Chapter 30

Abala si Huimy sa paglilinis sa sala nang mag-ring ang door bell. Wala siyang inaasahang bisitang darating ngayon. Ngunit naisip niyang baka si Trisha iyon dahil ang babaing iyon lang naman ang mahilig manggulo sa tahimik niyang mundo.

Agad siyang lumabas ng bahay at tinungo ang gate ngunit agad na sinalakay ng kaba ang kanyang dibdib nang makita si Renz na nakatayo sa labas ng gate. Makisig pa rin itong tingnan kahit na nga simpleng printed gray t-shirt at pantalon lang ang suot. Ngumiti ito sa kanya kahit pa nga kita sa mga mata nito ang lungkot.

“Bakit ka nagpunta dito?” agad niyang tanong matapos buksan ang gate.

“Puwede ba tayong mag-usap?”

“Wala na tayong dapat pag-usapan, Renz. Nagkasundo na tayo, hindi ba?”

“Pakinggan mo muna ako puwede ba?”

Bumuntong hininga muna siya bago nagpasyang papasukin ito sa loob ng bahay. Pinaupo niya ito sa may sofa.

“Nasaan si Clark?” tanong nito habang palinga-linga sa paligid.

“Wala si Clark. Sinundo ni Kit. Ipapasyal daw niya sa Star City. Bakit ka ba nagpunta dito? 'Di ba't sinabi ko na sa'yong tigilan mo na kami ni Clark?”

“Hindi ko gagawin ang sinasabi mo. Gusto ko kayong makasama ng anak ko.”

“Hindi puwede ang sinasabi mo. May girlfriend ka na at ikakasal na kayo.”

“Hindi ako magpapakasal sa kanya kung papayag kang maging bahagi muli ako ng buhay mo.”

Agad siyang napailing. “Imposible. Hindi mo puwedeng gawin iyon. Masasaktan siya.”

“Mas masasaktan ko siya kung ipagpapatuloy ko pa ang relasyon naming dalawa. Hindi ko kayang maging masaya sa piling niya. Ikaw pa rin ang mahal ko.” Hinawakan ni Renz ang kanyang kamay at bahagyang pinisil iyon. Tinitigan siya nito at kita niya sa mga mata nito ang sinsiredad sa mga sinasabi nito. Kitang-kita rin ang lungkot mula roon dahil may mga luhang wari'y nagbabadyang pumatak.

Gusto niyang maging masaya sa mga naririnig ngunit kabaligtaran ang nararamdaman niya. Mas bumibigat ang pakiramdam niya sa isiping pagmamay-ari na ito ng iba at imposibleng maging sila. Alam niyang mahirap para sa kanilang dalawa ngunit kailangan niyang umiwas. Hindi tamang agawin niya ito sa babaing nagmahal at nakasama nito nang matagal.

“Mahal kita, Huimy. So please give me a chance,” nagmamakaawang sambit pa ni Renz.

“Sinasabi ko na nga ba!” Isang sigaw mula sa pintuan ang nagpalingon sa kanilang dalawa. Agad silang napabitiw sa pagkakahawak ng kamay nang makita ang galit na galit mukha ni Monique. Para itong isang leon na anumang oras ay puwede siyang sakmalin.

Sumugod ito palapit sa kanila at mabilis na hinila ang kanyang buhok. Hindi agad siya nakaiwas dahil sa pagkagulat. Nawalan din siya ng balanse at tumama ang katawan sa may center table.

Mabilis namang hinawakan ni Renz sa magkabilang braso ang babae at pilit na inilalayo ito sa kanya dahil aktong susugod na naman ito.

“Huwag kang mag-iskandalo dito, Monique,” awat ni Renz. Ngunit pilit pa rin siya nitong inaabot upang saktan.

“Mga walang hiya kayo! Pinagmukha n'yo akong tanga!” Halos maglabasan ang mga litid nito sa leeg dahil sa sobrang galit. Hilam din ng mga luha nito sa labis na pag-iyak.

Agad na tumulo ang mga luha ni Huimy. Hindi lang siya nasasaktan dahil sa sakit ng ginawang pagsabunot nito sa kanya kundi dahil alam niya kung ano ang nararamdaman nito.

“Bakit 'di n'yo sinabi sa akin? Nagtiwala ako sa'yo! Tinuring kitang kaibigan dahil alam kong best friend ka ni Renz. Pero hindi ko alam na ahas ka pala!" Patuloy ang pagpupumilit nito na makawala sa pagkakahawak ni Renz sa mga braso nito.

