KABANATA 34
“Nakahanda na po ang prenepara naming tahanan na pansamantala niyong tutuluyan ni Jamila. Isang sakay lang din ang police station kung saan si Jamile mula roon,” sabi ni Kuya Eli sa amin noong naghahanda na kami sa pag-alis.
Akay ni Tito Elton si Nanay na noo’y humihikbi pa rin. Ako naman ay mabigat pa rin ang pakiramdam sa lahat ng nangyari, ngunit kailangan kong maging malakas para kay Nanay. Sinabi ko na rin kay Kuya Eli na siya na ang bahalang magsabi kay Bonita ng pag-alis ko at ipaghingi rin ako ng paumanhin sa kaibigan. Kaya nang matapos na mailagay lahat ng mga tauhan ni Tito Elton ang mga gamit namin sa sasakyang gagamitin namin pag-alis ay nagyakapan na kami bago sumakay roon.
“Mag-iingat kayo,” malumanay na ani sa akin ni Kuya Eli sabay gulo sa aking buhok.
“Salamat sa lahat, Kuya. Mag-iingat din kayo ni Tito.”
Malungkot siyang ngumiti sa akin bago tumango.
“Dadalawin namin kayo ni Tita Janice paminsan-minsan kaya huwag kang mag-aalala. Sisikapin ko rin na makausap si Kendall para malaman natin ang buong katotohanan.”
I hugged Kuya Eli after he said that. Sa likod ng aking utak ay nagpapasalamat ako dahil mayroon pa kaming kagaya nina Tito. Kung wala sila, hindi naman namin mararanasan nina Nanay na mamuhay ng maganda. Dagdag pa na sa pagiging pamilya nami’y nagkaroon na rin kami ng malakas na kasangga sa mga hamon na kahaharapin.
Malungkot akong tumingin sa paligid bago unti-unti humarap sa harap. Nahagip ko pa ang naawang paningin sa akin ni Kuya Eli kaya sinubukan kong ngumiti at kumaway sa kanila noong unit-unti na kaming tumutulak paalis. Bumaba ang kamay ko at dumapo iyon sa aking dibdib. Pinakiramdaman ko ang tibok ng aking puso bago taimtim na pumikit.
I felt like I just left my heart at Esperanza.
Seeing the beautiful place fades away at my sight, hindi ko kailanman inakala na sa ganitong paraan ko lilisanin ang lugar na ito. Kung gaano kaganda ko unang nakita ang lugar na ito ay siya namang lumbay ngayong ako’y paalis na. Oo at pinangarap kong makatayo sa sarili kong mga paa bago lisanin ang lugar na ito, ngunit hindi sa ganitong paraan. Tila ba unti-unti ay nalalagas ang maberdeng kapiligiran sa aking paningin at ang mabughaw na langit ay biglang kumulimlim. Walang kulay. Walang kabuhay-buhay. It was piercing my heart little by little.
Suminghap ako at pinanatili na nakapilig ang aking ulo sa bintana ng sasakyan. Ayaw kong makita ni Nanay ang tahimik kong pagluha. Ayaw kong magdagdag ng dahilan para mas malungkot siya. Alam kong labis na siyang nag-aalala kay Kuya Jamile kaya isasarili at ikikimkim ko na lang muna ang sariling sakit.
Bigla ay naalala ko ang huling sinabi at ang expresiyon na nakita ko mula kay Bellisimo. I bit my trembling lip at mas humigpit ang pagkuyom ko ng aking kamay sa aking dibdib.
“I’m sorry…” bulong ko sa hangin. “Sorry, Bellisimo.”
Halos tatlo at kalahating oras ang naging byahe namin nang makarating kami sa patutunguhan. Tumingin ako sa paligid at kaagad na nanimago. Ibang-iba. Ibang-iba ang labas kaysa sa loob ng Esperanza. Ganitong lugar ang kinalakihan ko, ngunit hindi ko ikaiila na nasanay na rin ako sa mabango at sariwang hangin ng napakagandang Esperanza. Ngunit sabi nga nila, ang putik ay kailanman, hindi maihahanay sa tunay na ginto.
