CHAPTER 17

Hirap na hirap na binuksan ni Evan ang silid habang hawak ang tray ng pagkain. Hindi nya maiwasan ang pagngiti nang makita si Phoebe na nakatayo doon sa may tapat ng bintana at magkakrus ang mga braso na nakatingin sa labas.

“Lunch time.” Anunso nya saka inilapag ang tray sa lamesa.

Halos isang buwan na rin yata nang makalabas si Phoebe sa ospital. Nung mga unang araw ay naging mahirap talaga ang lahat para sa kanya dahil wala itong maalala maski isa pero di kalaunan ay nasanay na sya sa presensya ng binata sa paligid nya, para ngang hindi nya kayang matulog sa buong araw na hindi nakikita si Evan. Nasanay na sya sa ideyang may asawa na sya bago pa man mangyari ang insidente.

“Hon, let’s eat.” Gamit ang pinakamalambing na boses ni Evan ay nagsalita ito. Naglakad sya patungo sa likod ng dalaga saka niyakap ang dalaga mula sa likod. Isang mabilis na dampi ng halik ang iginawad nya sa pisngi nito bago tuluyang ipinatong ang kanyang baba sa balikat ni Phoebe.

“Is something bothering you?” Tanong nya na agad namang inilingan ni Phoebe bilang tugon.

Ilang minuto silang nanatili sa ganoong posisyon bago humarap si Phoebe sa kanya saka sya mahigpit na niyakap. “I love you.” Pakiramdam ni Evan ay may kung anong humaplos sa puso nya nang marinig ang sinabing iyon ni Phoebe.

“I love you more, baby,” tugon nya at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa dalaga. Ilang ulit nyang hinalikan ang noo nito.

Hindi maiwasan ni Evan ang pagngiti. Sinong mag-aakakala na ang kasinungalingang binuo nya sa isip ng walang muwang na dalaga ang magiging rason para maging masaya?

“Let’s go? Baka lumamig ang pagkain,” ani Evan saka hinaplos ang buhok ng babae. Inalalayan nya itong maglakad pati hanggang sa pag-upo na animo’y isang mamahalin na vase ang dalaga. Iniayos nya ang pagkain saka inabot ang kubyertos kay Phoebe na nakangiting pinanunuod sya sa ginagawa. Kakatwang sa loob ng halos isang buwan ay ganoon lang nang ganoon ang ginagawa ni Evan pero hindi man lang sya makaramdaman ng pagod o kawalan ng gana na pagsilbihan si Phoebe. Para bang iyon ang dahilan kaya nabuhay sya sa mundong ito— ang pagsilbihan ang babaeng mahal nya.

“This one’s your favorite,” ani Evan saka itinuro ang sopas na naroon sa kanyang harapan.

Halos ilang buwan pa lang sa kanya si Phoebe pero alam nya na ang paborito nito. Paano’y matagal nya nang gusto ang dalaga kaya naman halos subaybayan nya na ito sa tuwing walang trabaho.

“Yeah. I know na this one’s my favorite.” Nakangiting tumango-tango si Phoebe habang kumakain.

“Do you remember me now, baby?” Puno ng pag-aalala ngunit excited na tanong ni Evan. Alam nyang maaring magbago ang lahat sa oras na makaalala ang dalaga pero ayaw nya rin naman na parating nakikita ang taong mahal na kinukwestyon ang buong pagkatao nya.

“Am I supposed to remember you with this?” Alinlangang tanong ni Phoebe. Wala pa rin syang naaalala. Nang mapansin ang paglaylay ng balikat ni Evan ay agad nyang inabot ang kamay nito. “Tell me something different,” saad nya.

Nagbaba ang tingin ni Evan sa labi ng dalaga at bago nya pa man mapigilan ang sarili ay agad na itong nakapagsalita. “Can I kiss you?” Tanong ni Evan. Hindi naman nya intensyon na ipaalala sa dalaga ang unang beses na itanong nya iyon. Ang tanging intensyon nya talaga ay humingi ng permiso para halikan sya.

Sa isang iglap ay tila ba may mabilis na ala-alang dumaan kay Phoebe. Nanatili syang nakatitig kay Evan. Ang lapit ng kanilang mukha ay unti-unting nakakapagbalik ng hindi malinaw na ala-ala sa kanya. Isang lalaki. Sa harap nya. Isang lalaking humahalik sa kanya pero ang mukha ng lalaking iyon ay hindi klaro sa kanya.

“Are you okay?” Nag-aalalang tanong ni Evan. Mabilis syang kumilos saka inabot ang gamut na nireseta ng doktor.

Nang makainom ay unti-unting nawala ang pananakit ng ulo ni Phoebe ngunit kasabay noon ang pagdagsa ng mga ala-ala na talagang ikinaramdaman nya ng hiya.

“Baby, are you okay? Let me call the doctor.” Aligagang salita ni Evan saka tumabo.

Mabilis na hinawakan ni Phoebe ang laylayan ng damit ng nya dahilan para mapabalik ito sa pagkakaupo. Hindi nya alam kung paanong magsasalita nang maging maliwanag sa kanya kung ano talaga ang posisyon nya sa bahay na ito.

“A-ayos l-lang a-ako.” Utal na sagot nya. Nanatili syang nakayuko.

Agad na hinawakan ni Evan ang kanyang baba saka ito inangat sa kanya, “Are you sure?” Tanong nya, puno ng pag-aalala ang mga mata. Nag-iwas ng tingin ang dalaga saka tumango.

Nang maramdaman nya ang papalapit na mukha ni Evan ay mabilis syang tumayo, “E-excuse me, sir.” Utal na aniya saka lumabas ng silid.

Naiwang nakatulala si Evan. Pilit nyang inaalala ang huling salita na lumabas sa bibig ni Phoebe. Sir?

“May naaalala na ba sya?” Dali-dali syang lumabas ng kanyang silid at agad na nagtungo sa kwarto ni Phoebe. Nang hindi nya ito nahanap doon ay agad syang nagtungo sa baba. “Did you see Phoebe?” Tanong nya sa katulong na nag-aayos na ng gamit para umuwi.

On-call ang lahat ng katulong, maski ang chef ay ganoon din.

“Nasa kusina po sya, sir. Mauna na ho ako.” Paalam ng katulong saka nakangiting tumungo at lumabas ng bahay.

Agad na naglakad si Evan patungo sa kusina at doon ay natagpuan nya ang dalaga na nakaharap sa refrigerator habang paulit-ulit na sinasampal ang sarili.

Nakangiting naglakad sya patungo sa kinaroroonan ni Phoebe. Kakatwang hindi man lang nito naramdaman ang paglapit nya dahil abala ito sa pangangastigo sa kanyang sarili.

“Stupid, Phoebe! Stupid!” Paulit-ulit na salita nya sa kanyang sarili. Gusto nyang maiyak dahil sa loob ng isang buwan bagaman hindi sila nakabuo ng supling tulad ng nais ng binata, ay itinuring nya talagang asawa ang kanyang amo.