Chapter 30 - Wounds

Xena

"Ngayon ako nagsisisi kung bakit ko pa ngayon sinabi sa iyo ang mga nangyari. Tss. Dapat pala ay hindi na at hinayaan ko na lang na mamatay ka sa kuryosidad," sikmat ko kay Hero at inis ko itong pinukol ng tingin.

Sa halip na tumigil ay lalo lamang itong humagalpak ng tawa.

Hays.

"Tumigil ka na nga sa katatawa riyan. Nakakaasar, ganitong pati ako ay nasermonan kagabi ni kuya," bawal ko kay Hero.

Umiling-iling muna ito bago unti-unting huminto.

Nang sa wakas ay wala na itong saping masamang espiritu ay napabuga ako ng hangin.

"Bakit ka naman nasermonan?"

Kinunutan ko ito ng noo.

Talagang nakapagtanong pa ito. Hays.

Iniikot ko ang mata ko. "Dahil sa kapatid mo malamang. Hindi ko naman kasi sinabi kay kuya na nagkita na kami at si Mikey pa talaga ang pansamantalang boss ko, gayong ang alam nga ni kuya ay sa iyo ako nagtatrabaho."

Nakakainis. Hindi ko naman talaga balak na itago rito iyon, nawala lang talaga sa isip ko. Saka sa dami ba naman kasi ng iniisip at pinoproblema ko. Hays, wala na akong oras pa para magsumbong dito, saka ayokong mag-alala pa ito. Tama nang si Hero na lang ang taga-salo ko ng mga sentimyento ko at ito na lang ang napeperhuwisyo ko.

"Kilala ni Dale si Mikey... at kasama siya sa sadyang nagtago sa amin sa katauhan ni Mikey, tama ba?" usisa nito.

Kinagat ko ang labi ko bago tumango-tango. "Yeah. I'm sorry kung kinailangan naming gawin iyon."

Ngumiti ito nang nakakaunawa. "Okay lang, alam kong may rason kayo at wala akong karapatan para kuwestiyunin iyon. But, mind if I ask kung paano nakilala ni Dale si Mikey?"

"Magkaka-schoolmate kami dati. Though, no'ng time na 'yon ay hindi ko pa alam na magkadugo pala kami ni kuya kahit na nakakasalamuha ko na siya sa iisang unibersidad."

Napatango-tango ito. "Ah, how about Mikey? Hindi niya nakilala si Dale?"

Umiling-iling ako. "Parang hindi, e. Parang noon nga lang niya nakita si kuya, gulat na gulat nga rin noong tinawag kong kuya ang kapatid ko. Hindi naman nakakataka dahil ang alam niya ay wala akong kapatid noong magkasama pa kami dati at ang alam lang niya ay ang tungkol sa tatay ko na pilit na sinusuyo ako pero ayokong bigyan ng chance."

Tatawa-tawa itong tumugon, "Mukhang nabiktima na naman ng maling akala si Mikey, ah. Ayan tuloy bad shot kaagad. Tsk. Napapala nga naman ng mga hindi marunong magtanong pero alam at mabilis mag-assume, kamao tuloy ni Dale ang sumalubong."

Naalala ko na naman tuloy ang hitsura noong dalawa habang gigil sa isa't isa na nagpapambuno.

"E, 'di nakita siguro ni Mikey ang hinahanap niya? Pero nabilang kaya niya 'yong instant abot-kamay na maraming stars? 'Langya," aliw na komento pa ni Hero.

Nalukot ang mukha ko. "Ang daldal kasing masyado no'ng kapatid mo. Manang-mana sa iyo, e."

"Uy, 'di siguro. Malamang na sariling sikap lang niya iyon kaya gano'n 'yon," apela kaagad nito.

Nakanguso akong tumugon. "Duh. Ikaw na ikaw, e. Kaimbyerna. Tss. Kung anu-anong walang kakuwentahan ang nalalamang sabihin," asar na pagkukumpara ko sa dalawa.

"Hayaan mo na. Pagbigyan mo na 'yong tao na ilabas sa salita 'yong mga nararamdaman niya."

Pagbigyan? Nararamdaman?

