Chapter 23
Umuwi si Renz sa kanilang bahay kasama si Amanda. Ipinaalam nito ang planong pagli-live in habang nag-aasikaso ng kasal. Hindi niya gusto ang ideyang ito pero wala siyang magawa. Sunod-sunuran siya sa kagustuhan ni Amanda para lamang hindi mapahamak si Huimy. Hanggang sa mga sandaling ito ay si Huimy pa rin ang laman ng kanyang isip at hindi siya mapakali hanggang hindi ito nakakausap. Wala naman siyang magamit na cell phone dahil kinuha iyon ni Amanda at hindi niya mahanap kung saan nito itinago.
Um-attend sila ng kasal ni Jojo at maging ito ay nagulat sa nalaman. Isa si Jojo sa nakakaalam na si Huimy ang nag-iisang babaeng minamahal niya pero wala naman itong alam sa naging kasunduan noon. Tanging ang may alam lamang ay ang kanyang ina at siya. Dahil hindi nila gustong maging usap-usapan sa baryo kaya inilihim nila iyon pati na rin ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng kanyang ama. Hindi rin maaaring malaman iyon ng kanyang mga kapatid dahil hindi nila nais na maging masama ang tingin nito sa kinilalang ama. Bata pa ang mga ito noong panahon na iyon at wala pang naiintindihan sa mga nangyayari.
“Akala ko ba ay nagpaplano ka nang magtapat kay Huimy? Anong ibig sabihin nito? Susunod ka na agad sa aking magpakasal at kay Amanda pa? Nasisiraan ka na ba?” pabulong na sabi ni Jojo sa kanya. Nakatingin pa ito kay Amanda na kasalukuyang masayang nakikipag-usap sa asawa nitong si Laila.
“Siguro nga nababaliw na ako,” pabulong din niyang sabi. Hindi niya masabi dito ang buong pangyayari.
“I think you gonna regret this, Renz. Paano na si Huimy? I think she really loves you at masasaktan mo siya kapag nalaman niya ito.”
Hindi siya nakaimik. Ngayon pa lang ay alam niyang nasaktan na niya si Huimy. Noong sabihin pa lang niya rito na patayin na lang ang nararamdaman nito. Iyon lang ang naisip niyang paraan para hindi ito lalong masaktan at umasa. Pero tama nga ba ang ginawa niya? Iniisip pa rin niya ang magiging reaksyon ni Huimy kapag nalaman nitong may kinakasama na siya.
Lumapit naman si Richell sa kinaroroonan nila at bumulong sa kanya, “Kuya, pinapabigay ito ni Huimy.” Inabot nito ang isang sobreng kulay puti sa kanyang kamay ngunit palihim lang. Agad niyang ibinulsa iyon para hindi makita ng mga bodyguard na nakamanman sa kanila na nasa 'di-kalayuan.
Narinig pa lamang niya ang pangalan ni Huimy ay kinabahan na siya. Kating-kati na siyang malaman kung ano ang laman ng sulat na iyon kaya naman nang makatiyempo ay agad siyang nagtungo sa banyo upang basahin iyon.
Halos manlambot ang mga tuhod ni Renz matapos basahin ang sulat. Hindi na alintana ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Sobrang sakit ang nararamdaman niya ngayon dahil ang babaeng minamahal niya ay kinamumuhian siya. Pati ang pagkakaibigan nila na iningatan niyang hindi masira ay tinatapos na nito.
Kasalanan ko ito! Sinaktan ko siya! Ang tanga-tanga ko!
Pinagsusuntok niya ang pader ng banyong iyon hanggang sa dumugo ang kanyang kamao. Hindi niya nararamdaman ang sakit niyon dahil mas ramdam niya ang sakit na nagmumula sa kanyang puso.
“Hinahanap ka na ni Miss Amanda,” pormal na sabi ng bodyguard nang makapasok ito sa loob ng banyo. Nagulat pa siya sa biglang pagdating nito kaya’t mabilis niyang pinunasan ang mga luha at tumingin nang diretso dito. Hindi na siya nagsalita at agad nang nalagpasan ito. Pasimple pa niyang ibinulsa ang kamay na sugatan. Ngunit alam niyang nakita na nito ang lahat kaya ganoon na lamang ang tingin nito sa kanya, tila nanunuri. Hindi naman niya kailangang magpaliwanag dito kaya bahala na kahit magsumbong pa ito sa amo nito. Isa lang ang nasa isip niya ngayon... kailangang magkausap sila ni Huimy. Kailangan niyang matakasan si Amanda.