“Mali ka ng iniisip, Monique... wala kaming relasyon,” depensa niya kahit alam niyang hindi ito maniniwala.

Umismid ito at tumaas ang kaliwang kilay. “Ah talaga? Kaya pala nagkaanak kayo!”

Nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkagulat dahil sa narinig at hindi niya magawang sumagot.

“Naghinala na ako noon pa mang nag-iba ang kilos ni Renz. Lagi ka niyang bukang-bibig at halos wala na rin siyang panahong makipag-usap sa akin. Ramdam ko na hindi lang kaibigan ang turing n'yo sa isa't-isa pero binalewala ko iyon. Pero nang makita ko ang anak mo... oops! Correction, anak n'yo! Lalo akong nakasiguro na tama nga ako.”

“Monique... s-sorry but let me explain,” sabi pa niya.

“Sorry? Sa tingin mo, tama na ang sorry para maibsan ang sakit na nararamdaman ko? And explain? Ano pang ipapaliwanag ninyo? Malinaw ang lahat. Niloko ninyo ako!” sigaw nito sa akin sabay baling kay Renz. Isang malakas na sampal ang ibinigay nito sa binata. “That's for hurting me too much and betraying me,” madiing pagkakasabi nito. Matalim ang mga mata at punong-puno ng galit.

Umalis ito na humahagulgol. Awa ang naramdaman niya para kay Monique. Hindi niya gustong makasakit ng ibang tao. Hindi niya sinasadyang saktan ito.

Nanghihina ang kanyang mga tuhod na umupo sa sofa. Tinakpan niya ng kamay ang kanyang mukha at humagulgol. Tinabihan naman siya ni Renz at hinagod ang kanyang likod na lalong nagpalakas sa pag-iyak niya.

“U-umalis ka na Renz,” pagtataboy niya sa binata.

“Hindi kita iiwan.”

“Ano ba?! Sinabi kong umalis ka na!” Itinulak niya ito sa dibdib nang malakas. “Umalis ka na at huwag ka nang babalik pa!”

“Pero Huimy...”

“Sundan mo siya at iwan mo na ako!”

Tumayo naman ito ngunit matagal itong nakatingin sa kanya bago tuluyang umalis.

Hinabol naman ni Renz si Monique nang lumabas ito sa bahay ni Huimy. Gusto niyang maging maayos ang lahat pero maging siya ay naguguluhan kung paano aayusin ang gulo. Nabigla siya sa mga pangyayari. Hindi niya akalaing susugod si Monique at mag-eeskandalo.

Kasalanan niya ang lahat.

Pinigilan niya ang braso ni Monique kaya't napatigil ito sa paghakbang. Hinarap siya nito at mabilis na dumapo ang malakas na sampal sa kanyang pisngi. Napabiling sa kabilang direksiyon ang kanyang mukha at ramdam niya ang sakit mula roon.

“Monique,” tanging nasambit ni Renz. Hawak niya ang pisngi na marahil ay namula sa lakas ng tinamong sampal mula rito.

“How dare you do this to me? Minahal kita! Mahal na mahal kita pero kahit kailan hindi ka naging totoo sa akin. You don't even tell me about Huimy! Pinaniwala mo ako na mag-bestfriend lang kayo!”

Itinulak nito ang kanyang dibdib. Hinayaan lang niyang paghahampasin iyon. Hindi niya ginustong makita si Monique sa ganitong sitwasyon. Galit na galit at nasasaktan.

“Ang sakit-sakit! Hindi mo man lang inisip ang pinagsamahan natin. Three years ang pinagsamahan natin pero itinapon mo lang just because you finally found her... the love of your life. Ang bestfriend mo kuno.” Mapait itong tumawa. “At may bonus pa! Wow! As in wow lang talaga. May anak kayo!”

Hindi niya malaman ang sasabihin. Hindi siya makapagsalita, tila nalulon niya ang kanyang dila. Ano bang magandang sabihin sa isang taong nasasaktan at ikaw ang dahilan?

Niyakap niya ito upang pakalmahin. Itinigil naman nito ang paghampas sa kanyang dibdib ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pag-iyak.

“I've been love you all my life. I trusted you so much but you hurt me so much in return. Renz, how could you do this to me? Anong pagkakamali ko?”

“I'm sorry,” iyon lang ang tanging namutawi sa kanyang labi. Alam niyang hindi sapat iyon para pagaanin ang loob nito.

