KABANATA 29

Ilang beses akong nagpabalik-balik sa salamin habang tinitignan ang iba’t ibang damit na babagay sa akin. Nakalatag na ang napakaraming damit sa higaan ko ngunit lito pa rin ako kung ano ba ang bagay na susuotin sa dinner date namin mamaya ni Bellisimo.

“Hindi kaya magmukha naman akong manang sa isang ‘to?” bulong ko sa sarili habang hawak ang isang maong dress na medyo may kahabaan.

Wala naman kasi akong sosyaling damit dito para sa isang dinner date. Isa pa, sigurado ako na sa isang mamahalin na lugar ako dadalhin ni Bellisimo. Nakahihiya naman kung ang kasama niya ay parang alalay niya lang at hindi mukhang ka-date. Hindi naman kasi ako mahilig sa mga sosyalin na bagay at puro simpleng pananamit lang ang mayroon ako rito. Pagod akong naupo sa higaan ko at malungkot na tinignan ang mga damit sa harap ko, hindi alam ang gagawin. Hapon pa lang naman pero hindi na ako mapakali. Alas-syete ay susunduin ako rito ni Bellisimo at nakapagpaalam na rin siya kina Nanay.

Sunod-sunod na katok sa pinto ng aking kwarto ang narinig ko hudyat para mapatayo ako sa kinauupuan. Nang bumukas iyon ay kaagad kong nakita si Nanay. Nadapuan niya ng mga mata ang nasa higaan ko at kaagad na napangiti nang malapad. She giggled and looked passed her shoulder na kinakunot ng noo ko.

“Nice timing, ija. Mukhang namomroblema na siya rito,” aniya sa kung sino sa likod niya.

“Talaga, Tita? Huwag kayong mag-alala, ako ang bahala.” Narinig ko ang boses ni Bonita at kaagad akong napairap.

Maya-maya pa ay napalitan na ni Bonita si Nanay sa may pinto. Kaagad na nagpaalam si Nanay sa amin para bumalik sa kusina at gagawa raw siyang meryenda. I crossed my arms at taas ang isang kilay sa mga dala ni Bonita. May dala siyang isang pula na dress at silver stilettos! Saan naman kaya niya nakuha iyan?

“Ano ‘yan?” parang tanga kong tanong.

Nilagpasan niya ako at tinabi ang mga damit ko para maipatong ang mga dala niya sa itaas ng higaan. Nagpamewang siya sabay harap sa akin.

“Worry not, my friend. Narito na ang fairygod mother mo para tulungan ka sa problema mo,” aniya.

Natawa ako sa harap niya. Ano raw? Fairygod mother? Isang fairygod mother na nakasuot ng jersey shorts, oversized shirt, at sombrero na pabaliktad na nakasuot sa ulo niya? Hanep ‘tong fairygod mother ko, ah?

“Dami mong alam. Saan mo naman nakuha ‘yan?”

Lumapit ako sa higaan ko para suriin ang dress niyang dala. Bahagyang nagparte ang mga labi ko dahil ang sexy ng dress na dala niya! Pakiramdam ko ay makikita na ang kaluluwa ko kung susuotin iyon!

“Sa rent shop ng tita ko,” nakangisi niyang amin. “Noong sinabi mo sa akin kahapon na may dinner date kayo ni Bal ngayong gabi, kaagad kaming nag-usap ng nanay mo. Alam naman namin na wala kang mga ganitong damit. Dapat magkandarapa si Bal sa’yo mamayang gabi kaya sukatin mo na ‘to!”

Nais ko pa sanang magprotesta sa narinig dahil parang hindi ko kakayanin na magsuot ng ganoong damit, ngunit mabilis na akong tinulak ni Bonita sa banyo ng kwarto ko habang sinisiksik sa dibdib ko ang pulang dress. Sa huli ay wala na akong nagawa kung hindi pagbigyan siya. Ilang beses akong bumuntonghininga bago naghubad at sinuot iyon. Ilang beses kong hinila-hila ang laylayan at inayos ang itaas dahil off-shoulder iyon. Mahaba ang ibaba, ngunit may slit sa gilid na nagpa-expose ng right leg ko. Saktong-sakto iyon sa katawan ko ngunit uminit ang magkabilang pisngi ko dahil noon lang ulit ako nakasuot ng ganoong dress pagkatapos ng pasayaw. Kagat-labi ay dahan-dahan akong lumabas sa banyo para harapin si Bonita.

“B-Bon… iyong ibang dress ko na lang siguro ang susuotin ko, huwag na ito,” nahihiya kong saad habang hinihimas ang mga braso ko.

Pumalakpak si Bonita at kaagad na nag-thumbs-up sa akin.

“Ganda! Hindi na lilingon si Bal sa iba niyan mamaya.” Humalakhak siya sabay pamewang. “Ako na rin ang bahala sa make-up at buhok mo mamaya.”

“Marunong ka?” gulat kong ani at hindi makapaniwala siyang tinignan.

“Tuleg. I-te-text ko si Tita para ayusan ka mamayang gabi. Huwag kang mag-alala, ayos lang kay Tita na maghapunan dito bilang bayad. Nasabihan ko na ang Nanay mo kaya busy na siya sa kusina.”

