Chapter 24

Walang tigil ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Huimy. Hindi siya makapaniwala sa mga narinig niya mula kay Renz. Ang tagal niyang nagtanim ng sama ng loob sa binata dahil sa pag-aakalang pinaasa siya nito. Lahat ng nangyari sa nakaraan ay isinisi niya kay Renz ngunit hindi niya alam na naging biktima lang din pala ito.

Hindi niya alam kung ano ang sasabihin matapos malaman ang buong katotohanan. Tanging luha niya ang nagsisilbing katunayan ng pagdadalamhati niya sa nangyari sa nakaraan.

“Huimy,” sambit ni Renz kasabay ang paghawak sa kanyang kamay. Magkatabi silang nakaupo sa may dalampasigan. “Patawarin mo sana ako kung hindi ko nagawang ipaglaban ka noon. Patawarin mo rin ako kung nasaktan kita ng sobra-sobra dahil sa nangyari.”

“Parehas lang tayong nasaktan at nagdusa. Patawarin mo rin ako kung hindi ko inalam ang totoo.”

“Kalimutan na lang natin ang nakaraan at magsimula tayo ulit,” suhestiyon ni Renz.

Lumingon siya sa binata at tinitigan ito sa mga mata. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang luha. Ngayon lang niya nakita ang labis na sakit na nararamdaman nito. Sadyang hindi makakapagsisinungaling ang mga mata.

“Ganoon ba kadaling gawin iyon para sa’yo? Masyadong malalim ang sugat na dinulot sa atin ng nakaraan at hindi iyon ganoon kadaling kalimutan na lang. Hindi rin ganoon kasimple ang magsimula ulit. May kanya-kanya na tayong buhay. Nasanay na tayo na wala ang isa't isa.”

“Alam ko, pero hindi ba puwedeng ibalik kahit ang pagkakaibigang mayroon tayo dati?”

Napabuntong hininga siya saka tumingin sa kalangitan. “Kung kasing simple lang sana ng paghiling sa bituin ang pagbabalik ng pagkakaibigang nawala sa atin... kaya lang hindi ganoon iyon. Tanggapin na lang siguro natin na tapos na ang lahat sa atin. Wala na kahit ang pangakong best friend forever.”

“Hindi, Huimy. Walang katapusan ang forever. Bigyan mo ako ng pagkakataon para patunayan sa'yo na kaya kong tuparin ang pangako natin sa isa't isa.”

Muli niyang nilingon ito. Ramdam niya ang sinsiridad sa sinasabi nito.

“Naiintindihan ko na ngayon at maiintindihan ko kahit hindi mo na tuparin ang pangako mo. Kalimutan na lang natin ang pangakong iyon. Let's move forward.” Pinahid niya ang luha at saka ngumiti. “Panatag na ngayon ang loob ko. Para akong nakalaya sa gapos ng nakaraan at dahil iyon sa'yo. Maraming salamat ngunit hanggang dito na lang tayo.”

Tumayo siya at aktong iiwan na ito ngunit mabilis na nahawakan ni Renz ang kanyang kamay. “Hindi na ako papayag na ipagtabuyan mo ako ulit. Kahit paghirapan ko pa, maibalik lang ang pagkakaibigan natin, gagawin ko.”

Ngiti lang ang itinugon niya saka tuluyan nang iniwan si Renz.

“Why don't you give him a chance?” tanong ni Trisha sa kanya nang makabalik siya sa cottage na tinutuluyan nilang dalawa.

“Tama na iyong nagkaroon na ng liwanag ang lahat patungkol sa nakaraan. Okay na kami at ganoon na lang iyon, wala nang continuation.”

“Pero iyon ba ang isinisigaw ng puso mo? Baka pinipigilan mo lang ang sarili mong buksan ulit ang puso mo para sa taong tunay na minamahal mo.”