Humiwalay ito sa pagkakayap at tumitig sa kanyang mga mata.

“Hindi ko kayang tanggapin na dito tayo magtatapos. We planned our wedding at dahil sa nalaman ko, mukhang malabo nang matuloy iyon. Hindi ko kayang i-give up ka nang ganoon kadali. I want you to choose Renz.”

Nabigla siya sa tinuran nito. Choose? Oo, dapat talaga siyang pumili. Wala siyang choice kundi ang gawin iyon. Isinisigaw ng puso niya si Huimy pero itinataboy naman siya nito. Sinasabi rin naman ng isip niya na huwag nang iwan si Monique dahil sa nakikita niyang paghihirap nito ngayon pero kaya niya bang mawala ulit sina Huimy at Clark sa buhay niya?

Hindi siya makasagot. Wala siyang masabi. Hindi niya talaga alam ang sasabihin.

“Okay. I know it's hard. May anak kayo e. But I'm still waiting for your decision. If you choose me, ituloy natin ang kasal and live afar from them. Kalimutan natin sila. Kakalimutan ko ang araw na ito. But if you choose them... I will let you go. Hahayaan kitang maging masaya sa piling nila... kahit masakit.”

Tinalikuran na siya ni Monique matapos ang pag-uusap na iyon. Napako naman siya sa kinatatayuan. He really can't imagine that it would be hard for him to decide.

Sinulyapan niya ang bahay ni Huimy bago nagpasyang ihakbang ang mga paa palayo sa bahay na iyon.

Nagtungo siya sa bahay ni Francis. Isa na rin ito sa nakapagkakatiwalaan niya. Alam niyang pinsan ito ni Monique at hindi siya sigurado kung magiging bias ito pero kailangan niyang humingi ng payo. Masyado na siyang naguguluhan sa mga pangyayari, maging sa kanyang nararamdaman.

“Mahal ko si Huimy pero ayoko rin namang saktan si Monique. Masyado na siyang maraming isinakripisyo para lamang sa relasyon naming dalawa. Matagal na rin ang aming samahan at hindi ko rin naman kayang itapon iyon ng basta-basta,” sabi niya kay Francis. Magkaharap sila sa lamesa na may nakapatong na beer at sitsiryang pulutan.

“Sundin mo ang puso mo, pare. Pinsan ko si Monique, kaibigan naman kita. Ayokong gawin mong panakip butas lang ang pinsan ko kaya mag-isip kang mabuti. Kung masasaktan mo lang siya kapag nagsama na kayo, mabuti pang ngayon mo na gawin. I mean, alam kong masakit kay Monique kung iiwan mo siya ngayon pero mas masasaktan siya kung kasama mo siya pero iba ang nasa isip at puso mo.”

May punto si Francis. Lumagok muna siya ng beer sa hawak niyang baso bago tumugon, “Sa totoo lang, pare, gusto kong makasama si Huimy at ang anak ko. Iyon ang sinisigaw ng puso ko ngayon pero itinataboy niya ako.”

“Then, chase her. Kung si Huimy talaga ang mahal mo, make a move. Naging duwag ka na noon, nawala siya sa'yo dahil hindi mo magawang sabihin sa kanya ang nararamdaman mo. Ngayon, you have a chance. But speak with Monique if that's your final decision. Give up her and be man enough to fight Huimy.”

Give up and Fight.

Tama si Francis. Kailangang gawin na niya ang tama upang wala na siyang pagsisihan pa.

“Thank you, pare. I should talk to Monique now. Pupuntahan ko na siya,” sabi niya saka tumayo na at aktong hahakbang patungo sa pinto.

“Sandali lang, pare.” Napatigil siya sa pagbubukas ng pinto at muling nilingon si Francis. Ikinunot lamang niya ang kanyang noo at hinintay ang sunod nitong sasabihin. “I think, you better hurry. Sa tingin ko, nag-uusap na ang dalawang babae.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Hiningi sa akin ni Huimy ang address ni Monique, kakausapin daw niya.”

Naalarma naman siya sa sinabing iyon ni Francis. Wala siyang ideya sa kung anong nais sabihin pa ni Huimy kay Monique ngunit natatakot siyang magpang-abot na naman ang dalawa at masaktan na naman ng huli ang una. Nagmamadali siyang lumabas sa pinto at pinaharurot ang sasakyan papunta sa Maynila kung saan nakatira si Monique.