PROLOGUE
SA bawat suntok ni Azalea sa kaniyang mga kalaban. Dito niya binubuhos ang kaniyang galit sa kaniyang mga magulang.
Ang kaniyang kamao ay binalot na ng mga dugo galing sa kaniyang mga kaaway. Tagaktak na rin ang kaniyang pawis dahil sa pagod. Isang grupo ang kaniyang napabagsak at siya lamang ang mag-isa.
Nagligtas na naman siya ng kapwa niya estudyante ngunit 'di man lamang ito nagpasalamat sa kaniya dahil na rin siguro sa takot kaya ito kumaripas ng takbo.
Ramdam na rin ni Azalea ang pagod sa kaniyang katawan lalo na nang maramdaman niya ang hapdi ng kaniyang mukha dahil sa mga sugat na natamo sa pakikipaglaban. Ang lahat ay napabagsak niya, ultimo ang kalalakihan na kasama sa grupo ay napatumba niya. Nang matapos na sa wakas ang labanan, dito na niya hinayaan ang kaniyang sarili na matumba at mapaluhod sa sahig. Habol niya ang sariling hininga dahil sa sobrang pagod.
Habang nakayuko ay bigla niyang naikuyom ang sariling kamao nang may marinig siyang yapak ng paa na papalapit sa kaniya. Alam niyang bukod sa mga napatumba niya ngayon ay may mga resbak pa ang mga ito.
Nang tumingala siya ay bumungad sa kaniya ang lima pang m’yembro. Pinilit pa rin ni Azalea na makatayo para labanan ang natitira pangkalaban. Huminga siya nang malalim habang masama ang tingin sa mga kalaban. Bukod sa galit ay wala na siyang maramdaman na kahit na ano.
Sinugod na siya ng dalawang m’yembro pero mabilis siyang nakailag sa paparating na suntok. Mabilis ang bawat galaw niya, kaya hindi masundan ng kalaban ang bawat suntok na ibinabalik niya.
Napatumba na niya ang dalawang kalaban. Hindi na rin nagpatumpik pa ang dalawa pangkalaban at tulad din kanina ay mabilis lang din niyang napatumba ang dalawa.
Isa na lamang ang natitira at may hawak itong matigas na kahoy at mukhang iyon ang ipangpapalo nito sa kaniya at tama nga ang hinala niya dahil mabilis din siyang sinugod ng kalaban at inatake siya nito ng kahoy na hawak-hawak.
Mabilis ang bawat iwas niya sa matigas na kahoy at kung minsan ay sinasalag niya rin ito. Nang mapalo nito ang kaniyang bisig dahil pinangharang niya ito ay mabilis niyang pinaikot ang kahoy sa kaniyang bisig at marahas niyang hinatak ‘yon nang mahawakan niya ang pamalo.
Nabitawan ng kalaban ang matigas na kahoy dahil naagaw na niya ito. Handa na niyang ipalo ito sa kalaban nang may biglang pumito. Napapikit siya ng mariin dahil alam na niya ang mangyayari ngayong araw.
Nilapitan sila ng mga g’wardya kasama ang mga walang malay na pinatumba niya. Sumama na lang siya sa mga g’wardya papunta sa guidance office.
Nang makapasok sila sa loob ng opisina. Agad na umiling sa kaniya ang punongguro at halatang dismayado.
“Miss Montemayor, ikaw na naman. Hindi ka pa ba nagsasawang pumunta rito? Kung hindi lang sa Daddy mo, paniguradong wala ka na sa listahan ng paaralang ito.”
Hindi na lang siya nagsalita pero nakatingin lang siya ng diretso sa mga mata ng punongguro. Gusto niyang magsalita tungkol sa mga bully, kung bakit nila hinahayaan mangyari ang ganitong sitwasyon na parang wala silang nakikita o sadyang nagbubulag-bulagan lang ang mga ito dahil sa pera.
Pinauwi na ng punongguro ang mga napuruhan niyang mga estudyante at naiwan siya sa loob ng guidance office. Nakaupo siya sa visitor's chair habang nakatingin sa kawalan. Sanay na ang lahat sa tuwing napapasama siya sa gulo, ultimo ang punongguro ay sanay na rin sa kaniya.
