Kabanata 72
Katatapos ko lang umiyak, ngayon umiiyak na naman. Wala na yata itong katapusan. Mugtong-mugto na
ang mga mata ko. Mahapdi na. Pero kahit na ayoko na sanang umiyak. Iba naman ang dulot ng iyak na
'to. Iyak ng saya.
Ilang buwan na ba ang lumipas mula no'ng umalis itong kaibigan naming si Dorry. Hindi ko na
matandaan. Pero hindi naman problema kung gaano katagal kaming hindi nagkita at nagkasama. Ang
mahalaga, magkaibigan pa rin kami at wala pa ring nagbago.
"Kumusta, Mia? Maayos na ba pa ang pakiramdam mo? Wala na bang masakit sa'yo?" Haplos ni Dorry
ang mukha ko, pinahid ang mga luha. Gaya ng ginawa niya sa asawa ko kanina.
Umiyak din kaya siya, kaya may pahaplos din itong si Dorry sa pisngi niya. Nakangiti na siya nang nilingon
niya ako. Mapang-asar pa nga na ngiti ang ginawa niya.
"Hindi pa rin maayos... ang dami ko pang iniindang sakit. Pero darating din ako d'yan... sa sinasabi mong
maayos.." Mapait akong ngumiti.
"Talagang hindi mo magawang magkunwari!" Iiling-iling siya.
"Naman! Ayokong lokohin ang sarili ko. Ayokong itago ang totoong nararamdaman ko. Dahil ako lang din
naman ang mahihirapan sa huli.
Mabuti nang alam ng mga taong nakapaligid sa akin na hindi pa ako ayos. Kay sa isipin nilang okay na
ako pero kapag mag-isa na lang sukong-suko na pala."
Seryoso kong tugon na nagpayuko kay Dorry. Natamaan?
"Hoy... anong problema?" tanong ko.
Ramdam ko kasi na malungkot siya. Ramdam kong may pinapasan siya. Pero kilala ko ang ugali ni Dorry.
Mas gusto niyang kimkimin ang lahat at magkunwaring masaya, kahit hindi. Kabaliktaran siya sa ugali ko.
"Wala... na miss ko lang kayo. Syempre nag-alala ako. Kahit hindi pumayag ang mga magulang ko na
pumunta ako rito, nagpumilit ako, makita ko lang kayo at masigurong maayos kayo."
"Si Danica ba ang nagsabi sa'yo?" tanong ng asawa ko.
Umakbay ito kay Dorry, habang ang isang kamay abala sa pagpahid ng mga luha ko.
"Oo, wala naman talaga siyang balak sabihin. Nasabi niya lang ng wala sa isip. Kaya hindi ko na
tinantanan hangga't hindi umaamin."
Sandaling bumaling ang tingin niya kay Diego, saka muling bumaling sa akin at mapait na ngumiti.
Alam niya na ayokong pag-usapan pa ang mga nangyari kaya kahit gusto niyang alamin. Pinili na lang ang
tumahimik.
"Masaya ako at maayos kayo, kahit hindi ko gusto ang nakikita ko sa mga mukha ninyo," sabi niya
kasabay ang paghikbi.
"Na miss ko talaga kayong dalawa!" Inabot nito ang kamay ko at gano'n din ang kamay ng asawa kong
naka-akbay pa rin sa kan'ya.
"Sigurado ka ba, na kami lang ang na-miss mo?" mapang-asar na tanong ni Diego sa matalik na kaibigan.
Umikot ang mga mata at hindi siya tinugon.
"Sus.... denial!" pang-aasar pa nito ulit.
"Tigilan mo ako, Diego, kung ayaw mong mabugbog!" banta nito.
"Sino nga pala ang kasama mo rito, sila Danica ba?" tanong nito habang hawak na naman ang kamay ko.
Umupo na kasi si Dorry, nangalay na yata sa katatayo. Pero itong asawa ko nasa harap ko pa rin, panay
haplos sa kamay ko na hinayaan ko lang naman. Gusto ko rin naman kasi.
"Ahmmm... kasama ko rito sila Danica at...
"Ahhhh!" da¡ng ng asawa kong napapapikit pa.
"Ano ba!" singhal niya.
Naputol na rin ang sasabihin sana ni Dorry.
Tumiim ang bibig ko kasabay ang pagbilog ng mga mata. May kasama pang paglunok.