Bumuntung hininga ako. "Basta huwag kang magugulat kung makita mo mang may pasa sa mukha ang kapatid mo. Nakadalawa kasi si kuya, e. Kakulit kasi at napakapang-asar ba naman. Maikli pa naman ang pasensiya ni kuya sa mga ganoong klaseng tao."

Natawa ito. "Kaya pala hindi umuwi kagabi sa bahay, hinahanap ni Mama sa akin. Hindi ko naman alam na nagpunta sa tinutuluyan mo pagkatapos noong mainit na tagpo sa opisina niya," nanunukso at malisyosong sabi nito sa huli.

Sinamaan ko ito ng tingin at sasagot pa sana ako pero naputol ang pag-uusap namin nang biglang may pumasok.

Napatingin kami pareho sa nakasimangot na taong pinag-uusapan namin kanina pa.

Speaking of the devil, tuloy-tuloy na naupo ito sa silyang naroon na parang pag-aari nito iyon, gayong dayo lang ito rito.

"Ano 'yan, brother?" tanong na bungad ni Hero.

"Alin?" kunot-noo at takang balik na tanong naman ni Mikey.

Itinuro ni Hero ang mismong mukha nito. "'Yan. 'Yang nasa mukha mo? Make-up ba 'yan? Bagay pala sa iyo, brother?" halata ang pang-aasar na patuloy ni Hero.

Sinalat naman ni Mikey ang pisngi nito bago napangiwi. "Hindi, pasa ito. D*mn. Kasalanan mo 'to, Kuya," paninisi nitong bigla sa kapatid sa huli.

Pasimpleng napailing-iling ako.

Gusto kong matawa sa hitsura nito at sa tono ng pananalita nito, parang bata lang kasi kung makapanisi.

Masama man pero hindi ko mapigilang matawa sa natamo nito. Paano nga, ang kulit kasing masyado, e. Napakadaming alam sa buhay.

"Ako? Bakit ako? Hindi naman ako ang may gawa niyan sa iyo, ah? Balita ko si Dale raw?" natatawang depensa ni Hero sa sarili.

Inirapan ni Mikey si Hero, pagkatapos ay noong saktong nakatingin naman ako rito ay sa akin nabaling ang tingin nito. Nahuli na ako nito kaya hindi na ako nag-abala pang mag-iwas ng tingin, kumunot ang noo nito kalaunan hanggang sa tumalim ang tingin sa akin.

Teka, bakit ganito itong makatingin? Huwag mong sabihing ako na naman ang sisisihin nito, gayong apura ang pauwi ko rito pero wala itong ginawa kundi asarin si kuya.

"Anong ginawa mo kay Dale? Ang bait na tao no'n pero napagalit mo at dumapo pa ang kamao sa mukha mo?" usisang muli ni Hero.

Inalis ni Mikey ang tingin sa akin at bumaling naman din agad ito sa kapatid. "Tss. Kung hindi ninyo ba naman kasi ako pinapaniwala sa kung ano mang namamagitan sa inyo. E, 'di sana hindi na umabot pa sa ganito at hindi ako nasapak," paninisi pa rin nito.

Napataas tuloy ang kilay ko.

Kami pa talaga ang sinisi nito sa mga kilos nitong padalos-dalos at may bahid ng galit.

Tsk. Sino ba kasi ang may sabing pumunta ito sa tinutuluyan ko? At kami ba ang nagsaksak sa utak nitong malisyoso noong sapantaha nito tungkol sa amin na wala namang basehan?

"Pinapaniwala? Parang wala naman akong natatandaan na ginawa namin 'yon," depensa ni Hero.

Pumalatak si Mikey. "Bakit kasi babe pa ang tawag mo kay Xena? Hindi naman pala kayo."

"Masama ba? May batas bang nagsasaad na kapag babe ang tawagan ay matic na may malalim na relasyon na kaagad? Ikaw talaga, kapatid. Masyadong mabilis tumakbo 'yang utak mo. Hindi ba puwedeng dahil iyon na ang nakasanayan kong itawag kay Xena? Ang tagal na kasing iyon ang tawag ko sa kanya kaya mahirap na talaga sa aking tanggalin iyon. Saka ikaw lang itong mahilig mag-assume at mag-isip ng kung ano, wala rin naman kaming sinabi sa iyo na may relasyon kami, 'di ba? Well technically and in all honesty, mayroon pala. May relasyon kami, magkaibigan," mahabang litanya ni Hero.