Wala na ang mga itong magagawa sa kaniya dahil hindi siya ng mga ito mapipigilan sa mga ginagawa niya lalo na ang pagtatanggol sa mga naaapi.
Kung ano man ang tingin sa kaniya ng mga tao. Wala na siyang magagawa dahil hindi naman niya mapipilit ang mga ito na gustuhin siya.
Wala ring tao ang p’wedeng magpabago sa sa kaniya para lang gustuhin siya ng mga ito. Mas gusto pa rin niyang magpaka-totoo sa sarili kaysa baguhin ito para lang sa kagustuhan ng iba.
“Bakit hindi ka magbago Miss Montemayor? Lagi ka na lang bang ganiyan, ha?” tanong ng punongguro.
Pinipigilan niyang ilabas ang inis mula sa punongguro. Naikuyom na niya ang kamao habang palihim na nagtitiim ng panga.
“Kapag ho ba sinabi kong palitan mo ‘yang mukha mo kase hindi maganda. Papalitan niyo ho ba, Madam Chavez?”
Halatang nagulat ito sa sinabi niya at parang may tinitimping inis sa sinabi niya. Lihim siyang napangisi.
Hindi na nga kagandahan ang punongguro nila pati ba naman ang ugali nito? Alam niyang nagpapabayad si Madam Chavez sa mga mayayamang angkan ng mga estudyante rito sa eskwelahan. Lalo na kapag politika na ang pinag-uusapan. Kaya nga hindi siya nito mapaalis sa eskwelahan dahil likas na maingay ang kaniyang apelido pagdating sa politika, nang dahil ‘yon sa pamilya niya.
“Bastos na bata,” bulong ng punongguro pero narinig niya iyon.
S’yempre hindi siya magpapatalo hangga’t hindi niya natatapakan ang masamang ugali ng madam nila.
“Bastos na gurang,” bulong din niya pero sinigurado niyang maririnig siya ng punongguro.
“What did you just call me?”
Nagkibit lang siya ng balikat sa punongguro pero inirapan siya nito habang lumalaki ang butas ng ilong dahil sa inis.
May kinakausap na ito sa cell phone at alam niyang Daddy niya ang kausap nito. Nagpapalakas talaga ang madam sa Daddy niya dahil lang sa matunog ang apelido nilang Montemayor. Isa sa mga pinaka-mayamang pamilya sa lugar ng Las De Vaña.
Wala pang sampung oras nang dumating na agad ang Daddy niya at halatang galit na naman sa kaniya base sa ekspresyon ng mukha nito.
Ngumiti ng plastic ang punongguro sa ama habang sinusulsulan ito tungkol sa mga kamaliang ginawa niya. Hindi na rin naman siya nagsasayang ng laway para mag-explain sa Daddy niya dahil kahit ano pang sabihin niyang paliwanag ay hindi siya paniniwalan ng ama.
Malakas siyang sinampal sa harap ng punongguro dahil nagsumbong ito na walang daw siyang modo at respeto.
“Wala ka talagang respeto, Azalea! Nakakahiya ka!”
Hindi na siya tumingin sa punongguro dahil ramdam na niyang nakangisi ito ng matagumpay. Nakayuko lang siya habang sinisermunan sa harap ng Dean. Nang matapos manermon, hinila siya ng ama palabas ng guidance office at saka sila sumakay sa kotse at nagmaneho ang ama pauwi sa kanilang bahay.
Nang makarating sila sa kanilang bahay. Agad na dumampot ng bagay ang kaniyang ama para saktan siya.
Tiniis niya ang bawat hagupit mula sa likuran niya. Kahit marami na siyang natamong sugat mula sa pakikipaglaban ay madadagdagan pa iyon dahil sa paghahagupit sa kaniya ng kaniyang ama.
Sanay na rin siya sa ganitong sitwasyon kaya wala ng luha ang lumalabas sa mga mata niya. Nakita niya ang kaniyang Mommy na dumaan sa sala habang sinasaktan siya ng Daddy niya pero wala man lang itong pakialam. Sinulyapan lang siya ng tingin at dumiretso ito sa kusina.
