Chapter 22

Year 2009

Isang linggo na ang nakakalipas mula nang magkita sina Huimy at Renz. Hindi maipaliwanag ng huli ang sayang naramdaman niya nang makitang muli ang dalaga. Parang lalong tumindi ang pagtingin niya rito. Mas gumanda ito sa kanyang paningin lalo na nang masilayan niyang muli ito sa personal.

Ang tawa ni Huimy na sa cellphone niya lang naririnig ay parang naging musika sa kanyang pandinig. Lalo siyang nabighani sa mga ngiti nito na sa imahinasyon niya lang nakikita noon. Pati ang mga mata nitong nakatitig lang sa kanya na parang bang siya lang ang pinakaguwapo sa paningin nito. Parang gusto niyang patigilin ang oras noong araw na kasama niya ito. Iyon nga lang, wala siyang kapangyarihang gawin iyon.

Isang tawag ang gumambala sa pagmumuni-muni niya. Tiningnan niya ang nakarehistro sa screen ng kanyang cell phone at napasimangot lang siya. Pangalan ni Amanda ang nakarehistrong pangalan roon.

Ilang araw na mula nang magbalik si Amanda galing sa France. Naka-graduate na ito sa kinuhang kurso roon bilang fashion designer. Ang alam niya ay nagtatrabaho na rin ito roon kaya’t ikinagulat niya ang biglaang pag-uwi nito sa Pilipinas.

Pagbaba na pagbaba pa lang nito sa eroplano ay siya na agad ang pinuntahan nito. Sa Batangas ito dumeretso kung saan siya nakadestino ngayon. At kasalukuyan itong tumutuloy sa isang apartment malapit sa site na pinagtatrabahuhan niya.

Hindi niya sinagot ang tawag nito. Nakailang ulit pang tumunog ang kanyang cell phone pero hindi niya pa sinagot. Wala na siyang balak makipag-usap pa sa dalaga dahil tinapos na niya ang lahat sa kanila. Ngunit ayaw nitong pumayag at ipinagpipilitan pa rin ang gusto nitong ituloy ang kanilang kasal.

Tumunog muli ang kanyang cell phone. Sa pagkakataong iyon ay hindi na tawag kundi dalawang text message galing sa magkaibang tao. Binuksan niya iyon at tiningnan.

Insan Jojo: Insan, uwi ka sa kasal ko ha? Sa October 15 na. Huwag kang mawawala, asahan kita.

Ni-reply-an naman niya iyon.

Renz: Ako pa ba mawala? Asahan mo, darating ako.

Binuksan niya ang isa pang mensahe matapos i-send ang message sa kanyang pinsan.

Amanda: Don't dare to ignore me or else you will regret it for the rest of your life.

Nagbabanta na naman ito. Ilang beses na ba nito iyong ginagawa? Hindi na niya mabilang. Mula pa nang nasa France pa ito at hindi niya sinasagot ang mga tawag nito ay panay na ang pagbabanta nito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ito kadesperadang magpakasal sa kanya gayong napakarami naman nitong manliligaw.

Noong isang araw lang ay binantaan siya nitong magpapakamatay ito nang sabihin niyang ayaw niyang ituloy ang kasal. Amanda was too obsessive and pathetic. Gagawin nito ang lahat para makuha ang gusto nito. Whatever it takes. Kahit na may masaktan pa at kahit sino pa ay handa nitong banggain. Naiiling na lamang siya sa ugali nito. Iyon din ang dahilan kung bakit hindi niya nagustuhan man lang ito kahit gaano pa ito kaganda.

Hindi na niya pinansin pa ang mensahe ni Amanda sa halip ay si Huimy ang kanyang pinadalhan ng mensahe. Nagpaalam siya rito na uuwi ng Bicol para sa kasal ng pinsan. Lagi naman niya iyong ginagawa. Lagi muna siyang nagpapaalam dito. Ganoon ito kahalaga sa kanya.

Kasalukuyan siyang nakikipag-text kay Huimy nang biglang bumukas ang pinto sa kuwarto ni Renz at iluwa noon si Amanda. Parang model itong naglakad palapit sa kanya at mabilis na inilapit ang mukha sa kanya.