Simangot na sumagot si Mikey. "Kasalanan ninyo pa rin," ayaw pa ring patalong sagot nito.

Hays. Ninyo na naman. Bakit pati ako ay nasali na naman? Tsk. Palagi na lang!

Napailing-iling si Hero bago pumalatak habang pinagmamasdan ang kapatid bago nagsalita. "E, ano ba kasi ang ginagawa mo ro'n? At ano ang kinalaman no'n kung may relasyon man kami? Dalaga siya at binata ako. I see nothing wrong with that. Saka balita ko ay gustong-gusto ni Mama ang babe ko, kaya kung maging kami man ay walang magiging problema at magiging masaya pa si Mama. Ayaw mo bang sumaya si Mama?" may pinipigilang ngisi na tanong ni Hero.

"Masaya my ass," he scoffed.

"Kung may dapat kang sisihin, hindi kami iyon kung hindi ang sarili mo. In the first place, kung hindi ka kasi nagpunta roon. E, 'di sana ay hindi ka nakatikim ng kamao. Ano? Masarap bang masapak?" halata ang pang-aasar na tanong pa ni Hero sa kapatid.

Ibinalik ko na ang tingin ko sa mga papel na nasa ibabaw ng lamesa ko na hindi ko pa nagagalaw.

Gago rin talaga 'tong isang 'to, e. Pang-asar din at kalahati.

Dahil ayoko nang marinig pa ang pag-uusap ng mga ito at ayoko na ring marinig ang sagot ni Mikey ay nagpasya akong tumayo na muna upang lumabas.

"Lalabas na muna ako, Hero. Ipagtimpla na rin tuloy kita ng kape," paalam ko.

Wala naman sana akong balak na tingnan si Mikey pero pinigilan nito ako sa kamay nang mapatapat na ako sa puwesto nito.

Tumigil ako at maang ko itong tiningnan.

"Where are you going? Gamutin mo 'to," maangas na utos nito.

Nakataas ang kilay na sumagot ako. "Bakit ako? Hindi naman ako nurse," tanggi ko kaagad.

Nag-iwas ito ng tingin pero hindi pa rin binibitawan ang kamay ko. "Kahit ba, e. Ikaw naman ang dahilan kaya nasapak ako noong kuya mo," sabi nito.

Ako? Paanong naging ako? Hindi naman ako ang umubos sa pasensiya ng kapatid ko at lalong hindi ko ito inutusang sapakin si Mikey.

Napatingin ako kay Hero nang marinig ko ang tawa nito.

Tumigil lamang ito nang makitang nakatingin kami pareho ni Mikey nang masama kaya ikinumpas pa nito ang kamay. "Sige ituloy ninyo lang 'yang paggagamutan na 'yan. Habang ako ay babalik na sa trabaho, may ginagawa nga pala ako," nakangising udyok pa nito.

D*mn. Bakit mukhang wala itong kabalak-balak na tulungan ako? Akala ko ba ay kakampi ko ito? Pero bakit hindi ito gumagawa ng paraan para pigilan ang kapatid nito sa pagpapagamot?

"Ano na?" kulit ni Mikey at ginalaw-galaw pa ang kamay naming dalawa na magkadikit pa rin.

Mula kay Hero ay napatingin tuloy ako roon.

Bumuntung hininga ako kapagkwan at sa mukha naman nito itinuon ang mata ko. "Malayo sa bituka iyan. Kagabi pa nga iyan, e. Kung malala iyan, e, di sana ay wala ka rito ngayon. Hindi ka naman namatay, 'di ba? Buhay na buhay ka nga, o. So, I think you're just perfectly fine," I pointed out.

Sinamaan ako nito ng tingin. "Ang sama mo. Ang sama mo sa akin. Parang gagamutin lang, e," pangongonsensiya nito.

Seriously? Kung makipag-usap ito sa akin at umasta ay parang close kami nitong bwiset na 'to at ang lakas pa ng loob na konsensiyahin ako.