Naikuyom na niya ang kamao dahil sa galit at pagtitimpi. Paulit-ulit na lang na ginagawa sa kaniya ito. Hindi na niya kayang tiisin pa, mas mabuti na nga lang siguro na mawala siya rito sa mundo.
Hindi naman niya alam kung bakit pa siya nabuhay kung ganito lang naman ang role niya sa mundong ibabaw. Ang saktan ng mga taong nakapaligid sa kaniya, ultimo ang sariling magulang ay walang pakialam sa nararamdaman niya at ang mga ito pa ang nangungunang nananakit sa kaniya na dapat ay pino-protektahan at minamahal siya ng buo.
Matapos siyang saktan ng sariling ama at iwan mag-isa sa sala. Pinilit niyang tumayo kahit sobrang sakit na ng katawan niya. Lumabas siya sa kanilang bahay at saka siya sumakay sa motor.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Ang gusto lang niya ay ang malayo sa kanilang bahay, makalayo sa mga magulang niya.
Nang makarating siya sa isang tulay ng ilog, pinarada niya muna ang kaniyang motor sa tabi. Bumuntonghininga siya bago naglabas ng kaha ng sigarilyo at sinindihan ‘yon. Malayo ang kaniyang iniisip habang nakatingin sa malakas na agos ng ilog.
Wala na siyang maramdaman na kahit na ano’ng emosyon. Ang gusto na lang niya ngayon ay ang mawala sa mundo para matapos na ang pagdurusa niya sa mga taong nakapaligid sa kaniya lalo na sa mga kamay ng magulang niya.
Wala ng luha ang lumalabas sa mga mata niya. Tanging pagsikip ng dibdib niya na lang ang sumasakit dahil ‘yon sa galit at lungkot na lumulukob sa puso niya.
Sa huling hithit niya ng sigarilyo, handa na siyang tumalon sa ilog nang biglang may humila sa kaniya at sabay silang natumba.
Napatingin siya sa babaeng humila sa braso niya. Napaka-gandang babae na nakakulay puting uniporme.
Sabay silang tumayo sa pagkakatumba. Nagpagpag sila ng sariling damit. Nakatingin lang ang babae sa kaniya habang nagpapagpag siya.
“Magpapakamatay ka ba?” mahinahon nitong tanong sa kaniya.
“Oo,” walang pag-aalinlangan niyang sagot.
“Hindi mo ba alam na masama ‘yang binabalak mo?”
Mahina siyang natawa pero walang emosyon ang kaniyang mukha.
“Hindi mo na lang sana ako pinigilan,” mariin niyang sabi.
“E ‘di kargo de-konsensya ko pa kung hindi kita pinigilan.”
Napailing na lang siya sa babae at handa na siyang umalis nang pigilan ulit siya nito.
“Oh, saan ka pupunta?”
“E ‘di aalis.”
“Teka!”
Humarap ulit siya sa babae na nakakunot ang noo.
“Bakit ang dami mong mga sugat?” nag-aalala nitong tanong sa kaniya.
Sa unang pagkakataon nakaramdam siya nang hindi malamang pakiramdam. Ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng puso niya nang titigan siya ng babae habang hawak pa rin nito ang kaniyang braso at mas lalong tumibok ‘yon nang marinig niya ang pag-aalala sa boses nito na ngayon lang din niya naranasan sa isang tao.
“Wala lang ‘to,” sabi niya.
Tinanggal niya ang pagkakahawak nito sa braso niya dahil kung hindi, paniguradong mararamdaman nito ang panginginig ng kamay niya dahil sa kaba dulot sa kaniya ng babae.
“Gamutin muna natin ‘yang mga sugat mo. Tutal, hindi naman tayo magkakilala. P’wede mo rin sa akin ik’wento ang nangyari sa’yo, kung bakit ang dami mong pasa at sugat. Iyan ba ang dahilan kung bakit gusto mong magpakamatay?” malungkot nitong tanong.
Huminga siya ng malalim habang nakatingin pa rin sa mga mata ng babae. Hindi niya alam kung bakit ang gaan ng pakiramdam niya rito kaya napagdesisyonan niyang mag-stay kasama ng babaeng hindi naman niya kilala.