Chapter Twenty-five
Tan’s Distress
Mabilis na iniharang ni Tan ang kanang kamay sa pagitan ng pinto ng elevator para pigilin iyon sa pagsasara. Nang muli iyong bumukas, tumambad sa kanya si Elaine na nakasalampak ng upo sa loob—naghahabol ng hininga.
“Elaine…”
Kahit tila trapped sa sariling mundo, tumingin ito sa kanya. Her troubled and alert gaze darted at him. Bagaman tila tagos-tagusan ang alertong tingin, nakaguhit sa mga mata ni Elaine ang emosyong kapareho ng nakita niya sa mga mata nito sa Benguet.
Takot.
Na para bang may isang taong aatake o umatake rito. His throat tightened.
“Stay with me, Elaine. Those flashbacks weren’t real. You can get through it,” he said. His voice calm and soothing.
Tumulo ang luha sa mga mata ni Elaine. Napasunod ang tingin niya sa kamay nito nang humawak ito sa leeg. Hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang mga daliring nag-iwan ng marka sa makinis at maputi nitong balat. As if someone tried to strangle her just a while ago.
He clenched his fist.
“K-kailangan ko ng pera…” Elaine whispered.
To his distress, she still sounded lost. Her voice breaking. Her body trembling.
“Para hindi nila ‘ko saktan. Para hindi nila kami saktan. Kasalanan ko… Ang baby namin ni Tan, hindi nila puwedeng saktan…” Sinapo nito ang pipis na tiyan, sunod-sunod pa rin ang pagtulo ng mga luha.
Itinulos si Tan nang husto sa kinatatayuan. His throat was too tight to say anything pero sa kagustuhang mabawasan kahit paano ang matinding paghihirap at sakit na alam niyang nararamdaman ni Elaine, he managed to utter,
“Wala kang kasalanan. Hindi mo kasalanan.”
Kahit pakiramdam niya ay may daan-daang punyal na sunod-sunod na bumaon sa kanyang dibdib.
Nahatak si Elaine pabalik sa kasalukuyan mula sa sunod-sunod na flashbacks nang marinig ang basag na boses ni Tan kanina.
After the episode that lasted far longer than she thought it would, she was startled to find Tan staring at her. Lumipas ang ilang segundong katahimikan na magkahinang lang ang kanilang mga mata.
Elaine could hear her pounding heartbeat. Wala siyang mahagilap na mga salita. Tan was equally silent. Pain, regret, and agony were visible in his dark eyes.
Alam na ni Tan ang tungkol sa sakit niya. Ang tungkol sa anak nila. Ang hindi nito alam ay kung ano ang nangyari pagkatapos niya itong iwan noon. At kung ano ang totoong rason sa likod ng lahat ng iyon.
Walang tanong na lumabas sa bibig ni Tan kahit hanggang huminto ang elevator sa ground floor at magbukas ang pinto niyon doon.
Elaine knew Tan wanted to ask her but he could not drive himself to. Magiging masakit para dito oras na makumpirma ang totoo. Everything would be hard for him to accept. Naglihim siya rito nang napakahabang panahon.
“Umuwi na tayo,” Tan managed to say.
She dropped her gaze. She felt shameful, guilty, and awful. He had all the right, pero hindi na naman nito magawang magalit.
This was the Tan she knew. Ang totoong Tan na minahal niya noon at hanggang ngayon. Hindi ang Tan na pinipilit lang tigasan ang puso.
For her, he was the epitome of gentleness. Kind, calm, and understanding. Wala itong ibang inisip noon kundi ang kapakanan at nararamdaman niya. Pero noon at hanggang ngayon, wala siyang ibang isinukli rito kundi pasakit at sama ng loob.
She never trusted him kaya umabot sila sa ganito.
“G-gusto ko munang mapag-isa. Please…” Iyon ang lumabas sa bibig niya.
Pinahid ni Elaine ang luha sa magkabilang pisngi bago dinampot ang handbag sa lapag, saka mabilis na humakbang palabas ng elevator.
Mabigat ang mga paang lumabas si Tan ng elevator. Abot-kamay na niya si Elaine but all he could do was to just keep staring. Kailangan niyang ipako ang sarili sa kinatatayuan kahit gustong-gusto niya itong lapitan para yakapin nang mahigpit. Alam niyang siya ang kahuli-hulihang tao na gugustuhin nitong makita pagkatapos ng atake.
They had a baby. Malinaw iyong sinabi ni Elaine. Nasaan ang anak nila? Bakit inilihim ni Elaine ang katotohanan na alam nitong sobrang importante sa kanya? Who tried to harm her and their child? Bakit kailangan nito ng pera para proteksiyunan ang sarili? Where had she been for the last three years?