Sandali siyang natahimik. Sa totoo lang, may parte ng puso niya kanina ang gustong tanggapin ang alok ni Renz na pagkakaibigan. Ngunit may bahagi sa puso niya na para bang hindi sang-ayon sa suhestiyong iyon. Pakiramdam niya, magiging kumplikado lang ang lahat dahil may nararamdaman pa rin siya para sa binata. Natatakot siyang masaktan lang ulit siya at umasa. Hindi niya sigurado kung kaya niya pa bang makipagkaibigan sa taong mahal niya gayong alam niyang may kanya-kanya na silang buhay.

“Nakalimutan mo na bang pitong taon na ang nakalipas? Mahirap nang ibalik ang pagkakaibigan namin. Hindi na iyon kadali gaya ng iniisip mo.”

“Why don't you try? Wala namang mawawala kung ibalik ninyo ang friendship ninyo at malay mo, eventually maging tunay na lovers na kayo.”

“Lovers? Naloloka ka na ba? Mas lalong hindi puwede iyon.”

“Bakit hindi? Ikaw na ang nagsabi na hindi naman natuloy ang kasal nila ni Amanda. May possibility na binata pa rin siya hanggang ngayon at ikaw, wala na si Daryl, malaki ang chance na puwede nang maging kayo.”

“Huwag ka ngang advance. Hindi lang naman ang feelings ko ang importante dito. May anak na ako—”

“Anak mo o anak ninyo ni Renz?”

Mabilis niyang tinakpan ang bibig ni Trisha. Kinabahan siya dahil baka may nakarinig sa kanila. Hindi puwedeng malaman ng kahit na sino na si Renz ang tunay na ama ng kanyang anak na si Clark.

“Huwag ka ngang maingay baka may makarinig sa'yo.”

Tinanggal ni Trisha ang kamay niya sa bibig nito at pabulong na nagsalita, “Di kaya panahon na rin para ipaalam mo kay Renz ang tungkol kay Clark? May karapatan siya.”

“Hindi! Kung ang friendship namin ay hindi na puwedeng ibalik lalo na ang pagiging ama niya para kay Clark. Mas magiging kumplikado kung malalaman pa niya ang totoo.”

“Pero hanggang kailan mo balak itago ang katotohanang iyon?”

“Hanggang kaya ko.”

Matapos ang almusal ay nagpasya na silang bumalik ng Cavite. Magkatabi pa rin sila sa van. Ngunit sa pagkakataong ito mas komportable na siya. Hindi na siya naiilang sa binata.

Masaya ang naging byahe nila pauwi. Nagkakantahan ang mga kasamahan nila at may kasama ring kantiyawan. At hindi maiwasang silang dalawa ni Renz ang topic.

“Hindi ba talaga naging kayong dalawa dati?” tanong ni Francis.

“Oo nga. Bakit hindi na lang kayo umamin? Nakita kaya namin kayo na magkayakap sa tabing- dagat?” pang-iintriga pa ni Sheila, isa sa mga kasamahan nila. Agad namula ang kanyang mukha. Hindi niya alam na may nakakita pala sa kanila sa ganoong ayos kahapon.

“W-walang ibig sabihin iyon,” halos mautal siya sa pagdepensa.

“Wala? E ang higpit ng yakap nitong si Renz sa’yo tapos umiiyak ka pa nga. Share ninyo naman kasi kung anong nangyari sa past ninyo. Mukhang mas malalim pa sa friendship e,” sabi naman ni Divina, isa sa mga tsismosa sa opisina nila.

“Hoy! Kayo talagang dalawa, gagawin ninyo pang showbiz ang relasyon nitong sina Huimy at Renz. Masama bang magyakapan ang dating mag-bestfriend? Ang iitim ng utak ninyo!” saway ni Trisha sa mga ito. Ikinatuwa naman niya na ito na ang sumaway sa mga kasamahan.

“Tama si Trisha. Mind your own business, Divina at ganoon din naman ikaw Sheila.”

