Chapter 29

Bumalik na sa barracks si Renz matapos ihatid si Huimy sa bahay pero habang nasa sasakyan ay ito pa rin ang laman ng kanyang isip. Napahilamos siya sa kanyang mukha matapos itigil ang sasakyan sa tapat ng pansamantalang tinutuluyan.

Frustration attacks him. He don't know what to do next. He's stucked. Iniisip pa rin niya si Huimy at ang napag-usapan nila kanina, maging ang halik na iyon na tinugon nito. Ramdam niyang mahal pa rin siya nito pero kailangan nitong lumayo.

“Oh God! I really love her but we're not destined to each other. Ganoon na ba kasaklap ang tadhana para sa aming dalawa? I want her. I need her but... damn! We can't be! And my son! God, I want him. Paano ko magagampanan ang responsibilidad ko sa kanya kung tumutol si Huimy na makasama ko sila?” bulong niya sa sarili.

Hinampas niya ang manibela ng kotse at humagulgol na sumubsob roon. Sobrang nasasaktan siya kaya kahit na lalaki siya, hindi niya mapigilan ang sariling emosyon.

Pinagsisihan na niya ang lahat ng pagkakamali noon pero hanggang ngayon ay sinisingil pa rin siya. Isa siyang malaking gago. Mahal niya si Huimy pero mas pinili niyang mawala ito noon. At ngayong nagkrus ulit ang landas nila, hindi na niya magawang pabalikin ito sa buhay niya. Marahil ito na nga ang katapusan para sa kanila.

Natigilan siya nang biglang mag-ring ang kanyang cell phone. Pinahid niya ang kanyang luha at tiningnan ang screen niyon. Nag-aalinlangan siyang sagutin iyon nang makita ang pangalan ni Monique.

Isa pa ito sa mga pinoproblema niya. Naiipit siya sa pagitan nina Huimy at Monique at hindi siya makapagdesisyon. Tuluyan na siyang pinakawalan ni Huimy at nariyan pa si Monique na walang kaalam-alam sa nangyayari. Nakokonsensiya siya sa mga ginagawa niya. Nakokonsensiya siya sa paglilihim niya dito.

Mahal siya ni Monique at minahal din naman niya ito. Hindi rin naman niya kayang saktan ito pero parang dadayain lamang niya ang kanyang sarili kung magpapatuloy siya sa pakikipagrelasyon sa dalaga.

Nakailang tawag pa si Monique pero hindi niya magawang sagutin ito. Nag-text din ito sa kanya at iyon na lang ang kanyang binasa.

Monique: Hey loves, why you didn't answer my call? Nagkita na ba kayo ni Huimy? Nag-usap na ba kayo?

Lalo siyang nakonsensiya. Napakabait nito para masaktan lang nang dahil sa kanya. Napabuntong hininga siya bago ito ni-reply-an.

Renz: Yap. We talk just a while a go. I'm home now.

Monique: Can I call now?

Renz: Sure.

Wala pang isang minuto ay tumunog na muli ang kanyang cell phone. Agad niyang sinagot iyon at masiglang bati ang binungad sa kanya ni Monique.

“Kumusta ang pag-uusap ninyo loves?”

“Okay naman,” walang gana niyang sagot.

“Bakit parang hindi naman? Anong napag-usapan ninyo?”

Hindi agad siya nakasagot. Para siyang nasamid sa tanong nito. Ano bang dapat niyang sabihin?

“W-we just talk about... y-you. Kinausap mo raw siya para kausapin ako. You don't have to do that. Alam mo namang okay lang ako 'di ba?”

“Eh kasi naman, hindi ko maramdamang okay ka. Ayaw mo namang sabihin sa akin kung ano talaga ang gumugulo diyan sa isip mo. Kaya ayon, si Huimy na lang ang pinakiusapan ko.” Wari'y nagtatampo ang tinig nito.

“Don't do that again, nakakahiya sa kanya. You can ask me if you want. Huwag mo na lang siyang guluhin.”

“Sige na nga but promise me, no secrets ha? Be honest to me para hindi ko na kailangang tanungin ang mga taong mas nakakakilala sa'yo.”

“No secret? Be honest?” Tila nag-echo iyon sa kanyang pandinig.

Parang binuhusan siya ng malamig na tubig sa sinabi nito. Matagal na silang magkasintahan pero marami pa itong hindi alam tungkol sa kanya. Paano nga ba nagtagal ang relasyon nila kung puro lang ito kasinungalingan?

“Hey loves, andiyan ka pa ba?” Bigla siyang tila natauhan nang marinig muli ang tinig nito sa kabilang linya.

“Oo, nandito pa ako. Paano, magkita na lang tayo next week?”

“Okay. Pahinga ka na rin. I love you.”

Hindi na niya nagawang sagutin ang I love you nito. Tinapos na lamang niya ang tawag na iyon atsaka malalim na bumuntong hininga.

