Chapter 17

Hindi pa rin mawaglit sa isip ni Huimy ang ginawang paghalik ni Renz sa kanyang pisngi. Minsan naiisip niyang tanungin ito ngunit nag-aalangan naman siya. Wala naman kasi itong nababanggit tungkol sa nararamdaman nito sa kanya. Nakukuntento na lang siya sa paniwalang SPECIAL siya para sa binata at nararamdam rin naman niya iyon.

Tumingala siya sa langit at tumitig sa bituin na lagi niyang pinagmamasdan at kinakausap.

“Sa tingin mo Venus, mahal din kaya niya ako? Bakit kaya hindi niya masabi?” Iyon na naman ang tanong na gumugulo sa isip niya. Ilang beses na ba niyang itinanong iyon sa bituing iyon? Maraming beses na at hindi na niya mabilang.

Nagulat siya sa biglang pagtunog ng kanyang celphone na nasa loob ng kanyang bulsa. Agad niyang binuksan ang inbox at napangiti siya nang malaman kung kanino galing iyon.

Renz: Best, gising ka pa ba? Magpapaalam sana ako sa'yo. Uuwi kasi ako sa Bicol. Ikakasal ang pinsan ko next week.

Huimy: Ah ganoon ba? Magtatagal ka ba doon?

Renz: Tatlong araw lang ang leave ko. Tutulong kasi kami sa pag-aasikaso.

Huimy: Ah, okay. Ingat ka ha? Nga pala may itatanong ako kung okay lang sa'yo?

Renz: Sige. Ano 'yon?

Biglang dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib. Magtatapat nga ba ulit siya ng nararamdaman? Ilang beses na siyang rejected pero patuloy pa rin siyang umaasa. Pero wala namang masama kung alamin niya 'di ba? Mabuti na iyong alam niya kaysa naman patuloy pa rin siyang umaasa.

Makailang ulit siyang bumuntong hininga para makaipon ng lakas ng loob saka nanginginig ang mga kamay na pinindot ang keypad para ita-type ang nais niyang sabihin.

Huimy: May feelings ka rin ba sa akin? Kasi ako mayroon pa at hindi nagbabago mula pa noon.

Limang minuto na ang lumipas mula nang i-send niya ang mensaheng iyon ngunit wala pang reply galing kay Renz. Lalo siyang kinabahan.

“Bakit pa kasi tinanong ko ang bagay na iyon? Ang tanga-tanga mo, Huimy. Paano kung ikasira ng pagkakaibigan ninyo iyon?” sisi niya sa sarili.

Nasabunutan niya ang sarili lalo na nang sampung minuto ang muling lumipas ngunit wala pa ring mensahe galing sa binata. Tinext niya ulit ito.

Huimy: Nakatulog ka na ba? Bakit 'di ka na nag-reply?

Naghintay pa rin siya ngunit wala pa ring reply. Hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman. Gusto niyang malaman ngunit natatakot naman siya sa isasagot nito.

“Paano kung wala talaga siyang feelings sa akin? Siguro parang sinaksak ko na ang sarili ko noon. Lord, ano bang dapat kong gawin?” bulong niya sa sarili.

Lumipas pa ang bente-minutos ngunit wala pa ring mensahe galing kay Renz. Nakatulog na siya sa paghihintay. Naalimpungatan na lamang siya nang muling tumunog ang kanyang cell phone. Inabot niya ito mula sa pagkakapatong sa side table. Dahan-dahan niyang in-open ang inbox.

Renz: Patayin mo na ang feelings mo para sa akin. Mas nananaisin ko pang maging kaibigan ka habang buhay kaysa ang mawala ka sa akin. Mas nagtatagal ang friendship kaysa love. Marami kang makikitang mas karapat-dapat sa'yo. Ibaling mo na lang sa iba ang nararamdaman mo. Kung dumating 'yong panahon na makalimutan mo ako at ako naman ang may feelings para sa'yo, hinding-hindi mo na malalaman pa 'yon. Mas mabuting ako na lang masaktan kaysa ikaw.

Mabilis na dumaloy ang luha sa kanyang pisngi pagkabasa ng mensaheng iyon. Ilang ulit pa niyang binasa iyon maging ang pangalang nakarehistro roon. Malinaw! Kay Renz nanggaling ang mensaheng nagdulot ng pagkadurog ng kanyang puso. Sinagot nito ng direkta ang katanungang naglalaro sa kanyang isip nang matagal na panahon.

