Chapter 28
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakaluhod sa tapat ng pinto nila Lala. Pero hindi ako umalis doon habang umiiyak at nagmamakawa sa kanila. Hindi pa sana ako aalis doon kung hindi lang nanginig na ang mga hita ko at sapilitan na akong binuhat ni Bruno. Inupo niya ako sa may waiting area malapit sa nurse station sa itaas. Pero kahit naroon na ako ay hindi pa rin ako tumigil sa pag-iyak.
Sobrang sakit! Lalo akong nanlumo noong malaman ko sa mga nurse na grabe pala ang sinapit ni Lana. Mula noong dinala siya rito sa ospital ay hindi pa rin ito nagsasalita. Tulala lang siya palagi at umiiyak. Minsan daw ay bigla na lamang ito humahagulhol na lang at nagmamakaawang h'wag lalapitan. Hindi rin daw ito mahawakan minsan dahil nagwawlaa at nanginginig sa takot. Diyos ko! Kawawa naman ang kaibigan ko. Napakasakit na dinadanas ito ngayon ni Lana. Hindi ko ginusto ang nangyari pero tama naman si Tita. Kung siguro ay hindi ako umalis noon ay hindi ito mangyayari sa kaniya. Napaka laking pagsisisi ko ngayon. Diyos ko!
“Ma'am. May pupuntahan ka pa ba? May oras pa tayo,” ani Bruno na nakatayo lang sa may gilid ko.
Nagpunas ako ng luha at tiningnan siya mang masama. “Masaya ka na? Nakita mo kung ano ang ginawa ng amo mo sa mga kaibigan ko? Ano? Patuloy kang susundin ang mga utos niya kahit alam mong ang sama-sama niyang tao?!” galit na tanong ko. Alam ko na hindi siya si Rodrigo. Pero sigurado ako na parehas lang silang masama.
Sandaling nag-iwas ng tingin si Bruno. “Mas maigi siguro kung uuwi na tayo,” aniya at akmang bubuhatin ako. Pero agad kong itinulak ang mga kamay niya at tumayo. Gumewang pa ako nang kaunti pero nahawakan niya ang braso ko. Tinanggal ko naman agad iyon at tiningnan siya nang masama.
“Kaya kong maglakad!” inis na sabi ko at humakbang na.
“Jane?”
Napatigil ako noong marinig ko ang pamilyar na boses. Agad akong lumingon sa gilid at doon ko nakita ang isang babaeng nakatayo. Nasa may nurse station siya at mukhang kinakausap ang isang nurse doon. Nanlaki ang mga mata ko at biglang bumilis ang tibok ng puso ko.
“M-Ma?”
“Jane! Diyos ko, anak!”
Biglang tumakbo si Mama papalapit sa akin at niyakap ako. Hindi ako nakagalaw agad dahil sa gulat na nakita ko siya rito. Ano ang ginagawa niya rito? Bakit siya nandito?
Suminghot-singhot si Mama at kumalas sa akin. Sinapo niya ang pisngi ko at tinitigan ako nang mariin.
“Diyos ko, anak… B-Bakit hindi mo sinabi? Bakit hindi ka tumawag?” umiiyak na tanong ni Mama.
“A-Ano po ang–”
“Alam ko na, Jane. Napaka hayop niya!” galit na sabi ni Mama.
Lalo akong nataranta. Paglingon ko kay Bruno ay seryosong nakatitig siya kay Mama. Hindi pwede! Agad kong hinawakan ang braso ni Mama. Tiningnan ko si Bruno.
“H'wag mo kaming susundan,” utos ko sa kaniya.
“Hindi pwede–”
Hindi ko na pinatapos pa si Bruno at hinila na si Mama papunta sa pinaka dulo ng pasilyo kung saan wala masyadong tao. Nakita kong sumunod si Bruno sa amin pero hindi siya lumapit kaya bahagya akong napanatag.
“Bakit ka pumunta rito, Ma? Umuwi ka na.”
Nangunot ang noo ni Mama. “Pumunta ako rito para sunduin ka, anak. Uuwi na tayo sa Cavite. Sino ba ang lalakeng 'yon? Tauhan ba niya 'yon?”
Napalunok ako. “A-Alam mo ang tungkol kay Rodrigo?”
Pinandilatan ako ni Mama. “Oo! At wala ka talagang balak na sabihin sa akin, ha? Kung hindi pa sinabi sa akin ni Lilia ang nangyari kay Lana ay hindi ko ito malalaman? Ano ba ang nangyayari sa 'yo, Jane? Bakit niya 'to ginagawa sa 'yo?!” puno ng pag-aalalang sabi ni Mama.