Napatampal ako sa noo ko. Bakit ba mukhang mas excited pa sila sa akin? Pero para hindi masayang ang effort nila ay hindi na ako umangal pa. Para naman sa akin itong ginagawa niya kaya laking pasasalamat ko talaga.

Bumaba kami matapos kong masukat ang may kataasang stilettos na dala niya. Buti na lamang ay marunong naman akong maglakad sa mga ganoon kahit na hindi ako palasuot ng mga may heels.

“Oh, Kuya!” kaagad kong bati kay Kuya Eli na kapapasok lang sa bahay sakto na pagkababa namin ni Bonita.

Naaawa ko siyang tinignan dahil halatang pagod na pagod siya. Halos mag-iisang linggo na sa paghahanap kay Kendall at wala pa ring progreso roon. Nakasuot si Kuya ng suit and tie na usual niyang suot papuntang opisina. Sa kili-kili niya ay nakaipit ang isang netbook. Alam ko na kada tapos ng trabaho ay pumupunta pa siya sa mga Esperanza para makihingi ng update tungkol sa kababata niya.

“Oh –” Napawi ang ngiti ni Kuya Eli nang makita ang katabi kong bumaba. “Bonita…”

Kumunot ang noo ko at nagpabalik-balik ang tingin sa kanilang dalawa. Kuya Eli’s eyes softened at marahang lumapit sa amin. Ang kaibigan ko nama’y nakaiwas ng tingin, ngunit kitang-kita ko ang mga kamay niyang nakakuyom na sa magkabilang gilid.

“Ah, Kuya. Pumunta si Bon dito para pahiramin ako ng masusuot sa paglabas namin mamaya ni Bellisimo, galing daw sa shop ng tita niya,” pilit kong ani at may tipid na ngiti sa mga labi.

Nanatili ang titig ni Kuya Eli sa kaibigan ko at nang tumayo na sa harap namin ay saka lang ako tinignan. Ngumiti siya sa akin, sinalubong ako ng pagod niyang mga mata.

“Ganoon ba? Susunduin ka niya rito mamaya, hindi ba? Kauusapin ko siya bago kayo umalis,” may bahid ng kaseryosohan niyang ani bago tumingin muli sa tabi ko.

“A-Ah…” I awkwardly glanced at the both of them. “Okay, Kuya.”

“Bonita.”

Suminghap ako ng bahagya nang seryosong tawagin ni Kuya Eli si Bon. Lihim ko siyang siniko dahil nakaiwas pa rin siya ng tingin. Sa totoo lang ay medyo nagugulat ako ngayon dahil sa biglang pagtahimik niya. Usually, makita pa lang nila ni Kuya ang isa’t isa, nagpaparinigan na sila. Ngunit tila ba iba na ang atmospera ngayon sa kanilang dalawa.

“Oh.” Tila bumalik sa kasalukuyan ang kaibigan ko at noon lang tumingin sa gawi namin. “Diyan ka pala.”

Ngumisi siya kay Kuya Eli ngunit walang bahid ng humor ang mga mata ni Bon. Nag-aalala akong tumingin kay Kuya at nakita ko na tila nakikiusap ang mga mata niya. He tried reaching for Bon, ngunit buong puso na umiwas ang kaibigan ko. Kuya Eli’s eyes turned sharp, his jaw clenching.

“Let’s talk,” aniya at tinignan ako.

Tila pinapahiwatig ni Kuya Eli na umalis muna ako at may pag-uusapan muna sila. Nagdalawang-isip ako, kabado na tinignan si Bonita na noo’y nakayuko na at tahimik na nakatingin sa sahig. I felt pity for her all of a sudden ngunit sa nakikita ko ay tila kailangan talaga nilang mag-usap. A realization came to mind kaso sinantabi ko muna. Tumango ako nang marahan bago tahimik na naglakad para pumuntang kusina.

“Sa… kusina lang ako, Bon,” pabulong kong ani sa kaibigan ko na noo’y pagod akong nginitian.

Tumalikod ako at dagli nang naglakad paalis, ngunit pinangunahan pa rin ako ng kyuryosidad. Nang nasa bungad na ako ng kusina ay tahimik ko silang nilingon. I almost screamed to what I saw. Tinakpan ko ang bibig ko at lakad-takbo nang tuluyan na pumasok sa kusina. Tila ba ang mga katanungan at mga bagay na nais kong sabihin ni Bonita sa akin tungkol sa mga nangyayari sa kaniya nitong nakaraan ay kaagad nasagot.

I clearly saw it.

I clearly saw how Bonita angrily pushed my desperate stepbrother. Kung paano ang tila nainis na si Kuya Eli ay marahas na hinila si Bonita sa bewang at hinalikan ang kaibigan ko sa mga labi. Bonita struggled but melted instantly at Kuya’s embrace. Nakita ko iyong lahat! Kahit pati paggalaw ng mga labi nila.

“Oh my… shit?” bulong ko sa sarili habang hinahawakan ang nag-iinit kong mga pisngi.

I’m definitely going to tell this to Bellisimo!