KABANATA 23
Parang isang malayong panaginip pa rin ang nangyari noong gabi na iyon. Ang magkahawak naming mga kamay ni Bellisimo, ang kumukislap niyang mga ngiti, ang malumanay niyang boses na walang humpay sa pagpapaulan ng papuri sa akin, lahat ng iyon ay sariwa pa rin sa aking utak. Sobrang manhid ko na kung sabihin kong wala manlang akong naramdaman mula sa mga nangyari na iyon. I was able to take home the crown and Bellisimo was by my side all night.
Naputol ang paninitig ko sa korona na nasa study table ko nang bumukas ang pinto sa aking kwarto. Dumungaw ang ulo ni Nanay mula roon at kaagad nangiti nang magtagpo ang aming paningin. Tuluyan siyang pumasok sa aking kwarto at lumapit sa kinaroroonan ko.
“Nay…” tawag ko sa kaniya nang nasa harap ko na siya.
Ngumiti si Nanay at hinaplos ang buhok ko pagkatapos ay tumingin din siya sa korona na tinitignan ko.
“Kaya pala napatanong ka tungkol sa pag-ibig noong nakaraan, ha?” may himig ng panunukso niyang ani kaya dagling uminit ang mga pisngi ko. “Ang anak ko, dalagang-dalaga na talaga.”
“Nanay naman,” kaagad kong kontra sa tukso niya.
Natawa si Nanay nang makitang nahiya ako bigla. Humarap siya sa akin, bumuntonghininga, at hinawakan ang dalawa kong kamay. Nawala ang ngiti sa mga labi niya at ang mga mata’y nabalutan ng kakaibang pag-aalala.
“Anak, masaya ako para sa iyo. Alam kong hindi ako perpektong ina at labis akong nangamba noong iwan na tayo ng tatay niyo dahil hindi ko alam kung paano ko kayo susuportahan ng kuya mo, pero masaya akong lumaki kayo na kayang tumayo sa sarili niyong mga paa. Habang lumalaki kayo ay nakikita kong kahit ako na lamang ang narito bilang magulang niyo ay nakikita kong lumaki pa rin kayo masunurin at mabubuting mga anak. Sapat na sa akin iyon para mapanatag. Alam ko na kung saan man ang tatay niyo ngayon ay panatag na rin siya,” madamdamin niyang ani at narinig ko pang mabasag ang kaniyang boses.
Bumuntonghininga ako at niyakap si Nanay. Kahit man noong una ay tutol si Kuya sa naging desisyon niya at alam ko na kahit lumayo siya sa amin, mahal na mahal pa rin niya si Nanay. Ganoon din ako. Kagaya niya ay wala ring ibang mahalaga sa akin kung hindi ang kasiyahan ni Nanay.
“Nay, kahit kailan hindi ka nagkulang sa amin ni Kuya, kayo ni Tatay. Kaya huwag po sana kayong mag-alala dahil kahit anong mangyari, hindi ka rin namin pababayaan ni Kuya,” ani ko at nakangiting humiwalay sa yakap. “Kung saan man ngayon si Tatay, alam kong masaya rin siya para sa iyo kagaya namin ni Kuya. Lumaki kaming mabuti ay maayos ni Kuya dahil sa inyo. Isa pa, panatag na rin kami ni Kuya dahil nakikita naming masaya ka kay Tito Elton.”
Pinunasan ni Nanay ang mga luhang tumakas sa mga mata niya bagong muli ay ngumiti. I could see in her eyes how she loved his children dearly. Kahit hindi man niya sabihin, alam kong miss na miss na rin niya si Kuya Jamile.
“Kaya ikaw, kung masaya ka sa nararamdaman mo ngayon, wala akong pagtanggi anak. Suportado kita. Noong una’y may pag-aalinlangan ako sa binata na iyon kahit ang Tito Elton mo, pero nakita naman namin ang pag-iingat niya sa iyo at kinausap naman na siya ni Eli kaya kahit papaano ay napanatag na rin kami. Kung ano man ang mangyari, naandito naman kami ng Tito Elton mo para sa iyo,” aniya na nagpapanatag sa kalooban ko.
Tumango ako. “Salamat, Nay.”
“Oh siya, bihis ka na rin naman pala. Umakyat lang ako rito dahil pinapatanong ni Eli kung handa ka na raw ba. Naroon na siya sa sala at naghihintay sa iyo para makaalis na kayo.”
Nagpabalik ang sinabi sa akin ni Nanay sa kasalukuyan. Kaagad akong nag-panic at napatingin sa relo ko.
“Naku, oo nga pala. Tara, Nay, baba na tayo,” aya ko sa kaniya.
