Chapter 20

Year 2016

Humugot ng malalim na buntong hininga si Renz habang ang mga mata ay nakamasid pa rin sa paggalaw ng tubig ng swimming pool kung saan nakaupo siya sa gilid niyon. Tagusan ang tingin niya na para bang doon nakaguhit ang mukha ni Huimy. Naiwan siyang tulala matapos siyang hindi kausapin ni Huimy. Aminado siyang nasaktan siya sa pag-iwas nitong kausapin siya pero hindi naman niya masisi ito dahil sa laki ng kasalanan niya rito.

Naputol ang kanyang pag-iisip nang biglang mag-ring ang kanyang cell phone na nakalagay sa bulsa ng kanyang cargo short. Agad siyang tumayo at sinagot ang tawag na iyon.

“Hello, Richell. Kumusta na si Mama?” bungad niyang tanong sa kapatid.

“Ayos na siya Kuya, nakalabas na siya ng hospital. Kinunan lang ng dugo para sa blood test, medyo mababa ang dugo pero okay na. Maintenance na lang ng gamot para hindi na ulit mahilo si Mama.”

Gumaan naman ang loob niya sa narinig. Isa pa iyon sa inaalala niya kanina bago siya magtungo sa resort at sumama kay Francis. Makailang beses na naman kasing isinugod sa hospital ang ina niya at hindi niya maiwasang hindi mag-alala.

“Mabuti kung ganoon. Sabihin mo kay Mama laging magpahinga at huwag magpagod masyado,” paalala niya sa kapatid.

“Oo Kuya, huwag ka nang mag-alala. Kumusta pala ang bagong na-assign sa'yong project? Sa Cavite iyan 'di ba?”

“Oo. Sa Cavite nga...” aniya kasabay ang malalim na buntong hininga.

“May problema ba Kuya?” Alam niyang napansin nito ang kaibahan ng tono ng kanyang boses. Kilalang-kilala siya nito kahit pa nga hindi sila nagkikita ay pansin nito kapag may gumugulo sa kanya. “May problema ba kayo ni Monique?”

“Wala. Wala kaming problema ni Monique. Ang totoo niyan, nagkita kami ni Huimy sa Cavite at magkasama kami ngayon dito sa Bulacan.”

“Ano? Si Huimy? As in, si Mayumi Gonzales na best friend mo noon? P-paanong...” sunod-sunod na tanong nito na halatang gulat na gulat base sa boses nito.

“Kalma ka lang. Alam mo naman taga-Cavite siya 'di ba?”

“Oo. Pero ang laki ng Cavite para magkita kayo ulit ha?”

“Malapit lang kasi ang lugar kung saan ako nadestino, sa lugar kung saan din siya nagtatrabaho. At ang nakakatawa, katrabaho siya ni Francis.”

“It was really a small world, Kuya! Mukhang sinadyang pagtagpuin ulit kayo ng tadhana. So, anong plano mo?”

“What plan are you saying?”

“Alam mo na, matagal kayong hindi nagkita. Nagkausap na ba kayo?”

“I tried to talk to her but I guess, she's still mad at me. Ayaw niya akong kausapin,” malungkot niyang saad.

“Kuya…” Naramdaman niya ang simpatya sa boses ng kapatid at tila may nais pa itong sabihin sa kanya.

“Hmmm...”

“Do you still love her?” tanong nitong ikinagulat niya. Hindi niya agad nasagot ang tanong na iyon. He caught off guard.

“I... I still care for her,” iyon ang lumabas sa kanyang bibig. He's an idiot. Hanggang ngayon, hindi pa rin niya maamin sa sarili na mahal niya ito mula pa noong unang magtama ang kanilang mga mata. Nang unang beses na maging laman ito ng kanyang panaginip at nang unang beses na makausap niya ito ng personal. He's still a dumb man, not to express his feelings for her till that day happened. The day that he regret everything.

"You're lying Kuya. I know you very well at hindi mo ako mapaglilihiman."

Tanging buntong hininga lang ang itinugon niya rito.

“You're not just care for her, you still love her. Hindi ka maaapektuhan ng ganyan kung hindi mo siya mahal.”

“Richell, it doesn't matter anymore. Mahal ko man siya o hindi na, wala na ring silbi iyon. Seven years has passed and you know she already had a family. Masaya na siya sa asawa at anak niya.” Parang may tinik sa lalamunan niya nang banggitin ang huling salita. Pitong taon pero bakit nga ba, masakit pa rin sa kanyang balikan ang alaalang iyon na sumira sa kanyang buhay.

