Chapter Seven:Him...Again?
"We don't meet people by accident. They are meant to cross our paths for a reason."
Ashley’s POV
"Uy, kumain ka na ba?" tanong ni Tita Ena bago pa ako makalabas ng pinto ng bahay. Napahinto ako at nilingon ito.
"Doon na ho ako kakain, Tita Ena. Nagmamadali ako eh," sagot ko rito bago muling humakbang palabas.
"Aba! Siguradong kakain ka doon ha! Masama iyong hindi kumakain ng breakfast. Nasasanay ka na yata ng ganoon."
"Oho, Tita. Sige, tuloy na 'ko."
"Sige, ingat ka. Nasabi ko na ba sa'yo na tumawag ang Mama mo." Nabitin ang hakbang ko. Napapikit ako at napahugot ng malalim na hininga. Hindi ko nga sinasagot ang mga text nito eh kasi ayoko munang kausapin ito.
"Ano raw, Tita?"muling baling ko rito. Nakaupo na ito roon sa tahian niya at handa nang manahi.
"Hm, wala namang sinabi. Kinumusta ka lang. Hindi mo raw sinasagot ang mga text niya."
"Wala ho kasi akong load, Tita." Pagsisinungaling ko. Hindi naman kasi 'yon ang tunay na dahilan. Ayoko lang talaga munang kausapin siya.
"Aba eh, magpaload ka at itext mo. Baka naman mag-alala nang husto."
"Sige ho, Tita. Mamya ho." Pagkasabi niyon ay tuluyan na kong lumabas ng bahay upang mag-abang ng traysikel na maghahatid sa'kin sa Paulina Mart.
Ilang araw ko na talagang dinededma ang mga text ni Mama. Alam ko naman kasi kung bakit at tungkol saan ang sasabihin niya sa'kin. Tungkol iyon kay Papa. Gusto niyang pumayag na akong umuwi na sa amin si Papa. Noong nakaraang buwan pa niya ako kinukumbinsi tungkol sa bagay na iyon. Nasabi ko na noon na ayoko.
Hindi na maaaring umuwi sa amin ang Papa. Para ano pa ba? Dalawang taong natiis niya ang kaniyang pamilya. Dalawang taong maski anino niya ay hindi nagpakita sa amin. Pagkatapos ay walang kaabog-abog na susulpot siya at inaasahang niyang sasalubungin namin siyang unat ang mga braso?
Kataon naman pagkasakay ko ng traysikel ay nag-ring ang cellphone ko. Hindi na' ko nagulat nang rumehistro ang Mama. Nawalan na 'ko ng choice kundi sagutin ito.
"Ma," saad ko pagkabukas.
"Hello, Ashley, anak. Kamusta ka ba? Ayos ka lang ba d'yan?"
"Ayos lang ako, Ma," napapabutunghininga sagot ko.
"Anak, alam kong kaya ka hindi sumasagot sa mga text ko ay dahil nagdaramdam ka pa rin sa'kin. Sana naman hayaan mong makapagpaliwanag ang Papa mo. Sana naman bigyan mo pa ng isang pagkakataon. Umuwi ka muna, anak para naman magkausap kayong dalawa. Kinukumusta ka niya. Anak, Ashley, kailan ka makakauwi?"
Hindi ako makasagot. Gustuhin ko man ay hindi ako makapagsalita. Tila kasi may bara sa lalamunan ko. At saka pag nagsalita ako malamang bumaha ng luha ang traysikel na sinasakyan ko.
"Ashley, anak. Kailan ka uuwi?"ulit ni Mama.
"Ah, Ma. Hindi kita madinig. Nasa traysikel kasi ako eh," sabi ko na lang para ibaba na niya ang telepono. "At saka bababa na ho ako. Andito na ko sa department store. Tatawag na lang ho ako. Bye. Ingat kayo diyan."
Pagkasabi niyon ay agad kong ni-turned off ang cellphone. Sumandal ako sa traysikel at saka saglit na pumikit. Makailang beses akong huminga ng malalim upang hindi tuluyang bumagsak ang mga luha ko. Hindi ako pwedeng umiyak. Masisira ang manipis na make-up na nilagay ko sa mukha.
"Kuya, sa tabi lang po." Sabi ko sa driver. Nasa tapat na kasi ako ng Paulina Mart. Pagkaabot ng bayad ay agad na akong bumaba. Pinahiran ko pa ng likod ng palad iyong ilang patak na luhang nakatakas sa mga mata ko. I made sure that I am in my most professional self bago pumasok sa maliit na pintong nakatalaga sa mga empleyado lamang. Kaagad akong nag-time-in.
May mangilan-ngilang empleyado na ang naroon sa loob at nag-aayos ng mga paninda. Maaga pa naman. Nag-good morning ako kay Ate Jaq pagkakita rito. Agad naman itong sumagot. Buong akala ko naman ay ako na ang pinakamaaga ngayon ngunit hindi pala. Walang makakatalo dito sa pagka-punctual.
Napakasipag rin nito. Kung magtrabaho ay daig pa ang may mga anak na pinakakain samantalang single na single naman ito. Pinupunasan nito ang mga eskaparate.
Wala si Ate Des kaya tatlo lamang kami ngayon sa boutique, si Ate Jaq, Rov at ako. Kasama ito ni Sir James. May seminar yata na in-attend-an. At dahil Christmas vacation, walang pasok kaya whole day ako sa boutique.
