Kabanata 62
Wala akong ibang masabi sa kaibigan ko, kun'di iyon lang. Talagang wala kaming ibang magagawa kun'di
ang umasa at manalangin na sana buhay pa nga si Mia.
Sapo na naman nito ang mukha at yumuyugyog pa rin ang balikat. Heto ako, walang ibang magawa
kun'di ang pagtapik at paghaplos lamang sa likod niya.
"P're, tama na 'yan. Makakasama sa'yo ang laging malungkot. Alalahanin mo'ng kakagising mo lang.
Baka paano ka pa. Tatagan mo ang loob."
"Gusto kong magpakatatag, P're, gusto kong isipin na maayos ang lagay ng asawa ko, ngunit sa tuwing
maisip ko na kasama niya si Romeo, hindi ko mapigil ang mag-isip ng masama.
Nagawa na niyang saktan ang asawa ko noon, at naulit pa iyon no'ng dinukot niya kami!" Kasunod ng
mga sinabi niya ang pigil na paghagulgol.
Nadantay ko na lamang ang noo ko sa balikat niya. Hindi ko na kasi alam kung paano siya aluin. Kung
paano siya patatahanin. Yakapin ko kaya.
"Tahan na, P're, bago tuluyang bumigay ang pagkamaton ko at mayakap kita ng wala sa oras!"
Biglang lingon naman siya, na may bahid pa ng luha sa mga mata. Awtomatikong umangat ang kamay ko
para pahirin iyon, ngunit tampal ang nakuha ko.
"Kaya tayo napagkakamalan!" bugnot nito.
Lihim na lamang akong natawa. Sa ngayon ito lang ang magagawa ko, mabaling man lang ang emosyon
niya sa kalokohan ko. Sa paglalambing ko.
"Totoo pala na nakakagising ang halik!" hagikhik ko.
"Sira-ulo!" tugon niya.
"Kung alam ko lang na effective ang halik kay sa yakap. Sana noon pa kita hinalikan. Yakap lang kasi ako
ng yakap habang wala kang malay!"
"Wala ka talaga sa ayos, P're!" nasabi na lamang niya, kasabay ang maraming pag-iling. Tapik sa balikat
niya ang tugon ko.
Panay ang patawa ko pero ang totoo, ang bigat ng nararamdaman ko habang minamasdan siyang
napatulala na naman. Kahit anong bigat pa itong nasa loob ko, pinipilit kong magpakatatag para sa
kanila ni Mia. Para hindi na maulit ang nangyari noon sa kaibigan ko.
'Tsaka ayokong makita niya na pinanghihinaan din ako ng loob. Pa-simple na lamang niyang pinahid ang
mga luha, kasunod ang malakas na buntong hininga.
Muli ko namang tinapik ang balikat niya na sinabayan ko naman ng banayad na pagpisil.
Gustuhin ko mang sabihin sa kan'ya na 'wag mag-alala dahil wala namang maitutulong ang pag-aalala,
mas dagdag lamang iyon sa pangamba at sa hirap ng kalooban pero
hindi ko magawa. Hindi ko maaalis sa kan'ya ang mag-aalala dahil asawa niya ang nawala. Asawa na
mahal na mahal niya. Asawa na inabot pa ng sampung taon bago naging sila.
Hindi ko rin pwedeng sabihin na magiging maayos ang lahat dahil hindi ko naman talaga alam kong
magiging maayos nga ba ang lahat! Walang kasiguraduhan kung mahahanap pa ba namin si Mia.
Parang niloloko lang namin ang aming sarili sa gano'n. Kailangan naming kumilos. Kailangan naming
maghanda hanggang sa matunton ang pinagtataguan ng Romeo na 'yon.
Ang dami kong gustong sabihin, ngunit iniisip ko
rin ang nararamdaman niya. Hindi nga naging madali sa akin lahat. Lalo na sa kan'ya.
Pareho na kaming walang imik. Parehong malalim ang iniisip, habang tanaw ang mga taong naglalakad
palabas at papasok ng ospital.
"Jane, nagising na raw 'yong guwapong pasyete," hindi maitago ang kilig sa boses ng babaeng
humahagikhik pa.