“I'm sorry, Monique. I'm sorry for keeping secrets to you,” bulong niya kahit alam niyang hindi na iyon maririnig ng kasintahan.

Linggo. Walang pasok si Huimy kaya nagyaya si Trisha na mamasyal sa mall. Sinama nila si Clark para makapag-enjoy ang bata. Nasa loob iyon ng play area at naglalaro. Nakamasid lang sila sa bata buhat sa labas.

“Ano na ang status n'yo?” walang ano-ano'y tanong ni Trisha. Nilingon niya ito na nakakunot ang noo. “Kayo ni Renz,” dugtong pa nito.

Bumuntong hininga siya saka nagsalita, “Complicated... ng dahil sa'yo!” Mariin niyang dinuro ang noo nito. Pakunwaring gigil siya dahil sa pambubunyag nito sa katotohanan. Sa totoo lang, hindi na niya ito nakumpronta pa matapos nilang mag-usap ni Renz.

“Aray naman,” daing nito sabay hawak sa noo. Napasimangot pa ito. “Bakit ako ang sinisisi mo?”

“Ang daldal kasi niyang bunganga mo, walang preno.”

“Bunganga talaga? P’wede namang bibig lang ‘di ba? Saka sorry naman. Pinadali ko lang naman ang pagtatapat para sa'yo. Para hindi ka na mahirapang aminin sa kanya 'no?” depensa pa nito. Sadyang matabil at pakialamera kung minsan itong kaibigan niya at kung hindi lamang matagal na ang pinagsamahan nila ay malamang itinakwil na niya ito bilang kaibigan.

“So, anong plano mo sa mag-ama?”

“Wala. Nag-usap na kami ni Renz. Nagkaintindihan na kami.”

“Paanong nagkaintindihan? Nagkabalikan na kayo?” Para bang nagniningning ang mga mata nito na nakatingin sa kanya at ang labi nito ay hindi mapalis ang ngiti.

“Loka-loka. Hindi 'no!”

“Eh anong nangyari sa pag-uusap ninyo?”

“Huimy!”

Hindi na siya nakasagot nang mahagip ng kanyang mga mata ang papalapit na si Monique, kasama si Renz. Kumakaway ito sa kanya. Ngumiti naman siya nang pilit. Parang nakaramdam siya nang hindi maipaliwanag na pakiramdam nang makita ang mga ito na magkasama.

Dapat masaya siya dahil okay na ulit sina Monique at Renz pero kabaligtaran ang nararamdaman niya. Parang may tumusok sa kanyang puso habang nakatingin sa nakangiting si Monique. Bahagya niya ring sinulyapan si Renz na nakatitig naman sa kanya. Naiilang siya sa titig nito kaya agad siyang umiwas ng tingin.

“Small world,” bati pa ni Monique nang tuluyang makalapit sa kanila. “Anong ginagawa ninyo rito?”

“Pinasyal ko ang anak ko.” Itinuro niya ang kinaroroonan ng kanyang anak na naglalaro sa loob ng play area.

“Wow. Iyon ba ang anak mo? Ang guwapo naman,” puri nito habang nakatitig sa bata. “Parang may kamukha siya.”

Agad dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib dahil waring nag-iisip ito habang nakatitig sa kanyang anak. Lihim na dinalangin niyang huwag sanang mahalata na si Renz ang kamukha ni Clark.

“M-maraming kamukha ang anak ko. Pinaglihi ko kasi 'yan sa artista kaya guwapo,” palusot niya na sinabayan nang pilit na pagtawa.

“Oo nga,” sang-ayon ni Monique saka inalis ang tingin sa bata at muli siyang binalingan. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil sa tugon nito. “Anyway, may iba pa ba kayong lakad? Samahan n'yo na kaming mag-dinner.”

“Naku, huwag na!” agad na pagtanggi niya. Hindi niya gustong magtagal pa ang pagsasama nilang tatlo sa iisang lugar. Hindi siya komportable ngayong narito lang sa tabi niya si Renz kasama ang girlfriend nito. “Makakaabala pa kami sa date ninyo.”

“Hindi kayo magiging abala. Mas okay nga 'yong group date e,” sabat naman ni Renz. Ngumiti ito sa kanya na lalong nagpabilis ng tibok ng puso niya. “Gusto ko ring maka-bonding ang anak mo.” Mariin pa ang pagkakasabi nito sa salitang anak na wari'y may ibig ipahiwatig.

Tiningnan niya ito nang makahulugan. Salubong ang mga kilay na kinakausap niya ito sa pamamagitan ng isip at tingin.

“Nananadya ka ba talaga, Renz? Bakit kailangan mong gawin ito?”

Nanatili lang itong nakangiti na parang sinasabi sa kanya na okay lang ang lahat.

“Sige na, pumayag ka na,” udyok naman ni Trisha at bahagya pa siyang siniko sa tagiliran.