“What are you doing here? Bakit andito ka?” agad na tanong niya sa babae. Sa halip na sumagot ay mabilis siyang hinalikan nito sa labi. Ni hindi niya nailagan iyon dahil sa bilis nang pangyayari.

“Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan sa'yo, Renz? What are you doing and why didn't you answer my call?” maarteng sabi nito.

Tumingin ito sa hawak niyang cell phone at hinablot iyon sa kamay niya.

“And what is this? You are texting with... Huimy?” Pinindot ni Amanda ang cellphone niya at halatang nagbabasa ng mensahe mula roon. Naningkit ang mga mata nito sa galit.

"Are you inlove with this bitch?” mariin at malakas na tanong nito.

Inis na hinablot niya ang kanyang cell phone sa kamay nito.

“Wala kang pakialam! Tapos na tayo, Amanda! Huwag na huwag mo siyang tatawaging bitch dahil mas mukha ka pang bitch kaysa sa kanya!” Nag-init na rin ang kanyang ulo dahil sa pang-iinsulto nito kay Huimy.

Umigting ang mga panga nito sa galit at nanlisik ang mga mata. “At ipinagtatanggol mo pa siya? Inlove ka nga sa kanya. Pwes, humanda ang babaeng ‘yan! Pagsisisihan niyang nagkakilala kayo!”

“Huwag na huwag mong susubukang kantiin si Huimy! Mapapatay kita!” Sinalo niya ang matalim na titig nito. Makikita sa mga mata ni Renz ang labis na galit. Hindi niya hahayaang madamay si Huimy. Hinding-hindi niya papayagang may mangyaring masama rito.

Tumawa ito nang mala-demonyo. “Try me, Renz! You know me, kaya kong gawin ang mga banta ko.” May halong paghamon sa boses nito.

Hindi man aminin ni Renz ay kinabahan siya sa sinabi nito. Kilala niya si Amanda mula pa noong mga bata sila at ginagawa nito ang mga sinasabi nito. Kahit pa nga ang guro nila noon ay kaya nitong ipahiya dahil na rin sa impluwensiya at kapangyarihan ng ama nito. Ngayon pinagsisisihan niya kung bakit pumayag pa siya sa kasunduang iyon.

“We had an agreement at sa ayaw at sa gusto mo, magpapakasal tayo. Aasikasuhin ko na iyon at wala kang magagawa kundi ang pumayag sa gusto ko, or else, baka gusto mong madamay ang babaeng pinakamamahal mo. I can make her life miserable, Renz. I can take her to hell,” pahabol pang sabi nito bago siya talikuran nito. Halos mabingi rin siya sa lakas ng pagkakasara sa pinto.

Matapos umalis ni Amanda ay agad niyang binasa ang text ni Huimy na nagtatanong kung may feelings siya para sa dito pero sinagot niya iyon na patayin na lang ang nararamdaman para sa kanya dahil ayaw niyang madamay pa ito sa gulo nila ni Amanda. Mas gugustuhin pa niyang masaktan siya kaysa ang babaing minamahal niya.

Nag-iimpake na siya ng gamit na dadalhin patungong Bicol nang dumating si Amanda.

“So, aalis ka pala?” Lumapit ito at umupo sa kama. “Hindi mo man lang ba ako isasama para pormal na nating masabi sa Mama mo na tuloy na ang kasal natin?”

Matalim niyang tinitigan ito. “Bakit ko gagawin 'yon? Hindi kita girlfriend at wala akong balak na pakasalan ka.”

Halata sa mukha ni Amanda ang pagkapahiya dahil sa sinabi niya. Nagtiim-bagang ito bago nagsalita. Tumalim din ang ang tingin nito sa kanya.

“Sinusubukan mo ba talaga ko, Renz?” madiin ang bawat katagang lumalabas sa bibig nito.

“Tantanan mo na ako, Amanda. Wala kang mapapala sa akin.”

