Chapter 16
September 2009
Abala si Huimy sa pagtitiklop ng damit nang makatanggap siya ng tawag mula kay Shane. Mula nang magkausap sila noon sa Bicol ay naging malapit na rin sila sa isa't isa. Noong una ay nagulat pa siya kung paanong nalaman nito ang number niya gayong matagal na rin nang huli silang mag-usap nito. Ngunit napag-alaman niyang kinuha nito kay Renz ang number niya. Kaya mula noon ay madalas na rin itong mangumusta sa kanya at laging tinatanong ang status nilang dalawa ni Renz. Tinatawanan na lamang niya iyon dahil wala naman siyang maisagot kundi complicated.
Natutuwa naman siya dahil parang botong-boto ito sa kanya para kay Renz. Katunayan ay halos lahat ng kapatid ni Renz at mga pinsan ay boto sa kanya at gustong magkatuluyan sila maliban na lamang sa ina ni Renz na hanggang ngayon ay mukhang malabo pa ring magustuhan siya.
“Oh ano, makakapunta ka ba? Hihintayin kita ha?” Niyaya siya ni Shane na magpunta sa Laguna para um-attend ng birthday party para sa pamangkin nitong si Dada. Danica ang real name nito pero ang tawag nila dito ay Dada dahil sa sobrang kadaldalan nito. Five years old pa lang ito ngunit parang matanda na kung umasta. Ang dami ng alam! Kapag nag-uusap sila ni Shane, nakikipag-usap din ito sa kanya. Naaaliw naman siyang kausap ito. Nang-iintriga din iyon sa lovelife nila ni Renz. Ewan niya ba kung sino ang nagturo doon, siguro si Shane.
“Hindi ako sigurado kasi busy ako bukas. Family day namin ang Linggo at hindi kami puwedeng um-absent dahil parang may attendance si Lolo,” tanggi niya rito. Umuuwi kasi siya sa probinsiya nila sa Cavite at naglalagi sa bahay ng kanilang lolo tuwing Linggo. Iyon ang bonding time ng pamilya nila at iyon din kasi ang araw na nabubuo sila.
“Kahit sabihin ko sa'yong pupunta si Renz dito bukas?”
Bigla namang nagningning ang mga mata niya nang marinig ang pangalan ng binata at tila tumalon ang kanyang puso sa pagkasabik.
“Nagbibiro ka ba? Totoo ba iyang sinasabi mo?”
“It's true kahit tanungin mo pa siya pero huwag pala, kasi balak kong surpresahin siya. Hindi niya alam na inimbitahan kita.”
“Surprise? Wow exciting!” Hindi niya napigilan ang tuwa niya dahil sa wakas, magkikita na ulit sila ng binatang kanyang labis na minamahal.
“I know na mae-excite ka talaga sa muli ninyong pagkikita. Yiiieee, ngayon pa lang kinikilig na ako sa inyong dalawa.”
Hindi maikakailang ganoon nga ang nararamdaman niya. Ngunit biglang naglaho ang pagkasabik niya nang maisip ang family day bukas.
“Pero Shane, hindi pa ako sigurado kung makakapunta,” malungkot niyang saad.
“Nagawa mo ngang umuwi ng Bicol noon e, ito pa kayang Laguna lang?” anitong tila pinapaalala pa ang kanyang kabaliwan noon. Nasa Laguna lang kasi ito naninirahan dahil doon na rin ito nagtatrabaho kasama ang tiyahin na ina ni Danica.
“Pinaalala mo pa talaga ang kabaliwan ko noon,” natatawang sabi niya. “Pero sige, gagawan ko ng paraan para makapunta lang diyan. Susubukan kong magpaalam kay Mama. Sana payagan ako.”
“Cool! Sige, hintayin kita dito bukas ha? Asahan ko,” anito saka nagpaalam na sa kanya.
Pagkatapos na pagkatapos ng tawag na iyon ay mabilis siyang pumanaog pababa ng hagdan at agad na hinanap ang kanyang ina. Nakita naman niya ito sa kusina na abala sa pagluluto ng hapunan. Mabilis niyang nilapitan ito at niyakap patalikod. Isiniksik niya ang kanyang mukha sa leeg nito bilang paglalambing.
“Ma, puwede po bang hindi ako sumama sa inyo bukas kina Lolo?”