Ngayong nasagot na, sobrang sakit ang naramdaman niya. Ang sakit-sakit kahit na alam niya na naman noon pa na wala talagang pag-asa. Masakit ang katotohanang hanggang magkaibigan na lang talaga sila at hindi na maaaring humigit pa roon. Ngunit may bahagi ng isip niya na parang ayaw paniwalaan ang sagot nito. May kapiranggot na pag-asa pa rin siyang nakikita kahit direkta nang sinabi nito ang sagot sa kanya.

“Bakit kailangang sabihin mo na kalimutan na kita at hindi na kailanman malalaman kung may feelings ka sa akin? At bakit lagi mo na lang sinasabi na mas mabuting ikaw ang masaktan kaysa ako? Hindi mo ba alam na nasasaktan na ako ngayon?” Hindi niya magawang sabihin dito ang nasa kanyang isip. Kinumbinsi na lang niya ang sarili na tanggapin ang sagot nito kahit hindi niya lubos na maintindihan. Ang tanging alam lang niya ay hanggang MAGKAIBIGAN na lang talaga sila.

Magda-dalawang linggo na ang nakalipas mula nang matanggap niya ang message na iyon buhat kay Renz ngunit hindi na siya muling nakatanggap ng mensahe buhat sa binata.

Walang message. Walang tawag.

Nakakapanibago. Hindi siya sanay na wala ang araw-araw na mensahe nito sa kanya. Ang good morning, good afternoon at good evening maging ang good night nito. Ang mga tawa nito sa mga jokes niya at ang matagal na kuwentuhan nila. Sa tingin niya ay umiiwas na si Renz sa kanya. Kahit ilang beses kasi niyang i-text ito ay wala siyang matanggap na sagot mula rito.

“Kinalimutan na ba niya ako nang tuluyan?” tanong niya habang nakatingala sa kalangitan.

Nagbabadya na naman ang mga luha sa kanyang mata. Hanggang kailan ba siya aasa na mamahalin din siya ng taong mahal niya? Bakit nga ba umaasa pa siya gayong nasagot na ang katanungan niya? Hindi siya mahal ni Renz at kailangang isiksik niya iyon sa isip niya pero bakit ang kulit ng puso niya?

“Umaasa ka pa rin ba sa kanya?” Nakahalumbaba siya sa may bintana ng kanilang bahay nang biglang may magsalita. Ni hindi niya naramdaman ang paglapit nito. Napahawak pa siya sa kanyang dibdib dahil sa gulat.

“D-Daryl?”

“Para ka namang nakakita ng multo sa itsura mong iyan,” natatawa pang sabi nito.

“E bigla ka naman kasing sumusulpot, sino namang hindi magugulat?” inis na sabi niya dito.

“Siya pa rin ba?” Nagulat na naman siya sa tanong nito. Bakit ba bigla-bigla na lamang itong nagtatanong ng ganoon? Sabagay, hindi niya masisi ito sapagkat hanggang ngayon ay matiyaga pa rin itong nanliligaw sa kanya kahit na alam nitong wala talagang pag-asa. Ilang ulit na niya itong ni-reject pero hindi pa rin sumusuko. Ang tanging sinasagot lang nito sa kanya ay siya lang daw ang mamahalin nito.

Nakaramdam siya ng lungkot at napabuntong hininga. Kung puwede lang sana iyong basta na lang isu-switch na parang on and off ang feelings, siguro ay hindi na sila nahihirapan pa. Kung maililipat niya sana ang kanyang feelings mula kay Renz patungo kay Daryl, hindi sana ay wala ng problema. Masaya ito at masaya rin siya pero hindi nga kasi ganoon kadali. Dahil kung ganoon kadali, ‘di sana ay nagawa na niya.

“I'm willing to wait kahit gaano katagal. Sa oras na hindi na siya talaga bumalik, nandito lang ako.” Hinawakan pa nito ang kanyang kamay at tipid na ngumiti. “Pero kung babalik siya, siguro nga talagang mahal ka niya. At kung makita na kitang masaya sa piling niya, kusa na akong bibitiw. Hahayaan na kitang mahalin siya nang sobra-sobra. Magiging masaya ako para sa'yo.”

Tipid na ngiti lang ang itinugon niya kay Daryl. Paano nga ba niya sasabihin dito na nasasaktan siya ngayon? Na hindi siya masaya dahil matagal na niyang alam na walang pag-asa. Na kahit mahalin pa niya si Renz at umasa siyang babalik ito, mukhang malabo na.