Natapik ko rin ang dibdib ko. May bumara kasi nang makita ang taong biglang sumulpot at ang tainga ng
asawa ko ang unang kinapitan. As-in kapit na kapit, sabay hila.
"Ano ba, ha?! Pasaway kang bata ka! May palihim-lihim ka pang nalalaman!" gigil na sermon nito.
"P-pa..." utal na sabi ng asawa ko, kasunod no'n ang pagtiim ng bibig. Hindi na rin niya magawang
magreklamo sa tainga niya na hanggang ngayon hawak pa rin ng Papa niya.
"H-hello po... Uncle," utal kong bati ko. Nahihiya man na magsalita, pero nilakasan ko na lang ang loob.
Father-in-law ko ang dumating. Kabastusan naman kong hindi ko siya babatiin.
Matiim na titig muna ang kan'yang ginawa bago magsalita.
"Isa ka pa!" singhal niya.
Natiim ko ang bibig ko saka yumuko ako at sumimangot. Pati ako damay sa sermon. Sana hindi na
lamang ako nagsalita. Tuloy para na naman akong maiiyak.
"Papa! Papa ang itawag mo sa akin, hindi Uncle! Maliwanag?!" madiin niyang sabi na nagpaangat ng ulo
ko at nagpangiti sa asawa ko. Pero hindi nakaligtas ang ngiti na 'yon sa paningin ni Papa.
"Opo, Pa..." nahihiya kong tugon. Sinamaan ko naman ng tingin ang asawa kong namimilipit na nga sa
sakit, nakuha pang ngumiti.
"Ngingiti-ngiti ka pa, ha!" baling naman niya sa asawa ko. Pingol pa rin niya ang tainga nito. "Halos
atakihin kami nang malaman ang nangyari sa inyo!" singhal ulit nito na wala yatang balak na bitiwan ang
tainga ng asawa ko.
"Kaya nga, po, hindi ko sinabi dahil ayokong atakihin kayo, Pa!" depensa ng asawa kong napapataas ang
boses.
"Ayaw atakihin!"
Nakagat ko na lamang ang labi ko. Kawawang asawa ko. Lalong namula ang mukha. Pinangigilan ang
tainga.
"Gregorio, tama na nga 'yan. Nasasaktan na ang Anak mo!" Saway ng Mama ni Diego, sa asawa niya.
Pamaktol na binitiwan nito ang tainga ni Diego.
"Hello, po," bati ko sa Mama ng asawa ko nang bumaling ang tingin nito sa akin.
Kilala ko na sila. Lagi ko kasi silang nakikita noon sa school. Sinusundo nila itong asawa ko. Alam kong
kilala na rin nila ako. Lagi nga kaming magkasama ni Diego noon.
"Vianna May." Kasabay ng pagbigkas niya sa pangalan ko ang mahigpit na yakap.
Gusto ko sanang gumanti ng yakap pero na hihiya ako. Ito ang unang pagkikita namin matapos ang
mahabang panahon. Dito pa sa ospital at ako pa ang dahilan kung bakit napahamak ang anak nila.
"Gregorio, iyang mukha mo!" singal nito sa asawa.
"Pa... sorry na po, ayoko lang talaga kasi na mag-aalala kayo. Sabi mo nga kanina, muntik na kayo
atakihin." Yuko-ulo nitong paghingi nang paumanhin.
"Kaya nilihim mo hanggang sa huli! Paano kung hindi lang iyan ang nangyari sa inyo? Paano kong..."
"Ma..." Parang bata na kumapit sa Mama niya, nagpapa-awa pa ang mukha.
"Gregorio, tumigil ka na nga. Alam na ng anak mo na mali ang ginawa niyang paglilihim. Ang mahalaga
ngayon, maayos na ang kalagayan nila."
"Oo na, titigil na! Itigil mo na rin 'yang kakatawag mo sa akin na Gregorio!" maktol nitong tugon sa
asawa.
Biglang yumakap naman ang asawa ko sa likod ng Mama niya at humalik sa pisngi ng paulit-ulit saka
dahan-dahang lumapit sa Papa niya na nakasimangot pa rin. Niyakap niya rin ito.
"Ahhh... Pa!" impit na ungol ang lumabas sa bibig nito nang tinapik ng malakas ni Papa ang likod niya.
"Galit ka pa yata, Pa!" reklamo nito, bago lumapit sa akin.
Hinaplos ko na lamang ang likod niya. Kahit pa nahihiya ako. Ang dami kasing tao sa silid namin.