Napalingon ang kanyang ina na nakakunot ang noo. “At bakit naman?”
“E kasi Ma...” Kinagat niya ang kanyang labi at nahihiyang tumingin sa mga mata nito. “May pupuntahan po ako bukas na birthday party.”
“Gaano ba kahalaga ang birthday party na iyan para um-absent ka sa family bonding natin?”
Hindi agad siya nakasagot sa halip ay pinalobo niya ang kanyang bibig at tumingin sa kisame na tila nag-iisip. “Let's say that... uhm, I will miss half of my life, kung hindi ako makaka-attend sa party na iyon,” pagdaka'y tugon niya. Alanganin pa niyang nginitian ang kanyang ina.
Bigla naman ang pagtaas ng kilay nito. “Half of your life talaga? Parang mag-aagaw-buhay ka kung hindi ka makakapunta sa party na iyan a.”
Tinawanan naman niya ang biro ng kanyang ina. “Sige na please, one time lang naman akong hindi makikita ni Lolo e. Babawi na lang ako sa kanya next time.” Pinagdikit pa niya ang kanyang mga palad at kinurap-kurap ang mga mata bilang pakiusap.
“Parang alam ko na kung kanino ka makikipagkita. Aminin mo nga sa akin Mayumi, magkikita ba kayo ni Clarenz?”
Bigla namang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Sapul na sapul ang hula ng kanyang ina. Bakit nga ba kahit magsinungaling pa siya ay hindi siya makakalusot dito? Hindi naman kasi kaila sa mga magulang niya ang kanyang nararamdaman para sa binata.
Hindi siya tumugon sa halip ay napangisi na lamang. Iiling-iling namang nakatingin sa kanya ang kanyang ina.
Napapayag niya ang kanyang ina na pumunta siya ng Laguna. Pero nangako rin siyang hindi na mauulit ang kanyang kabaliwan noon. Natatawa na lamang siya sa kanyang ina dahil para bang takot na takot itong makipagtanan siya kay Renz. Buti sana kung may relasyon talaga sila ay baka nga hindi malabong mangyari iyon. Ngunit dahil nga wala namang namamagitan sa kanila, siniguro niya sa kanyang ina na uuwi siyang buong-buo.
Tuwang-tuwa naman si Shane nang sunduin siya nito sa terminal. Agad silang nagyakapan.
“Naku, Huimy! Ikaw na ba 'yan? Ang tagal nating hindi nagkita, lalo kang gumanda,” masiglang bati nito sa kanya na ikinapula ng kanyang mukha.
“Ikaw din kaya! Mas maganda ka pa rin sa akin.”
“Yan tayo eh,” natatawang sabi nito sabay high five sa kanya. “So, kumusta naman ang biyahe mo?”
“Hindi ako mapalagay sa van kanina para akong sinisilihan sa sobrang excitement,” aniyang bakas ang sobrang tuwa sa mukha.
“Naku, excited ka lang kamong makita si Renz.”
“Ganoon na nga.” Hindi na niya napigilan ang sariling kiligin. Ini-imagine pa lamang niyang makakaharap ito ay tila lalabas na ang puso niya sa kinalalagyan nito. Kagabi pa nga lang ay hindi na siya makatulog at ang tanging nasa isip niya ay ang muli nilang pagkikita.
Kaunting kumustahan pa at nagyaya na si Shane patungo sa bahay nito. Sumakay sila sa isang tricycle bago nakarating sa isang subdivision. Hindi naman ganoon kalaki ang bahay ngunit up and down naman. Pure white ang pintura ng bahay. Yellow green naman ang kulay ng kurtina na may disenyong mga bulaklak. Green din ang kulay ng sofa sa sala. Mukhang ito ang paboritong kulay ng may-ari ng bahay. Napangiti siya dahil maaliwalas sa pakiramdam niya ang atmosphere ng bahay. Maayos din kasing naka-set up ang mga gamit ng mga ito maging ang iba't ibang display na mga pictures at paintings.
Bigla siyang kinabahan nang ipakilala siya ni Shane sa Tito Ted at Tita Christine nito.
“Tita, siya si Huimy, iyong laging kinukuwento ni Renz.” Lalo siyang nahiya nang malaman niyang pati sa Tito at Tita nito ay kinukuwento siya nito. Napaisip tuloy siya kung anong klaseng kuwento ang pinagsasasabi ni Renz tungkol sa kanya.
