Prologue
“Mommy, isa na po ba si Daddy sa mga nagkikislapang bituin sa langit? Sabi po kasi nila, kapag daw namatay ang isang tao, magiging gaya raw sila ng mga bituin,” inosenteng tanong ni Clark sa kanya. “Totoo po ba iyon?”
Napukaw ang kanyang atensiyon sa tanong na iyon ng kanyang nag-iisang anak. Nakadungaw silang dalawa sa may bintana at nakatingin sila sa mga bituin sa kalangitan nang mga oras na ito. Palagi nila iyong ginagawa bago matulog. Para bang nakasanayan na rin ng kanyang anim na taong gulang na anak na kausapin ang mga bituin kagaya rin niya noon.
Tumingin si Huimy sa mukha ng inosenteng bata at mapait na ngumiti. Bumigat ang kanyang kalooban sa hindi maipaliwanag na dahilan. Napakatagal nang panahon ngunit kapag napag-uusapan ang ama ng kanyang anak ay para bang nagkakaroon ng bara sa kanyang puso. Bumibigat ang kanyang pakiramdam at nilalamon ng lungkot ang kanyang puso.
Bahagya niyang ginulo ang maikling buhok niyon.
“Hindi ako sigurado kung nagiging bituin nga ang mga taong namatay na. Ngunit isa lang ang nasisiguro ko, lahat ng mabubuting taong naglingkod ng tapat sa Diyos ay kasama na Niya sa langit. Siguro nga, gaya ng bituin na nakatanaw sila sa atin.”
“Mabait po si Daddy kaya sigurado po akong kasama na siya ng Diyos sa langit.” Ngumiti ito nang matamis na nakapagpagaan ng kanyang kalooban. Ang kanyang anak ang nag-iisang kayamanan at lakas niya. Ang mga ngiti at presensiya nito ang tanging nagpapasaya sa kanya.
Tumango na lamang siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
“Mommy, totoo rin po bang kapag humiling ka sa bituin ay matutupad ito?” tanong pa nito.
Sandali siyang natigilan at sandaling nag-isip. Ano nga bang isasagot niya? Natupad ba ang hiniling niya sa bituin noon? Biglang sumagi sa alaala niya ang lalaking hiniling niya sa bituin at minsang nagpatibok ng kanyang puso at hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin nawawala sa kanyang isip.
“Renz,” bulong ng isip niya saka muling itiningin ang mga mata sa kalangitan. Para bang nagsama-sama ang mga bituin upang iguhit roon ang mukha niyon. Malinaw na malinaw pa sa kanyang isipan ang kabuuan ng lalaking minsan niyang minahal. Ang guwapo nitong mukha na sinamahan nang matamis nitong ngiti at dinagdagan pa ng karisma ng magkabilang biloy sa pisngi. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mukha nito kahit pa sa paglipas nang mahabang panahon.
“Minsan, ang paghiling sa bituin ay isang sugal. Hindi mo alam kung ikaw ang maglalaro o ikaw ang paglalaruan,” makahulugan niyang sambit sabay hugot ng malalim na paghinga.
Tiyak naman niyang isang daang porsiyentong hindi naintindihan ng kanyang anak ang kanyang sinabi. Nang lingunin kasi niya ito ay magkasalubong ang mga kilay nito sabay tanong ng,
“Ano po ang sugal, Mommy?”
Natawa naman siya sa naging reaksiyon nito kaya muli niyang ginulo ang buhok ng bata.
“Clark, mabuti pa, matulog na tayo. May pasok pa si Mommy bukas. Mahirap na ang ma-late.”
“Sige po, Mommy pero puwedeng sandali lang po? Magwi-wish lang din po ako baka sakaling matupad.”
Tumango naman siya at hinayaan niya ang anak na pumikit habang nakatingala at tila bumubulong sa langit. Makalipas lang ang ilang sandali ay nagdilat na ito ng mata, hudyat na natapos na nito ang paghiling sa bituin.
“Anong wish mo?”
“Dapat po bang sabihin? Baka hindi po magkatotoo,” nakangusong sambit nito.
“Mommy mo naman ako, kahit secret na lang natin. Ibulong mo na lang.” Inilapit ang kanyang tenga sa maliit na bibig ng bata.
“Wish ko na sana magkaroon na ako ng daddy.”
