Chapter 21
Hanggang sumapit ang gabi ay nakatanaw lang si Renz habang nakatayo sa hindi kalayuan sa kinaroonan ni Huimy. Kitang-kita niya kung paano hinahagod ni Trisha ang likod nito habang umiiyak.
Sobrang sakit ang binigay ko sa kanya noon, pati ba ngayon ay sasaktan ko pa rin siya? Dapat ay hindi na lang ako nagpakita sa kanya.
Nahihirapan siyang makita ang kalagayan nito ngayon. Na umiiyak na naman ito dahil sa kanya. Alam niyang dahil iyon sa kanya, ramdam niya iyon kahit hindi pa man siya kinakausap nito. Mas gugustuhin pa niyang sampalin at sigawan nito kaysa ganitong parang masamang hangin siyang iniiwasan nito.
Nabaling ang kanyang atensiyon sa celphone na nasa kanyang bulsa nang mag-ring iyon. Agad niyang sinagot ang tawag mula roon.
“Hello, love,” malambing na bati sa kanya ng nasa kabilang linya.
“H-Hello, Monique... l-love...” muntik na siyang mautal nang sabihin iyon. Ang mga mata niya ay nakatuon pa rin kay Huimy na nasa tabing dagat.
“Nagtatampo ako sa'yo,” anito. Sa palagay niya ay nakanguso ito habang sinasabi iyon.
“Ha? Bakit naman?”
“Hindi mo man lang ako naisip na isama diyan sa Bulacan. Kung hindi pa sinabi ni Francis na nandiyan kayo, hindi ko pa malalaman. Saka kanina mo pa dinededma ang mga messages ko.”
“Sorry, love. Babawi na lang ako kapag bumalik na kami.”
“Kailan ba ang balik ninyo? Schedule ng pagkikita natin bukas, saan ba tayo? Diyan sa Cavite o dito na lang sa Maynila?”
Nagtatrabaho si Monique bilang call centre agent sa Quezon City at doon na rin ito naninirahan. Magtatatlong taon na rin ang relasyon nilang dalawa. Nagkakilala sila sa pamamagitan ng kaibigan ni Francis na nagtatrabaho bilang engineer sa pinapasukan niyang kumpanya. Kasalukuyang foreman siya ng isang malaking construction company sa bansa. Nagtatayo sila ng mga bangko sa lahat ng mga lugar sa buong Pilipinas kaya kung saan-saan siya nade-destino.
“Hindi ako sigurado kung anong oras kami makakabalik sa Cavite bukas. Overnight kami rito.”
“Ah ganoon ba? So, nag-e-enjoy ka ba naman diyan? Baka naman may ibang babae ka nang pinopormahan diyan,” tila nagdududa ang boses nito.
Natigilan naman siya nang magtama ang paningin nila ni Huimy. Lumingon ito sa dako kung nasaan siya ngunit agad ding umiwas ng tingin. Wala na si Trisha na kasama nito kanina, nakita niyang nauna itong umalis na para bang sinadyang iwan si Huimy doon.
Matagal siyang natulala habang minamasdan ang paglalakad nito palayo. Para bang nagdadalawang-isip ang mga paa niya kung ihahakbang ba o hahayaan na lang ito?
“Love, love, love?” paulit-ulit na sambit nang nasa kabilang linya ngunit parang hindi niya naririnig. “Are you still there, Clarenz?” bahagyang tumaas ang boses nito na tila nairita. Saka lamang siya tila natauhan.
“S-Sorry Monique, can we talk later? I will call you. Bye.” Hindi na niya hinayaang makasagot pa ito at binabaan na niya ito ng cell phone. Nagmamadali ang kanyang mga paa patungo sa kinaroroonan ni Huimy. Naglalakad ito sa may tabing dagat na tila pinaglalaruan ang alon na humahampas sa mga paa nito.
Isang hakbang na lang ang layo nila sa isa't isa nang tawagin niya ang pangalan nito,
“Huimy...”
Sa halip na tingnan siya nito ay pumulot ito ng isang bato sa buhangin at inihagis iyon sa dagat. Nakadalawang talon ang bato bago tuluyang lumubog sa hindi kalayuang parte ng dagat. Inulit pa niya iyon ng dalawang beses. Sa pangatlo ay parang galit na galit ito na ibinato ang medyo may kalakihang bato.
“Huimy,” muli niyang sambit sa pangalan nito.
Humugot ng malalim na hininga si Huimy bago nagbuga ng hangin. Tumingala ito sa langit at itinuro ang isang malaking bituin na katabi ng buwan.
“Gusto kong batuhin ang bituin na iyon!” puno ng sama ng loob na sabi nito. “Alam mo bang pinaasa niya ako?” Tingnan siya nito at ngumiti ng mapait. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang namumuong mga luha kahit pa nga kaunting liwanag lang mayroon sa kinatatayuan nila. Kitang-kita rin niya ang pait at sakit sa mga mata nito at nagi-guilty siya dahil doon.
Muli itong nag-iwas ng tingin sa kanya at binalingan ang bituin. “Pesteng sign iyan. Pesteng bituin iyan, sa dami-dami ng ibibigay na lalaki na magtatagal sa buhay ko, iyong taong sasaktan pa ako?” Tumawa ito ng mapakla kasabay ang pagpatak ng luha sa mga mata.
“Sabagay, hindi naman niya kasalanan. Ako lang naman itong tanga na humiling sa kanya para mahanap ang lalaking magtatagal sa buhay ko. Ang laki kong tanga para maniwalang nag-e-exist sa mundo ang forever.” Muli itong tumawa kasabay ang pag-iyak.
