikat ang isang shoulder bag na talaga namang mamahalin. Mahaba ang kanyang buhok at nakasuot siya ng kulay pulang bestida.
Mukhang hindi siya natinag sa pagkabangga ko sa kanya.
"Sa susunod alamin mo kung saan ka nararapat." Mas lalong tumaas ang kanyang isang kilay.
Inirapan niya ako bago iniwan doon.
Saan nararapat? Anong ibig niyang sabihin? Tss! Ang yabang porket mayaman.
Pupulutin ko na sana ang mga nagkalat na prutas nang mapadako ang tingin ko sa sign na nakalagay sa ibabaw ng pinto.
Entrance.
Eh? Kaya naman pala. Nasa maling daan naman pala ako.