Napakaraming tanong but Tan could not force her into talking. Kailangan niyang hintayin hanggang sa maging handa ito na sabihin sa kanya. Iyon ang payo sa kanya ng kaibigang psychologist nang mag-inquire siya tungkol sa PTSD at panic attacks.
Pero ang tanong, handa na ba siyang malaman kung ano ang nangyari mahigit tatlong taon na ang nakararaan?
Tan felt regretful and guilt was creeping in his heart. Had only he known that everything would turn out this way, sana hindi siya pumayag sa annulment. Sana hanggang sa huli, kahit sobra nang sakit, kumapit pa rin siya sa kamay ni Elaine.
September 21, 2017
Dumilat si Tan. Ikinurap-kurap ang mga mata hanggang sa mag-adjust iyon sa liwanag na sumisilaw sa kanya. Sinalubong siya ng puting kisame, puting dingding, ng kumikirot na ulo, at ng hindi niya matukoy na parte ng kanyang katawan na nananakit.
Hindi niya magawang igalaw ang mga hita at binti, pakiramdam niya ay may nakadagan doon na tila mabigat na bagay. Ang huli niyang natatandaan, mabilis siyang sumakay sa kanyang kotse nang matanggap ang tawag ni Mang Chito.
“Ang asawa mo, puntahan mo siya, Tan. Kung gusto mo pa siyang makita, pigilan mo siya sa gagawin niya…”
Naputol na ang tawag. Halos paliparin ni Tan ang sasakyan makarating lang agad sa bistro. Hindi niya napansin ang kasalubong na delivery truck pagliko niya sa service road. Bago siya sumalpok sa dambuhalang sasakyan, nagawa niyang kabigin ang manibela pakanan. Inararo ng kotse niya ang hilera ng traffic cones bago siya sumadsad sa center island.
He remembered trying to call Elaine’s phone number bago siya tuluyang nawalan ng malay. He could not make it. But he needed to check on her, kailangan niyang masigurong okay ito bago ang sarili. He groaned nang sumigid ang kirot sa bandang balakang niya nang magtangka siyang bumangon.
But… he could not feel his legs.
Lumipad ang tingin niya sa paang natatakpan ng kumot. Kumabog ang dibdib niya. Mabilis na inalis ang linen para i-expose sa mga mata ang nakasementong mga paa.
He gasped.
Narinig niya ang pagdating ng doktor. Ang mahinang pag-uusap ng mga tao sa paligid. He could hear his father’s voice. Ang nag-aalalang boses ng kanyang mama. His parents flew back to the Philippines mula Italya dahil sa kanya.
Pero ang malambing o kahit ang pasinghal na boses ni Elaine… bakit wala?
“Usually, it takes six months to one year to fully recover, Mr. De Marco. I’m suggesting physical therapy and intervention para i-treat ang musculoskeletal injuries ng anak n’yo.”
Tan closed his eyes. He was right. Bumaba ang tingin niya sa mga paa. Bakit kailangang ngayon pa ito mangyari sa kanya?
“He’s going to be fine, hindi ba, Doc? Makakalakad siya uli?”
“Your son is young and healthy, Mrs. De Marco. Pero ang bilis ng recovery niya, nakasalalay mismo sa kanya at sa tulong na rin ng mga taong malapit sa kanya.”
Wala na halos maintindihan pa si Tan. He would do the therapy if that was what’s needed for him to be able to walk again. Pero sa ngayon, gusto niyang malaman kung ano ang nangyari kay Elaine. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi nakukumpirmang okay ang asawa.
“‘Pa…” tawag niya.
Napalingon sa kanya ang tatlong nasa living room area ng suite.
“He’s awake,” sambit ng kanyang papa. Iginiya nito ang mama niya palapit sa kinahihigaan niya. Sumunod ang doktor.
“Thank God. Kumusta ang pakiramdam mo? Tatlong araw kang walang malay, anak. Pinag-alala mo kami ng papa mo,” anas ng kanyang mama, nakaguhit ang relief sa maamong mukha.
Three days. Kinabahan si Tan. Ganoon siya katagal nakatulog. Ano ang nangyari kay Elaine? Nasaan ito?
Nanunuyo ang lalamunan niya pero sa halip na humingi ng tubig… “My wife… Where is she?” sa malat na boses ay tanong niya.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Sabay na umilap ang mga mata.
“I… I already called her the other day,” sabi ni Mrs. De Marco.
Hinintay ni Tan ang sunod na sasabihin ng kanyang mama pero wala na itong idinugtong.“Are you sure she’s fine?” tanong niya.
