Chapter 26
Uminit ang sulok ng mga mata ni Estelle dahil sa inasta ni Leandro. Gusto niya sanang ibigay ang regalo niya para rito pero hindi niya alam kung paano. Galit kasi ito. Kung basta na lang niya ibibigay, baka hindi iyon tatanggapin. O mali lang siya ng akala? Hindi niya alam.
“O, nandito ka,” bungad ni Mindy nang makapasok sa opisina. Napatingin ito sa paligid. Walang ibang tao roon kundi siya lang. “Nasaan si lover boy mo?” pabirong usisa nito.
Hindi siya makaimik. Iniwas niya ang mukha upang hindi nito mahalata na malapit na siyang umiyak.
Tumunog ang cell phone nito at binasa ang text nang may napansin ito. “Teka, ano ‘yang hawak mo?”
“W-wala.” Umingos siya.
Pero sinilip nito ang likuran niya at nakita ang hawak niyang nakabalot na regalo. Kaya hindi na siya nag-effort na itago iyon. Laylay ang balikat niya at napabuntong-hininga nang marahan. Mabilis siyang napakurap-kurap para hindi aagos ang luha sa mga mata.
“Ah, na-disappoint ka bang hindi mo siya naabutan? Sabi ni GM sa text, umuwi nang maaga si Leandro kasi may sakit. Inuubo kasi siya. Baka may lagnat din.”
“H-ha?” Hindi man lang niya napansin iyon. Naging absorbed lang siya sa reaksyon nito at sa kung paano niya ibibigay ang regalo para dito. Ngayon niya lang napagtantong umuubo nga pala ito kanina at hindi lang iyon pag-iinarte dahil sa kaniya.
Ipinakita sa kaniya ni Mindy ang text ng kanilang GM. Binasa niya ito at totoo nga ang sinabi ng kaibigan.
Napatingin nang may simpatya sa kaniya ang kaibigan. “Para sa kaniya ‘yan, ano?”
Tumango siya nang marahan. Napalabi.
“Kung hindi mo alam ang address niya, ibibigay ko sa ‘yo. Doon mo na lang ihatid at baka gusto mo rin siyang alagaan.” Kumindat pa ito nang pilya.
Pinamulahan tuloy siya ng mukha. Ayaw niyang malaman nitong alam niya ang address ni Leandro at may nangyari pa sa kanilang dalawa ng lalaki.
Sumulyap siya sa kaniyang relong pambisig. “Um… mag-a-undertime ako, Mindy. Pakisabi na lang kay GM na…” Napatigil siya. Hindi niya alam kung ano ang idadahilan. “Ikaw na ang bahala sa rason ko, ha?” Nagmamadali siyang umalis habang may pahabol na sinabi ang kaibigan. “Magaling ka naman do’n.”
“Ite-text ko sa ‘yo ang address ni Leandro o alam mo na? Okay! Kuha ko na!”
Nakangiwi siya habang nagmamadaling nagtungo sa kaniyang puwesto para kunin ang kaniyang shoulder bag. Sumulyap sa kaniya ang mga kasamahan sa trabaho pero hindi na nagtanong ang mga ito. Pinanood lang siyang umalis.
Dumaan muna siya sa isang pharmacy para bumili ng gamot para sa ubo. Tatalikod na sana siya pagkabayad nang bigla siyang napaisip at napakiling ng ulo.
“Pakidagdagan na rin lang po ng Paracetamol,” sabi niya sa taga-pharmacy.
Baka kasi may lagnat din ang binata. Napamuni-muni siya kung bakit nagkasakit ang binata gayong healthy naman talaga itong tingnan. Siguro ay stressed ito kaya siguro mabilis nahawaan or something.
Pinasalamatan niya ito nang iabot sa kaniya ang maliit na supot kung saan nakapaloob ang isang tab ng Paracetamol.
Nag-taxi na siya patungo sa condo ng binata. Hindi siya agad pumasok sa gusali dahil napaisip-isip siya kung talaga bang dapat niya itong gawin. O siguro naman ay kailangan niya lang sabihin ditong magpa-check up sa ER. May malapit namang ospital sa kinatitirhan nito. Siguro ay hindi siya nito kailangan. Malaki naman na ito. Malamang alam na nito ang gagawin kapag nagkasakit.
Napabuga siya ng hangin. Pagkatapos ay humakbang na siya papasok ng gusali. Agad siyang nakilala ng guwardiya kaya pinapasok siya kahit hindi resident doon. Pinasalamatan niya pa ito nang may kasamang matipid na ngiti.
Gamit ang elevator ay umakyat na siya patungo sa unit ng binata. Agad siyang lumabas ng elevator nang bumukas iyon. Mabilis siyang naglakad sa malapad na pasilyo. Tumunog ang kaniyang heels sa malinis na sahig.
Habang papalapit siya sa unit ni Leandro ay grumabe naman ang pagpintig ng kaniyang puso. Ewan niya pero kinakabahan talaga siya. Hindi niya alam kung tatanggap ito ng bisita ngayon lalo na’t may sakit ito.
Palapit na siya sa unit ng binata. Pinindot niya ang door bell nito. Napakagat-labi siya at paulit-ulit ang paghigit niya ng hangin. Bakit ba siya kinakabahan nang ganito? Dahil ba sa kailangan niyang mag-sorry sa lalaki? Natatakot ba siyang hindi siya nito patatawarin? Paano kung iyon na nga ang mangyayari?
Naghintay siya nang ilang saglit. Wala siyang sagot na narinig. Ilang beses niya iyong ginawa pero wala talaga. Bigla na siyang nag-aalala. Baka kung napaano na ang binata sa loob.
Nagmamadali siya para bumaba. Sasabihin niya sa guwardiya na kailangan niyang kausapin ang concierge para buksan ang unit ng binata. Pero nang malapit na siya sa elevator ay bigla iyong nagbukas at napatigil siya nang makitang may maganda at eleganteng babaeng lumabas mula roon.
Kasama si Leandro.
Bumagsak ang panga niya. Bago pa siya makita ng binata ay agad siyang tumalikod at kunwari ay naglalakad sa kabilang direksyon. Nag-uusap ang mga ito sa mababang boses kaya hindi niya marinig kung ano iyon.
Nang marinig niyang nagbukas ang pinto ay napatigil siya sa paglalakad. Dahan-dahan siyang napapihit para sumilip nang pasimple.
‘Hindi siya papasok. Hindi siya papasok sa loob ng unit ni Leandro,’ sa loob niyang tinutukoy ang babaeng maganda. ‘I wish na hindi!’ At patuloy na nakamasid sa mga ito habang sumisigaw ang kaniyang isip. Halos magwawala ito.
To her disappointment, unang pinapasok ng binata ang babae sa loob ng condo unit nito at isinara ang pinto. Napadikit siya ng kaniyang noo sa pader. Well, initially, iyon ang nasa isip niya. Pero pinto pala iyon ng isa sa mga unit. Medyo naglikha iyon ng katok. Kaya nagbukas ang pinto.
Napamaang siya dahil muntik na siyang mapasadsad nang bumukas ang pinto at nasorpresa ang may-ari doon.
“Ano pong kailangan nila?” tanong nito.
“A-ah. S-sorry po! Wrong floor!” hinging-despensa na lang niya at tumalilis na.