Pinagsalikop nito ang kamay at inilagay sa bibig saka sumigaw, “walang forever! Ang tanga ng mga taong naniniwala sa forever at isa na ako roon!”
Hindi niya magawang ihakbang ang mga paa palapit pa rito. Naroon ang pangamba sa puso niya na itulak siya nito at ipagtabuyan. Alam naman niyang patungkol sa kanya ang mga tinutukoy nito at idinadaan lang sa pagsigaw sa dagat. Pagsasawain na lamang niya ang kanyang mga mata na pagmasdan ito at hahayaan na lang niyang mabingi ang kanyang tenga na pakinggan ito habang binubuhos ang sama ng loob sa kanya.
“Ikaw?” Itinuro siya nito. “Naniniwala ka ba sa forever? Huwag kang maniniwala kasi wala noon. Hindi totoo iyon. Sasaktan ka lang ng taong inakala mong ka-forever mo. Hindi lang basta sakit ang ibibigay niya sa'yo, sobra-sobrang sakit na hindi mo alam kung kakayanin mo pa.”
Napaupo si Huimy sa buhangin at isinubsob ang mukha sa mga palad at doon humagugol. Parang bata itong umatungal sa tabing-dagat. May mangilan-ngilang mga tao ang napapatingin sa kanila. Malayo naman ang mga kasamahan nilang nasa private videoke room na ng resort at nagkakasiyahan.
Matagal sila sa ganoong posisyon bago nagkaroon ng lakas ng loob si Renz na ihakbang ang mga paa palapit pa kay Huimy. Nanginginig din ang mga kamay niya habang papalapit sa balikat ng dalaga pero bago pa man niya iyon nailapat roon ay mabilis na nitong natabig iyon.
“Huwag mo na akong hawakan o kaawaan.” Suminghot pa ito bago marahas na pinunasan ang mga luha. “Kasalanan ko nang maniwala ako na totoo ang forever. Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo. Makakaalis ka na at huwag ka ng mag-abalang kausapin ako dahil huli na rin ang lahat para sa paliwanag mo.”
“Pero Huimy...”
Tumayo ito at hinarap siya. Mapait na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. “I had a lot of good memories with you that I want to treasure it for the rest of my life. Gusto kong iyon na lang sana ang isipin at huwag na ang mga bangungot ng nakaraan pero hindi ko kaya e. Ang sakit pa rin dito. Sobrang sakit pa rin. Akala ko naghilom na pero binuksan mo ulit ang sugat. Akala ko peklat na lang siya dahil sa tagal ng panahon na lumipas pero malaking hiwa pa pala siya na hindi pa rin gumagaling.”
Namalayan na lang ni Renz na umiiyak na rin siya. Sobrang sakit ng dibdib niyang makita at marinig ang mga sumbat nito sa kanya. Tagusan iyon sa kanyang puso at wala siyang masambit na kataga kundi tanging pangalan nito.
“Huimy...”
“Alam mo bang pagkakaibigang panghabang-buhay na lang sana ang ninais ko? Pero pati iyon pinagkait pa. Alam mo bang iyon na lang ang pinanghahawakan ko sa ating dalawa pero kahit iyon binawi pa. At ngayong nagbalik ka, sa tingin mo ba maibabalik pa iyon?”
Tuluyang naumid ang dila niya at hindi nakasagot. Dahil kahit siya, hindi niya alam ang kasagutan sa tanong na iyon. Maibabalik pa nga ba ang pagkakaibigang nasira na? Matatapalan pa ba ang lamat ng nakaraan? Alam niyang hindi lang iyon basta lamat, sa nakikita niya ngayon kay Huimy, durog na durog ito at hindi kayang mabuo ng isang "sorry" ang lahat ng iyon.
Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan kung saan masaya pa sila dati... bilang matalik na magkaibigan.
Narinig niya ang marahas na pagbuga ng hangin nito. Marahas din nitong pinahid ang mga luha saka mataman siyang tiningnan.
“I guess, nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Ito na siguro ang closure na dapat sa ating dalawa noon pa man. And I guess, this is the final goodbye.”
Papayag ba siyang mawala ulit si Huimy sa kanya? Bakit hindi, nawala na ito sa kanya dati at nabuhay na sila sa magkahiwalay. Noong una nga lang ay nawala ito sa kanya nang wala man lang siyang nasabi o nagawa. Ngayong harapan na itong nagpapaalam sa kanya, pababayaan niya ba ito? Wala ba siyang gagawin ulit?
Hindi! Hindi na siya papayag na mawala pa ulit si Huimy sa buhay niya. Kung hindi niya naipaglaban noon kahit ang pagkakaibigan nila, ngayon ay gagawin na niya.
Inihakbang niya ang mga paa palapit dito at ikinulong ito sa kanyang mga braso. Hindi na niya ito papakawalan. Hinding-hindi na kailanman. Dahil wala siyang tanging gusto kundi ang muling makasama ito. Iyon ang sinisigaw ng kanyang puso at iyon nais niyang sundin ngayon. Naging duwag siya noon at ngayon lang siya nagkalakas ng loob para harapin ito ngayon. Kung hahayaan niya itong umalis ngayon, mawawala na ng tuluyan ang katiting na pag-asang mayroon siya.
“Please let me explain my side. Pakinggan mo ako... kahit ngayon lang. Pakiusap, Huimy... kahit ngayon lang.” Mahigpit pa rin ang yakap niya kay Huimy kasabay ang walang tigil na pag-iyak. Wala namang naisagot si Huimy kundi humagulgol sa kanyang dibdib.