Kabanata 25
“PERO wala tayong magagawa kundi ang umalis sa mala-demonyong bahay na ito, Jules!” ang giit na pahabol ni Mike nang humakbang siya ulit.
Hindi na niya pinakinggan pa ang tiyuhin. Siguro gamit ang crucifix ay matatalo niya ang sinumang demonyong magpapakita sa kanya mamaya. Lalaban siya. Buo na ang kanyang pasya. Alang-alang sa kanyang mga magulang at para na rin sa ikatatahimik siguro ng pinsan at kapatid niya kung wala na talaga sila.
Una niyang tiningnan ay ang kuwarto ng mga magulang. Madilim iyon kung kaya’t kinapa niya ang switch at binuksan ang ilaw. Subalit ayaw nitong sumindi. Napalunok tuloy siya at kinakabahan habang kinukuha ang flashlight mula sa kanyang bag na dala.
Nahulog pa ang backpack at mabilis niyang pinulot iyon saka isinukbit sa kanyang balikat habang nasa kabilang kamay naman niya ang crucifix. Halos nanginginig ang kanyang kamay habang nakahawak sa krus. Sa ngayon ay iyon ang kanyang pansangga laban sa aninong iyon.
Hindi niya napansin ang babaeng nakaputi na nasa tabi niya lang at nakamasid sa kanya habang tiningnan niya ang paligid ng kuwarto. Wala kasi siyang makita. Kung kaya’t lumabas siya at saka naisipang tingnan ang kanyang silid na dala pa rin ang flashlight na nakasindi.
Binuksan niya ang ilaw roon at nagpatay-sindi ito. Sa tuwing nabubuhay ang ilaw ay may nakikita siyang anino. Pagkatapos ay ang babaeng nakadamit ng puti naman. Salitan ang mga ito.
Hindi niya mapagsino iyon kung kilala niya o hindi dahil sa patay-sinding ilaw na parehong nakakairita at nakakatindig-balahibo. Lalo pa ngang lumakas ang pagpintig ng kanyang puso. Hindi na normal ang hininga niya. Gayunpaman ay pinilit niyang maging matapang.
“Kuya…”
Narinig niya ang boses ni Joanna pagkatapos ng ilang sandaling ganoon ang sitwasyon ng ilaw.
‘Totoo ba ang narinig ko? Hindi kaya ito demonyong kinopya ang boses ng kapatid ko?’
“J-Joanna? Ikaw ba ‘yan?” ang tanong niyang pinalakas ang loob. Malay ba niya kung iyon nga ba talaga ang kapatid niya o hindi? Gayunpaman ay boses talaga iyon ng kapatid niya. Hindi talaga siya magkakamali, maliban na lang kung pinaglalaruan siya ng demonyo.
“Jules…”
Ang boses naman ni Mariana ang narinig niya pagkatapos niyon.
Napalunok tuloy siya. Parang nasa malayo ang tunog ng boses ng mga ito na para bang sinasaktan. Palinga-linga man siya ay hindi niya makita ang sinuman sa dalawa. Kung kaya’t pumasok siya sa banyo at lumusot sa kuwarto ng kapatid. Doon ay nakita niya ang kanyang kapatid na umiiyak. Nakasuot ito ng puti at gusto siyang abutin nito ngunit may humihila ritong hindi niya nakikita.
“Joanna!” ang tawag pa niya sa kapatid. Inilahad niya ang kamay upang abutin din ang kapatid. Kahit anong gusto niyang abutin ito ay lumalayo ang kapatid.
“Tulungan mo ako, Kuya!” ang pakiusap pa ng kapatid na umiiyak.
Parang piniga ang puso ni Jules at uminit ang sulok ng kanyang mga mata. “Joanna! Abutin mo ang kamay ko!”
“Kuya!” sambit nitong gusto rin siyang abutin pero hindi pa rin mapang-abot ang kanilang kamay.
“Jules!”
Narinig niya ring tawag ni Mariana sa kanya sa kabilang panig at napalingon siya. Hindi niya ito makita kundi ang itim na anino lamang. Napasinghap siya at napahingal.
“M-Mariana? Ikaw ba ‘yan?” ang tanong niya sa aninong may guhit na mga linya sa kanyang noo.
Gusto rin siya nitong abutin ngunit may humihila ritong hindi niya rin nakikita, katulad ng kay Joanna.
“Jules!” Sa halip ay tawag pa rin sa kanya ng pinsan at hindi sinagot ang kanyang tanong na tila hindi nito naririnig yaon.
“Sabihin n’yo sa ‘kin kung ano’ng gagawin ko!” ang sigaw na aniya sa dalawang babae. “Tulungan n’yo naman akong matigil na ito! Nasa panganib sina Mommy at Daddy, Joanna! Tulungan n’yo akong hindi sila mapapahamak! Maawa kayo, Mariana, Joanna!” pagpatuloy pa niya.
Desperadong-desperado na talaga siya. Halos hindi niya namalayang napaluha na siya dahil sa sitwasyong itong napakahirap tanggapin at harapin.
Biglang naglaho ang mga ito at ang pumalit ay ang demonyong nakita niya minsan na nakatuntong sa itaas ng puno ng balete. Nakangisi ang nakakatakot nitong mukha at nakatingin sa kanya. Itinuro sa kanya ang hawak nitong tila scepter. May lumabas doong isang kidlat at muntik na siyang matamaan kung hindi siya mabilis na nakailag.
Napahangos siya at sobra ang paglakas ng tibok ng kanyang puso na tila gigibain ang kanyang tadyang.
“Jules!”
Narinig niyang tawag sa kanya ng tiyuhing pumasok sa silid ni Joanna nang hindi niya namalayan. Nakita rin nito ang demonyong may hawak na sandata at napatitig ito sa tiyo niya nang maigi nang may interes sa mga mata.
“Kunin mo na ang gusto mo pero huwag mong saktan ang pamangkin ko!” ang matigas na sabi ng tiyuhin niya. Itinapon nito rito ang dalang palakol ngunit nawalang parang bula ang demonyo at saka napabaling sa kanya ang tiyuhin. “Ayos ka lang, Jules?”
Humahangos siya at napatayo nang matuwid. Hinarap niya ang tiyuhin at nagtatanong ang kanyang mga mata.
“Ano’ng sinabi mo, Uncle Mike?” Nakasimangot siya rito. Hindi niya kasi maintindihan ito kaagad.
Noon ay naalala niya ang kanyang mga magulang at mabilis na binalikan ang mga iyon. Halos liparin niya ang kinaroroonan ng mga ito ngunit nakita na lang niyang nakabukas ang bibig ng mga ito nang tila sapilitan at nakadilat ang mga mata. Nang papalapit na siya ay bigla na lang bumagsak ang mga ito sa sahig at napaiyak siya at napahiyaw.
Patay na ang mga ito. Malinaw iyon at naghihinagpis siyang masyado. Parang kinuyumos nang sobrang higpit ang kanyang dibdib dahil sa nasaksihan.
“Hindi!” sigaw pa niya. “Mommy! Daddy!”
“Jules.”
Naramdaman niya ang paghawak ng tiyuhin sa isa niyang balikat. Bumaling siya rito nang galit ang mga matang luhaan.