Chapter Twenty-one

Jealous

It was four o’clock in the afternoon nang marating nila ang Ranger’s Station. Kagaya ng una, ang Vizcaya trail ang daang pinili nina Danielle. Pagkatapos magbigay ng tip para sa tour guide, nilapitan siya ni Tan.

“Malapit lang ang presinto dito. Sasamahan kitang magpa-blotter at mag-file ng complaint laban kay Richard bago tayo umuwi.”

“W-wala akong planong magsampa ng reklamo,” sagot niya.

Kumunot ang noo ni Tan. “Pagkatapos ng ginawa ng lalaking iyon sa ‘yo… Muntik ka nang…”

Natigilan si Elaine. She raised her eyes at him, studied him nervously. Nakita ba nito nang atakehin siya ng panic kagabi? Hindi niya maalala. At kagabi pa siya hindi mapakali. Disoriented siya. Ni hindi niya alam kung ilang minuto tumagal ang episode bago tumigil.

“There were witnesses…” sabi ni Tan. Parang nababasa ang tanong sa isip niya. “That asshole assaulted and harassed you. He deserved to be in jail pero ayaw mo siyang ipakulong?” nakakunot ang noong tanong nito.

Nag-iwas siya ng tingin. Paano ba niya ie-explain? “A-ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kapag nalaman nilang… Ayoko lang makaladkad ang pangalan mo.”

“Hindi ko matandaan na nagkaroon ako ng pakialam sa sasabihin ng ibang tao, Elaine,” malumanay pero may diin ang tono na sabi ni Tan. “Hindi mo kailangang mag-alala, kumpara sa kapatid ko, hindi ako kilala. Get in the car.”

Pinindot ni Tan ang car key fob para i-unlock ang kotse. Nilingon siya nito nang hindi siya tuminag sa kinatatayuan.

“B-birthday ni Danielle at kaibigan niya si Richard. W-wala namang masamang nangyari. Okay lang ako. Nabigla lang ako kagabi.”

Hindi ito sumagot. May ilang sandali siyang pinagmasdan bago humugot at nagbuga ng hininga. “Sumakay ka muna. Malamig dito sa labas.” Pinagbuksan siya ng pinto at sumunod naman siya sa utos nito.

Bumaha ang katahimikan nang pareho na silang nakapuwesto sa loob. Mayamaya lang, in-start na ni Tan ang makina ng kotse.

“May meeting ka nga pala bukas. Kailangan mong makabalik nang maaga. Baka parating na rin sina Danielle. Sa Ranger’s Station ko na lang sila hihintayin.”

Nahigit niya ang hininga nang dumukwang si Tan para pigilan ang kamay niya na buksan ang pinto. Kulang na lang ay ibaon niya ang likod sa sandalan ng kinauupuan nang lingunin siya nito.

“Iisang bahay lang ang inuuwian natin. Sa akin ka sasabay pauwi,” sabi nito.

Pinigilan ni Elaine na mapalunok nang maramdaman ang mainit na hininga ni Tan sa kanyang pisngi. Umaakyat ang dugo niya sa ulo at kumakalat sa buong mukha.

“H-hindi na ba natin hihintayin sina Danielle? Baka hanapin niya tayo,” tanong niya nang tumuwid sa pagkakaupo si Tan at nag-umpisang paandarin ang kotse.

“Baka makapatay ako kung hihintayin pa natin sila,” nakatiim-bagang na sabi nito. “Rest. Mahaba ang biyahe.”

Alas-onse na ng gabi nang makarating sila sa bahay. Nagpatiuna na si Elaine sa pagpasok sa loob habang nilo-lock ni Tan ang gate. Dumeretso siya sa kusina para kumuha ng tubig na maiinom.

Patalima na siya nang makita ang bulto ni Tan na humahakbang palapit. Umatras siya. Huminto ito sa tapat ng ref. Binuksan iyon at kumuha ng tubig.

Hindi makaalis si Elaine, nakaharang ang lalaki sa daan palabas ng kitchen.

“N-nagugutom ka ba?” tanong niya.

“Bukas, papasok ka ba?” tanong nito bigla. She noticed him watching her.

She cleared her throat. Mas ninenerbiyos siya kapag ganitong umabot na ng gabi, hindi pa siya nakakatikim ng singhal sa lalaki. “May mga kailangan akong ayusin,” sagot niya.

Tan nodded. Tumalikod na ito, dala ang mineral water na pumasok sa sariling kuwarto. Sinundan niya ito ng tingin. Dapat ba siyang kabahan sa pagiging civil nito?

Naupo si Tan sa gilid ng kama nang makapasok sa kuwarto. Itinutok ang tingin sa nakasarang pinto na parang tatagos doon ang mga mata at nakikita pa niya si Elaine sa kusina.

After she left, hindi niya ito hinanap. He was in pain. Heartbreak and anguish and anger were eating him simultaneously. Masyadong masakit ang ginawa ni Elaine na nagawa niyang papaniwalain ang sarili na wala nang natitira sa kanya para dito kundi galit.