A week after ng pasayaw ay kaagad rin kaming bumalik sa eskwela, pero hindi pinalagpas ni Kuya ang pagkapanalo ko at aniya ay kailangan pa rin daw na mag-celebrate. Nang ipaalam nga rin namin kay Kuya Jamile ang balita ay tuwang-tuwa rin siya. Inaya siya ni Kuya Eli na sumama sa amin, pero aniya ay busy na raw siya sa natagpuang trabaho. Napagkasunduan nila Kuya Eli na sa isang club kami at noong una ay naging hesitante pa ako dahil kailanman ay hindi ko nakahiligan ang mga club, pero anila ay mainam na raw na ma-experience ko rin kahit minsan. Pumayag lang ako kung papayag si Kuya na isama si Bonita at pagkatapos ng mahabang usapan ay napapayag ko rin siya at ngayon ngang Sabado ay mangyayari na iyon. Siyempre, kasama ang mga barkada niya ay inaasahan nang naroon si Bellisimo kaya bahagya rin akong naging excited.
Katunayan ay kalat na hindi na lamang sa campus, kung hindi sa buong Esperanza ang kung anong mayroon sa amin ni Bellisimo. Kahit wala pa namang kami at ang katotohanan ay nanliligaw pa lamang si Bellisimo, hindi lang ang mga babae niya kung hindi pati ang ilang matatanda na’y may kaniya-kaniya na ring haka-haka. Siyempre, ang kampi ay kay Bellisimo. Anila ay hindi sila naniniwala na seryoso ang batang Ferrer sa outcast at hindi naman totoong Aldivar na si Jamila. Hindi nila matanggap na isang hamak na kagaya kong nakisasakay lang sa apelyidong Aldivar ay paglalaanan ng buong atensiyon ni Bellisimo. Sa nakikita nila’y challenge lang ako kay Bellisimo at kapag daw nahulog ako sa batang Ferrer ay magiging kagaya lang din ako sa mga nagdaang mga babae nitong naiiwang luhaan at bigo.
Siyempre, sa sarili ko ay masakit ang marinig ang mga ganoon, ngunit ang katotohanan na kami lang ni Bellisimo ang nakaaalam ay mas importante sa akin. Hindi ko sila kailangang labanan just to prove a point, I’m going to trust Bellisimo and all the things he’s doing for me. I wouldn’t deny that I am starting to develop feelings for the young Ferrer sa halos isa at kalahating buwan nang magkalapit kami. Kung ayaw pa rin nilang maniwala sa ganoon katagal knowing Bellisimo only played with a girl for less than a week ay bahala na sila.
“Bon!” tawag sabay kaway ko sa kaibigan ko nang mamataan ko siya sa labas ng club pagkababa ko sa kotse ni Kuya Eli.
I heard Kuya Eli snorted at my back kaya lihim akong natawa. Sad for him, hindi-hindi kailanman maisasama si Kendall sa lugar na ganito. Masama mang sabihin ko ito, pero mas masaya ako kapag sina Bonita at Kuya Eli ang magkasama. Kahit naman na ipakita ni Bon na mukhang ayaw na ayaw niya ring makita ngayon si Kuya, hindi niya ako mauuto. Bestfriend ko siya at kung kilalang-kilala na niya ang ikot ng bituka ko ay ganoon din ako sa kaniya.
“Akala ko mamatay na ako sa lamig kahihintay rito sa labas,” aniya at yinakap ang sarili kahit naka-jacket naman siya.
Alas-otso na rin naman ng gabi at alam ko’y magtatagal kami rito mamaya hanggang hatinggabi. Ayos lang naman sa akin dahil tinapos ko na rin kaninang umaga ang mga kailangan kong aralin para sa lunes.
“Sana pala mas binagalan ko pa ang pag-drive,” pagpaparinig ni Kuya Eli.
“Kuya,” kaagad kong pigil sabay hawak ko sa braso ni Bonita. “Huwag kayong magsimula kaagad kung hindi uuwi na lang tayo.”
Mabuti nama’y hindi na sila nagkalat pa at pumasok na kami sa loob. Nagpa-reserve na raw si Kuya ng VIP room para sa amin sa itaas at alam kong naroon na rin si Bellisimo dahil ka-text ko siya kanina noong nasa daan kami ni Kuya. Ngunit nang makaakyat at makita sila, ang kanina kong sigla ay kaagad nalusaw at napalitan ng simangot ang aking mga ngiti.
Hindi ko alam kung bakit nakikita ko rin si Sammy sa loob at pilit na sumisiksik kay Bellisimo kahit mukhang pilit siyang nilalayuan ng isa. Mukhang hindi magiging maganda itong celebration ko.