Kapapasok lamang ni Danica at Anthony. Si Mama ko at Mama Becca naman umupo na sa Sofa. Si Dorry,
tahimik na nakaupo sa upuan katabi ng higaan ko.
"Malay ko ba, na masakit pala ang likod mo!" despensa nito sa sarili, bago tinungo ang sofa at tumabi sa
asawa.
"Masakit pa ba?" pabulong kong tanong. Tango lamang ang tugon niya. Muli ko na lang iyong hinaplos at
nilapat ang labi ko sa balikat niya.
Ang hirap ng sitwasyon namin ngayon. Gusto kong lambingin ang asawa ko. Mata naman nilang lahat
nasa amin. Hirap pala ma-hot seat. Talagang nakakapaso.
Pero nakakatuwa, sa kabila ng mga nangyari. Sa kabila ng sakit na dumaan sa aming buhay. Masasabi
kong maswerte pa rin talaga ako. Dati kasi, kami lamang ni Mama ang magkasama at magkaramay.
Pero ngayon, ang dami na namin. Lahat sila handang samahan kami, handang damayan kami sa saya
man o kalungkutan. Kahit paano naibsan ang dinadala ko sa loob ko.
"Diego... nakausap na pala namin ang mga pulis. Wala na kayo dapat pang ikabahala. Nakakulong na ang
may gawa sa inyo nito." si Anthony na bumasag sa katahimikan.
Pero animo nahiya at siya naman ang nalagay sa hot seat. Bumaling kasi lahat ng tingin sa kan'ya.
Sinamaan pa siya ng tingin ni Papa. Lahat yata ng naglihim sa nangyari sa amin. Masama ang loob niya.
Hindi naman nakapagtataka 'yon kahit sino pa ang malagay sa sitwasyon nila. Talagang magagalit.
Paano nga kung hindi lamang ito ang nangyari sa amin. Mas masakit para sa kanila kung bangkay na
kaming makita nila. Kaya naiintindihan ko sila. Naiintindihan ko ang sama ng loob nila.
"Ano na ang balak ninyo kapag nakalabas na kayo rito? Babalik pa rin ba kayo sa isla?" tanong ni Papa na
nakabusangot pa rin ang mukha.
"Hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol sa bagay na iyan, 'Pa." tugon ng asawa ko, habang hawak
na naman ang kamay ko.
"Kahit anong mapagdesisyonan ninyo okay lang sa amin. Basta huwag na muli kayong maglihim. Mas
madaling maayos at masolusyonan ang problema kapag magtutulungan!"
"Pasenya na, 'Pa, 'Ma, ayoko lang po talaga na mag-alala pa kayo. Lalong ayoko ko na mapahamak
kayo."
"Pasensya na, po, dahil sa akin... kaya nangyayari ang lahat ng ito. Gusto lang akong protektahan ni
Diego," paghingi ko rin ng pasensya. Pero yuko lamang ang ulo. Nagbabadya na naman kasing pumatak
ang mga luha ko.
"Tigilan na nga natin ang usapang 'to! Magpasalamat na lamang tayo na kahit hindi basta-basta ang
nangyari sa inyo. Heto pa rin kayo at kasama na namin."
Pagtango ang naging tugon namin ng asawa ko na ngayon nagawa ng lumingkis ang kamay sa baywang
ko. Humupa na kasi ang inis ng Papa niya.
Si Mama ko at Mama Becca naman, parang may sariling mundo na nag-uusap. Wala talaga silang balak
makinig sa sermon ni Papa Greg.
Gregorio pala ang totoong pangalan.
"Tito Greg... hindi ka na ba galit?" si Danica na bahagyang nagtago sa likod ng asawa.
Ang talim kasi ng tingin ni Papa sa kan'ya. Hindi pa nito sinagot ang tanong ni Danica. 'Yong talim na
tingin, sapat na 'yon na sagot sa tanong ni Danica.
"Tito, naman... sorry na po..." may lambing sa boses ni Danica.
"Oo na! Hindi na ako galit, basta 'wag ka na ulit maglihim. Kahit utusan ka pa ulit niyang pinsan mo!"
Sabay kamot sa ulo na lamang ang ginawa ng magpinsan. Pero bakas naman ang tuwa sa mga mukha.
"Okay na... hindi na galit si Papa," bulong ng asawa ko. Na may pasimpleng pagpisil na sa baywang ko.
Matiim na titig ang nagawa ko. Para tumigil siya sa kapipisil. May nararamdaman kasi akong iba.