“Hello po, kumusta po kayo?” Nahihiya siyang ngumiti sa mga ito. Yumuko pa siya nang bahagya bilang paggalang.
“Ayos naman ako, hija. Ikaw, kamusta ang biyahe mo?” Si Tita Christine ang sumagot.
“Okay naman po.”
“Hello po! Ikaw po si Tita Huimy? ‘Yong girlfriend ni Tito Renz?” sabat naman ni Dada na bigla na lang sumulpot sa pagitan nila ng tiyahin ni Renz.
Lumapad ang kanyang ngiti dahil sa sinabi ng bata. Yumuko siya at hinawakan ang ulo nito. “Ikaw si Dada, 'di ba?”
“Opo,” sagot nito sabay tango.
“Happy birthday.” Inabot niya sa bata ang regalo na kanina pa niya hawak-hawak.
“Thank you, Tita.” Tuwang-tuwa naman ito nang kunin ang regalo. Hinalikan pa siya nito sa pisngi. Pagkatapos kunin ang regalo ay nagtatakbo na ito palayo at binuksan iyon. Halatang tuwang-tuwa ito.
“Maupo ka muna.” Itinuro ni Shane ang sofa. Agad naman siyang umupo roon.
“Darating ba siya?” pabulong na tanong niya na hindi pa rin maalis ang kaba.
“Oo. Hintay ka lang.”
Nilibang niya ang sarili sa pagtingin ng mga pictures sa photo album na nasa side table.
Tuwang-tuwa siya sa mga larawan ni Dada na nakadikit roon. Napatigil lang siya sa pagbuklat ng photo album nang makita ang isang pares ng paa na nakatayo sa harapan niya. Unti-unti siyang tumingala para kilalanin ang taong nakatayo sa harapan niya.
Nanlaki ang kanyang mata dahil sa pagkamangha lalo na nang ngitian siya nito. Lalo namang naghurumintado ang kanyang kanyang puso sa sobrang lakas ng tibok niyon. Parang tatalon na nga yata nang tuluyan ang kanyang puso. Hindi siya makapaniwalang nasa harap niya ngayon ang lalaking matagal na tinatangi ng kanyang puso. Ang lalaking nakakausap niya lang sa telepono ay kaharap na niya ngayon.
“Is this a dream? P'wedeng huwag ninyo muna akong gigisingin?” lihim niyang hiling habang nakatingin pa rin sa binata.
Malaki na ang pinagbago ni Renz. Ang dating medyo may kapayatang katawan nito noon ay naging bahagyang matipuno. Ngunit ang hindi nagbago ay ang nakakaakit na mga mata nito na nakakatunaw kapag nakatitig sa kanya. At ang matamis na ngiti na sinamahan ng cute na dimples nito sa magkabilang pisngi.
“Hello, kumusta ka na?” bati nito sa kanya.
Hindi naman siya agad nakasagot. Nananatili ang pagkakatitig niya sa mukha nito. Para bang hinigop na siya sa kung saang dimensiyon kasama ng imahe nito.
Tumabi ito sa kanya at inakbayan siya. Nakagat niya ang kanyang labi dahil sa pinaghalong niyerbos at kilig.
“OMG! Parang mahihimatay yata ako sa sobrang kaba. Magkadikit na ang katawan namin. Mayghas! Kalma, Huimy!” naisaloob niya habang pinipigilan ang sarili na mapatili.
“Kanina ka pa ba?”
“K-kararating ko lang. S-sinundo ako ni Shane.” mautal-utal niyang tugon.
“Dapat ako ang susundo sa'yo eh pero naligo pa kasi ako. Ayaw naman kitang pag-antayin sa terminal ng matagal.”
Tumingin siya kay Shane na nagtatanong ang mga mata. Tila nakuha naman nito ang ibig niyang iparating kaya nag-peace sign ito sa kanya habang nakangiti.
“Alam mo na pupunta ako dito?” Nilingon niya si Renz at pinaningkitan ng mata. Tumango naman ito.
“Three days na ako dito. Hinihintay ko talaga ang pagdating mo.”
Ang balak niya ay surpresahin ito ngunit mukhang siya ang nasurpresa.
“Ang daya n'yong dalawa,” reklamo niya. Sumimangot siya at mahinang hinampas ang braso ni Renz. “Pinagkaisahan n'yo ako.”