Pero kahit na malabo pa sa tubig-kanal ay hindi pa rin niya maiwasang umasa. Isang beses pa! Isang beses pa siyang aasa na magre-reply ito sa kanya.

Kaya naman bago siya nagpasyang matulog ay nagpasya siyang padalhan muli ng mensahe ang numero ni Renz. Kinumusta niya ito tulad ng dati. May I miss you at I love you rin tulad rin ng palagi niyang sinasabi rito.

Ipipikit na sana niya ang kanyang mga mata nang makatanggap siya ng isang text message. Nang buksan niya iyon ay tumambad sa mga mata niya ang pangalan ni Renz na nakasulat sa inbox niya. Agad tumalon ang kanyang puso sa sobrang tuwa at sabik na binuksan iyon at binasa.

Renz:

Asawa ito ni Renz. Pwede bang tigilan mo na siya? Ayokong nagte-text o natawag ka sa kanya.

Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang nabasa. Nanlambot ang kanyang mga tuhod at bigla siyang napaupo. Nangilid ang kanyang mga luha at nanikip ang kanyang dibdib. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang paulit-ulit niyang binasa ang mensahe buhat roon. Tulad nang huling mensahe ni Renz noon, lalo siyang hindi makapaniwala ngayon.

Asawa? Nag-asawa na si Renz nang hindi man lang niya nalalaman?

Ang paalam ni Renz ay pupunta lamang sa kasal ng pinsan nito ngunit sino itong babaeng nagpapakilalang asawa nito? Hindi niya natatandaang may sineryoso itong girlfriend. At sa pagkakaalam pa niya ay nagpasya na si Renz na makipaghiwalay sa kasalukuyang nobya nito. Ngunit naalala niyang may nabanggit ito tungkol sa babaeng sobrang obsess at nagbabantang magpapakamatay kapag iniwan nito. Hindi kaya ito ang babaeng tinutukoy ni Renz? Pero paano namang napunta dito ang cell phone ng binata?

Gulong-gulo ang kanyang isip ngunit nagawa pa rin niyang magreply.

Huimy: Hindi ko alam na nag-asawa na siya. Sorry ha? Mag-bestfriend kasi kami kaya wala naman sigurong masama kung mag-text ako sa kanya?

Message sent.

Naghintay siya ng sagot mula rito at ilang minuto lang ay nag-reply na ito sa kanya.

Renz: Si Renz ito. Tigilan mo na ako. Kalimutan mo na ako. Hinding-hindi ko ipagpapalit si Amanda para sa friendship natin. Mahal na mahal ko siya.

Parang gumuho ang kanyang mundo nang mabasang galing kay Renz ang mensaheng iyon. Hindi na siya nakapag-isip nang matino at tuluyan nang bumaha ang luha sa kanyang mga mata. Mahinang hikbi hanggang sa palakas nang palakas at nauwi sa hagulgol. Hindi niya mapigilan. Sobrang sakit. Gusto niyang magalit pero anong karapatan niya? Wala. Wala siyang karapatan dahil kaibigan lang naman siya. Hindi siya mahal nito.

Pero bakit pakiramdam niya pinagmukha siyang tanga. Umasa siya. Sabagay, wala namang nagsabi sa kanyang umasa pero umasa pa rin siya. Umasa siya na kahit magkaibigan lang, magtatagal sila. Umasa siyang matutupad ang pangako nila sa isa't isa na BESTFRIEND FOREVER. Ngunit kahit ang pagkakaibigan ay basta na lang nitong itinapon nang dahil sa isang babae. Ganoon na lang ba kadaling itapon iyon? Limang taon, limang taon siyang umasa at nagpakatanga para sa isang pagkakaibigang ibabasura lang.

Lalong nanikip ang kanyang dibdib nang maalala ang pangako nila sa isa't isa na kahit magkaroon pa sila ng asawa ay hindi magbabago ang samahan nilang dalawa. Ngunit ano itong sinasabi ni Renz? Hindi niya matanggap.

“Anong nangyari sa'yo, Ate?” Mabilis siyang nilapitan ng kanyang kapatid na si Marikit at hinagod sa kanyang likod. Isinubsob naman niya ang kanyang mukha sa dibdib nito at nagpatuloy lang sa pag-iyak. Gusto lang niyang ilabas ang lahat ng sakit. Gusto lang niyang umiyak nang umiyak hanggang maubos ang kanyang mga luha.

Nang mahimasmasan siya ay ikinuwento niya kay Marikit ang lahat at galit ang nabakas sa mukha nito.

