CHAPTER 2
HINDI ito maingay at hindi malakas uminom. Pinagmamasdan niya ito nang palihim mula sa lugar ng kahera. Madalas na dalawang boteng beer lamang ang nauubos nito at yayayain na ang mga kasama na umuwi. Bihirang mangyari na ang mga kasama nitong lasing na ang nauunang makaisip na umuwi. Mula nang maging interesado siya sa lalaki ay hindi pa niya ito nakikitang nalasing laging kontrolado nito ang sarili. Lagi itong nakasuot ng disenteng bihis kapag dumarating sa karaoke bar. Katulad din naman ng mga kabarkada ay naka-blazer naman ang lalaki na may cotton shirt sa loob.
Kahit naka-t-shirt ito, laging may kuwelyo. T-shirt na alam niyang simple nga pero mamahalin, lapat na lapat ang halos perpektong katawan ng lalaki. Ganoon din naman ang mga pantalon na suot nito. Semi-baggy pero ang tela ay disente. Halata ring mamahalin. At lalo na ang mga sapatos na suot. Simple ang cut pero mamahalin naman ang uri ng balat.
Alam ni Nyebe na malaki ang agwat ng edad nila ng kanyang matinding crush. Hindi ito bababa sa twenty-four at hindi rin naman mas tataas pa sa twenty-six. Noong nag-aaral siya, kahit sa high school, ay hindi siya naa-attract sa mga ka edad niya. O sa katulad niyang estudyante. Tingin niya sa mga iyon ay mga totoy pa. May pang-akit sa kanya ang mga lalaking matanda sa kanya nang ilang taon. Gusto niya ang maturity ng mga ito, ang self confidence at ang kalamangan ng mga ito sa laman ng utak. Wala siyang katiyaga-tiyaga sa mga lalaking paporma at paguwapo lamang ang alam.
Katulad nga ng karamihan sa mga estudyante pa lamang. Kahit pa nga ang pagtawag sa waiter para umorder o magbayad, nasa lugar palagi ang kilos at salita ng lalaking iyon. Naisip ni Nyebe na hindi na nga pala niya dapat tawaging, lalaking iyon' ang kanyang crush. Dahil kamakailan lang ay hindi sinadyang nalaman niya ang pangalan nito. Kilala na kasi ito ng mga waiter sa karaoke bar. Dahil nga sa mabait at generous pa kung mag bigay ng tip. Dax. Dax ang pangalan ng lalaki. Dax Fernandez daw ang kumpletong pangalan nito. Si Dax ang kaisa-isang dahilan kung bakit hindi pa lubos na kinamumuhian ni Nyebe ang buhay niya bilang kahera sa karaoke bar ng mga kumukupkop sa kanya.
Hinihintay-hintay niya ang mga araw ng Biyernes at Sabado dahil kay Dax. Nagpapasalamat siya at kahit hindi naman class ang kanilang bar ay ito pa rin ang naging paboritong hang-out ni Dock at mga kasamahan nito. Tuwang-tuwa rin siya dahil kahit minsan ay hindi pa kumukuha ng GRO si Dax.
Ang mga kaibigan o kabarkada nito ay nagti-table babae, bihirang hindi. Pero si Dax ay parang walang interes sa mga naggagandahan at seksing GRO. Patingin-tingin lamang ito sa mga kasamang pilyo, na kung minsan pa nga ay bulgar na ang pinaggagagawa sa mga GRO nila. Nakita niya sa ilang pagkakataon si Dax na sumasaway sa mga kaibigan nito kapag sobra na ang mga ginagawa sa mga GRO ng karaoke bar. Lalo tuloy siyang humanga at mas lumalim ang kanyang atraksiyon dito. Pero alam niyang wala namang kaalam-alam si Dax na halos ito lang pala ang binabantayan niya nang palihim sa karaoke bar. Walang kamalay-malay si Dax na ang kabataang babae na nasa likod ng cash register ay inspirado kahit paano sa gitna nang isang walang kinabukasang trabaho, dahil regular nitong nakikita ang kanyang crush o pinagpapantasyahan.
BIYERNES ng hapon. Papadilim na. Nagmamadali sa paliligo si Nyebe. Nauna na sa club ang kanyang Tiya Mildred, pinasasabay na siya nito sa jeep ni Tiyo Ramon. May kausap daw kasing papasok na GRO ang kanyang tiya kaya hindi na nito nahintay ang oras ng pag-alis ng asawa papuntang karaoke bar. Si Nyebe na lamang ang sasabay sa tiyuhin. Maingat sa katawan si Nyebe. Sa paglabas sa banyo ay maayos siyang nakasuot ng makapal na bathrobe bukod pa sa tuwalya na nakasampay sa kanyang balikat. Kumpleto rin siya sa underwear at basa pa ang kanyang buhok. Napako sa kinatatayuan si Nyebe nang makitang nakatayo malapit sa dining table ang kanyang Tiyo Ramon. May malisya sa mga mata nito. Saglit siyang natakot. Pero may nakapa siyang tapang. Pinandilatan niya ang asawa ng tiyahin. Tumawa lang ito.
"Kapag kailangan kita, dapat na nakahanda ka. Dahil kung hindi, iimpluwensiyahin ko ang asawa ko na itigil na ang pagpapagamot sa ina mong baliw," nakangising wika ng lalaki.
"Matapang nga si Mildred pero nakikinig pa rin siya sa akin, tandaan mo 'yan, Nyebe." Mayabang itong tumalikod.
Ang naramdaman ni Nyebe ay paghihimagsik. Ang turing sa kanya ng bastos na tiyuhin ay isang gamit na pag-aari nilang mag-asawa.
Gagamitin sa anumang paraan, tama o mali. Pakikinabangan ang katawan niyang mura at wala pang dungis. Naisip ni Nyebe nang buong kapaitan, bilang na ang mga araw ng kanyang kalinísan. Masyadong tiwala sa sarili ang walanghiyang asawa ng kanyang Tiya Mildred. Sasagpangin siya nito sa ano mang oras. Maaaring naghihintay lamang ito kung kailan matinding-matindi na ang makamundong pagnanasa sa kanya. At siya, parang isang sisiw na walang mapuntahan at naghihintay na lang kung kailan sisilain.