"Oo nga raw, sumilip pa nga ako sa silid niya kanina, wala na sila. Kailangan ko pa naman sana ng
bitamina sa mata ngayon!" May lungkot naman sa boses na tugon ng babae.
Hindi ko mapagil ang matawa. Alam ko kasi na kami ang pinag-uusap nila. Pasimple ko silang nilingon na
sabay pang napabuntong-hininga.
Habang wala naman akong tigil sa pagtapik ng balikat nitong kaibigan ko.
"Bakit?" taka kong tanong nang binaling kong muli ang paningin sa kan'ya. Napalis din ang ngiti ko nang
makita ang seryoso niyang mukha.
Kunot ang noo. May tingin pa na gusto yata akong sapakin.
"Wala... bumalik na tayo sa loob," matamlay niyang sabi.
Walang reklamo na tumayo ako kasabay ang pagbuntong hininga. Mabagal akong naglakad habang tulak
siya.
"Ayyy.... ang gu-guwapo talaga!" Hindi mapigil ang kilig ng dalawa nang dumaan kami sa harap nila.
Mga nurse rin sila sa ospital na 'to. Malas nila at sa katabing pasyente sila naka-assign. Kaya hanggang
silip lang sila sa room nitong kaibigan kong napatingin din sa kanila saka tumingala sa akin.
Napalunok na lamang ako nang halos umapoy ang mga mata nito habang nakatingin sa akin.
"Bakit na naman?!" kunwari taka kong tanong, pero alam kong naiinis siya dahil nga sinadya kong
bagalan ang lakad ko. Panahon na kasi para ibangon ang dangal ko. Hindi naman masama na lumandi
naman ako paminsan-minsan. Wala naman akong sabit, gaya niya.
"Gusto mo, mauna na ako?!" gigil niyang tanong.
"Pwede ba?!" pabiro kong tugon kasabay no'n ang mahinang tawa. Kumaway na lamang ako sa
dalawang babae, na lalo lamang nagpabusangot sa mukha niya.
"Alam mo, P're, sinusubukan kong ibangon ang dangal ko ngayon, pero sa inaasta mo. Bigo ang
pagbangon ng dangal ko." Iling na lamang ang tugon niya.
Muli kong nilingon ang mga babae. Kita ko pa ang kurutan ng dalawa. Ibang klase. Sa isip nila ay
magsyota kami nitong kaibigan ko pero kung kiligin sila parang ewan.
Tahimik na kaming pareho nang marating namin ang silid. Agad siyang humiga na inalalayan ko naman
ng todo. Bakas pa rin kasi sa kan'ya ang panghihina.
Buti na nga lang at sadyang tisoy itong kaibigan ko. Hindi masyadong nahahalata na maputla siya. Hindi
ko mapigil ang sariling hindi maawa sa kalagayan niya. Hindi ko rin alam kung bakit ganito na lamang ako
ka attached sa kanila.
Kung tutuusin hindi pa naman kami ganoon katagal na naging magkaibigan. Pero hindi basta kaibigan
lang ang tingin ko sa kanila. Kun'di mga pamilya na. Sabagay, dati pa naman akong ganito. Ayoko nga na
ituring na iba ang mga naninilbihan sa amin noon.
Hindi ko sinasabi na mabait ako. Tarantado nga ako. Tarantado sa mga taong tumatarantado sa akin at
sa mga kaibigan ko. Kaya lagi akong napupuna noon. Ibang iba raw ako sa pamilyang nakagisnan ko.
Kakatawa nga. Kaya pala iba ako dahil isa naman pala akong pusang naligaw sa lungga ng mga aso.
Kapalaran, masyadong mapaglaro.
"P're, ayos lang ba, na iwanan muna kita sandali?" tanong ko habang inaayos na ang kumot niya. "Bibili
lang ako ng pagkain," sabi ko pa.
"Bibili ng pagkain o babalikan mo 'yong dalawang nurse?" iiling-iling nitong tanong.
"Ito naman, selos kaagad! Bili nga lang akong pagkain..." palambing ang tinig ko na sinabayan pa ng
pagnguso.