“Kuya, hindi ba delikado ang gagawin mo?” kinakabahang tanong ni Richell sa kanya matapos sabihin dito ang kanyang plano. Nilapitan niya ito nang palihim habang abala pa rin si Amanda sa pakikipag-usap sa mga kaibigan nito. Naki-text na rin siya rito at pinadalhan ng mensahe si Huimy. Nagbakasakali siyang mababasa nito iyon.
“Desidido na ako. Hindi ko kaya ang ganito. Hindi ko kayang mawala si Huimy sa buhay ko.” Tila maiiyak na naman siya habang sinasambit iyon. Iniisip pa lang niya na kinamumuhian siya ngayon ng dalaga ay tila pinipiga na ang kanyang puso.
Pinakatitigan lang siya ng kanyang kapatid. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.
“Basta Richell, gawin mo ang plano. Babalik agad ako.”
Inutusan niya itong lansihin ang mga guwardiya. Inutusan din niyang kausapin ni Rico si Amanda para mawala ang atensiyon nito sa kanya at makasalisi siya. Nang magtagumpay silang gawin iyon ay mabilis siyang nagbiyahe paluwas ng Maynila kung saan alam niyang nakatira si Huimy.
Ngunit hindi niya inaasahan ang kanyang nakita, ibang-ibang Huimy. Lasing na lasing ito at kung hindi pa niya mabilis na naagapan ay tiyak na matutumba at babagsak ito sa sahig. Nakaramdam siya ng habag sa kalagayan ng dalaga. Lalo niyang sinisi ang sarili. Wala siyang magawa kundi ang hingin ang kapatawaran nito kahit na hindi niya alam kung naiintindihan ba siya nito. Hanggang sa madala na siya ng kanyang emosyon. Niyakap niya ito nang mahigpit at ginawaran ng halik sa labi. Matagal na niyang pinipigilang gawin ang bagay na iyon. Matagal na niyang pinipigilang iparamdam dito ang tunay niyang nararamdaman at sa pagkakataong ito, gusto na niyang ipadama sa dalaga at sabihin ang mga katagang matagal nang dapat lumabas sa kanyang bibig.
“Mahal kita, Huimy.” Muli niyang hinalikan ito at lumalim pa iyon hanggang sa humantong sa pangyayaring ginusto rin nilang dalawa. Nakatulog siya sa tabi ni Huimy na may ngiti sa mga labi.
Ngunit ang ngiting iyon ay agad napawi nang makatanggap siya ng mensahe galing kay Richell. Gamit niya ang cell phone ni Rico na hiniram niya rito.
Richell: Umuwi ka na, Kuya. Nag-i-eskandalo si Amanda at hindi namin siya mapigilan.
Hindi na niya hinintay pa na magising si Huimy. Mabilis siyang umalis matapos mag-iwan ng note. Ipinangako niya sa sariling aayusin niya ang gusot na dulot ni Amanda at babalikan niya si Huimy sa lalong madaling panahon.
Matagal ang naging biyahe niya pabalik sa Bicol at hindi maiwasang mahati ang kanyang isip sa dalawang bagay. Ang nalalapit na pagtutuos nila ni Amanda at ang kalagayan ni Huimy. Hindi pa sila nakapag-usap nang maayos ni Huimy at hindi pa niya naipapaliwanag dito ang lahat. Ngunit kailangan na niyang umalis. Gustuhin man niyang makasama pa ito nang matagal ay hindi pa puwede.
“Pangako, babalikan kita agad. Hintayin mo sana ako,” bulong niya sa hangin habang nakatanaw sa labas ng bintana ng bus na kanyang sinasakyan.
Napukaw ang kanyang atensiyon nang tumunog ang kanyang cell phone. Agad niyang binasa ang mensaheng naroon.
Richell: Kuya, bilisan mo. Nabaril si Rico ni Amanda. Papunta na kami sa hospital ngayon.
Agad na dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib dahil sa nabasa. Halos hilahin na niya ang oras makarating lang at kung p’wede lang sana na siya na ang magmaneho ay pinalipad na niya ito.
“Shit!” Nahampas niya ang upuang nasa harapan. Hindi na siya mapakali. Kailangan siya ng kanyang kapatid.
Tatlong oras pa ang lumipas bago siya tuluyang nakarating sa hospital na sinabi ni Richell sa kanya. Naabutan niya ang kanyang ina at si Richell na umiiyak. Nang lapitan niya ang ina ay malutong na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Sa lakas ng sampal na iyon ay tila pa naalog ang kanyang tenga at tumabingi ang kanyang pisngi. Agad na namula iyon. Labis na galit ang nakita niya sa mga mata ng kanyang ina.