Dumeretso naman ako sa pwesto ko doon sa male dresses and pants. Inayos ko ang mga naka-hanger. Pagkatapos ay tiniklop ko naman 'yong mga nasa rack. May naiwan pala ako kahapon na hindi nabalik sa pagkakatiklop.
Ilang saglit pa ay narinig ko ang good morning ni Rov. Unti-unti na ring dumadami ang mga tao. Marami pa rin ang mamimiling naghahabol sa pasko. At syempre mga naghahanda para naman sa bagong taon. Inaasahan na namin ang pagdagsa pa rin ng mga tao hanggang katapusan ng buwan.
Pagsapit ng alas diyes lalong kumapal ang tao sa boutique. Hindi namin nagawang mag-break. At dahil hindi ako ulit nag-almusal kanina, nag-aalburuto na naman ang tiyan ko. Bigla ko tuloy naalala si kuyang cute doon sa entrance ng grocery. Nandun kaya ulit siya? Parang hindi ko siya napansin noong mga nakaraang araw.
Mabuti naman at pagdating ng alas onse ay medyo kumonti na lang ang customers. Nagpaalam ako kay Ate Jaq na magsi-cr. Kanina pa sana kaya lang hindi ko naman maatim na lumabas kahit saglit dahil sa dami nga ng tao. Kulang na nga kami. Agad kong nilingon ang puwesto ni kuyang cute pero wala pa rin siya.
Pero nanlaki ang mata ko sapagkat kalalabas lamang ng grocery ang lalaking pinakaiiwas-iwasan ko. Ang masungit na Andrada.
Guwapong-guwapo ang hudyo sa suot na dilaw na polo shirt at maong pants. Bagay pala rito ang ganoong kulay. Pumuti ito bagaman sa tatlong Andrada mas mukhang Pilipino ito dahil sa kayumangging kulay. Awtomatikong bumaba ang tingin ko sa sapatos nito, brown topsider. Bagay na bagay din, hmp!
Agad akong nagmadaling lumiko at mabilis na pumasok sa rest room. Gosh, akala ko wala na ang lalaki. Akala ko talaga tapos na ang trabaho nito dito. Sana naman hindi niya ko napansin. Hindi naman siguro. Madami namang taong naglalakad kanina. Tiyak na hindi ako napansin niyon.
Kalalabas ko ng restroom nang mag-ring ang cellphone ko. Kumabog tuloy ang dibdib ko sa matinding gulat. Palibhasa kasi ay nasa isip ko pa ring ang kaaway kong Andrada. Baka kasi masalubong ko ulit. Hindi ko alam kung paano iiwasan ang lalaki nang hindi naman halata.
Agad kong kinuha sa bulsa ng palda ko. Malamang si Mama ulit ang tumatawag. Napahugot ako ng malalim na hininga. Kung bakit ngayon pa talaga ito nangungulit ng tawag.
"Ate, " agad na tawag sakin ng nasa kabilang linya, ang aking bunsong kapatid na si Cazie pala.
"Cazie, be, bakit nasayo ang phone ni Mama," agad kong tanong dito habang pigil ang mapaiyak. Sobrang nami-miss ko na kasi sila ni Denver. Tatlo lang kaming magkakapatid.
"Hiniram ko kay Mama. Kasi gusto kitang kausap. Di ka umuwi noong pasko eh. Na-mi-amiss ka namin kuya ni Denver. Ate, ba't di ka umuwi," anitong tila umiiyak. Saglit akong hindi makapagsalita. Naiiyak na rin kasi ako at ayokong marinig niya.
"Ate, dumating na si Papa eh. Hinahanap ka niya kaya uwi ka na, Ate. Para complete na ulit tayo. Di ba iyon naman ang gusto mo?"
"O... oo nga, be. Ahm, sige na, be, may work kasi ako eh. S.. saka na tayo magkwentuhan."
"Sige, Ate. Bye. Ingat ka diyan." Mabuti na lamang at agad nang naputol ang linya. Hindi ko na kasi talaga napigilan ang pagbagsak ng mga luha ko. Saglit akong huminto sa isang corner at tinuyo ng isang palad ang pisngi kong nabasa. Naiwan ko pa naman sa bag ang panyo ko. I can't go back there looking like a drowned kitten. Inayos ko ang sarili bago muling naglakad pabalik sa boutique.
Kaso nanigas yata ang buong katawan ko at natulos sa kinatatayuan. Sapagkat ang pinakaiiwasan kong hudyo ay nasa tabi ko na pala.
"Is anything wrong? Bakit ka umiiyak?" tanong nitong nasa tinig naman ang pag-aalala.
"N.. no, Sir. Nothing's wrong. Hindi po ako umiiyak," agad kong tanggi. Lumakad ako upang makalayo rito. Kung bakit naman sa kasamaang palad ay sumabay pa talaga sa'kin sa paglalakad.
"Someone hurt you there? Pwede mong sabihin sa'kin. I can't help you if you won't tell me," anang lalaki. He sounded so concerned that I could not believe that he was the man who just told me I was a stupid midget. Kunsabagay parang nagbago naman na siya. Medyo bumait ng konti dahil tinulungan akong magbuhat ng mga supplies noong isang araw.
"No, Sir. No one hurt me. Ayos lang po talaga ako. Napauwing lang ako. Thank you." Pagkasabi niyon ay higit kong binilisan ang paglalakad. Halos takbuhin ko na nga ang pabalik ng boutique. Bakit ba kasi siya pa talaga ang nakakita sa'kin sa ganoong kalagayan. Ano na lang ang iisipin ng lalaking iyon.
You can't show any weakness to that man, Ashley.
***