Ngiwi at duro naman ang tugon niya. na ikinatawa ko na naman ng malakas. Sarap asarin nito, pero na
miss ko pa rin 'yong dati, 'yong sinasakyan niya ang kalokohan ko. Kahit pa matampal siya ni Mia.
Ngayon nga, 'di pa rin niya magawang tumawa o ngumiti man lang kahit anong patawa pa ang gawin ko.
Iyon ang hindi ko mapipilit na gawin niya. Ayos na sa akin na kahit paano ay hindi pa rin siya nawawalan
ng pakiramdam.
Hindi manhid, gaya ko noon. No'ng panahon na bumaliktad ang mundo ko. Nawalan ako ng
pakiramdam. Dahil do'n hindi ko nagawang tulungan ang kaibigan ko na naghihintay pala sa pagdating
ko. Naging manhid ako sa lahat.
"Umalis ka na, kahit tagalan mo pa!" sabi niya kalaunan, na ikinangiti ko.
"Anong gusto mong kainin? Sabi kasi ng doktor pwede ka nang kumain."
"Ikaw na lang ang bahala," matamlay niyang tugon.
"Pahinga ka muna habang wala ako!" bilin ko pa nang palabas na ako ng silid.
Sinadya ko talagang dumaan sa park. Baka sakaling nandoon pa ang mga nurse. Hindi nga ako
nagkamali, nasa park pa rin sila. Pero may kasama na silang doktor. Gusto ko sanang lumapit. Kaya lang
mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila.
Mabagal pa rin ang paghakbang ko habang hindi inaalis ang tingin sa kanila. May pinagdadaanan yata
ang doktor. Wala kasing tigil ang paghaplos nila sa balikat nito.
Nakayuko lamang ang doktor pero alam kong umiiyak ito.
"Dok... 'tahan na. Alam kong mahirap kalimutan ang nangyari sa atin, pero wala na tayong magagawa
tungkol do'n." rinig kong sabi ng isang nurse nang nasa tapat na nila ako.
Mukhang hindi basta-basta ang naging problema nila. Sila pa talagang tatlo ang involved.
"Oo nga naman, Dok. Baka tayo pa ang mapahamak, kung magpahinga ka na lang muna Dok. Lumayo ka,
magbakasyon at piliting kalimutan ang mga nangyari," rinig ko pang sabi ng isang nurse.
Talagang napaka-seryoso ng usapan nila. Hindi man lang nila ako napansin na dumaan.
Binilisan ko na lamang ang paghakbang at baka maisipan ng kaibigan kong umalis habang wala ako.
Mabilisan na kain ang ginawa ko. Hindi kasi mawala sa isip ko si Diego. Paano nga pala kung tinupak 'yon
at umalis ng ospital.
Sinilip ko pa ang pagkain sa loob ng paper bag. Corn soup, beef broccoli at rice ang binili ko para sa
kaibigan ko. Hindi ko nga alam kung may gana na ba iyong kumain.
"Sorry... kaagad kong paghingi ng paumanhin, nang may mabangga ako.
"Nelson?!" Nanlaki ang mga mata ko at naawang pa ang bibig ko nang makita ang mukha ng babaeng
nabangga ko. Muntik pa akong mawalan ng balanse.
"Are you okay?" nag-aalalang tanong nito, habang hawak ang braso ko.
"I-Im okay..." utal kong tugon, na may kasamang ngiting aso
"Sigurado ka ba na okay lang talaga, Nelson? Maputla ka!" Puna niya. "Tsaka pawis mo!" turo niya
naman sa noo ko.
"T-talagang ayos lang ako, Danica. S-sige, mauna na ako. Ingat!" Kumaway pa ako at ngumiti bago
tuluyang tumalikod.
Bakit ngayon ko pa siya nasalubong, nagmamadali na nga ako. Mabilis ang mga hakbang ko pabalik sa
ospital. Sa kalapit na resto lang naman kasi ako nagpunta. Para agad din na makabalik. Minalas lang. Sa
dami nang pwede kong mabangga, pinsan pa ni Diego.