“Pero...”

“Please, Huimy,” pakiusap naman ni Monique.

“Oh, sige na nga.” Wala na siyang nagawa kundi ang sumama. Niyaya na niya si Clark palabas ng play area. Hinawakan niya ang kamay nito.

“P’wede ko ba siyang kargahin?” tanong ni Renz sabay baling sa bata. Yumuko ito at ipinantay ang mukha sa bata. Hinawakan pa nito ang buhok niyon. “Gusto mo bang sumakay sa balikat ko?”

They looked so cute. At hindi maikakailang magkamukha talaga silang dalawa. Sa kulay, mga mata at hugis ng mukha, hindi maikakailang si Renz ang ama ng bata.

Tuwang-tuwa namang tumango ang bata. “Sige po.”

Tatanggi pa sana siya ngunit mabilis na nakarga nito ang bata at nilagay sa may balikat. Halatang enjoy na enjoy si Clark habang nasa itaas. Panay pa ang salita nito.

“I'm superman!” masiglang sabi ni Clark habang nakataas ang kamay.

“Yes you are!” ani Renz na tuwang-tuwa. “But you must hold tight so you don't fall.”

“Yes, Daddy.” Napatigil siya sa paglalakad at nanlalaki ang mga matang tiningnan si Clark. Halatang nagulat rin naman sina Monique at Renz. Parang malalaglag ang kanyang puso sa sobrang nerbiyos.

“Clark, he is not your daddy,” saway niya sa bata saka nilingon si Monique. Alanganing ngiti ang ibinigay niya dito. “I'm so sorry, sabik lang siguro sa Daddy niya.”

Alanganing ngiti rin ang itinugon ni Monique at hindi pa rin maalis ang tingin nito sa nobyo at sa bata.

“But I want him to be my daddy.” Ngumuso ang bata na tila ba nagtatampo sa pagtanggi niya.

“No! He can't be...”

“Let him call me daddy… just for a meantime. Pagbigyan na natin ang bata. Ngayon lang naman e.”

Agad niyang pinanlakihan ng mata si Renz pero kindat lang ang tinugon nito. Nag-init ang kanyang pisngi at hindi niya alam kung napansin iyon ni Monique. Sana ay hindi. Ayaw niyang mag-isip ito ng hindi maganda tungkol sa kanila ni Renz.

Naiinis siya sa kinikilos ni Renz pero hindi niya ito makompronta. Lalo lang nitong pinapalala ang sitwasyon. Hindi man lang ito nag-aalala kahit kasama nito ang nobya.

“Yehey!” masiglang bulalas ng kanyang anak.

Nakarating sila sa isang fast food chain sa loob ng mall. Magkatabing naupo si Clark at Renz. Tumabi naman siya sa kanyang anak. Nasa bandang kanan naman ng parisukat na mesa si Monique at Trisha ay katabi niya sa kaliwa.

Masayang-masaya ang bata habang nakikipaglaro kay Renz. Hindi siya mapakali habang nakatingin sa dalawa. Kitang-kita niya ang labis na pagmamahal at saya sa mga mata ni Renz. Halatang sabik na sabik itong makasama ang anak nilang dalawa.

“Magiliw talaga si Renz sa mga bata,” komento ni Monique habang nakatingin din sa dalawa.

“Mukha nga,” sang-ayon naman niya ngunit bahagyang napangiwi ang kanyang labi. Hindi siya sigurado kung napapansin na nito ang pagkakahawig ng mukha ng mga ito.

“Kapag nagkaroon kami ng anak ni Renz, siguro mas male-lessen na iyong pagkagiliw niya sa ibang bata. Kasi ganoon naman iyon ‘di ba? Magpo-focus ka na sa tunay mong anak,” sabi pa ni Monique.

Lalo tuloy lumalakas ng kabog ng kanyang dibdib nang mga sandaling ito. Pakiramdam niya ay sasabog anumang oras ang lihim nilang dalawa. Halos hindi na niya ginagalaw ang pagkaing nasa kanyang harapan. Hindi rin siya gaanong nagsasalita. Hinahayaan lang magkuwento si Monique. Mabuti na lang at naroon si Trisha kaya't hindi masyadong halata na hindi siya nakikisali sa usapan.

“Mauna na kami. Gabi na rin baka pagod na si Clark,” pagpapaalam niya matapos kumain. Kinarga na niya si Clark.

“Sige. Next time bonding ulit tayo ha?” ani Monique.

“Sama mo ulit si Clark, para maka-bonding ko pa ang anak mo.” Idiniin pa nito ang huling sinabi na wari'y may ibig ipahiwatig. Waring nananadya talaga ito.

Tipid na ngiti lang ang isinagot niya at tuluyan nang nagpaalam. Hindi na niya kayang matagalan pa ang sitwasyon. Nag-aalala na siyang baka makahalata na si Monique sa lihim nilang dalawa.