Imahinasyon

Written by: Zvredd

Ako si Kalel, twenty years old. Malayo ang bahay namin sa Agusan University kaya kila Tita Maris muna ako tumira. At, sa tatlong buwan kong paninirahan sa bahay nila Tita Maris, nahulog ang loob ko sa kapitbahay nila na si Alice. Niligawan ko siya at hindi rin naman nagtagal ay naging kami na. Palihim lang ang relasyon namin dahil strict ang parents niya.

Medyo selosa si Alice dahil hindi nito gusto na may nakakasama ako na ibang babae, which is ako rin naman. Seloso rin dahil mahal ko talaga si Alice. Pero hindi to the point na sinasaktan o binubugbog ko ang mga lalaki na kinakausap niya. Kumbaga, hindi ako kagaya ni Alice na nananakit sa mga babaeng pinagseselosan niya.

Doon ko lang nalalaman ang ginagawa niya kapag nag kwe-kwento ang mga kaibigan kong babae na may isang babae na nakaputi ang kumalmot sa kanila o sumabunot. Hindi nila makita ang mukha, pero ayon sa pagkaka- salaysay nila, maputi ito at kulay puti rin ang damit nito.

Si Alice lang ang naiisip ko na ganun dahil maputi siya at palagi rin kulay puti ang mga damit niya. Kinausap ko siya na wag nang ulitin ang ginagawa niyang pananakit pero hindi siya nakinig saakin.

Pero kahit ganoon siya, mahal ko pa rin siya. Dahil sabi nga ng iba, love is blind. Nagiging bulag tayo palagi kapag pagdating sa pag-ibig. Hindi ko siya kayang hiwalayan kahit na sinasabihan na ko ng mga ko kaibigan ko na hiwalayan ko na siya.

Pero, isang araw, dumating ang isang napakalaking pagsubok sa pag-iibigan namin. May sakit si Lola, at kailangan ko puntahan siya sa Canada dahil hinahanap daw niya ako. Ako lang kasi ang nag-iisang apo ni Lola, kasi only child si Mama. Kaya hindi na nakakagulat kung bakit siya fond sa akin. Sinabi ko kay Alice ang patungkol dito pero hindi siya pumapayag sa pag-alis ko. Kapag umalis daw ako, break na kami.

Gusto ko rin naman na hindi ako pumunta sa Canada, pero... kailangan talaga. Kailangan, kasi sinabi saakin ni Mama na baka ilang buwan nalang ang itatagal ni Lola, na hindi ko naman gusto dahil mahal na mahal ko si Lola. At gusto ko pa na mabuhay siya.

Kaya, kahit tutol si Alice at paghihiwalayan ang magiging resulta sa relasyon namin, nagpatuloy pa rin ako na umalis.

“Mahal kita, Alice. Alam mo ‘yan.” Sabi ko sa kanya bago ako umalis noon papunta sa Canada.

Hindi niya ko tiningnan o kinausap man lang. Pumasok lang siya sa loob ng bahay nila na ikina-durog ng puso ko.

NAKAPUNTA ako sa Canada na mabigat ang puso. Pero dahil iniisip ko rin si Lola, naisapan ko na nalang na maging masaya muna at kalimutan ang lungkot na nararamdaman ko sa paghihiwalayan namin ni Alice dahil baka madamay si Lola sa kalungkutan ko.

Isang taon ako na nasa Canada bago ako umuwi sa Pilipinas dahil ipinagpatuloy ko ang pag-aaral doon para mas matagal ko makasama si Lola. At sa isang taon na iyon, hindi ko mapigilan na maisip si Alice lalo na kapag sumasapit ang Gabi, at makapag-tanong ng maraming tanong katulad nang kung kinalimutan na ba ako ni Alice, o kung galit pa ba ito sa akin dahil hindi ito tumawag sakin kahit na ibinigay ko na sa kanya ang number ko. O di kaya, kung may bago na ba itong boyfriend kaya hindi na talaga siya nagpaparamdam sa akin.

Kaya, nang makauwi ako sa Pilipinas, kaagad ko pinuntahan ang bahay nila, pero... wala na siya doon.

Nang tanungin ko si Tita Maris kung na saan na ang nakatira sa tapat ng bahay nila, naguguluhan lang niya ako na tiningnan.

Sinabi ko sa kanya ang patungkol kila Alice, ang nakatira sa tapat nang bahay nila. Pero hinawakan niya lang ako noo ko kung may sakit ako, at sinabi na, “May sakit ka ba? Anong pinagsasabi mo? Matagal ng walang nakatira diyan, Kalel.”

Napailing si Tita Maris. “Hay naku, kadadating mo lang galing sa Canada kahit na anu-ano na ang mga pinagsasabi mo.”

“Tita, wag ka naman magbiro ng ganyan.”

“Aba, hindi ako nagbibiro. Limang taon nang walang nakatira diyan. Namatay ang anak nila Gloria, at iyon si Alice, dahil sa sakit na Leukemia, kaya lumipat sila Gloria papunta sa lugar nila Dan. Bakit? Sino bang Alice ang sinasabi mo, Kalel? Sa pagkaka-alam ko, hindi naman iyan pinapa-upa ni Gloria, o ibinibenta. Kaya hanggang ngayon, wala pa rin nakatira diyan.”

Nagsimula nang bumalik sa mga alaala ko kung paano ako pagtawanan ng mga kaibigan ko dahil hanggang kwento lang ako sa kanila patungkol kay Alice. At ang pag-sasalaysay ng mga kaibigan kong babae na sinaktan ni Alice dahil sa selos na hindi daw nila makita ang mukha nito, kaya hindi nila makilala kung sino at sa takot nila, na e-kwento nila iyon sa akin at si Alice naman ang napaghinalaan ko na gumawa ‘non.

Pero hindi ko matanggap na patay na siya. Dahil naniniwala ako na totoo si Alice.

Totoo ang pagsasama namin.

Tumingin ako sa bintana namin para tingnan ang bahay nila Alice. Napangiti ako nang makita ko siya na nakatingin din sa bintana namin.

Napangiti ako.

Buhay si Alice.