“Why would she not be, hijo?” tanong ng mama niya. Hinawakan ang palad niya. “Nakausap ko si Drew mismo, natutulog ang asawa mo no’ng tumawag ako. Hindi ko na pinaistorbo.”
Relief flooded his handsome face. At least she was safe. Iyon lang naman ang importante.
“Why don’t you rest first, hijo? Ipapagising kita ‘pag dumating si Elaine.”
Lumipas ang dalawang araw. Kahit tawag man lang, walang natanggap si Tan mula sa asawa.
Binuksan niya ang TV nang makaramdam ng boredom. Kakatapos lang niyang makausap si Sean sa Messenger. Naka-schedule na sa susunod na linggo ang taunang pag-uwi nito sa Pilipinas.
Napatingin si Tan sa pinto ng private room nang makarinig ng katok. Bumilis ang tibok ng puso niya nang bumukas ang pinto. Pero imbes na si Elaine, si Janine na may bitbit na basket ng prutas at bouquet ng bulaklak ang nakangiting iniluwa niyon.
He forced himself to smile nang makalapit sa kanya ang doktora.
“You got me worried. How are you feeling?”
Lumipas ang mga araw. Sa halip na ang asawa, si Janine ang halos araw-araw na bumibisita sa kanya.
Tan patiently waited for Elaine to visit him. Tatlo, apat, limang araw. Hanggang ang mga araw, naging isa… Dalawang linggo…
How many times he tried calling Drew, Tan had lost count already. Out of coverage area ang sagot sa kanya ng telephone operator tuwing sinusubukan itong tawagan.
Gusto niyang makita si Elaine. He badly missed her pero hindi niya ito mapuntahan o makita dahil sa kalagayan.
Ang boses ng asawa, ang presensiya at ngiti nito, iyon lang ang kailangan niya and he would be fine. Hindi na niya maiisip ang pinagdaraanan.
The next day, Tan was estatic nang makatanggap ng tawag mula kay Elaine.
“I’ve been waiting for your call.”
Narinig niya ang mahina at bored na buntong-hininga nito sa kabilang linya. “Hindi rason ang aksidente mo para hindi ituloy ang annulment, Tan. Seryoso ako nang sabihin kong hindi na kita mahal.”
“Please, Tan. Don’t think of anything else anymore. Focus on your health. Ituloy mo ang therapy. Kawawa sina Tito at Tita. Nag-aalala sila sa ‘yo. Don’t you miss your patients? They missed you,” sabi ni Janine. Bahagya pa nitong sinulyapan ang “get well soon” messages and gifts na ipinatong nito sa side table. Araw-araw ay may dalang sulat, bulaklak, at regalo ang dalaga galing sa mga codoctors, nurses, at pasyente niya sa ospital.
But the gifts and letters, no matter how thoughtful and sincere the content were, they seemed not to push through to his empty heart. Iisang tao lang ang kailangan niya para mapunan ang hungkag sa kanyang puso.
Ang kanyang asawa.
Patuloy na nagsasalita si Janine. Almost begging him to come to his senses. He wanted to tell her to get lost and leave him alone pero kahit ang mga salitang iyon na lang, kinatamaran pang sambitin. Ang pagod at lungkot at sakit na naipon sa dibdib mula nang unti-unting magbago ang pakikitungo ni Elaine, unti-unting lumulukob sa pagkatao niya.
Every time he thought of certain reasons why he was unhappy and in pain, iisang dahilan at iisang pangalan lang ang isinasagot sa kanya ng isip. Si Elaine.
Pero kahit si Elaine ang rason ng lahat ng nararanasang sakit, losing her was like losing his everything. He could not imagine how to start living a life without the person he couldn’t live without.
Pakiramdam niya, gumigising na lang siya sa umaga at humihinga dahil buhay siya. Wala nang purpose.
Naupo si Janine sa silyang nakapuwesto sa gilid ng hospital bed. Hinawakan nito ang kanyang kamay.
“Tan, please. Don’t do this to your parents. Nag-aalala nang husto sa ‘yo sina Tito Chase.”
Bumukas ang pinto ng suite. Napalingon doon si Janine. At si Tan na kinailangan pang kumurap nang ilang beses para masigurong hindi siya dinadaya ng paningin.
His chest constricted at the sight of the woman who never once left his mind. Her presence filled his heart with yearning na hindi niya alam kung paano i-satisfy. He swallowed the lump in his throat. A look of longing crossed his face. Kinailangan niyang pigilin ang pagsungaw ng luha sa gilid ng mga mata.
At last she came…
Pero higit kanino man, siya ang nakakaalam kung ano ang totoong sadya nito.