“Kasalanan mo ito!” paninisi nito sa kanya kasabay ang masaganang luha sa nanlilisik na mga mata.
“Kasalanan mo ito! Kasalanan mo!” Pinagsusuntok pa siya nito sa kanyang dibdib nang paulit-ulit. Malalakas ngunit iniinda niya iyon. Naiintindihan niya ang kanyang ina. Ramdam niya ang galit at pagdadalamhati nito. At alam niyang kulang pa ang mga suntok na iyon para maibsan iyon.
“Sinabihan na kita noon pero hindi ka nakinig. Tumigas na ang ulo mo dahil sa babaeng iyon! Tingnan mo ang nangyari, maibabalik mo pa ba ang buhay ng kapatid mo? Maibabalik mo pa ba ang buhay ni Rico?”
Hindi siya nakasagot at nanatili lang nakatingin sa ina. Naglandas na rin ang luha sa kanyang mga mata. Hindi siya umiyak dahil sa sampal na tinamo. Umiyak siya dahil alam niyang kasalanan talaga niya ang nangyari sa kapatid. Kung hindi sana siya umalis, hindi sana mangyayari ito.
Ang malalakas na suntok ay unti-unting humina ngunit patuloy pa rin ang paninisi sa kanya ng ina. Nanghihina na itong napaluhod sa kanyang harapan at nakasubsob ang mukha sa mga palad. Wala siyang magawa kundi ang manatili sa pagkakatayo habang tulalang nakamasid sa inang ngayon ay yakap-yakap na ng kanyang kapatid na si Richell.
Matagal silang nagluksa sa pagkawala ni Rico. Hindi na niya nagawang tawagan o ipaalam man lang iyon kay Huimy. Tila ba lutang ang kanyang isip sa masamang nangyari at hindi niya alam kung anong nararapat gawin. Galit lang ang nabuo sa kanyang puso nang dahil sa ginawa ni Amanda lalo na at hindi pa rin ito nahuhuli ng mga pulis kahit magtatatlong buwan na ang nakakalipas. Marahil itinatago at pinoprotektahan ito ng mga magulang nito. Nag-resign na rin siya sa trabaho dahil sa nangyari.
Makalipas ang higit siyam na buwan, matapos may tumulong sa kanila para tuluyang mahuli si Amanda at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Rico, naisipan niyang balikan si Huimy sa bahay nito sa Maynila. Ngunit wala na ito roon. Ayon kay Aling Esther umalis na raw ito at nanirahan na sa Cavite. Ibinalita rin nitong nagpakasal na si Huimy sa nagngangalang Daryl.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nalaman kaya't napagdesisyunan niyang puntahan ito sa Cavite. Sa address na dating tinitirhan ni Huimy. Tila siya nabagsakan ng langit at lupa nang nakumpirma na niya iyon mula kay Marikit. Galit na galit si Marikit nang makita siya at isang malutong na sampal ang ibinigay nito sa kanya.
“Ang kapal ng mukha mong magpakita pa dito pagkatapos mong iwan si Ate Huimy sa ere! Matagal kang minahal ng kapatid ko pero pinaglaruan mo lang siya! H’wag mo na siyang guguluhin kahit kailan! Huwag na huwag mo nang susubukang magpakita pa sa Ate ko!”
“Pero hayaan mo muna akong magpaliwanag sa kanya,” pagsusumamo niya.
“Wala ng silbi pa ang paliwanag mo. May pamilya na siya at masaya na siya ngayon. Masaya na siya,” pagdidiin pa nito sa huling sinabi saka siya pinagsarhan ng pinto.
Sa kabila nang sinabi ni Marikit ay ninais pa rin niyang makausap si Huimy. Gumawa siya nang paraan para mahanap ang lokasyon nito. Ngunit sa tagal ng kanyang paghahanap, tunay na isang masayang pamilya nga ang nakita niya na lalong dumurog sa kanyang puso. Nanlulumo siyang napalunod sa lupa habang nakamasid kay Huimy sa hindi kalayuan na may kargang sanggol habang ang isang lalaki ay nakangiting nakatingin sa bata.
Doon na niya napagdesisyunan na tuluyan nang layuan si Huimy at huwag nang kausapin pa. Alam niyang makakagulo lang siya sa buhay nito kapag nakipagkita pa siya.
Kasalanan naman niya ang lahat kung bakit nawala ang babaeng mahal niya. Noon pa man ay naduwag na siya. Noon pa man ay naging mabagal na siya kaya ngayon kasalanan niya rin kung bakit naunahan siya. Kasalanan niya kung bakit ang taong mahal niya, ngayon ay nasa piling na ng iba.