“Maraming salamat po sa inyo,” pagpapasalamat ko sa mga tauhan ni Tito Elton na tinulungan pa kaming ipasok ang mga gamit namin sa bago naming bahay.
Hindi kalakihan ang bahay ngunit napakaayos noon. Kulay puti ang pintura at may mga hardin sa paligid na siyang gustong-gusto ni Nanay. Napangiti ako dahil naisip ko na ito ang napili ni Tito Elton dahil alam niyang mga ganito ang gusto ni Nanay. Napakaswerte ng Nanay ko sa pag-ibig.
“Anak, napadalhan ko na ng mensahe ang Tito Elton mo na narito na tayo,” ani Nanay at lumabas ng bahay. “Ayos ka na ba?”
Hinaplos niya ang buhok ko dahilan para masuyo akong mapangiti sa kaniya.
Umiling ako. “Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan, Nay. Huwag po kayong mag-alala at hindi tayo pababayaan nina Kuya Eli.”
Napatitig sa akin si Nanay. Bakas sa mga mata niya ang awa rin para sa akin. Naikagat ko ang ibaba kong labi at umiwas ng tingin sa kaniya. Pakiramdam ko ay mas bumibigat lang ang pakiramdam ko dahil sa awa nila sa akin.
“Anak…” Bakas sa boses ni Nanay ang pag-aalala. “Alam kong… nasasaktan ka ngayon. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin para gumaan ang loob mo pero… pasensiya na at naghihirap ka ng ganito. Dapat ay nagsasaya ka pa lamang, tinatapos ang pag-aaral mo ng walang iniisip na problema.”
Oo nga pala. Nawala sa isip ko ang pag-aaral ko! Napapikit ako nang mariin. Mukhang hindi ko matatapos ang schoolyear na ito.
“Nay…” Humugot ako ng hininga at inakay si Nanay. “Kahit anong mangyari, kayong pamilya ang dapat ay laging mauuna. Huwag na po kayong mag-alala, Nay. Ayos lang po ako. Kailangan nating magpalakas para na rin kay Kuya.”
Bumuntonghininga si Nanay at tumitig sa akin. Marahang hinaplos ng kaniyang kamay ang aking mukha.
“Kahit na maikling panahon pa lamang, noon lang kita nakitang sobrang saya dahil kay Bellisimo. Sigurado ka na ba sa desisyon mong tapusin kaagad ang kung anong mayroon kayo, Jamila? Mukhang desidido naman siyang ipaglaban ka.”
Napailing ako sa narinig. Iyon nga ang kinatakutan ko. Kung ano ang magiging kalabasan kung ipaglaban niya pa ako. Hindi ko ikaiila na natuwa akong hindi niya ako basta-bastang bibitawan, ngunit mas lalo lamang magkagugulo kung ipagpapatuloy pa namin ang relasiyon naming ito.
“Hindi talaga siguro para sa akin ang kagaya niya, Nay. Si Bellisimo, hindi mahirap sa kagaya niya ang makalimutan ang kagaya ko at magmahal ulit ng iba kaya hindi na ako nangangamba kung nasaktan ko man siya ngayon. Siguro ayos na rin iyon para makita niyang magkaibang-magkaiba ang mundo namin.” Mapait akong ngumiti kay Nanay. “Huwag na po nating pag-usapan ito, Nay. Ang mabuti pa po ay magpahinga na tayo para may sapat tayong lakas na mabisita si Kuya Jamile bukas. May laban pa tayong kahaharapin.”
Wala nang nagawa si Nanay noon kung hindi ang bumuntonghininga at pilit na ngumiti sa akin. Ayaw ko na ring pag-usapan dahil kapag pilit pang pinaalala sa akin ay baka mas lalo lang akong magkaroon ng maraming dahilan para pagsisihan na kaagad kong binitawan ang taong labis na nagpapatibok at nagpapasakit din sa aking puso.