"You suffer too. We suffer," pagdidiin nito. "Kailangang malaman pa rin ni Huimy ang totoong nangyari seven years ago. Hindi kayo matatahimik hanggang hindi ninyo tinutuldukan ang nakaraan."

May punto ang kanyang kapatid. Matagal na dapat siyang nakipag-usap noon kay Huimy. Matagal na sanang nagkaroon ng closure ang lahat kung sana noon pa ay may lakas na siya ng loob. Talagang nasa huli ang pagsisisi. He couldn't get back the time. Ang mga panahong pinagsisisihan niya ang lahat ng naging mga desisyon niya sa buhay.

Tulad ng nangyari noon, ni hindi siya hinayaan ni Huimy na magpaliwanag man lang. Lumayo ito kahit hindi pa naririnig ang kanyang dapat sabihin. Hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataon.

Pero naiintindihan niya ito at palagi niyang iintindihin ito kahit ano pang mangyari. Mahalaga pa rin sa kanya si Huimy kahit pa nga pitong taon na ang nakakaraan mula ng tuluyan silang paglayuin ng tadhana.

Sasagot pa sana siya nang mapansin niya sina Huimy at Trisha na palabas ng comfort room. Nagtama ulit ang paningin nila ngunit agad ring nag-iwas ng tingin si Huimy. Nagbalik ito sa swimming pool at masayang nakihalubilo sa mga kasamahan sa paglalangoy. Nakatutok lang ang mga mata niya rito.

“Pareng Renz,” tawag ni Francis sa kanya sabay tapik sa balikat na bahagyang ikinagulat niya. Nilingon niya ito pero hindi na siya nagsalita sa halip ay ibinaling niya ang atensiyon sa kausap sa cell phone at nagpaalam na rito.

“Sige na Richell, mamaya na lang ulit. Balitaan mo na lang ako sa kalagayan ni Mama.”

Matapos maibaba ang cell phone at maibulsa ay muli niyang itinuon ang atensiyon kay Huimy na para bang wala sa kanyang tabi si Francis.

“Huimy,” sambit ng isip niya habang nakatingin pa rin sa masayang mukha ni Huimy. Masaya ngunit halatang pilit lang ang mga ngiti. Alam niyang hindi pa rin ito komportable sa presensiya niya. Pansin pa rin niya ang kilos nitong hindi mapakali at palingon-lingon sa paligid. Iwas na tumingin sa lugar kung saan siya nakatayo.

Paano niyang nagawang pabayaan at saktan ito noon? Napakalaking tanga niya para makagawa ng isang desisyong pinagsisisihan pa rin niya hanggang ngayon. Siguro nga hindi pa siya nakaka-move on. Mahirap gawin iyon lalo at alam niyang muling nagtagpo ang landas nila at parang nagbalik sa kanila ang nakaraan.

Noong una ay takot siyang magtapat kay Huimy, ngayon ay takot pa rin ba siyang magpaliwanag dito? Talagang napakalaki niyang duwag. Natakot siya noon na mawala ang pagkakaibigan nila pero ang takot din na iyon ang dahilan ng pagkawala ng pagkakaibigang iningatan niya.

“Ngayon, matatakot pa rin ba ako kung ito na lang ang paraan para maibalik iyon? Kahit pagkakaibigan lang sana pero mukhang hindi na niya kayang ibigay iyon. Sobra ang galit niya sa akin na hanggang ngayon, ayaw na niya akong kausapin.” Muli siyang nagpakawala ng malalim na buntong hininga habang pinipigilang bigkasin ang nasa isip.

“Napakalalim naman ng iniisip mo, pare,” sabi pa ni Francis na nakatingin na rin sa mga kasamahang naglalangoy. “Ni hindi mo ako pinansin ah.”

“Pasensiya na, pare,” tugon niya saka nginitian ito ng tipid.

“Okay lang iyon. Pero napansin kong patingin-tingin ka lang kay Huimy a. May problema ba kayo bago kayo nagkalayo dati?” curious na tanong nito.

Walang alam si Francis sa kanyang nakaraan. Wala itong alam patungkol kay Huimy dahil mula nang mangyari iyon ay pinilit niyang ibaon na lang sa limot. Huwag ng alalahanin at magpatuloy sa buhay kahit ang totoo ay nabuhay siyang miserable nang halos apat na taon. Kung hindi pa dumating si Monique sa buhay niya ay baka ganoon pa rin ang kalagayan niya ngayon. Walang nakakaalam ng nangyari maliban sa kanyang pamilya.

“Wala, pare,” pagsisinungaling niya.

“Talaga? Eh, bakit parang ilag siya sa'yo?”

“S'yempre naman, seven years din iyon 'di ba? S'yempre, hindi na kami ganoon ka-close tulad ng dati.”

