Chapter 31-Umalis ka na muna
Naestatwa ako sa aking kinatatayuan dahil sa nangyari. Inilabas ni Kavez si Paizel nang walang sinasabing kahit anong salita, naisugod na rin ito sa ospital ngunit heto ako nandito pa rin, nakatayo sa condo.
Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Ate? Ate ni Kavez si Paizel? Hindi ko maintindihan! Ano bang nangyayari? Para akong bata na walang kamuwang-muwang.
Wala sa sarili akong lumabas ng condo ngunit bago ko iyon ginawa ay tinakpan ko muna ng tela ang sugat ko. Kahit ganoon ang nangyari ay nag-aalala pa rin ako kay Paizel. Hindi ko talaga inaasahan na siya 'yong babaeng nasaksak ko noon. Hindi ko na naman napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Bago bumukas ang elavator ay pinunasan ko muna ito gamit ang likod ng aking kamay.
Mabilis akong naglakad papunta sa kotse ko at pinaandar 'to sa pinakamalapit na ospital kahit na hindi ako sigurado kung doon nga ba dinala si Paizel.
Parang naulit ang nakaraan, pumasok ako sa ospital at tinanong kung saan dinala ang bagong pasyente. Doon ay nakita ko si Kavez nakaupo at nakatingin lang sa isang pinto. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Ang malaking parte sa akin ay sinisi ang sarili ko at ang natitira naman ay galit dahil naguguluhan ako kung bakit tinawag ni Kavez si Paizel ng ate.
"Ka-avez?" nanginig ang boses ko ng tawagin ko siya.
Nag-angat siya ng tingin pero wala akong makitang reaksyon sa kaniya.
"Asan si Paizel?!" nangibabaw ang boses ng isang babae.
Tumingin ako sa likod at 'ayon na salubong ko ang nagagalit na tingin ng babae, pamilyar ang mukha nito. Doon ko naisip na 'yon ang nanay ni Paizel at Kavez, si tita Alyza, kapatid niya 'yong magiging amo ko! Kaya pala pamilyar ang mukha ni tita Percie! Ngayon ko lang napagbubuo-buo ang lahat.
"Ikaw na naman ba ang may gawa nito kay Paizel?!" hindi ko inaasahan ang lakas ng boses niya.
Unti-unti akong yumuko at sunod-sunod na tumulo ang luha ko, hindi ko masagot ang tanong niya sa'kin.
"Pwede bang umalis ka na muna? Hindi ko alam kung anong magagawa ko sayo kung may mangyaring masama sa anak ko," mas mahinahon niyang sabi.
Nag-angat ako ng tingin, ilang segundo muna akong tumingin kay tita Alyza tsaka ako nagbaba ng tingin kay Kavez, nakatingin siya sa akin na para bang hinihintay ang pag-alis ko. Hindi ko maigalaw ang mga paa ko, parang dumikit na ito sa sahig ng ospital. Parang may sarili itong buhay na gustong marinig ang sasabihin ni Kavez bago ito gumalaw.
"Yexie, pwede bang umalis ka na muna?" seryoso niyang tanong.
Nagsimula ng humakbang ang paa ko paalis sa kinatatayuan ko, hayon ang luha ko hindi matigil sa pagtulo. Habang paalis ay nakatingin lang ako kay Kavez. Hindi niya ako tinawag na Lar kanina.
Dinala ako ng pagmamaneho ko sa bahay namin. Hindi ko alam kung bakit dito ako dumeretso imbis na sa condo ngunit sa isip ko ay mas maganda nga siguro na hindi muna ako pumunta sa condo ni Kavez. Hindi ko alam kung galit ba siya sa akin pero parehas kaming may mali, hindi niya sinabi na kapatid niya si Paizel, ilang taon na rin kami pero kahit kailan hindi man lang niya sinabi ang totoo! Ang galing niyang magtago!
Tinuyo ko muna ang mga luha ko bago pumasok sa loob. Pagkatapos ay tsaka ako lumabas ng kotse at dumiretso sa loob ng bahay. Hindi pa ako tuluyang nakapapasok ay nakita na agad ako ni mommy at daddy, ang mga mata nila ay malungkot. Alam na kaya nila?
Hindi ko inaasahan na yayakapin ako ni mommy. Siguro ay alam na nga nito ang nangyari. Bigla ko na lang naisip ang matunog na paglunok nila noong graduation ko nang tanungin ko ang tungkol sa nanay ni Kavez. Agad akong lumayo ng kaunti upang maharap sila. Nagugulat man ay bumitaw si mommy sa pagkayakap.
"My, alam mo ba na kapatid ni Kavez si Paizel?" uminit na naman ang gilid ng mata ko.
"Hindi ko alam, Anak. Hindi ko alam na si Paizel 'yong babae dati. Ang alam ko lang ay nanay ni Kavez ang nakaharap ko dati sa ospital noong na....." halata ang kaba sa boses ni mommy. Hindi niya masabi ang huling salita.
Tumingin ako kay daddy, ang kamay nito ay nasa likod ni mommy, inaalo ito. Parehas silang malulungkot ang mga mata, puno ng awa.
"Bakit hindi niyo agad sinabi sa akin?" tanong ko sa kanilang dalawa.
"Anak, 'yon ang mas makabubuti. Alam namin kung gaano mo kamahal si Kavez, alam naming magiging malabo kayo kung malalaman mo ang totoo," si daddy ang sumagot.
"Hindi ba mas maganda kung nalaman ko agad?! Kailan niyo pa ito nalaman?!" hindi ko napigilan ang pagtataas ng boses.
Kita ko na nagpipigil si daddy ng kaniyang galit, hindi ko sinasadya ang pagsigaw, nadala lang ako ng inis.
"We think that is the good thing to do. Nalaman namin ang totoo bago ang pagtatapos niyo ng kolehiyo."
Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha. Wala na akong magagawa, nangyari na eh. Matunog akong bumuntong-hininga.
"Taas na po muna ako," at tinalikuran ko na sila.