Napaluha na ako. Agad akong yumakap kay Mama at umiyak nang umiyak. Niyakap din ako ni Mama at himagod ang likod. Gusto kong magsumbong sa kaniya. Gusto kong sabihin ang lahat ng kasamaang ginawa ni Rodrigo sa akin. Pero alam kong walang magandang maidudulot iyon.
Kumalas ako kay Mama at nagpunas ng mga luha. “M-Ma. Umalis ka na, okay? O-Okay lang ako. Hindi mo ako kailangang isipin pa.”
Agad na nagsalubong ang kilay ni Mama. “Anong hindi kailangan isipin, Jane? Naririnig mo ba ang sarili mo? Alam mo bang kahapon pa ako nandito pero hindi kita mahanap! Sobrang nag-aalala ako sa 'yo, Jane!” Hinawakan niya ako sa braso. “Halika na. Ngayon din ay uuwi tayong Cavite.”
Napaiyak ako lalo. Alam ko na hindi papayag si Mama na hindi ako sumama sa kaniya. Hinila niya ako pero agad din siyang tumigil dahil nakaharang na sa amin si Bruno.
“Pasensya na ho pero kailangan na naming bumalik,” magalang na sabi ni Bruno.
“Ano? Sino ka ba? Hindi ko hahayaan na sumama sa ‘yo ang anak ko!” protesta ni Mama.
Tiningnan ako ni Bruno. Seryoso niya akong tiningnan na para bang may ibig sabihin.
Humigpit ang hawak ni Mama sa braso ko. “Padaanin mo kami! Guard!” sigaw ni Mama.
Nakita ko na napatingin na sa amin ang mga nurse sa may istasyon nila. Dahil sa sobrang tahimik din ng paligid ay umalingawngaw ang malakas na boses ni Mama.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagsalita. Gusto ko siyang tumigil at paalisin na lamang. Pero may parte sa akin na gusto kong sumama sa kaniya. Gusto ko nang lumayo rito at makatakas kay Rodrigo. Ayaw ko nang bumalik pa sa piling niya at mas lalong maghirap.
Pero alam ko rin na matinding kabaliwan kung gagawin ko iyon. Lalo akong napahagulhol habang inaalala ang nangyari kila Lana. Ikamamatay ko kung pati sa nanay ko ay gagawin iyon ni Rodrigo nang dahil sa akin.
“Jane,” tawag na ni Bruno sa akin. Seryoso pa rin siyang nakatingin sa akin na para bang binabantaan ako dahil kay Mama.
Huminga ako nang malalim at marahang hinila si Mama at niyakap.
“M-Ma. Please. Umalis ka na po. H-Hindi ko kaya kung pati ikaw ay sasaktan niya. Please…” mahinang pakiusap ko. Sinubukang tanggalin ni Mama ang pagkakayakap ko pero hindi ko siya hinayaan. Ayaw kong makita ang nakikiusap niyang mga mata. Ang matindi niyang pag-aalala. Dahil sigurado ako na mas gugustuhin ko na lang sumama sa kaniya kalaunan.
“Ano ba, Jane? Sasama ka sa akin! Ako ang bahala sa 'yo! Hihingi tayo ng tulong!”
Umiling-iling ako at dahan-dahan nang kumalas sa kaniya. “H-H'wag na, Ma. Okay lang ako. Kaya ko ang sarili ko. M-Mas mapapanatag ako kung malayo kayo rito. Please, ma?” pakiusap ko.
Matagal akong tinitigan ni Mama. Hanggang siya ay lumuha na rin. “Hindi mo dapat ito nararanasan, anak. Diyos ko… Hindi kita pinalaki para pahirapan ng taong ‘yon!”
Umiling ako. “Please, ma. Umalis ka na. Hindi ko kakayanin, ma. Hindi ko kaya kung pati kayo. Please!”
Ilang sandali akong tinitigan ni Mama. Nagpunas siya ng luha at umiling. “Hindi. Hintayin mo ako, anak. Susunduin kita sa kaniya. Tutulungan kita, okay? Maghahanap tayo ng tulong.”
Marahan akong tumango kahit alam kong imposible ang sinasabi ni Mama. Kahit ano ang gawin namin ay hindi na ako makakawala sa kamay ni Rodrigo.
Niyakap ako ni Mama sa huling sandali. Lalong bumigat ang pakiramdam ko dahil sa isiping iyon. Ito na ang huling beses na makikita ko si Mama. Ang sakit isipin na kailangan ko silang layuan lahat. Pero kung ito ang nararapat ay ito ang gagawin ko para lang maging ligtas sila mula kay Rodrigo.