Mula sa mata nitong singkit ay bumaba sa labi nito ang tingin ko at napansin ko kaagad ang putok doon na lalong nakapagpapula sa nguso nito.

Napabuga ako ng hangin bago naiinis na hinila ko ang kamay ko. "Oo na, gagamutin ko na! Hitsura mo! Babalik ako, magtitimpla lang ako ng kape namin ni Hero!" iritadong singhal ko rito, walang pakialam kahit na isa pa ito sa mga boss.

Tumalikod na ako para lumabas sana, pero napansin kong tumayo rin ito kaya huminto ako at hinarap ito.

"Huwag mong sabihing sasama ka pati sa pantry?" nakataas ang kilay na tanong ko.

Ngumiti ito kaya natuon na naman ang pansin ko sa cut sa ibabang labi nito.

Tumikhim ito kapagkwan nang magtagal ang mata ko na nakatingin doon, lumapad pa ang ngiti nito.

Tss.

Anong nakakatawa?

"Ipagtimpla mo rin ako ng kape," hiling nitong bigla.

Tumaas na naman ang kilay ko.

Ang demanding pa rin ng impakto hanggang ngayon, gayong hindi naman na ito ang may under sa akin.

"Ako na lang ang pupunta, hindi mo na kailangang sumama pa," saad ko nang maalala ang nangyari sa opisina nito dahil lang sa simpleng pagtitimpla ng kape.

Tumaas din ang kilay nito bago natawa. "Tutulungan na kita, baka mahirapan kang dalhin ang tatlong tasa. Halika na para mabilis din at magamot mo na ang sugat ko," alok nito at hinatak na ako palabas.

Naikurap-kurap ko na lang ang mata ko sa gulat sa biglaang paghila nito.

Abnormal nga yata talaga ito. D*mn. Hindi marunong umintindi at wala pa ring ipinagbago, ganito pa rin ang ugali nito na gustong-gusto na hatak-hatak ako kapag naglalakad.

Pasimpleng napahinga na lang ako nang malalim at hindi na lamang umimik pa.

Habang naglalakad naman kami ay napatingin ako sa kamay namin na magkahawak pa rin pala.

D*mn. Bakit hindi ko binawi agad ang kamay ko?

Huminto ako sa paglalakad kaya napahinto rin ito at nagtataka akong nilingon.

"Bakit? May nakalimutan ka ba?" tanong nito.

Umiling ako. "Wala. Pero hindi naman na siguro kailangang magkahawak pa tayo ng kamay habang naglalakad papunta sa pantry, hindi naman ako maliligaw dito," sagot ko sabay mabilis ang kilos na hinila ko ang kamay ko pero mas maagap ito dahil kung mahigpit na kanina ang pagkakahawak nito ay mas hinigpitan pa nito ang hawak kaya useless lang din at hindi nakakawala ang kamay ko.

"Kung ikaw hindi maliligaw. E, paano naman ako? Hindi ko gaanong kabisado itong building, baka ako ang maligaw," natatawang tugon nito.

Is he serious? Ito? Hindi kabisado ang building? Nangti-trip na naman yata ito, gayong confident pa ito na nauunang naglalakad at hila-hila ako.

Hindi naniniwalang tiningnan ko ito. "Ikaw? Maliligaw dito? I don't believe you."

Tiningnan ako nito nang diretso sa mata. "I was once lost, kaya hayaan mo na lang na ako ang kumapit sa iyo para siguradong hindi na maulit dahil alam mo ang pasikot-sikot dito. Sabihan mo na lang ako kapag mali na ang tinatahak kong daan," sabi nito bago ako muling hinila at nagpatuloy na kaming naglakad muli.

Napalunok ako at nagpatianod na lang kahit na naguguluhan ako.

Iba kasi ang dating sa akin ng sinabi nito.

He was once lost? Tungkol ba iyon sa nakaraan? Ano ba talaga ang nangyari rito?

Tumahimik na ito pagkatapos nang sinabi nito hanggang sa nakarating kami sa pantry na hindi naman naliligaw dahil tama ang direksyon na tinahak nito.

Binitawan naman na nito ang kamay ko at hinayaan na lang akong mag-ayos ng mga gagamitin ko sa pagtitimpla ng kape naming tatlo.