Sinabayan pa kasi ng titig na malagkit.
"Umayos ka nga ang daming tao!" saway ko. Pilyong ngiti ang naging tugon niya.
"Sweety... puntahan na muna natin si Nelson." Kasabay ng sinabi ni Anthony ang pagbilog ng mga mata
Dorry.
Pero agad nagbaba ng tingin at nagkunwaring walang narinig habang kinakalikot ang cellphone.
Lokohin na niya ang sarili pero hindi niya ako maloloko. Alam kung may tinatago itong si Dorry. Siguro
nahihiya siya sa nangyari sa kanila.
"Dorry, ayaw mo bang sumama? Hindi ba kaibigan mo rin 'yon si Nelson," aya sa kan'ya ni Danica.
Nagkatinginan naman kami ng asawa ko. Alam ko, ramdam niya ang pag-aalangan nitong si Dorry na
puntahan si Nelson.
"Sama kami, Danica," wika ko, kasabay na ang pagtayo. Kaagad naman akong inalalayan nitong asawa
ko. "Dorry, ayaw mo?" tanong ko ulit.
Hindi kasi ito gumalaw. Nakatitig nga lang sa cellphone niya, kono... pero tulala na naman.
"Sasama na," sagot niya. Kaagad na rin kaming lumabas matapos magpaalam.
Tahimik lamang si Dorry na sibayan ang mabagal naming paghakbang.
"Dorry... Kalma!" bulong ko sa kan'ya. Tense kasi!
"Sinasabi mo d'yan, Mia!" tugon niya at umiwas ng tingin. "Bilisan n'yo na nga maglakad nang
makarating na tayo agad at makauwi na rin."
"Denial talaga!" bulong ng asawa ko.
Sabi na. Ramdam niya rin na may iba sa kinikilos ni Dorry. Mag-bestfriend nga naman kasi itong dalawa.
Kaya kahit anong tago pa nitong si Dorry sa nararamdaman niya. Walang lusot sa asawa ko.
"Paano kung nandoon si Jane sa loob?" bulong ko.
"Oo nga pala... may Jane na ang ungas na 'yon!" umiling-uling niyang sabi.
Bumusangot ako. "Akala ko may chance na silang dalawa. Pero mukhang malabo." Dismaya kong sabi.
"Umayos ka nga, bakit mo ba pinoproblema ang problema nila. 'Yong utang mo sa akin ang isipin mo."
Kumunot ang noo ko. "Utang... anong utang pinagsasabi mo?!" nagtataka kong tanong.
Pilyo siyang ngumiti, kasabay ang pagkapit sa baywang ko at paglapat ng labi niya sa tainga ko. " 'Yong
naudlot kanina dahil kumatok si Dorry... uwi na kaya tayo bukas at sabay tayong maligo."
"Landi!" nasabi ko na lamang. Pero balahibo ko sa batok nagsitayuan. Walang palya itong mga banat ng
asawa kong pakiligin ako.
"Hoy... ano ba kayo, kung maglandian lamang kayo diyan. Hindi na sana kayo sumama!" maktol ni Dorry.
"Bakit ba ang sungit mo?! Kung doon ka kaya sa kanila ni Danica at Anthony sumabay! Alam mo namang
masakit katawan namin. Gusto mo maglakad kami ng mabilis." sagot nito sa kaibigan.
"Sakit katawan! Pero utak mo, puro kalandian!"
O... 'di ba? Alam din nitong si Dorry ang laman ng utak nitong kaibigan niya na hanggang ngayon
nilalandi pa rin ako.
"Ano naman kung lumandi ako. Asawa ko naman ang nilalandi ko. 'Tsaka, willing kaya siya magpalandi."
Isang malutong na... tampal sa noo ang ginawa ko sa asawa kong malandi! Umiling na lamang ako.
Habang siya kapa pa rin ang noo.
Nasa tapat ng pinto sila Danica at Anthony hinihintay kami. Papalapit ng papalapit kami sa kinaroronan
nila. Pabagal ng pabagal ang paghakbang ni Dorry.
Nauna kaming pumasok, kasunod sina Danica at Anthony.
"P're," nakangiting bungad ng asawa ko. Mabuti na lamang at wala pa si Jane. Mukhang nagising nga
lamang itong si Nelson dahil sa pagdating namin.
"May bisita ka, P're... " Kasabay ng sinabi ng asawa ko, ang pagkusot ng mga mata ni Nelson habang nasa
pinto ang tingin.