Muntik na siyang masamid kahit hindi naman siya uminom ng tubig. Ikinagulat niya ang sinabing iyon ng kanyang anak. Hindi niya akalaing iyon ang hinihiling nito. Matagal na ring panahon mula nang iwan sila ni Daryl dahil sa sakit nito at matagal na rin siyang hindi tumatanggap ng kahit sinong manliligaw. Wala na sa plano niya ang mag-asawang muli. Sapat na si Clark para sa kanya.
“Mukhang malabo yata ang wish na iyon, anak. Puwede bang baguhin mo na lang?” may halong birong saad niya.
“Hindi na po puwedeng bawiin. Nasabi ko na po kay Venus. Ipaparating na po niya iyon kay God at tutuparin po Niya ang wish ko. Magkakaroon po ako ng daddy.”
Mataman niyang tinitigan ang mukha ng kanyang anak. Bakas sa mukha nito ang determinasyon at pag-asang matutupad ang hiling nito sa bituing tinatawag nilang Venus. Siya ang unang nagpangalan niyon sa bituin noong dalagita pa siya.
Nalulungkot siyang hindi niya kayang matupad ang munting kahilingan nito. Hindi na kayang magmahal pa kanyang puso. Minsan na niyang sinubukan ngunit kinuha rin sa kanya ng Maykapal. Tama na siguro ang minsan at huwag nang ulitin pa kailanman. Isinarado na niya ang kanyang puso sa nag-iisang lalaking nagpatibok nito. Sa lalaking hiniling niya sa bituin at inakalang magiging kanyang forever.
“Siguro matatagalan pang matupad iyon, anak. Pero ipag-pray natin, baka sakaling mapabilis ang pagkakaroon mo ng daddy.”
Pinilit niyang pasiglahin ang kanyang boses para hindi makaapekto sa bata. Kahit na alam niyang imposible ay gusto niya pa ring pagaanin ang loob nito. Paasahin kung maaari at kahit kaunti.
“Sige po, pray na tayo mommy.”
Sabay na silang lumuhod sa gilid ng kama at nagdasal. Matapos iyon ay inaya na niya itong mahiga sa kama. Tinabihan niya ito at pinaghele. Hinaplos niya ang ulo nito at bahagyang sinuklay ang buhok ng kanyang mga daliri. Humimig siya ng isang awitin - ang awiting lagi niya ring kinakanta noon.
Isang hiling sa bituin na sana ay dinggin
Makilala at makasama ka sa bawat sandali
Ikaw lamang ang pangarap ko at tanging hiling ng puso ko.
Matapos ang kanta ay nakatulog na rin nang mahimbing ang kanyang anak. Dahan-dahan siyang tumayo at bumalik sa may bintana. Muli niyang tinanaw ang kalangitang puno ng mga bituin. Dinama niya ang malamig na hanging humahaplos sa kanyang pisngi. Hanging dapat nagpapagaan ng kalooban niya ngunit nagiging kabaligtaran ng kanyang nararamdaman. Namuo ang luha sa kanyang mga mata at hindi na mapigilang ito ay pumatak. Pilit at mahinang tawa ang pinakawalan niya para supilin ang kung anomang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.
“Venus, nakakatawang isipin na pinamana ko pa sa aking anak ang pakikipag-usap sa'yo. At humiling pa siya sa'yo ha?” sambit niya habang nakatitig pa rin sa pinakamalaking bituin sa langit. “Kung puwede lang, huwag sanang matulad sa naging kapalaran ko. Huwag mo sana siyang paasahin at biguin katulad ng ginawa mo sa akin.”
“Kung sino ang lalaking makasama ko na tumingin sa'yo... 'yon na ang lalaking magtatagal sa buhay ko... ang aking forever.”
Iyon ang unang pagkakataong hiniling niya kay Venus ang isang sign at ang panahong inakala niyang matutupad nito iyon. Mula pa kasi nang magdalaga siya ay mas lalo niyang kinagiliwan ang mga fairytale. Madalas siyang mangarap na magkakaroon siya ng isang prince charming at happily ever after kahit alam niyang sa libro lang mayroon noon. Para sa kanya, wala namang masamang mangarap at umaasa siyang matutupad rin iyon balang araw.
Hindi niya alam kung posible nga bang mangyari ang hiningi niyang sign. Suntok sa buwan kung magkatotoo nga 'yon. Ngunit kung magkatotoo nga, 'yon na ang pinakamasayang araw ng buhay niya. Umasa siyang matatagpuan niya ang lalaking nakatadhanang makasama niya habang buhay... ang kanyang forever. Ngunit umasa lamang siya dahil ang lalaking hiniling niya sa bituin ay hindi ang lalaking itinadhana sa kanya.