CHAPTER FOURTEEN
NAPAILING na lamang si Michael nang ipinagpilitan ni Carmie na sasakay ito sa isang grocery cart habang naglilibot sila sa grocery store. Hindi lang basta nakasakay ang dalaga dahil may bitbit din itong camera. Balak pa yata ng girlfriend niyang mag-vlog habang namimili este nagdedate sila. Wala naman na siyang pakialam pa kung pagtinginan sila ng mga taong namimili sa nasabing pamilihan.
“Ui, tulak mo ang cart doon sa may free taste,” sambit ni Carmie na napakalinaw ng mata pagdating sa mga tasting booth.
Napatingin na lamang si Michael sa direksyong itinuturo sa kanya ni Carmie sa kanya. Napangiti na lamang siya nang nakita niya ang excitement sa mata ng dalaga na para bang ngayon lang nito nakita ang isang food tasting booth.
“Seryoso, ngayon ka lang ba nakakita ng mga ganito kapag namimili ka? Para kang bata na hindi ko maintindihan eh,” naiiling na sabi ni Michael sa dalaga.
“Hindi naman,” sagot ni Carmie. “Iba lang kasi ang excitement ko ngayon dahil kasama kita.”
“Nambola ka pa eh alam mo namang walang epekto sa akin iyan,” pambabara agad ni Michael sa dalaga.
“Kung walang epekto ang pambobola ko eh di sana ay hindi mo na ako sinagot sa panliligaw ko sa iyo,” sagot naman ni Carmie.
“Hindi panliligaw ang ginawa mo, panunukso iyon,” sambit ni Michael na para bang itinatama pa niya ang sagot ni Carmie sa kanya.
“Nagpatukso ka naman, aminin mo na lang kasi na lagi mo naman akong mahal,” panunukso agad ni Carmie.
“Hay naku, Carmencita, itutulak ko na ba ang cart mo o gusto mo pang magtuksuhan tayo?” tanong ni Michael sa dalaga.
Napanguso na lamang si Carmie nang tinawag na naman siya ni Michael sa full name niya. Of course, she is so done kapag tinatawag na siya nitong Carmencita. Hindi naman sa hindi niya mahal ang mga magulang na nagbigay sa kanya ng pangalang iyon. Hindi lang talaga siya masaya sa pangalang ibinigay sa kanya dahil tunog makaluma na iyon para sa kanya.
Hindi na lamang pinansin ni Michael ang panguso ng girlfriend niya at sa halip ay itinulak na niya ang cart papunta sa direksyon na sinabi nito. Natawa na lamang siya nang nakita niya ang reaksyon ng taong nakapwesto sa booth na iyon nang oras na iyon. Buti na nga lang at binigyan pa rin sila ng free taste sample ng ham na bago nilang tinda.
“Salamat at pagpasensiyahan mo na kami,” sabi ni Michael sa nasabing tao.
“Okay lang, cute ninyo ngang tingnan eh,” nakatawang sabi ng babae sa kanya. “Unique ang trip ninyo sa buhay.”
Bago pa man bigyan ni Carmie ng isang masamang tingin ang babaeng kinausap ng boyfriend niya ay itinulak na ni Michael ang cart na sinasakyan niya. Bukod sa camera ay hawak din niya ang mga sample ng ham na nakuha nila. Masama ang loob niya dahil nakuha pa ng babae na makipagflirt sa boyfriend niya.
“Ano, selos ka na naman ba?” tanong ni Michael sa weird niyang girlfriend.
“Kapag ba sinabi kong nagseselos ako ay tatawanan mo lang ako?” tanong naman pabalik ni Carmie sa boyfriend.
Imbes na sumagot ay isang halik sa noo ang ibinigay ni Michael sa noo niya. Namula na lamang siya nang wala sa oras dahil bihira iyong gawin ni Michael sa kanya in public. Nararanasan lang niya ang mga halik ni Michael kapag nasa loob na sila ng isang pribadong silid. First time niyang naranasan ang kusang paghalik ng binata sa kanya sa loob ng isang grocery store.
“Seryoso, sinagot na kita kaya hindi mo na kailangang magselos pa,” sambit ni Michael sa dalaga. “Ayaw mo naman sigurong masira ang araw natin dahil lang sa pagseselos na iyan.”
Napahinga na lamang nang malalim si Carmie. May punto naman kasi ang sinabi ng binata sa kanya. Hindi niya kailangang magselos dahil kanya naman na si Michael. Hindi rin naman nagpakita ng interes sa binata ang babaeng kinausap nito.
TULAD nang inaasahan ni Michael, isinama na nga ni Carmie sa libro ang naging first date nila sa isang grocery store. Nagmukha na ngang diary ni Carmie ang manuscript na ipinasa nito sa kanya dahil lahat ng ginagawa nila sa mga date nila ay nakasulat na. Pasalamat nga lang siya dahil ibang pangalan na ang ginamit ni Carmie para sa mga karakter nito. Kahit papaano ay hindi na siya maiilang sa pag-eedit dahil alam niyang kahit na hawig ang kwento sa buhay nilang dalawa ay may parte pa rin na fictional doon. At iyon ang mas mahalaga sa kanya, ang hindi magulo ng mga readers nito ang private nila.
“So, bagsak pa rin ba iyan sa iyo?” tanong ni Carmie nang natapos na si Michael sa pagbabasa sa manuscript niya. “May reklamo ka pa ba?”