For three years, wala siyang ginawa kundi araw-araw itong kalimutan. Para lang sampalin siya isang araw ng katotohanan. Hindi siya nagtagumpay. Mahal pa niya si Elaine. He realized that the moment he laid his eyes on her after three years. It was unfair, bakit hindi sapat ang mga ginawa nito noon para mabura nang tuluyan ang pagmamahal niya para dito?

But he couldn’t tell or show her that. Natatakot siyang magising isang araw na bumalik na naman sila sa dati. What happened between them then was a nightmare he didn’t want to remember. Hanggang sa mga sandaling iyon, masakit pa rin ang lahat. Ramdam ng bawat buto at himaymay niya sa katawan.

Pero alam ni Tan, hindi niya ito kayang tiisin. Kailangan niyang malaman kung ano ang nangyari dito ano man ang mangyari.

Elaine woke up at eight. Alam niyang maagang umalis si Tan, wala pang alas-sais. Alas-otso ng umaga ang meeting nito na ni-reschedule ni Gilda.

Dinampot niya ang cell phone sa side table. Nag-text si Drew. Kinukumusta siya at nagtatanong kung kailan siya bibisita. Nangako siyang dadaan kinahapunan.

Bago mag-alas-diyes ng umaga, nakabihis na si Elaine. Bitbit ang bag na lumabas siya ng bahay. Naglalakad na siya papunta sa kotse nang sumungaw ang isang dalagitang nakasuot ng itim na baseball cap sa gate.

Kumaway ito sa kanya, nakangiti. Lumakad siya palapit. Binuksan ang gate. Nakasuot ng jeans, black loose T-shirt, at pares ng itim na sneakers. Hindi niya ito kilala. Pero may kahawig ito, hindi lang niya matukoy kung sino.

“Girlfriend ka ba ng pinsan ko?”

Kumunot ang noo niya. “Pinsan mo?”

Tumango ito.

“Ano ba’ng pangalan ng pinsan mo?”

“Hindi mo alam?” nagtatakang tanong nito. Nag-isip. “Nag-iilusyon na naman ba siya?”

“O baka maling bahay lang talaga ang napuntahan mo, hindi kaya?” friendly ang ngiting tanong niya.

“Dalawang gabi niya kaming pinagronda dito sa bahay mo. Ang sabi niya, siguruhin kong okay at safe ka kasi ikaw ang magiging ate ko.”

Napapailing pero lumuwang ang ngiti ni Elaine. Ang makakapal na kilay at maitim na mga mata ng dalagitang ito, ang facial features, hawig kay Marco.

“Nasaan ang pinsan mo?”

“Nasa presinto.”

Pinatay ni Elaine ang makina ng kotse nang mai-park niya ang sasakyan sa parking space sa harap ng presinto. Dalawang beses na niyang sinubukang tawagan si Marco, hindi ito sumasagot.

Kung hindi pa kay Gigi, ang dalagitang bisita kanina, hindi pa niya malalaman na sa Guadalupe naka-assign si Marco. Well, hindi naman siya nagtanong talaga sa lalaki tungkol sa trabaho nito.

Pinsan ni Marco si Gigi. Kaisa-isang anak ito ng landlord nila. Nalaman niya na dating pulis ang tatay ni Gigi at kakare-retire lang two years ago.

Bumaba si Elaine ng kotse. Idinadayal niya ang number ni Marco nang mapansin ang grupo ng mga lalaking naglalakad pasakay sa police mobile na naka-park sa harap ng presinto.

Sa tatlong lalaking halos sabay-sabay na naglalakad papunta sa sasakyan, sa pinakamatangkad na lalaki natutok ang tingin niya.

Marco looked cool and dignified in his cop uniform. Iilan lang ang pulis na nakita niyang binagayan ng unipormeng iyon. Walang dudang isa at number one si Marco sa hanay na iyon. Hindi niya mapigilan ang pagngiti.

Nang makitang sumakay si Marco sa mobile, kinansela ni Elaine ang tawag. Wrong timing siya. Busy si Cardo Dalisay. Sumakay siya uli sa kotse at minaniobra iyon palabas ng parking lot.

Nasa kalsada na siya nang tumunog ang cell phone. Si Marco ang tumatawag.

“Puwede ko bang malaman kung ano ang ibig sabihin ng tatlong missed calls mo?” bungad nito.

“Nanggaling ako sa presinto, ngayon lang. Nakita kong sumakay ka sa mobile.”

“Where are you now?”

“I just left. Malapit na ‘ko sa EDSA.”

“Park somewhere safe. Pupuntahan kita.”

“Ha?”

Naputol na ang tawag bago pa makapagprotesta si Elaine. Wala siyang nagawa kundi itabi ang sasakyan at hintayin ang lalaki.

Bumaba siya ng kotse para mas mabilis nitong makita. Saglit lang, natanaw na niya ang pag-park ng mobile sa kabilang bahagi ng daan. Nakita niya ang pagbaba ni Marco at ang pagtuon ng mga mata nito sa kanya na parang alam agad na nandoon siya.