Pasulyap-sulyap ako rito habang hinihintay na uminit ang tubig sa electric kettle. Naka-poker face lang ito pero titig na titig sa... kawalan?

I wonder, ano kaya ang iniisip nito.

Sana naman ay hindi na ito nag-iisip at nagpaplano kung paano kami paghihiwalayin ni Hero tutal ay inamin ko na rito ang totoo.

Humugot ako ng hangin.

Pero hindi ko pa rin makuhang makampante.

Sana nga lang talaga ay hindi na.

Lumawig ang katahimikan sa pantry at pinutol lang iyon noong narinig ko na ang pag-click na hudyat na mainit na ang tubig.

"Anong kape mo? Black lang? Walang creamer?" tanong ko habang nilalagyan ng mainit na tubig ang mga tasa.

Tumango lang ito na parang wala sa sarili habang nakatingin na ngayon sa ginagawa ko.

Napakunot ang noo ko. "Ano 'yong tinanguan mo? 'Yong black o walang creamer?" untag ko.

Napakurap-kurap naman ito bago sumagot. "Sorry, black lang."

"Okay."

Ano ba ang iniisip nito? Ayoko ng ganito ito. Feeling ko ay may binabalak na naman itong hindi kanais-nais.

Nang matapos na ako sa pagtitimpla ay tumikhim ako para kuhanin ang atensyon nito at parang nagulat naman itong napatingin sa akin.

Lumunok ito at umayos ng tayo bago magsalita. "Tapos ka na ba?" tanong nito nang makitang hawak ko na ang isang tasa ng kape.

Tumango ako. "Dadalhin ko lang 'to kay Hero. Maiwan ka na muna rito," pagpapaalam ko upang pumunta sana sa opisina ng kapatid nito.

Umiling ito. "Sasama na ako," sabi nito.

Seriously? Sasama pa ito?

Huminto ako at humarap dito. "Saglit lang naman ako. Dadalhin ko lang talaga 'to," kunot-noong tugon ko.

Ang weird nito, gusto pa nitong magpabalik-balik. Samantalang ako nga ayoko, e. Kung puwede lang na iutos ko rito na hindi ako magmumukhang bastos ang kape ng kapatid nito ay ginawa ko na, kaso kahit saang anggulo tingnan ay hindi magandang ito ang pagawin ko ng trabaho ko, gayong may share rin ito sa kompanya. Hindi man nito ako under, he's still one of the boss.

Ikiniling lang nito ang ulo habang patuloy na nakatingin sa akin. "Saglit lang pala, e. Sasamahan na kita," giit pa rin nito.

Ilang beses kaya talaga itong ipinanganak? Hays.

"Babalik naman ako kaagad. Iiwan ko muna iyang kape natin riyan, bantayan mo," medyo inis ko nang sabi.

Sumimangot ito.

Natigilan naman ako.

Sh*t. Nakakainis. Bakit ang guwapo nito?

Nakagat ko nang magaan ang labi ko.

D*mn. Ano ba 'tong iniisip ko?

"Ayoko. Akala ko ba gagamutin mo ang mga sugat ko?" parang batang tanong nito.

Feeling naman nito ay kay lala ng natamo nito. Napaka-OA.

Napabuga ako ng hangin. "Babalik ako, kukuha pa kasi ako ng panglinis diyan sa mga sugat mo dahil wala namang medicine kit dito sa pantry o mas mainam yatang sa nurse na lang kita samahan at dalhin?" suhestyon ko sa dulo.

Mabilis itong umiling. "Sige na. Iwan mo na ako," pagtataboy nito, pero 'yong boses ay parang nagpapaawa naman.

Parang tanga ito kung gano'n nga. Tss.

Ang gulo ng mga ikinikilos nito. Hindi ko na alam kung alin ba ang totoo at alin ang pagpapanggap para mahulog na naman ako sa bitag nito kung may pinaplano na naman itong hindi kanais-nais.

Napahinga ako nang malalim.

Bahala na ito sa kung ano mang plano nitong nais na gawing kabalbalan, basta nasabi ko naman nang wala akong balak na iwanan si Hero kahit na ano pa ang gawin nito.

Hindi na ako kumibo pa at tumalikod na lang para pumunta na sa opisina ng kapatid nito.