Ang hirap sa parte ko na makita siya. Dala ko ang pagkain ng pinsan niya habang siya, walang kaalamalam na pagkain pala ng pinsan niya itong bitbit ko.
Panay kamot sa ulo at pag-iling na lamang ang ginawa ko hanggang sa marating ang lobby ng hospital.
Saka lamang ako nakahinga ng maluwag.
"Sigurado ka ba talaga, Dok, na hindi ka muna magbabakasyon?" rinig kong usapan mula sa likod ko.
"Gustuhin ko man na magbakasyon, hindi pwede. Ayokong iwan na naman ang mga pasyente, kailangan
nila ako," matamlay na tugon ng doktora na nauhan na ako sa paglalakad at agad pumasok sa katabing
silid ni Diego.
Kahit hindi na ako lumingon alam ko, kung sino ang nasa likod ko na kasalukuyang humahagikhik. Alam
ko rin kung saan sila nakatingin ngayon. Hindi lang kasi mukha ko ang pinagpala pati ang likuran ko.
Pero pasensya sila, wala akong panahon na lingunin sila. Lalong wala akong panahon na lumandi ngayon.
Nasa kaibigan kong si Diego nakatuon ang isipan ko.
"P're," tawag ko, pagpasok ko ng silid. Agad akong binalot ng kaba nang wala sa loob ang kaibigan ko.
"P're!" tawag ko naman kasabay ang pagbukas ng pinto sa toilet.
"Pareng Diego! Ang tigas ng ulo mo! Gusto mo talagang magpakamatay!"
"Nelson, a-anong sabi mo?!" si Danica, na nanlaki ang mga mata at may namumuo nang mga luha.
Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko inaasahan na susundan niya ako.
"Anong sabi mo?!" singhal niya. Pumatak na ang mga luha niya.
"Danica, sorry!" paghingi ko ng paumanhin.
"Mamaya ko na ipapaliwanag lahat, sa ngayon kailangan muna nating mahanap ang pinsan mo!" sabi ko
at agad na lumabas ng silid.
Sumunod naman siya. Malalaki ang mga hakbang ko papunta sa nurse station.
"Nurse, nakita niyo ba kung saan nagpunta ang pasyente sa 504?" tanong ko. Nagpalipat-lipat ang tingin
ng nurse sa aming dalawa ni Danica.
"Miss..." untag ko sa kan'ya.
"Hindi po... hindi po namin siya nakitang dumaan." Singit ng isang nurse. Tulala kasi ang isang nurse.
Hindi ko alam kung dahil sa guwapohan ko o sa kagandahan nitong pinsan ni Diego.
"Try n'yo na lang po sa rooftop. Hindi po kasi siya napadaan dito. Kaya malamang nasa rooftop 'yon."
"Maraming salamat." Kaagad naming tinungo ang elevator. Tahimik lamang si Danica na nakasunod sa
akin.
"Anong nangyayari, Nelson?" tanong niya nang nasa loob na kami ng elevator. Hindi ko siya magawang
tingnan, lalo na at hindi na matigil ang pag-iyak niya. Hindi pa nga niya alam ang buong kwento, ganito
na ang akto niya. Paano nalang kung malaman niya ang lahat.
"Bakit wala ka man lang sinabi na nandito ang pinsan ko? Akala namin masaya na siya sa buhay may
asawa, kaya hindi na niya kami nadalaw!" Bakas ang hinanakit sa boses niya. Ang inis.
Napabuntong hininga ako kasabay no'n ang matiim na pagpikit ng mga mata. Nadiin ko pa ang ulo ko sa
dingding ng elevator.
"Hindi ko gustong maglihim sa inyo, Danica, maniwala ka, pero kailangan!"
" 'Yon naman pala, bakit nag-aalangan ka pa rin na magkwento ngayon?"
"Ang pinsan mo na lang ang kausapin mo, Danica." umiiwas kong tugon.
Gusto kong si Diego na ang magkwento sa lahat.
Hindi ko kasi alam kung sasabihin niya ba ang lahat o hindi. Kaya mabuti nang itikum ko na lang ang bibig
ko.
"Danica..." bungad ni Diego nang magbukas ang elevator.