Almost all eyes were on him. Nagpipiyesta sa masculinity ng poging pulis na sigurado ang mga malalaking hakbang papunta sa kanya.

Huminto ang lalaki sa harap niya. Ilang sandaling pinagmasdan siya bago nagsalita.

“You got me worried. Saan ka nagpunta? Dalawang gabi kitang hindi makontak.”

Walang signal sa bundok at wala siyang dalang power bank. Kung hindi pa siya nakauwi, hindi pa siya makakapag-charge.

“Bakit kailangan mo pang magpunta?” sa halip ay tanong niya.

Humalukipkip si Marco. He raised his eyebrows, smiling mischievously at her.

Pinagtitinginan sila ng mga nasa paligid, kasama doon ang dalawa pang pulis na nakasilip sa nakabukas na bintana ng mobile.

“Bukod sa gano’n kita kagustong makita, gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng tatlong missed calls. Galingan mong mag-explain, mabilis akong mag-assume.”

Napailing si Elaine. “Mayroon pa bang ibang ibig sabihin iyon kundi salamat at sorry?”

“Salamat at sorry? Saan?”

“Salamat sa paghatid sa akin sa bahay no’ng isang gabi at sorry kasi hindi ako agad nakapagpasalamat.”

Bumuntong-hininga ito. Mukhang totoong disappointed sa sagot niya. “Wala na bang ibang meaning ‘yon?”

It was her eyebrows’ time to raise. “Kagaya ng?”

“Kagaya ng ‘I’ve missed you’?”

She rolled her eyes. Binuksan niya ang pinto ng kotse at sumakay. In-start niya ang kotse at pinaandar iyon. Sinulyapan niya ang side mirror, nakatayo pa rin si Marco sa tabi ng daan. Hinahatid siya ng tanaw.

Napangiti si Elaine. It was nice having someone like Marco around. Sa harap nito, lumalabas nang natural ang totoong siya.

Sinulyapan ni Elaine ang suot na wristwatch. Past six in the evening. Dadaan pa siya sa Baclaran para bisitahin si Mang Chito.

Nagpaalam na siya kay Anne matapos mapirmahan ang mga papeles at transaction records na kailangan ng pirma niya.

Bitbit na niya ang bag nang tumawag si Marco. Sinagot niya iyon habang naglalakad papunta sa elevator.

Nasorpresa si Elaine nang malamang nasa The Palace ang lalaki at naghahanap na lang ng bakanteng parking space.

“Wedding anniversary ng tito at tita ko sa Huwebes. Mamimili sana ako ng panregalo. Samahan mo ‘ko.”

Birthday din ni Tan sa susunod na Huwebes, naalala niya. “I-charge mo na lang sa akin ang bill. Babayaran kita. May pupuntahan pa kasi ako,” sabi niya.

“Akala ko ba gusto mong magpasalamat?”

“Oo nga. Nagpasalamat na ‘ko kanina.”

“‘Yon na ‘yon? Nakukulangan ako sa sincerity, Elaine. Ito na ‘yong chance mo kung talagang gusto mong bumawi. I-treat mo ‘ko sa pinakamahal na restaurant na alam mo. Sasamahan kita sa pupuntahan mo pagkatapos mo ‘kong samahang bumili ng panregalo.”

“Sa restaurant na lang kita sa ibaba hihintayin.” Suko agad siya. Talo siya lagi sa kakulitan ng pulis.

Sumakay siya sa elevator. Dumeretso siya palabas ng mall nang huminto at magbukas ang elevator sa first floor. Pagpasok sa restaurant, sinalubong siya ng naka-uniform na maître d’.

“Table for two, please,” sabi niya nang batiin nito.

Sinamahan at iginiya siya ng maître d’ papunta sa dulong bahagi ng restaurant. Mahal masyado magpabayad ng utang-na-loob si Marco, naiiling na naisip niya. Pero kung siya ang tatanungin, kulang na kulang pa iyon na kabayaran sa dami ng naitulong nito sa kanya.

“This way, Ma’am.”

Papalapit na sila sa dulong bahagi ng kainan nang matuon ang tingin ni Elaine sa pares na nakaupo sa pandalawahang mesa sa sulok. Two tables away lang iyon mula sa table na itinuturo sa kanya ng maître d’.

Itinulos siya sa kinatatayuan. Hindi maalis ang tingin niya sa pares. Si Tan. At si Janine. Sa mesang inookupa ng dalawa ay ang hindi pa nagagalaw na bote ng wine at pinggan ng steak.

Kumabog nang husto ang dibdib ni Elaine nang hindi sinasadyang mapalingon sa kanya si Tan. Humigpit ang hawak niya sa handle ng kanyang handbag nang makitang saglit itong natigilan.

Naiiyak siya. Wala naman siyang karapatan. Kasabay ng pagtayo ni Tan sa kinauupuan ay ang paglapit sa kanya ni Marco.

Napapitlag pa siya nang maramdaman ang pag-akbay nito. Ang maingat na pagkabig nito sa balikat niya palapit sa katawan nito.

Tumiim ang mga bagang ni Tan. Masama ang tingin kay Marco.