CHAPTER THIRTEEN

BUSY na si Michael sa iba pang mga kwentong ineedit niya nang nag-ring ang phone niya. Hindi naman na niya pinansin pa kung sino ang tumatawag sa kanya dahil alam naman niyang si Carmie lang naman madalas ang tumatawag sa kanya.

“Carmie, alam kong miss mo na ako pero kailangan mo munang tapusin ang manuscript mo,” sambit ni Michael in a stern tone. “Mahihirapan lang tayong pareho sa editing kapag hindi ka pa nagsipag ngayon.”

Nagulat na lamang siya nang nakarinig siya ng isang mahinang tawa. And to make the matters worse, boses ng isang lalaki ang narinig niya.

“So makulit pala talaga ang anak ko pagdating sa trabaho niya,” natatawang sabi ni Arman na nasa kabilang linya nang sandaling iyon.

“Tito Arman,” mabilis na banggit ni Michael sa pangalan ng mas nakatatandang lalaki.

“Ako nga, I guess busy ka ngayon,” sagot naman ni Arman.

“Medyo po. May iba pa po kasi akong ineedit na novel po eh,” sagot naman ni Michael. “Ihahabol po sa posting sa online platform ng Lion Heart Publishing House.”

“I see, I guess hindi kita makakausap ngayon,” sambit ni Arman.

“Kung tungkol po kay Carmie ang pag-uusapan natin ay willing po akong itigil po muna ang ginagawa ko para makausap ko po kayo,” sagot naman ni Michael. “Lalabas din naman po talaga ako ngayon dahil may pupuntahan po ako na writer ko.”

“No need, hindi mo naman pwedeng pabayaan ang trabaho mo dahil lang sa gusto kitang makausap,” sabi ni Arman. “A professional worker must set aside his personal life sa trabaho.”

“Pero…”

“It is really alright kung hindi mo ako mapupuntahan ngayon,” mabilis na sabi ni Arman in a comforting tone. “Sapat na sa akin ang nalaman kong makulit ang anak ko kahit sa trabaho niya.”

“Po?”

“Huwag kang mag-alala, alam ko namang weird ang anak ko kaya hindi na bago sa akin kung nakikita mo man na mahilig siya sa mga bagay na kakaiba,” sambit ni Arman. “Ang akin lang ay hindi ka sana magsawa sa ugali niya kahit na weird pa siya.”

Magsasalita sana ng opo si Michael nang bigla na lamang naputol ang nasa kabilang linya. Hindi niya alam kung biglang humina ba ang signal niya o pinagpatayan na siya ni Arman ng tawag. Ang alam lang niya ay kukumustahin ni Arman ang anak nito sa kanya. Isang malalim na hininga na lamang ang pinakawalan niya bago pa man siya nagpasyang ibalik na ang atensyon niya sa kanyang trabaho.

Tumigil lang si Michael sa ginagawa niya nang nakaramdam na siya ng pananakit ng mata niya. Of course, hindi rin naman kasi biro ang pagharap sa laptop sa loob ng ilang oras na walang pahingahan. Nang sa tingin niya ay sasabog na ang mata niya sa ginagawa niya ay nagpasya na siyang tumayo upang pumunta sa pantry. Kailangan na niya ng isang break mula sa pag-eedit.

“Pupunta ka sa pantry, right?” tanong ni Juris sa binata.

“Oo, alam ko na ang gusto mo,” sagot naman ni Michael. “Black coffee na may dalawang kutsarang asukal.”

Natawa na lamang si Juris. Halatang kabisado na ni Michael ang hilig niya.

“Buti at hindi ka pa kinagagalitan ng asawa mo,” sambit ni Michael sa boss niya. “Masyadong matamis ang dalawang kutsarang asukal para sa isang cup ng kape.”

“Sunny is too sweet para kagalitan ako,” sagot naman ni Juris. “Saka naiintindihan naman niya kung ano ang nature ng work natin.”

Hindi na lamang nagsalita nang sandaling iyon si Michael at sa halip ay pumunta na siya sa pantry. Mas lalo lang siyang makakaramdam ng pagod kung sakaling pakikinggan pa niya ang boss niya.

HINDI pa man nagtatagal si Michael sa loob ng pantry ay hinahanap na agad siya ni Anthony. Seriously, ang gusto lang naman niya ay magpahinga kahit saglit. Iyon nga lang, hindi na niya iyon magagawa pa dahil hanap na naman siya ng binata. Siguradong may problema na naman ito sa writer niya.

“Huwag ka munang sumimangot dahil wala pa naman akong problema sa ngayon,” sambit ni Anthony nang nakita niya ang pagkunot ng noo ni Michael. “Hanap ka ng girlfriend mo.”

“Si Carmie? Himala at nagpunta siya rito nang hindi ko nalalaman,” sagot naman ni Michael. “May dala ba siyang manuscript o laptop?”

“Hindi ko alam,” mabilis na sagot ni Anthony. “Ang alam ko lang ay nakikipag-usap na siya kay Bossing ngayon.”

Mas lumala ang pangungunot ng noo ni Michael dahil sa narinig. Hindi niya alam kung ano na naman ang pumasok sa utak ng girlfriend niya at naisipan nitong kausapin si Juris. Dahil sa curious na rin naman siya sa itinatakbo ng utak ng girlfriend niya ay nagpasya na siyang lumabas ng pantry. Nasa kamay na rin niya ang isang maliit na tray kung saan nakapatong ang napakatamis na kape ni Juris.

