Chapter 35: A Sagacious Idea

Nakangiting bumaba si Magnolia sa kanyang kotse. Isang linggo nang nakauwi sina Liberty at mag-ama nito. Gusto niyang makipagkuwentuhan dito at dalawin ang kanyang inaanak. Pagpasok niya ay saktong naroon ang mag-asawa at karga ang baby. Nakipag-beso siya sa mga ito bago hinalikan sa braso at binti ang baby. Galing siya sa labas at kailangan niyang maging maingat dahil mahina pa ang resistensiya ng mga baby.

"Bakit nandito ka? Hinahanap mo na naman ang prince charming mo," natatawang sabi nito.

"At sino naman ang hahanapin ko? Para namang may mahahanap pang ganoon," masungit niyang sagot na ikinatawa lang lalo ng mga ito na ikinainis niya lalo.

"Eh sino pa ba, eh 'di iyung kumpare kong mas gwapo lang sa akin ng ilang paligo."

"Si Carlo na naman? Oh please, ayoko na doon. Move on na nga guys, nakakasawa na iyan."

"But really, Magnolia. You've already fallen out of love with him?" Nanunuri ang tingin ng kaibigan niya sa kanya na parang panel member sa thesis.

"Oo naman! Bago pa ako maka-graduate, burado na siya sa puso at isip ko," mayabang na sabi niya.

"Naks naman! Halatang in love na in love dati," natatawang sabi ni Joseph. "Pero akala ko nga magkakagustuhan kayo. Bukod kasi sa kapatid mo, sa iyo lang iyon naging ganoon. Parang may tama talaga. I'm not pulling your leg, but I already know him so well. Wala bang nangyari sa inyo?"

"Huh? Nangyari? Bakit may sinabi ba siyang ganyan?" Muntik na niyang matutop ang bibig dahil sa bilis ng sagot niya. Mabuti na lang at napagkamalan ng mga itong wala pa siyang karanasan sa ganoong bagay na talagang dahilan ng biglang pagkataranta niya.

"Huy, don't fret. Sorry, medyo intrusive."

"Ikaw kasi eh, hon! Kalalaki mong tao napakadaldal mo! Pero Magnolia, you are good for Carlo din feeling ko. Sayang lang si Rose pa nagustuhan niya. Kung ganda, talent, bait, figure, at class ang basehan, lamang na lamang ka sa kapatid mo. I'm sorry for being brutal ha. I know your sister is pretty, very pretty indeed. But I don't like her. I never will."

"Ano ka ba, Kalay? Kapatid ko pa rin iyon. Hayaan mo na. Hindi kami para sa isa't isa. High school pa lang alam ko na iyon."

"Do I sense bitterness or jealousy there?"

"Hindi noh! Ikaw talaga, Joseph, bakit ka ba naging basketball player, dapat showbiz reporter ka. Puro ka talaga intriga!"

"Oo na, hindi na. Ang bilis mo pa ring mapikon. Pareho din talaga kayo nitong labidabs ko eh," at hinalikan ang pisngi nito.

"Joseph, labyu," malambing na sabi ni Liberty at pinatulis ang nguso.

"Liberty, mahal ko, labyu din," sabi naman ni Joseph at pinatulis din ang nguso para salubungin ito ng halik habang karga ang baby.

"Napaka-PDA niyong dalawa! Hindi ko na kayo talaga kinakaya. Get a room, you two! Naninibago pa rin talaga ako. Akin na nga iyang inaanak ko baka maipit niyo pa." Kinuha niya ang baby at umupo na siya sa sofa para mas malaro niya ito.

"Oh honey, get a room daw. Si Ninang Magnolia na ang bahala kay David," tukoy nito sa anak.

"Tse! Two to four months pa, Joseph! Ayoko pang magbuntis at manganak ulit. Hindi naman ikaw ang magka-cramps, mag-le-labor at iire."

"Oo na, mahal ko, sungit naman. Biro lang. Kiss mo na lang ako."

"Alam mo extra sweet na. Medyo OA na. May request ka noh or permiso na hihingin."

"Eh?"

"Oh 'di ba. Sabi ko na nga ba," nakaismid na sabi nito.

"Honey naman eh kasi may lakad lang kaming barkada. Isang gabi lang. One time lang talaga tapos bahay at opisina na lang ako lagi."

"Ano namang exclusive for boys na lakad iyan?"

"Eh B-b-bachelor's party?"

"Gosh, takot na takot sa iyo itong asawa mo!" Tawa nang tawa si Magnolia habang pinagmamasdan si Joseph na parang batang may kasalanan.

"Sige lang, tawanan mo lang ako. Ganoon talaga, willing naman akong magpa-under sa misis ko na mahal na mahal ko sobra."

"Tse! Puro ka pick-up lines kanina pa."

"Please, payagan mo na ako, honey ko."

"Eh may babae doon na magsasayaw. Mamaya mag-lap dance pa sa 'yo. Eh matindi pa naman ang kalibre mo sa babae! Ikaw pa? Hindi ka pulis pero matulis ka pa sa lapis!"

"Gwapo itong pinakasalan mo, ganoon talaga," malambing na sabi nito. "Honey, promise, hindi ako magpapa-lapdance. Para iyon kay Carlo. Gift iyon para sa groom."

"So bago tayo ikinasal, nakipag-landian ka rin sa ibang babae!"

"Honey, no! Promise hindi ganoon. Dapat ibibigay sa akin pero ayoko talaga saka hindi ko kayang gawin iyon. Saka kahit mag-striptease pa iyon, magwo-walkout ako panigurado dahil Ikaw lang ang gusto kong mag-striptease," anito at hinalikan sa mga labi ang asawa.

"Kinikilig ako," impit ang tili na sabi niya. "Payagan mo na, Kalay. Faithful na faithful iyan kahit makulit."

"Magkakasundo talaga tayo niyan, Kumare," natatawang sabi ni Joseph "Hayaan mo, ibabalato ko sa 'yo ang groom."

"Tse!"

"Sige na nga. Basta uuwi ka din ha. Gusto ko pag-uwi mo, walang amoy na perfume ng babae o kissmark. Kiss mo muna ako," nakangusong sabi ni Liberty pero halatang kinikilig dahil hindi mapigilan ang pagngiti.

"Oo naman. Mahal na mahal kita, Liberty honey ko. Thank you," masayang sabi nito at hinalikan ito sa mga labi.

"Joseph, bigyan mo naman ako ng kasimpogi at kasimbait mo," biro niya habang kinikilig sa mga ito. Pero napasimangot din siya nang isuggest na naman nito ang gwapong groom na love na love niya. Kung alam lang ng mga ito ang nangyari. Mahal na mahal niya talaga ito pero iba ang mahal nito. Bigla namang may nabuo sa kanyang maganda pero kakaibang ideya kaya malapad na napangiti na naman siya bagaman napaisip kung tama bang gagawin iyon.

Mula sa mga simpleng tanong niya sa mga ito ay nakuha siya ng mahahalagang impormasyon. Ayaw sanang sabihin ni Joseph iyon pero naging mapilit siya at sinabing magandang alam ni Liberty para mas lalong sigurado ang pakiramdam nito. Tinandaan niya ang lahat ng mahahalagang detalye para alam niya ang sunod na gagawin. Napatingin na naman siya sa baby. Pakiramdam niya ay wala namang gusot sa gagawin niya. Marahil ay mali din pero desidido na siyang gawin.