“Magrereklamo ako kung ibinagsak mo ang performance ko sa loob ng kwarto,” sagot naman ni Michael. “But since medyo hawig lang sa atin ang ginawa mo ay hindi na ako maiilang pa sa pag-eedit. Hindi na halatang ginawa mong diary ang manuscript mo.”
Napanguso na lamang si Carmie nang narinig niya ang sagot ni Michael, “Noong ginamit ko ang pangalan natin, panay ang angal mo, ngayong malapit naman sa kwento natin ang ginawa ko wala ka namang angal.”
Kinurot na lamang ni Michael si Carmie sa pisngi nito, “Mas madali kasing i-edit ang gawa mo ngayon kaysa noon dahil hindi ko na maiimagine pa ang mga panghahalay mo sa akin noon.”
“Wow, ako pa talaga ang nanghalay,” naiiling na sabi ni Carmie sa binata.
“Bakit? Hindi mo nga ba ako hinalay sa utak mo, hmm?” tanong agad ni Michael.
Hindi na nagawa pang sagutin ni Carmie ang katanungan ni Michael nang sandaling iyon dahil hinalikan na siya ng binata sa labi. Mukhang nag-uumpisa na naman siyang maghukay ng sarili niyang libingan dahil hinalikan na naman siya ng binata. Napaatras na lamang siya nang wala sa oras.
“What? Naisip mo na naman bang naghukay ka ng sarili mong libingan?” tanong ni Michael sa dalaga in an amused tone.
Bago pa man makailing si Carmie bilang isang marahas na sagot ay isang malakas na tawa na ang pinakawalan ni Michael nang sandaling iyon. Ginulo pa nito ang buhok niya nang sandaling iyon.
“Wala, bawal ngayon at kailangan ko nang iedit ito,” sambit ni Michael sa dalaga. “Baka magahol pa ako kung hindi ko pa ito haharapin kaagad.”
MABILIS na lumakad ang mga araw at satisfied naman si Michael sa pag-eedit ng manuscript ni Carmie. Kinontak na rin niya ang layout artist na laging in-charge sa mga libro ng dalaga para ipaalam kung ano ang ideya nito para sa cover ng kwento nito. Hindi naman sa minamadali niya ang pagbuo sa nasabing libro, kailangan lang talaga niyang gawin kaagad ang kay Carmie dahil pag-iisipan pa niya kung paano niya ipaglalaban ang number of copies na ipapareproduce niya sa printing office.
“Relax, hindi mo naman kailangang madaliin ang libro niya dahil mahaba-haba pa naman ang time for preparation diyan,” sambit ni Juris nang napansin niyang nakadukdok na ang binata sa laptop nito. “Sigurado namang hindi na aangal ang head ng sales department kapag nalaman niyang kay Carmie na ang ilalabas na libro.”
“Hindi naman ako nagmamadali,” sagot naman ni Michael. “Gusto ko lang masiguro na walang loopholes ang mga eksenang inilagay ni Carmie kaya inuumpisahan ko na ang pag-eedit.”
Natawa na lamang si Juris. Hindi naman niya masaway si Michael dahil kung ano man ang treatment na ibinibigay nito sa manuscript ni Carmie ay iyon din ang treatment na ibinibigay nito sa iba pang mga authors na hawak nito. He is a perfectionist pagdating sa proofreading. May mga pagkakataon pa ngang nakakaaway nito ang isang author dahil napagsabihan ni Michael na ayusin ang grammar. Hindi rin naman nakakaligtas si Carmie sa pagiging perfectionist nito lalo na at nagagawa nitiong ipabago sa dalaga ang mga nais nitong ipabago.
“Huwag kang mag-alala, tapos ko na ang libro ng isa kong author,” sambit ni Michael sa lalaki. “Alam mo namang mahilig akong mang-away ng author ko kapag hindi sumusunod sa deadline.”
“Alam ko, bilib nga ako at nagagawa mo silang takutin eh,” sagot naman ni Juris.
“Pride din naman kasi nila ang nakataya kung hindi sila susunod,” sabi ni Michael. “Pwede ko naman kasing iatras ang publishing nila kung magpapasaway sila.”
Natawa na lamang si Juris. Kunsabagay, mahaba na rin naman ang panahong ibinibigay nila sa writers nila para makabuo ng isang kwento. As much as possible nga ay ayaw nila ng late submissions dahil sila rin naman ang magagahol sa pag-eedit. Kaso nga lang, sadyang may mga pasaway pa rin silang writer na magpapasa lang ng manuscript nila kapag paulit-ulit nang kinalampag ng editors nila.
“Buti at hindi pa nakikipaghiwalay si Carmie sa iyo dahil sa pagiging istrikto mo,” puna ni Juris sa binata. “Hindi ba siya nagrereklamo sa iyo?”
“Baligtad, ako ang nagrereklamo sa kanya,” sagot naman ni Michael. “Weird naman kasi ang isang iyon eh.”
“Weird na kung weird, mahal mo naman ba?” tanong agad ni Juris sa binata. “Kung naglalaro lang kayo ay tigilan ninyo na bago pa man kayo makabuo ng bata.”
“Mananatili ba ako sa tabi niya kung napilitan lang ako?” tanong naman pabalik ni Michael. “Kahit weird ang isang iyon, mahal ko iyon.”
“Handa mong pakasalan?”
“Oo naman,” mabilis na sabi ni Michael. “Wala naman sa tagal o iksi ng relasyon ang usapin tungkol sa pagpapakasal. Ramdam ko namang siya na talaga ang hihintayin ko sa altar.”