Chapter 27: Jane
Ang balita ko ay nasa ospital pa rin daw sila Lana kaya roon ako dumeretso. Hindi mawala-wala ang kaba ko mula noong umalis kami ng mansyon. Awang-awa ako sa sinapit nila lalong-lalo na kay Lana.
Kagaya ng sabi ni Rodrigo ay mayroon akong kasama na tauhan. Siya ngayon ang nagmamaneho ng sinasakyan ko. Siguro ay hindi siya nalalayo sa edad ni Rodrigo. Bata pa pero hindi ko kinakausap. Lahat ng mga taong nalalapit kay Rodrigo ay masasama rin. Sigurado ako kung uutusan ito ni Rodrigo na patayin ako ay hindi ito magdadalawang-isip na gawin iyon. Gano’n sila kahalang ang mga kaluluwa.
Tahimik lang ako sa kotse at pilit na nilibang ang sarili sa mga nadadaanan namin. Grabe… Parang ang tagal kong hindi nakalabas gayong halos isang araw lang naman ako nakulong sa bahay na iyon. Na miss ko agad na pumasok sa eskwelahan namin. Hindi pwede na ganito ako habang-buhay. Kailangan kong makaisip paano ako makakalayo kay Rodrigo nang walang mapapahamak sa mga mahal ko sa buhay. Binibigyan niya nga ako ng karangyaan pero kapalit niyon ang pambababoy niya sa akin. Napahawak ako sa kwintas na nakasukbit sa leeg ko. Kahit na ano ang mangyari ay hindi ko ito ibibigay sa kaniya.
Hindi nagtagal ay narating na namin ang ospital kung nasaan sila Lana. Nasa city pa ‘yon at ilang barangay ang layo sa amin kaya nakatulog pa ako sa kotse. Ginising na lang ako ng tauhan ni Rodrigo.
“Sumunod po kayo sa akin,” magalang na sabi nito.
“Sasamahan mo ako?” nagtatakang tanong ko.
Deretsong tumingin siya sa akin. “Opo. Iyon ang bilin ni Gov.”
Napailing ako. Paano ako tatakas kay Rodrigo kung ganito namang lahat ng galaw ko sa labas ay mayroon siyang mata?
“Ano’ng pangalan mo?”
Nagtatakang tiningnan niya ako. “Bruno ho.”
“Bruno?” pag-uulit ko. Tumango siya. Huminga ako nang malalim. “Bruno. Alam ko na sinabihan ka ng amo mo. Pero h’wag kang magpapakita sa mga kaibigan ko, pwede ba?”
“Improsible ho ang sinasabi niyo, Ma’am.”
“Hindi mo ba alam ang ginawa ng amo mo sa kaibigan ko?” Bahagyang tumaas ang boses ko. Napatingin siya sa gilid namin kaya tumingin din ako roon. Doon ko lang nakita na may mga nakatingin na rin sa amin. Pilit kong kinalma ang sarili ko. “Bahala ka kung paano mo gagawin ang trabaho mo. Pero gusto kong makita ng ako lang ang mga kaibigan ko,” aniko at naglakad na papasok ng ospital. Ni hindi ko na siya tiningnan pa dahil alam ko na susunod naman siya sa akin.
Malakas ang kabog ng dibdib na nagmamadali akong naglalakad papunta sa nurse station. Hinanap ko agad sa mga ito kung saan ang kwarto nila Lana. Agad naman nasabi ng mga ito sa akin kung saan dahil nasa VIP room pala silang dalawa. Doon pala sila nilagay nila Rodrigo.
Agad akong nagpunta sa fifth floor kung nasaan ang VIP rooms. Mga hospital room iyon na pang isahan lamang na mga pasyente at madalas mga may kaya ang napupunta roon. Ano kaya ang gustong palabasin ni Rodrigo? Magpasalamat pa kami na sa magandang kwarto niya dinala ang mga kaibigan ko? Kahit na ano ang gawin niya ay hindi niyon mawawala ang kasamaang ginawa niya sa mga kaibigan ko!
Walang elevator sa ospital at ginagawa pa lang kaya sa isang malaking hagdan kami naglakad. Halos tatluhin ko na ang hakbang ko sa mga baitang para lang makarating agad sa itaas. Hassle pa itong sandals na ibinigay sa akin ng yaya ni Rodrigo. Tatlong dangkal ang taas niyon kaso hindi ako sanay talaga sa ganitong suotin. Kahit ang bestida ay hapit na hapit sa akin at hanggang sa itaas ng tuhod ko. Hindi tuloy ako makabuka nang maayos. Dahil sa pagmamadali ko ay muntik na akong matumba noong nasa ikalawang hagdan na kami. Mabuti na lang at nakakapit ako agad sa railings at mayroong humawak sa baywang ko.
“Magdahan-dahan po kayo, ma’am.”
Napatingin ako kay Bruno. Agad na nagsalubong ang kilay ko at mabilis na tumayo nang maayos. Tiningnan ko lang siya nang masama saka naglakad na ulit. Lahat sila ay masasama. Hindi ako pwedeng magtiwala sa kaniya dahil magalang siya sa aking magsalita. Baka nga isa siya sa mga gumahasa kay Lana. Mga hayop!
Hingal na ako noong makarating kami sa pinaka itaas na palapad. Tumigil muna ako saglit at hinubad na ang sandals ko. Kukuhain ko sana iyon pero bigla akong inunahan ni Bruno.
“Nananakit na ho ba ang paa niyo? Pwede ko naman kayo buhatin hanggang sa kwarto.”