“Tamang-tama, dumating ka na,” sambit ni Juris. “Kailangan mong samahan ang writer mo ngayon dahil nawawalan na raw siya ng ideya sa isusulat niya.”

Napanganga na lamang si Michael nang sandaling iyon. Sa pagkakatanda niya ay may ibang nakalagay sa schedule niya para sa araw na iyon. Kung hindi lang siguro niya girlfriend ang writer niya ay masisisguro na niyang pinaglalaruan na naman siya ni Carmie nang mga oras na iyon.

“Ibibigay ko na kay Raine ang pagbisita sa isa sa mga writer mo,” sabi ni Juris. “Kailangan ka ng main writer mo kaya siya na muna ang tulungan mo.”

“Ako na ang bahala sa isa mong writer,” sagot naman ni Raine. “Ipapanakot ko si Yuan kapag sinabi niyang hindi siya magpapasa ngayon.”

Napakamot na lamang ng ulo si Michael nang sandaling iyon, “Para namang papayag si Yuan sa gusto mong mangyari.”

“Payag iyon, malakas kaya ako sa asawa ko,” mabilis na sagot ni Raine. “Isa pa, mas gusto niyang magkasama kami kapag pumupunta na ako sa writers ko para hindi ako madehado sa mga palusot nila. Mag-enjoy na lang kayo sa lakad ninyo ni Miss Carmie. Sure naman akong maganda ang pupuntahan ninyo, hindi ko naman sinasabing hotel ito.”

Napailing na lamang si Michael. Wala naman na siyang ibang choice kundi ang pumayag na lalo na at girlfriend naman niya ang nag-aaya, hindi ibang babae.

“Bantayan ninyo muna ang girlfriend ko at kukunin ko lang gamit ko,” mabilis na sabi ni Michael sa mga kasama niya.

TUMAAS na lamang ang isang kilay ni Michael nang sinabi na ni Carmie kung saan nito gustong pumunta. Hindi totoo ang sinabi ni Raine na sa isang hotel ang punta nilang dalawa ng girlfriend niya. Why? That is simply because sinabi lang naman ng dalaga na gusto niyang magpunta sa isang grocery store para sa isang date. Hindi naman sa hindi niya naintindihan ang topak ng girlfriend niya, nagkataon lang na kakaiba na naman ang gusto nitong gawin.

“Sige, magdedate tayo sa grocery store, ang tanong, bakit iyon ang naisip mo?” tanong ni Michael sa dalaga.

“Gusto ko kasing maranasan ang umupo sa loob ng isang grocery cart habang itinutulak mo iyon,” sagot naman ni Carmie in an innocent tone.

“Carmencita, ilalagay mo rin ba iyan sa kwento mo?” tanong ulit ni Michael na naghihinalang irerelate na naman ni Carmie sa kwentong ginagawa nito ang magiging date nila.

“Malay ko, dedepende sa magiging resulta ng date natin kung hindi ka maiinis,” sagot naman ni Carmie. “Saka, hindi ba may mga free taste sa grocery stores?” tanong pa niya sa binata.

“Kung malaking grocery store iyon na nasa loob ng isang mall, siguro mayroon,” sagot ni Michael. “Teka, ang binabalak mo ba ay tikman ang mga free taste doon?”

Hindi na lamang nagsalita si Michael nang nakita niya ang masayang pagtango ni Carmie. Kakaiba man ang trip ni Carmie ay kaya naman niya iyong sakyan lalo na at hindi naman iyon makakapanakit sa ego niya bilang isang lalaki, bilang isang boyfriend. Iyon nga lang, hindi naman siya sigurado kung kakasya ba ang dalaga sa isang grocery cart.

“Sige, pagbibigyan kita kung makakatulong iyan para makapagsulat ka nang matino,” sambit ni Michael sa dalaga. “Just make sure na hindi mo kakainin lahat ng free taste dahil hindi lang naman ikaw ang consumer sa loob.”

“No problem! Taste testing lang ang gagawin ko!” determinadong sagot ni Carmie. “Who knows, baka makaisip pa ako kaagad ng isang magandang recipe mula sa free taste.”

“Oo na, oo na, pagbibigyan na kita,” sambit ni Michael sa dalaga. “Pasalamat ka at mahal kita kahit weird ka kadalasan.”

Napangiti na lamang si Carmie nang narinig niya ang huling sinabi ni Michael. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili at kinuha niya ang mukha ng boyfriend niya para lang halikan ito sa labi. Wala naman na siyang pakialam pa kung may iba mang makakita sa kanila dahil expressive naman siya sa pagpapakita ng pagmamahal niya sa binata.

“Weird man ako sa paningin mo, ang mahalaga, akin ka pa rin,” sambit ni Carmie sa binata.

Napahinga na lamang nang malalim si Michael nang sandaling iyon. Wala na, finish na ang laban kapag sinabihan na siya ng dalaga na inaangkin na siya nito. Kunsabagay, siya naman ang nagsabi sa dalaga na kailangan nitong akuin ang responsibilidad sa kanya. Well, mas mabuti na ring unique ang girlfriend niya para walang magkamaling manligaw kay Carmie.

“Iyong-iyo na ako, subukan mo lang na magpaligaw sa iba at susunugin ko lahat ng yaoi collection mo,” pagbabanta naman ni Michael sa dalaga.