Kabanata 22
PARANG atakihin sa lungkot ang ina ni Jules nang malamang nawala lang nang basta ang kanyang kapatid katulad nang nangyari kay Mariana. Hindi rin maka-recover ang kanyang ama dahil sa pangyayaring iyon. Palagi itong bumibisita sa kuwarto ng kapatid niya samantalang unti-unti na ring palala nang palala ang sakit ng kanyang ina.
“I don’t know what to do anymore,” ang minsang sabi niya sa tiyuhin. Nasa garden sila nito sa hapong iyong magtatakip-silim na. “Halos hindi ko na magampanan ang trabaho ko sa Maynila, Uncle Mike. I’m still confused. Ang lahat ng nangyari sa buhay natin ay isa pa ring misteryo. It’s almost a year since Joanna’s gone, and here they are, my parents not doing well. I think I’m about to lose both my parents, Uncle Mike,” ang halos mangiyak-ngiyak na sabi niya at napabuntong-hininga.
“Alam mo, may pinag-aaralan ako ngayong pangontra sa⸺” umpisa ng kanyang Uncle Mike.
“Pangontra? Uncle Mike, you’re into magic, witchcraft, and dark stuff now?” Halos hindi siya makapaniwala sa tiyuhin. Ito pala ang pinagkakaabalahan nito sa huling dalawang taon magmula nang mawalang parang bula ang nag-iisa nitong anak.
His uncle snorted. Uminom ito ng juice at tumayo mula sa kinauupuang garden chair na gawa sa bakal at pininturahan ng puti. Napatingala tuloy siya sa tiyuhin.
“Sometimes, you have to do whatever it is that’s necessary, Jules. Kung kailangan ko mang ipagbili ang kaluluwa ko sa demonyo para matigil lang ito ay gagawin ko. At hindi mo ba kayang gawin ang ginagawa ko? Besides, I begin to understand now what’s happening to them.”
Napatitig siya nang husto sa tiyuhin na parang noon lang niya ito nakikita. “Ano’ng ibig mong sabihin, Uncle Mike?”
Pinagmasdan din siya ng tiyuhin bago ito nagsalita, “Nahumaling sa isang incubus si Mariana. Ginamit niya ang kapatid mo upang magkasama sila habambuhay.”
Jules could not speak. It did not register to his brain right away. Mahirap iproseso iyon. Pinilit niyang intindihin iyon.
Naalala niya ang rituwal na ginawa ng kanyang kapatid na napanood niya noon minsan. Tumayo siya at humarap sa tiyuhin. Ni-recite pa niya ang sinabi noon ng kapatid habang ginagawa ang rituwal.
“Iyon ang narinig kong sabi niya, Uncle Mike. Isn’t it weird? Dapat na⸺”
“Wait. You’re telling me that… Oh, my God! Jules…” Nalilito ito at nag-iisip nang malalim habang nagsasalita. Nabitiwan pa nito ang hawak-hawak na baso ng juice na nangangalahati pa. Lumagpak ito sa lupa at nagkalat ngunit hindi nito iyon alintana. Palakad-lakad ito nang paroo’t parito habang nakamasid lang siya sa tiyuhin na sapo ang ulo nito.
“Nabaliw si Mariana sa isang incubus! Ayaw niyang mapahiwalay rito. Dahil sa tuwing gabi lang sila puwedeng… magkita… Gumawa siya ng paraan para magkasama sila palagi. A-at iyan ang ginawa niyang orasyon sa gabing iyon ng party mo, Jules. May nabasa ako tungkol doon na… kailangan niya ng ilang tao para magawa niya iyon bilang sakripisyo. At ilang tao ulit ang nawala?” Tumigil muna ito sa paglalakad para humarap sa kanya.
“Hindi ako sure, Uncle. Lima?” Iyon ang naalala niyang bilang ng mga taong nasa rooftop. Napalunok siya, bumalik sa isip kung paano na-flush ang mga ito roon.
“Lima. Kailangan niya ng siyam na sakripisyo.” Mukhang alam naman nito ang sinasabi.
Napamaang nga siya. “Let me guess. Nabasa mo rin ito… somewhere, Uncle Mike?” ang aniya sa tiyuhin. Bahagyang nanggagad ang kanyang tono.
“Hindi na mahalaga ‘yon. Sa totoo lang, ang numero 9 ang tumatayong numero ng kadiliman,” ang wika ng kanyang tiyuhin.