“He doesn't deserve you. He's an asshole!” galit na turan pa ni Marikit. “Just forget him.”

Napapikit na lamang siya. Iyon lang ang tanging magagawa niya sa ngayon. Ang ipahinga ang kanyang mga mata kahit saglit dahil alam niyang hindi pa roon natatapos ang pagluha niya. Nagsisimula pa lang siya. Siguradong marami pa siyang iiiyak.

Sobrang dinibdib niya ang nalaman. Halos hindi na siya makakain. Kumakain siya ngunit parang nakabara lang iyon sa lalamunan niya. Hindi rin siya makatulog. Walang araw na hindi niya iniisip ang nalaman mula kay Richell. Nakumpirma niya mula rito na totoong nakipag-live in na nga ito.

Galit ang nabuo sa puso niya. Paulit-ulit na pumapasok sa isip niya ang mga pangako ni Renz na bigla na lang naglaho nang dahil sa babaeng hindi man lang niya nakilala. At paulit-ulit din ang katanungan sa puso niya kung bakit ganoon na lang nito kabilis naitapon ang pagkakaibigan nila?

At dahil sa galit at kalungkutan, naisip niyang gumawa ng sulat para kay Renz. Gusto niyang ibuhos ang lahat ng sama ng loob niya para sa binata. Gusto niyang ipaalam at iparamdam kung gaano kasakit ang ginawa nito sa kanya. Kahit hindi niya alam kung mababasa pa nga ba ni Renz iyon kung sakali.

Renz,

Sumulat ako sa'yo para ipaalam sa'yo na nasusuklam ako sa'yo! Galit na galit ako sa'yo! Hindi ko alam kung mapapatawad pa kita. Ang sakit ng ginawa mo sa akin.

Alam kong wala akong karapatan. Hindi naman tayo eh! Pero ang mas kinagagalit ko ay ang sabihin mo sa akin na balewala ang friendship natin.

Okay lang naman sa akin kahit hindi mo ako mahal. Hindi ko naman hinihiling sa'yo na mahalin mo rin ako. Ang akin lang, sana tinupad mo ang pangako mo na BESTFRIEND FOREVER tayo.

Umasa ako na hindi ka magbabago pero isang babae lang pala ang sisira sa limang taong pagkakaibigan natin. Maging masaya ka sana sa kanya. Kakalimutan ko na ring nakilala at naging BESTFRIEND kita, tutal iyon naman ang gusto mo! Goodbye.

Huimy

Ibinigay niya ang sulat sa kanyang ina. Nagkataon din kasing pauwi ito ng Bicol para magbakasyon kaya't naisip niyang dito ipadala ang sulat. Sinabi na lamang niyang ibigay kay Carol. Nasabi na rin naman niya kay Carol na ibigay iyon kay Renz.

Nang lumipas ang tatlong araw may natanggap na naman siyang mensahe buhat sa hindi kilalang numero. Wala sana siyang balak basahin ngunit naisip niyang baka importante kaya't inalam niya kung sino.

From +63927344**** : Best, si Renz ito. Ganoon mo na lang ba kadaling isusuko ang lahat ng pinagsamahan natin? Hindi pa rin ako nagbabago... ako pa rin ito. Ang BESTFRIEND mo. Walang magbabago kahit anong mangyari.

Bigla siyang naguluhan sa text message na iyon galing kay Renz kaya't agad niyang ni-reply-an.

Huimy: Ako ang sumuko o ikaw? 'Di ba't ikaw ang nagtapon ng friendship natin? Dahil sabi mo, hindi mo kayang ipagpalit ang asawa mo sa isang tulad ko? Huwag kang mag-alala, hindi na kita guguluhin. Magsama kayong dalawa.

Matapos ipadala ang mensaheng iyon ay walang pakundangang biniyak niya ang simcard at tinapon sa basurahan. Tanging galit at sama ng loob ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Ayaw na niyang mabasa pa kung ano man ang reply nito sa kanya. Sapat na ang malamang nakipag-live in na ito at tuluyan nang sinira ang kanilang pagkakaibigan. Hindi na niya paniniwalaan kung sino man ang nag-sent ng huling mensaheng iyon. Dahil kung iisipin pa niya iyon, baka umasa na naman siya. Sasaktan lang niya ang sarili niya kung aasa pa siya.

Mas makabubuti na ring wala na siyang komunikasyon kay Renz o kahit pa sa mga taong malapit kay Renz. Kakalimutan na niya ang lahat tungkol sa binata. Tapos na ang pagkakaibigan nila at malabo nang maibalik pa.