“Hmmm... siguro nga. Pero ang alam ko kasi kapag matagal hindi nagkita ang magkaibigan halos magyakapan na sa sobrang miss ang isa't isa pero kayo... parang may iba eh. Hindi ba naging kayo dati?”

Hindi agad siya nakasagot sa tanong nito. Hindi niya alam kung paano ba sasagutin ang tanong na iyon. Masyadong kumplikado.

“H-hindi. Bestfriend lang talaga,” tugon niya.

Hindi naman talaga naging sila dahil hindi siya nagkalakas ng loob noon. At mas malalim pa ang pinaghuhugutan nila ngayon kung bakit ganito sila ngayon.

Hindi na nangulit pa si Francis at nagyaya na lang makihalubilo sa mga kasamahang naglalangoy. Sumunod na rin siya at pinilit na mag-enjoy.

Halata pang nagulat si Huimy nang sabay silang tumalon ni Francis sa swimming pool. Halatang ilang na ilang ito dahil lumalayo ito tuwing mapapalapit siya rito. Pero nakisabay na lang din siya sa agos. Pilit niyag iwinawaksi sa isip ang presensiya ni Huimy at ibinabaling ang atensiyon sa mga kasamahan nitong masayang nakikipaglaro sa tubig. Ngunit isa pang nasa isip niya ay kung paano muling makakausap ito.

Tulad ng dati...

Sumapit na ang gabi, ngunit hindi pa rin maalis sa isip ni Huimy ang muli nilang pagkikita ni Renz. Hindi pa rin niya akalaing nasa iisang lugar lang sila ngayon.

“Huimy, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Trisha. Hindi na niya namalayan pa ang paglapit nito sa kanya. Nasa nakaraan ang kanyang isip habang nakatanaw sa kalawakan ng karagatan.

“Hindi ako okay.” Umiiling siya kasabay ang pagpahid sa mga luhang kanina pa parang gripong hindi tumitigil sa pag-agos. Hindi na niya napigilan ang sariling mapahagulgol nang yakapin siya ng kaibigan. Sa pagkakataong ito, pagdamay ng tunay na kaibigan ang kailangan niya at natagpuan niya iyon sa katauhan ni Trisha.

Kahit na easy go lucky itong kaibigan niya at feeling nagdadalaga pa lang, maaasahan pa rin naman ito pagdating sa mga ganitong sitwasyon. At kahit na kailan hindi siya iniwan nito mula pa man noon.

Tinakpan niya ng palad ang kanyang mukha. “H-hindi ko kayang maging okay.”

“Bakit kasi ayaw mo siyang kausapin?” Hinagod pa nito ang kanyang likod bilang pag-aalo.

“P-para ano pa? Para bumalik ang sakit ng nakaraan? Trisha, pitong taon na ang lumipas, may kanya-kanya na kaming pamilya.” Iyon pa nga lang na nakita niya ito at hindi pa sila nag-uusap ay sobrang sakit na sa kanya, paano pa kaya kung magkausap na sila? Matatanggap ba niya ang mga paliwanag nito? Kaya pa ba nilang ibalik ang lahat sa dati?

“Kahit na. Dapat pa rin niyang malaman ang totoo at dapat mo ring malaman ang dahilan n'ya sa lahat ng ginawa n'ya sa'yo. Pinaasa ka niya noon. Pinagmukha ka niyang tanga na naghihintay sa wala. Kung ako sa'yo sinampal ko na siya pero siyempre hindi ako ikaw. Dapat mo siyang harapin para matapos na ito. Tulad ng sabi mo, kailangang may closure. Kasi kung hindi mo tatapusin, patuloy kang masasaktan at patuloy mong tatanungin ang sarili mo pero ‘di mo alam ang sagot dahil siya lang ang tanging may alam,” mahabang litanya nito.

“Tama ka. Pero 'di ko siya kayang harapin.”

“Kaya mo 'yan. Magpakatatag ka lang. Back up mo ako, nandito lang ako sa likod mo.”

Ngumiti siya ng tipid sa kaibigan. May punto naman kasi ito. Kailangan talaga niyang magpakatatag. Tama si Trisha, hindi p'wedeng lagi niya itong tinatakbuhan. Si Renz ang may kasalanan sa kanya at hindi siya. Kailangan niya ring malaman ang mga dahilan nito kahit alam niyang huli na rin ang lahat para sa kanilang dalawa.

Pero ganoon lang ba talaga kadaling kalimutan ang lahat at ibalik sa dati? Mabuti sana kung ang pagsubok na iyon ay gaya lamang noon na madali nilang nalagpasan at napag-usapan.