Ngumuso naman ang dalawa at napairap pa bago nagsitahimik. Tipid siyang napangiti at sumulyap kay Renz. Ngumiti ito nang magtama ang kanilang mga mata kaya umiwas siya agad.

Matapos ang mahabang biyahe, sa wakas ay nakarating na sila sa Cavite. Isa-isa nang nagbabaan ang mga kasamahan nila sa kani-kanilang mga bahay. Bumaba na rin siya ng van matapos tumigil ito sa tapat ng bahay nila. Bumaba rin si Renz.

“Dito ka na pala nakatira,” sambit nito habang nakamasid sa paligid ng bahay. Hindi kalakihan ang kanyang bahay. Bungalow style lang ito na may balkonahe sa harapan at maliit na hardin. Kulay light green ang pintura niyon na maaliwalas sa mata.

“Oo. Dito na. Binigay ito ng mommy ni Daryl noong kinasal kami.”

“Mommy!” Napukaw ang atensyon nilang dalawa nang sumigaw si Clark. Mabilis na binuksan nito ang gate at patakbo itong lumapit sa kanya. Automatiko itong yumakap nang mahigpit sa kanya. Halatang sabik ito na makita siya.

“Siya na ba ang anak mo?” tanong ni Renz habang nakatitig sa bata.

Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Hindi niya alam kung paano ipakikilala ang anak. Hindi niya akalaing magtatagpo ang kanyang anak at si Renz. Hindi kaila na malaki ang pagkakahawig ng anak niya kay Renz.

“O-Oo,” nauutal na sagot niya.

Hinawakan nito ang ulo ni Clark. Nakangiti ito habang ginugulo ng kaunti ang buhok ng bata. “Ang cute mo. Anong pangalan mo?”

“Clar—” Alam niyang isasagot ng bata ang buo nitong pangalan kaya agad niya itong pinigilan at siya na ang sumagot. Marunong na kasi itong magpakilala ng buong pangalan kaya’t pag tinatanong ito ay agad isinasagot ang kumpletong pangalan.

“Clark. Siya si Clark.” Abot-abot ang kaba sa kanyang dibdib. Ayaw niyang malaman ni Renz na isinunod niya ang pangalan nito dito. Ang tunay kasing pangalan ng bata ay Clarenz James Rodriguez. Ang epilyido ay isinunod kay Daryl dahil ito ang tumayong ama para sa kanyang anak.

“Ang ganda naman ng pangalan mo,” puri pa nito na hindi na pa rin inaalis ang pagtitig sa kanyang anak.

“Thank you po,” nakangiting tugon ng bata.

“Sige na! Uwi na kayo.” Halos itaboy na niya si Renz. Bahagya pa niyang itinulak ito papasok sa van.

“Pero...” sabi ni Renz na nag-aatubiling sumakay ng van at kahit nakasakay na ito ay nakatuon pa rin ang tingin nito kay Clark.

“Sige na. Napagod ka na rin sa biyahe ‘di ba? Bye!” Kinawayan pa niya ito at pilit na ngumiti.

“Okay, sige. Bye, Huimy. Bye, Clark.” Kumaway pa ito bilang pagpapaalam.

Napabuntong-hininga siya nang malalim nang makalayo na ang van na sinasakyan nito. Hindi pa siya handang ipakilala ang anak sa tunay nitong ama.

“Mommy, sino pa 'yong lalaki kanina?” biglang tanong ni Clark na kinagulat niya.

“K-kaibigan ko anak,” sagot niya saka muli itong niyakap nang mahigpit. “Na-miss mo ba ako?”

“Siyempre naman, mommy. Miss na miss kita,” malambing na sagot nito kasabay ang walang humpay na paghalik sa pisngi niya. Hinalikan din niya ito sa noo.

“Mahal na mahal kita anak. Kung puwede lang sanang mabuo ang pamilya natin, mas magiging masaya pa tayo.” Hindi niya isinatinig iyon. Sinabi lang niya iyon sa pamamagitan nang mahigpit na yakap sa kanyang anak.