Umakro ang kilay ko. “Nababaliw ka na ba?” inis na sabi ko at inirapan siya. Mukhang hindi lang si Rodrigo ang baliw sa mga ito.
“Alam kong wala kayong tiwala sa akin, ma’am. Pero iba ho ako. H’wag kayong mag-alala.”
Napatigil ulit ako sa paglalakad at nilingon siya. Matipid ang ngiti niya habang nakatingin sa akin. Kung hindi ko siguro alam na tauhan siya ni Rodrigo ay maniniwala ako sa sinasabi niya. Pero hindi. Improsible ang kaniyang sinasabi. Pare-parehas silang mga halang ang kaluluwa! Hindi na lamang ako nagsalita at naglakad ng nakayapak papunta sa kwarto nila Lana. Una kong nakita ang silid ni Lawrence. Kumatok ako at binuksan ang pinto.
“Lawrence!” tawag ko agad kay Lawrence na nakahiga sa kama. Wala siyang kasama sa loob pero siya ay gising. Nasapo ko ang bibig ko noong makita kong puno siya ng benda sa katawan. Maging ang kaniyang paa ay mayroong nakapulupot na puting tela.
“J-Jane? I-Ikaw ba ‘y-yan?” nahihirapan niyang tanong.
Ni hindi siya makalingon sa akin. Napaluha na ako at unti-unting naglakad palapit sa kaniya. Tumango ako at humawak sa kamay niya.
“Ako ‘to, Lawrence. Si Jane.”
Pumikit ang mga mata ni Lawrence. Noong muli itong nagmulat ay nakatingin na siya sa akin. Lalo akong napaiyak nang makita ko ang paghihirap sa kaniyang mukha.
“A-Ano ang ginagawa m-mo rito?”
“I’m sorry. Sorry. Patawarin mo ako at pati kayo nadamay.”
Marahang umiling si Larence. “W-Wala kang kasalanan, Jane. P-Pero bakit narito ka? Hindi b-ba dapat wala ka r-rito?”
Umiling-iling ako. “Hindi ko kayo kayang pabayaan. Sorry, Lawrence.”
Huminga nang malalim si Lawrence at tumingin sa kisame. “Jane… Handa akong m-mamatay makaligtas ka lang. S-Sana hindi ka na b-bumalik.”
Napahagulhol na ako. Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko para gawin niya ito sa akin. Napakabuti ni Lawrence. Habang-buhay akong magkakaroon ng utang na loob sa kaniya. Ilang sandali akong nagtagal sa kwarto niya bago ako nagpaalam para puntahan naman si Lana. Hindi pa raw niya nakikita si Lana kaya hindi niya alam kung kumusta na ito. Inayos ko muna ang sarili ko bago ako lumabas ng kwarto. Kagaya ng inaasahan ko ay naroon si Bruno at nakatayo lamang sa tabi ng pinto. Hindi ko na siya pinansin at deretsong nagpunta sa tapat ng kwarto ni Lana. Huminga muna ako nang malalim bago ako kumatok. Dahan-dahan ko iyong pinihit at pumasok ako sa loob.
“Sino- Jane?”
Napatigil ako sa may pinto noong makita ko ang nanay ni Lana. “T-Tita…” Napatingin ako sa may kama. Parang dinurog ang puso ko noong makita ko si Lana na tulalang nakatitig sa kisame. Walang kabuhay-buhay ang kaniyang mga mata. Mayroon siyang mga benda sa may braso at sa ulo. Napaluha ulit ako. Lalapitan ko sana siya pero bigla akong hinarang ni Tita.
“Jane. H’wag na.”
Napakunot ang noo ko. “P-Pero gusto ko pong makausap si Lana, Tita.”
“Hindi ka namin kailangan. Kasalanan mo kung bakit nangyari ‘to sa anak ko kaya pwede ba? Umalis ka na lang?” mahina ngunit may riing sabi niya.
Natigilan ako noong makita ko ang matinding galit sa mga mata ni Tita. “H-Hindi ko po ginusto ang n-nangyari–”
Hindi ko natuloy ang sasabihin ko dahil bigla akong hinawakan ni Tita sa braso at hinila palabas ng kwarto. Lumabas din siya at sinara ang pinto ng silid. Galit na galit na tiningnan niya ako.
“Wala akong pakealam, Jane! Pero h’wag mo nang bigyan pa ng kamalasan ang anak ko! Umalis ka na rito!”
Umiling-iling ako. “S-Sorry, Tita. Sorry po. P-Patawarin niyo po ako!” umiiyak na sabi ko. Sinubukan ko siyang hawakan sa kamay pero malakas na iwinaksi niya iyon.
“Umalis ka na rito! Bumalik ka na sa demonyong lalakeng iyon! Mula ngayon ay ayaw na ayaw ko nang makikita pa kitang umaaligid sa anak ko, ha? Tantanan mo na siya!” galit na sabi niya at muling pumasok na sa loob.
Biglang nanghina ang mga tuhod ko. Mabuti na lang at may humawak sa braso ko. Napahagulhol ako at dahan-dahang lumuhod sa tapat ng pinto.
“P-Patawad, Lana! Patawarin mo ako! Sorry!” hagulhol ko. Alam kong kahit na anong patawad ko ay hindi na iyon maibabalik pa ang nawala kay Lana. Pero habang-buhay akong hihingi ng tawad sa kanila. Kasalanan ko ang lahat! Diyos ko! Ako na lang ang parusahan mo!