Chapter 43.1

Huling tingin para sa mansiyon na kinalakihan niya bago pumasok sa pick-up. Nasa likod ng sasakyan ang lahat ng gamit niya at malakas ang tugtog ng stereo ng sasakyan. Sa katunayan nga, halos mabasag na ang tainga niya sa lakas pero nanatili siyang walang imik at nakatingin sa labas ng bintana. 

Pasulyap-sulyap lang sa kaniya ang driver sa rearview pero hindi rin nag-aksaya ng laway para magtanong kung ayos lang siya. Mas mabuti nga 'yon. Wala siya sa mood para magsalita. May parte sa kaniyang gustong bumalik sa mansiyon pero may parte rin na gustong bumalik sa bahay ni Gideon. Naguguluhan siya.

'Yong parteng gustong bumalik sa bahay ni Gideon ay parteng natatakot sa nalaman kaninang madaling araw. At 'yong parteng gustong bumalik sa mansiyon ay 'yong parteng nahihiya sa nalaman niya.

Hindi niya alam kung magsisisi ba siya na naglagay siya ng kamera o makakahinga nang maluwag dahil nalaman niyang walang nanggagahasa sa kaniya gabi-gabi? 

Humina ang tugtog ng stereo. "Maam, parehong bahay sa Cansanit?"

Tumango siya. 

Umikhim ang driver. "Ang sabi ng mayordoma na bahay ng asawa niyo. Bakit hindi ang asawa niyo ang sumundo sa 'yo, Maam?"

Pinikit lang niya ang mga mata. Pero, dumilat pagkuwan. Natatakot siyang matulog sa kotse, at baka mamaya ay maghubad siya sa likod. Baka magka-heart attack pa ang driver at madisgrasya sila.

"Maam," pukaw ng driver.

Nangunot ang noo niya sa kulit nito kaya sumagot na lang siya. "May lakad."

Ilang minuto pa at naabot na nila ang bahay ni Gideon. Umibis siya. Tinulungan siya ng driver na ibaba ang maleta. 

"Alis na ako, Maam."

Tumango lang siya. Pinagmasdan niya ang pagtakbo ng sasakyan pabalik sa Mansiyon. Nang mawala sa paningin ay doon lang niya naramdaman ang nakakapasong init ng araw sa balat niya.

Agad siyang nag-doorbell. Ilang minuto siyang naghintay bago lumabas ng main door si Dalya.  

Nakangiti ang babae sa kaniya. "Senyorita!"

Tinuro niya ang ilang gamit na nakalatag sa tabi ng kalsada. "Pakidala na lang sa loob," aniya bago hinila ang maleta at nilampasan ang babae. Diretso siyang humakbang papasok sa bakuran. 

Pero ewan ba kung bakit pagtapak niya papasok sa main door ay bigla siyang natumba. Napahiga siya sa malamig na tiled floor. 

"Senyorita Jewel!" boses ni Pedro.

Naramdaman niyang umangat siya mula sa sahig, maya-maya pa'y inihiga siya sa malambot na higaan. Minulat niya ang mga mata at kisame ang una niyang nakita. Nasa sala siya. Siguradong inihiga siya ni Pedro sa sofa.

"Natumba siya. Hindi ko alam ang rason," bulong ni Pedro.

"Hindi mo nasalo? Pa'no kung nabagok ang ulo ng Senyorita? Kahit kailan talaga Pedro ang lamya mo," sabi ni Dalya.

Pinikit niya nang mariin ang mga mata. Umiikot ang paningin niya at parang may humukay sa sikmura niya. Tinakpan niya ang bibig para maiwasang sumuka sa sahig.

"Senyorita," nag-alalang sambit ni Dalya. "Wala pa si Sir Gideon. Mamaya pa 'yon makakauwi. Ano po ba ang kinain niyo at bakit natumba kayo?"

Huminga siya nang malalim at dahan-dahang naupo. Tinulungan siya ni Dalya. "The weather is too hot. Umm. Napasok mo ba ang mga gamit ko?" 

"Opo, Senyorita."

"Good. Tulungan mo nalang ako sa kuwarto ko ---"

"Naku, Senyorita..." Nakagat ni Dalya ang ibabang labi. "Ayaw na ni Sir na buksan ang kuwarto mo. Hindi ko po alam kung saan ang susi kaya hanggang ngayon ay sarado pa rin po ang kuwarto niyo."

Naningkit ang mga mata niya. "What? At saan niya ako patutulugin?"

"E... Senyorita, sa kuwarto po ni Sir. Sabi niyang doon ka po matutulog mula ngayon para mabantayan ka niya."