“After all I've done, do you think I can give you up easily? Baka nakakalimutan mong marami kayong utang na loob sa pamilya ko. Hindi ka makakarating sa kinalalagyan mo ngayon kung hindi dahil sa akin. At umaalingasaw sana ang baho ng pamilya ninyo kung hindi sa tulong ni Daddy! Gusto mo pa bang ipaalala ko sa'yo kung paano tayo napunta sa sitwasyong ito?”

“Stop it, Amanda!” bulyaw niya sa babae. “Huwag mo nang ungkatin ang nakaraan. Tapos na iyon.”

Ngumisi ito. “Yeah. It’s already over. Patay na ang tatay mong adik. Pero hindi roon natatapos ang kasunduan. Nakapirma ka at kailangan mong tuparin iyon kung ayaw mong may masamang mangyari sa'yo, sa pamilya mo at sa babaeng iyon!”

“Huwag na huwag mong idadamay ang pamilya ko. Huwag mo ring idadamay si Huimy.” Nakipaglaban siya nang matalim na titig sa babae. Galit ang nabubuo sa kanyang dibdib habang nakatingin sa mga mata nito. Lalo na at alam niyang anumang oras ay puwede nitong gawin ang nais nito pero hindi siya papayag. Paninindigan niya ang kanyang desisyon. Hindi siya magpapatali sa babaeng ito.

“Kahit malagutan ako ng hininga, hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo,” dugtong pa niya.

“Hindi mo puwedeng i-reject ang katulad ko, Renz. Pagsisisihan mo ito!” Pagbabanta na naman nito saka padabog na namang umalis. Naiiling na lang siyang nagpatuloy sa pag-iimpake.

Nang hapon ding iyon ay bumiyahe na siya pauwi ng Bicol. Mahaba ang biyahe kaya nakatulog siya.

Naramdaman niya ang bigat nang kanyang ulo na para bang may humampas doon na matigas na bagay. Nang galawin niya ang kanyang mga kamay at idilat ang mga mata ay napag-alaman niyang nakagapos siya. Luminga pa siya sa paligid at parang nasa isang abandonadong kuwarto siya. Saka lamang rumehistro sa kanyang isip ang pangyayari nang makababa siya ng bus sa stop over nito sa may Quezon Province.

Nakaidlip siya nang makasakay siya ng bus at nang makaramdam siya ng gutom ay agad siyang bumaba para maghapunan, gabi na kasi nang makarating siya sa Quezon. Pabalik na siya ng sasakyan nang bigla na lamang siyang nahilo dahil sa malakas na palo mula sa kanyang likuran. Tinamaan noon ang kanyang ulo na sanhi para mawalan siya ng malay.

“Welcome home, sweetheart!” Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses.

“Amanda?” kunot-noong sambit niya. Hindi niya akalaing makikita niya ito roon at hindi rin niya inaasahang gagawin nito ang bagay na ito sa kanya.

Nasa may pinto ito at naka-cross arm na palapit sa kanya. Ang lapad rin nang pagkakangiti nito na tila nagwagi sa Miss Universe.

“How's your trip?” tanong pa nito.

“Bakit mo ako dinala dito?” paasik na tanong niya. Pilit niyang nilalakasan ang loob kahit na nga kinakabahan siya dahil sa malalaking taong nakabantay. Dalawang lalaking mukhang bodyguard. Naka-black suit ang mga ito na gaya ng men in black. Sa palagay niya ay mga tauhan iyon ng Daddy ni Amanda. Wala siyang laban sa mga ito.

“You don't want to come with me so I told them to bring you here. And tadan! Welcome to our house.”

Tinitigan niya ang itsura ng mga lalaki at pilit inalala. Kaya pala kakaiba ang tingin ng dalawang ito sa kanya nang sumakay siya sa bus.

“Nasaktan ka ba?” Hinaplos nito ang kanyang ulo at napangiwi siya nang maramdaman ang pagpisil nito sa namuong bukol roon. “Sorry kung kailangan ka nilang saktan. Kung pumayag ka lang kasi hindi na tayo aabot sa ganito.” Hinaplos pa nito ang kanyang pisngi at aktong hahalikan siya pero mabilis siyang umiwas na lalong ikinagalit nito.

Sumenyas ito sa isang bodyguard kaya naman isang malakas na suntok ang dumampi sa kanyang sikmura nang tamaan ng kamao niyon. Napaigik siya sa sakit.