Napatawa siya sa kanyang narinig at naiiling sa tiyuhin. “All this time, I thought it was 666!”
“Subtly, it is. Kung susumahin mo ‘yan, magiging 18. At kung susumahin mo ang isa at walo… magiging…” Sinadya nitong ibinitin iyon.
“Siyam,” marahang sambit niyang nakatitig sa tiyo. Napailing-iling siya pagkatapos. “You know what? This is crazy, Uncle Mike!”
Tumango ito at saka medyo napaismid na napatingin sa kanya. “Oo. At tatlo na lang ang kulang niyang sakripisyo para makumpleto ang rituwal,” ang tugon pa nito.
Napasimangot naman siya. “I think I told you that there were… five…”
“Pang-anim si Joanna,” ang putol nito sa nais niyang sabihin.
Napalunok naman siya. It just dawned on him.
Nagmamadali na siyang kunin ang jacket na nakasabit sa garden chair niya. “Nanganganib ang buhay nina Mommy at Daddy!”
Mabilis na sumunod rin sa kanya ang tiyuhin sakay sa jeep nito habang gamit niya ang kanyang motorsiklo. Madilim na iyon nang dumating sila sa bahay nila. Agad niyang hinanap ang mga magulang at natagpuan niya ang mga itong magkasama sa silid ng mga ito.
“Jules, puwede bang kumatok ka muna bago ka man lang pumasok?” iritableng komento ng ama niya na bumaba ng kama. Iniwan nito ang katabing asawa na nakasandal sa headboard ng kama dahil sa masama ang pakiramdam katulad ng mga ilang araw nang nakalipas.
“Pasensiya na kayo, Dad, pero importante lang itong sasabihin ko sa inyo,” ang walang prenong sabi niya sa ama at napabaling ito kay Mike na sumunod na pumasok sa kuwarto ng kanyang mga magulang.
“Ano ‘to? Dapat ba kaming matakot? Jules, you’re acting strange, and you’re scaring me,” ang anang naaalarmang ina niya sa mahinang boses. Mahina na rin kasi ang kalagayan ng ina. Napaubo ito pagkasalita.
Itinaas niya ang isang kamay sa ina. “Huwag kang mag-aalala, Mommy. I’ll get you out of this…”
“Jules! May sakit ang mommy mo. Don’t stress her out more!” ang naiinis na babala ng ama niya.
“Dad, kailangan na nating umalis dito sa bahay,” ang tila nagmamadaling aniya sa mga ito.
Nagsusumamo ang kanyang mga mata nang pabaling-baling na nakatingin sa kanyang mga magulang. Tinungo na niya ang cabinet ng damit ng mga ito upang mag-pack ng ilang damit sa isang bag.
“T-teka, ‘yan ang plano mo, Jules?” ang sabat ng kanyang tiyuhin.
Napabaling siya rito at natigil sa ginawa niyang pag-iimpake sa ilang gamit ng ina’t ama. Napamasid sa kanilang magtiyuhin ang nag-aalalang mga magulang niya nang hindi man lang makapagsalita.
“Bakit, Uncle Mike? You have better ideas?” ang balik-tanong naman niya rito. He was truly out of options right now. Ang lumayas sa pamamahay na ito ang tanging solusyon dito. Iyon ang naisip niya.
‘Baka nga kung wala na kami rito ay magiging maayos na ang lahat,’ sa loob-loob ni Jules. ‘Ba’t hindi ko ‘to agad naisip noon? Bakit hinintay ko pa ang mahabang panahon para gawin ‘to?’
Hindi agad nakasagot ang kanyang tiyuhin.
“What is this all about, Jules, Mike?” ang usisa na ngayon ng ama ng binata.
Ngunit parang hindi nila narinig iyon. Nakatingin pa rin siya sa tiyuhin habang bitbit ang isang bag na may lamang ilang damit ng mga magulang. Hindi na bale na iilan lang ang gamit na iyon. Puwede naman silang bumili kapag nasa Maynila na sila.
“Uncle? May naiisip ka pa bang paraan?” pag-uulit pa niya.
Nag-umpisang magsalita ito, “Alam kong mangyayari ito mamaya pero…” Ibinitin ni Mike ang nais sabihin.
Biglang namutla ang binata sa kanyang narinig. Paano nalaman ng kanyang tiyuhin na sa gabing ito mangyayari ang kinatatakutan niya? Sa kaloob-looban niya ay nais niyang magkamali ito pero… nagtataka talaga siya…