Chapter 1
SA edad na katorse ay matinding trahedya na ang dumating sa buhay ni Nyebe. Nasa probinsiya pa sila noon, sa Leyte, nang mamatay nang biglaan ang kanyang ama. Isa itong magsasaka at natuklaw ng makamandag na ahas habang nag lalakad patungo sa taniman nila ng mais. Hindi naman naagapan dahil wala itong kasama sa ilang na lugar na iyon. Malayo ang sinasaka nito sa mga kabahayan.
Nang maisugod sa klinika ang kanyang ama ay maitim na. Kumalat na ang matapang na lason ng makamandag na ahas sa buong katawan nito. Sa araw ng libing ng kanyang ltay ay bumigay naman ang katinuan ng kanyang nagluluksang ina. Mula noon hanggang ngayon na disisyete na si Nyebe ay hindi pa rin nagbabalik ang normal na isip ni Aling Koring. Tatlong beses na itong nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng Paglaslas ng pulso. Suwerte lang na laging may nakakakita kaya napigil o naagapan. Pero napilitang ipasok sa mental hospital sa Mandalayong City si Aling Koring. Dahil nga nanganganib ang buhay nito kung walang magbabantay. Isa pa, kailangan nito ang pangangalaga ng mga doktor at psychiatrists. Ang tumulong sa mag-ina ay ang kaisa-isang kapatid ni Aling Koring, si Mildred. Habang nasa ospital ang na baliw na kapatid ay kinupkop naman ni Mildred si Nyebe.
Pero hindi maaaring sabihin ni Nyebe na maganda ang kanyang kalagayan. Ang Tiya Mildred niya ay may-ari ng isang karaoke bar sa Pasay City. Tumatayong manager na rin ang kanyang Tiya Mildred, bouncer naman ang asawa nitong kung tawagin niya ay Tiyo Ramon. Walang anak ang dalawa. Kaya siguro sobra ang kasungitan ni Tiya Mildred at babaero naman si Tiyo Ramon. Kapag nakatalikod ang Tiya Mildred ni Nyebe ay mismong ang mga GRO sa karaoke bar ang inaaswang ni Tiyo Ramon. Alam ni Nyebe na siya man ay nanganganib din sa asawa ng kanyang tiyahin. Madalas niyang mahuli ang mga nagnanasang tingin sa kanya ng lalaki. Hindi naman niya magawang isumbong kay Tiya Mildred dahil alam niyang kulang ng simpatiya sa kanya ang babae at hindi ito maniwala sa kanya. Natatakot rin siyang palayasin at hindi na nito tutulungan ang kanyang Inang si Aling Koring.
Ang pagtulong ng kanyang tiya sa kanilang mag-ina ay obligasyon lamang talagang matatawag. Hindi nito ikinatutuwa na nagkakagasta sa pagpapa-rehabilitate kay Aling Koring sa ospital ng mga baliw. At kung talagang nagmamalasakit sa kanya ang tiyahin bilang kanyang kadugo, bakit naman siya pinagtatrabaho sa karaoke bar bilang kahera? Oo nga't hindi siya tumi-table sa mga lalaki na katulad ng mga GRO pero lahat ng kahalayan doon ay nakikita niya. Sa murang edad niya, alam niyang karapatan niyang hilingin sa kanyang tiyahin na huwag siyang ibabad sa ganoong klaseng lugar. Pero ang madalas na pagpaparinig nito na ang pagseserbisyo niya bilang kahera sa bar ay kulang pang pambayad sa utang na loob na nilang mag-ina ang pumipigil sa kanyang magsalita.
Ang ipinagpapasalamat na lamang ni Nyebe ay pinagtapos naman siya ng 'Tiya Mildred niya ng high school. Sa araw ay nag-aaral siya. At noong isang taon ay nag graduate na siya. Ang hindi nga lamang niya alam ay kung kailan naman siya mag-aaral ng kolehiyo o kung may balak ba ang kanyang Tiya Mildred na pag-aralin siya. Pagkatapos niyang mag-school ay pinaturuan na lamang siya kung paano maging mahusay na kahera na pamalit sa dating kahera ng karaoke bar, na nagkaasawa ng Canadian at dinala na ng asawa nito sa Canada. Wala naman siyang suweldo sa karaoke bar, inaabut-abutan lamang siya ng tiyahin ng kahit magkano. Na sapat lang sa mga personal na pangangailangan niya bilang babae.
Naisip na nga ni Nyebe na baka sinadya talaga ng kanyang tiyahin at tiyuhin na i-expose siya sa buhay na karaoke bar dahil doon din siya dadalhin ng mga ito. Sa pagiging GRO. Karamihan sa mga GRO nila ay edad beinte pataas. Hinihintay lamang kaya ng mga kumukupkop sa kanya na mawala siya pagkamenor at saka siya pipiliting mag-entertain ng iba't ibang lalaki sa bar? lsa pang tila multong pinangangambahan niya ay ang posibilidad na mapahamak siya sa mga kamay mismo ng kanyang Tiyo Ramon. Parang kasing bangis ng hayop ang asawa ng kanyang tiyahin, nag-aabang ng magandang pagkakataon para siya silain.
Sa gitna ng walang kapag-a-pag-asang murang buhay ni Nyebe ay umusbong sa kanya ang isang matinding damdamin o atraksiyon sa isang regular na kostumer ng kanilang karaoke bar. Tuwing Biyernes at Sabado lamang niya nakikita ng lalaking matangkad, maganda ang tindig, tamang-tama lang ang kaputian. Makapal ang buhok nito at seryoso pero napakaguwapo. Maiitim ang mga kilay nito. Malago. Kasing-itim ng mga matang kapag may kausap ay nakatingin nang mariin. At kakaiba ito sa kanyang mga regular na kasama sa karaoke bar.