“N-nababaliw ka nang talaga!”

“Oo! Baliw ako! Baliw na baliw sa'yo!” Tumawa pa ito nang mala-demonyo. “Sinabi ko naman sa'yo, hindi mo ako basta-basta maire-reject. Hindi ako katulad ng ibang naging babae mo! Hindi ako papayag na basta-basta mo na lang iiwan pagkatapos mong pakinabangan.”

“Amanda, ikaw ang nagdespatsa sa mga naging girlfriend ko at hindi ako. Lahat ng mga naging girlfriend ko, pinagbabantaan mo.”

“Oo. Ginawa ko ‘yon dahil ayaw kong may kaagaw sa’yo. Matagal ka nang nagpakasawa sa kanila. Pinagbigyan kitang gawin ang gusto mo habang wala ako pero ang ma-inlove... it's a big no for me! Hindi ka puwedeng ma-inlove kahit na kanino! Sa akin ka lang!”

“Hinding-hindi ako magiging sa'yo.” Pinipilit pa rin niyang maging matapang at hindi nagpapasindak dito.

Isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa mukha niya. Halos tumabingi ang mukha niya sa lakas niyon na para bang buong puwersa na ng babae ang ginamit nito. Ramdam niya ang sakit ng kanyang panga at alam niyang namula iyon. Hiningal pa nga ito dahil sa sobrang galit na makikita sa mga mata nito.

“Hindi ako papayag na hindi ka magiging akin!” galit na galit na sabi nito.

“Hindi ako magiging sa'yo kahit na ano pang gawin mo.” Matalim na titig ang iginanti niya rito.

Tumaas ng bahagya ang gilid ng labi nito. “Iyon ang akala mo. Dahil mula ngayon, akin ka na.”

“Anong plano mo? Ikukulong mo ako dito na parang preso?”

Humalakhak ito na parang baliw saka hinaplos muli ang kanyang mukha. Iniiwas niya naman iyon. “S’yempre hindi ko gagawin sa’yo ‘yon dahil papayag ka naman sa gusto ko na mag-live in tayo ‘di ba? Live in muna habang inaasikaso natin ang kasal. Good idea, right?”

“Ano? Nahihibang ka na talaga!”

“Sa ayaw at sa gusto mo papayag ka. Dahil kung hindi, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko kay Huimy,” pagbabanta nito. Nanlisik pa ang mga mata nito. Ang kaninang nakangisi ay punong-puno nang galit ngayon.

Kinabahan na naman siya nang marinig niya ang pangalan ni Huimy. Kinakabahan siya para sa kaligtasan nito.

“Huwag na huwag mo siyang idadamay sa kalokohan mo, Amanda!”

“Well, it's up to you! Kung ayaw mong madamay siya, papayag ka. You have a choice, reject me or I kill her in front you!”

Nakipagsukatan siya ng titig sa babae. Sinusuri niya kung gaano ito kaseryoso sa balak nito. Base sa nakikita niya, hindi ito nagbibiro. Marami din itong koneksyon at kayang-kaya nitong gawin ang bantang iyon. Hindi naman nito magagawang ipadukot siya kung hindi rin ito seryoso sa banta nito.

“Ano na? Magtititigan na lang ba tayo dito? Say no to me and I will surely mess that girl,” tila naiinip na sabi nito.

Naikuyom niya ang kanyang mga palad. He was really frustrated and he don't know what to do. Gusto niyang sakalin ang babaeng nasa harapan niya ngayon pero hindi niya iyon magawa dahil nakagapos pa rin siya. Gusto niyang unahan na itong patayin bago pa man nito magawa ang binabalak kay Huimy. Hindi niya puwedeng pabayaan si Huimy. Hindi niya papayagang may masamang mangyari sa pinakamamahal niya.

“Sige, pumapayag na ako sa gusto mo. Basta mangako kang hindi mo hahawakan kahit dulo ng daliri niya dahil mapapatay talaga kita.”

“Good. Madali ka naman palang kausap e.” Ngumisi ito saka mabilis siyang hinalikan sa labi. “Now, we have a deal.”