Kabanata 26
“KAILANGANG matigil na ito, Uncle Mike!” ang wika ni Jules.
Pinahid niya ang mga luha gamit ang likod-kamay. Isa-isang binuhat niya palabas ng bahay ang mga magulang dahil sa makalabas na sila pagkatapos ng “sakripisyo” ng mga ito. Ipinasok niya ang bangkay ng mga ito sa jeep ng tiyuhin. Ilang saglit pa niyang pinagmasdan ang mga ito nang naghihinagpis. Humigit siya ng hangin at may determinasyong gumuhit sa mga mata niya.
Kumuha siya ng ilang galong gasolina sa storeroom. Binuhusan niya ang halos buong bahay hanggang sa maubos ito. Ngunit nang sindihan na niya iyon ay ayaw sumindi ng apoy sa gasolina. Kahit na anong pilit niyang gawin iyon ay tila tubig lang ang gusto niyang sindihan.
Napasigaw siya sa inis at galit. Itinapon niya ang kanyang hawak na lighter at kumuha ng posporo mula sa kusina. Iyon ang sinindihan niya ngunit parang may umiihip na kung ano at namamatay ang apoy niyon bago pa man makasindi sa gasolina. Napamura siya at napasigaw dahil sa pagkabigo.
“We should give up for now, Jules,” ang mahinahong payo ng tiyuhin niyang nasa likuran niya at pinanood lang ang kanyang ginagawa.
Napalingon siya rito at saka napatingin sa buong kabahayan. “I had happy memories here… and it is now very ironic, don’t you think? Dahil dito rin kinuha ng bahay na ito ang buhay ng pamilya ko at ng anak mo, Uncle Mike,” miserableng saad niya sa tiyuhin.
“Alam ko ‘yan, Jules,” ang tahimik na sang-ayon nito at saka napabuntong-hininga. “Hindi lang ikaw ang nawalan.”
“Bakit ngayon ay taliwas na sa masasayang alaala ang mga pangyayari?” patuloy pa niya nang mapait. Para siyang nakalulon ng apdo. Napaingos siya. “Hindi ba puwedeng isang masamang panaginip lang ito, Uncle Mike?” Napabaling siya rito nang umaagos ang luha. Ramdam niya pa ring kinukuyumos ang kanyang puso sa sobrang sakit at lungkot at kung bakit ito nangyayari sa pamilya nila. Napatingala pa siya sa kalangitang magbubukang-liwayway na.
Niyakap siya ng kanyang tiyuhin at tinapik sa likod. “We’ll get through this, Jules. I promise you that.”
Ilang saglit silang nasa ganoong ayos. Pagkatapos ay napagkasunduan nilang dalhin na nila sa simbahan ang kanyang mga magulang at agad na ilibing ang mga iyon kinaumagahan. Nakipag-usap siya sa pari para ikuwento rito ang lahat at nang makahingi naman siya ng payo mula rito kung ano ang puwede niyang gawin habang naghihintay sa kanya sa labas ng simbahan ang tiyuhin. Hindi man lang ito pumasok nang humingi siya ng basbas para sa mga magulang bago pa man niya ipalibing ang mga ito.
Nagtaka man ay hindi na niya iyong inisip nang masyado. Naintindihan niya rin ang nararamdaman ngayon ng tiyuhin. Pareho silang nawalan. Siya ay nawalan ng ama at ito naman ay nawalan ng kapatid. Hindi lang halata pero naghihinagpis din ang tiyuhin sa nangyari.
“Dasal at malakas na kalooban ang kailangan mo ngayon upang matalo mo ang kadiliman, anak. Kailangan mo lang magtiwala na tutulungan ka Niya na malampasan ang lahat ng ito at poprotektahan ka Niya,” ang sabi ng pari sa kanya. “Ang maitutulong ko lang sa ‘yo ngayon ay isang napakataimtim na dasal na sana’y maging ligtas ka sa kapahamakan at matigil na ang lahat ng ito.”
Nagpasalamat na siya sa pari nang mabigat pa rin ang kalooban.
Pagkalabas niya ng simbahan ay napatingin siya sa kanyang tiyuhin na nakamasid sa papasikat na araw nang tila dismayado ang mukha. Kunsabagay, higit pa roon ang kanyang naramdaman dahil sa tanging silang magtiyo na lang ang naiwan sa mundong ito… Wala na ang mga mahal nila sa buhay.
Hindi pa niya alam ngayon ang gagawin pero dapat ay may hakbang silang gagawin na magtiyuhin upang matalo ang demonyong iyon na siyang kumitil ng maraming buhay na importante sa kanya. Kahit na mapahamak pa siya ay gagawin niya ang lahat basta’t matigil lang ang mga pagsakripisyong ito...
***
“HINDI mo pa nga pala sinabi sa ‘kin kung ano’ng sinabi ng pari sa ‘yo sa araw na iyon, Jules,” ang paalala ng tiyuhin ng binata.
Napatingin naman si Finna sa lalaki nang may pagtatanong sa mga mata.
“Katulad ng sinabi ko kay Finna, matibay na panalangin at pananalig sa Diyos ang sinabi niya sa ‘kin, Uncle Mike. At pagiging malakas ng kalooban,” ang tanging tugon nito.
Napatingin nang husto ang tiyuhin nito sa binata nang tila nanantiya kung nagsasabi ito ng totoo o kaya ay may hindi pa rin ito sinasabi rito. Iyon ang impresyon ni Finna nang sulyapan ang tiyuhin ni Jules.
“Right. Tama nga naman iyon. Sige, aakyat na akong muli at sa pagsikat na ng araw tayo babalik sa bahay na iyon,” ang mahinahong sabi ni Mike. Umakyat na itong muli sa itaas patungo sa kuwarto nito.
Napasunod naman ng tingin ang dalawang naiwan doon sa sala. Magbubukang-liwayway na iyon, napansin pa ng dalaga nang masulyapan niya ang wall clock doon sa sala.
“I think there’s something wrong in this picture, Jules,” ang bulong pa niya sa lalaki. Ewan ba niya at ginawa niya iyon.
Napatitig naman sa kanyang mukha ang binata. Dumukwang ito para may sabihin sa dalaga at lingid sa kanila ay sinilip sila ng tiyuhin ng lalaki mula sa itaas.
“Sinabi mo ang tungkol sa aklat ni Joanna. May natagpuan ka ba roong puwedeng baliktarin ang mga pangyayari?” ang kuryusong tanong ng dalaga na mahina pa rin ang tinig.