Tumawa naman ang dalawa.
“Huwag ka nang magalit. Sisimba nga pala kami bago pumunta sa Enchanted,” sabi ni Renz.
“Teka, akala ko ba may party?”
“Wala. Sinabi lang namin 'yon para pumunta ka,” ani Shane.
“Grabe talaga kayo! Lakas ng trip n'yo.” Tinawanan lang siya ulit ng mga ito.
Sinulit naman nila ang muli nilang pagkikita. Halos hindi na binitiwan ni Renz ang mga kamay niya. Natapos na ang misa ay nakahawak pa rin ito sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay ayaw nitong mawala siya sa tabi nito.
Nagpunta sila sa Enchanted Kingdom. Nagpa-picture silang dalawa habang nakasakay sa mga rides. In-enjoy nila ang bawat sandali na magkasama sila. Halos idalangin na niyang tumigil na lang ang oras ng mga sandaling iyon. Ayaw na niyang matapos pa ang mga sandaling ito na kasama si Renz dahil natatakot siyang kapag naghiwalay sila ngayon ay hindi na ulit sila magkikita pa.
“Nag-enjoy ka ba?” tanong nito sa kanya nang makabalik na sila sa bahay ng tiyuhin nito. Nakaupo na sila sa sofa at nagpapahinga. Magkatabi sila nito at magka-holding hands pa rin.
“Super! Memorable ang moment na ito. Hindi ko ito makakalimutan, promise!” tuwang-tuwa saad niya.
“Salamat sa pagpunta mo ha?” sabi pa ni Renz.
“Naku! Kung malapit nga lang ito sa Maynila kahit araw-araw na akong pumunta dito,” biro naman niya.
“Dito ka na lang kaya matulog, Huimy. Gabi na rin naman eh, baka delikado na sa daan,” sabat naman ni Shane.
“Ay, huwag na 'no? Nakakahiya kina Tito Ted. Uuwi na lang ako. Makakahabol pa naman siguro ako sa last trip ng van sa terminal,” tanggi niya. Nangako rin siya sa kanyang ina na uuwi siya kaya't kailangan niyang tuparin iyon.
“Ihahatid na kita sa terminal,” prisinta naman ni Renz.
“Sige. Ikaw ang bahala.”
Sumakay na sila ng tricycle patungo sa terminal. Nag-uusap sila habang nasa byahe at magkahawak pa rin ang mga kamay.
“Ang saya. Sana maulit,” sabi pa niya.
“S'yempre naman mauulit 'yon.”
“Magkikita pa kaya tayo ulit?” May lungkot sa kanyang boses dahil ilang sandali na lang ay maghihiwalay na sila. Para bang gusto pa niyang patigilin ang oras para magtagal pa sila sa posisyong iyon.
“Oo naman. Hindi ito ang huli nating pagkikita. Promise,” anito sabay halik sa kanyang pisngi na ikinagulat niya. Smack lang iyon pero ramdam niya ang dampi ng labi nito sa kanyang pisngi. Sa gulat at kaba ay hindi na niya nagawang mag-react. Natameme siya hanggang sa makababa ng tricycle.
Sa terminal ay niyakap pa siya ni Renz nang mahigpit sabay sabing, “Ingat ka ha!”
Tanging tango na lang ang naitugon niya at tipid na ngiti kahit na pigil na pigil pa rin ang kilig na nararamdaman. Sumakay na siya sa van na malapit ng mapuno. Kumaway pa si Renz sa kanya nang umandar ang sasakyan. Kitang-kita niya ang ngiti sa mga labi nito habang hinahatid siya ng tanaw.
Habang nasa byahe naman ay panay ang hawak niya sa kanyang pisngi na hinalikan nito. Nangangarap siya nang gising habang nakatitig sa labas ng bintana ng van. Hindi pa siya naka-recover sa kiss ni Renz pati na rin sa yakap nito. Pakiramdam niya ay dinuduyan siya at nakalutang sa alapaap.
“Mahal din kaya niya ako?” Iyon pa rin ang tanong na tumatakbo sa kanyang isip. Gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang labi habang nakaguhit rin sa isip niya ang mukha ng binata. Walang kasing saya ang araw na iyon para sa kanya. Gusto niyang isipin na tama ang nararamdaman niya at ang halik na iyon ang sagot sa matagal na niyang katanungan.