Kabanata 21

“ANO’NG nangyari sa ‘yo, Mike? Nababaliw ka na ba?” Nasapo ni Jenny ang dibdib dahil sa takot habang nakatingin sa bayaw nang matalim. Parang gusto na tuloy nitong hubarin ang blusa ngunit nagkasya na lang ito sa paghila ng tela palayo sa balat habng nagpahid sa mukha ang asawa nito.

“A-ah… n-nabigla lang si Uncle Mike, Mommy, Daddy,” ang pautal-utal na depensa ni Jules. “‘Tsaka… baka… gusto n’yo nang magpahinga… pero!” Agad siyang humarang sa daanan ng mga ito nang akmang aakyat ang mga ito. “Huwag muna kayong umakyat sa kuwarto n’yo. Dito lang kayo sa sala, Mom, Dad,” ang dagdag niya. Hindi niya kasi alam kung papaano magpaliwanag sa mga ito.

Napatingin nang may pagkalito ang mag-asawa sa kanilang magtiyo at hindi na nagsalita pa sa kabila ng maraming katanungang namumuo sa kanilang isip. Umupo ang mga itong magkatabi sa mahabang sofa saka nagkatinginan ulit ang magtiyuhin sa isa’t isa.

“Ano’ng gagawin natin ngayon, Uncle Mike?” tanong niya rito.

“Nasaan si Joanna?” ang biglang sabat-tanong ng kanyang ina bago pa makasagot si Mike.

“Uh… aakyatin na namin, Mommy,” sa halip na tugon niya sa ina. Kumumpas siyang hindi mapalagay.

Sana lang ay hindi masyadong mag-aalala ang mga magulang sa kapatid niya. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa niya makalimutan ang nasaksihan ka sa kuwarto ng kapatid. Ang gusto lang sana niyang gawin kanina ay silipin at siguraduhing ligtas ang kapatid ngunit iyon pa ang nakita niyang hindi inasahan na ni sa guni-guni man lang ay hindi maaaring mangyari sa kapatid.

“Sige. Tingnan mo kung natutulog na siya nang mahimbing. Huwag mong istorbohin, ha, Jules?” habilin ng ina nang umakyat na silang magtiyo patungo sa itaas. Subalit hindi na niya iyon pinansin.

Pagbukas niya ng pinto sa silid ni Joanna ay madilim iyon at wala silang nakikita. Kinapa na lang ni Jules ang switch at lumiwanag doon. Iyon na lang ang pagkamangha nila nang makitang nakahandusay ang walang malay niyang kapatid na hubo’t hubad pa rin. Agad siyang kumuha ng kumot at saka pinangko ito upang ihiga sa kama.

Natumba na ang mga kandilang kanina ay nakatulos at parang dinaanan ng bagyo ang silid ng kapatid. Pinilit niyang gisingin ang babae ngunit hindi niya ito magising-gising man lang. Nakita na lang niya ang aninong biglang lumitaw sa kung saan at napaatras sila ng kanyang tiyuhin. Lumapit iyon sa katawan ng kapatid nang nakalutang pa rin sa ere.

“Huwag mong saktan ang kapatid ko!” galit na aniya sa anino na bumaling naman sa kanya.

Nakaangat ang kamay nitong tila gusto siyang abutin ngunit winisikan iyon ng holy water ng kanyang tiyuhin kaya medyo napaatras ang nilalang.

Bigla namang lumitaw ang demonyong nakita nilang nakatuntong kanina sa malaking balete sa gitna ng mini-forest. Dahil dito ay lumayo ang anino mula sa kanila. Sa halip ay niyakap nito ang katawan ni Joanna at saka naglaho ang mga iyong parang bula. Namilog ang kanilang mga mata nang sumunod na ring nawala ang demonyo.

Namangha ang magtiyo sa kanilang nakita at saka nagkatinginan sila.

“Saan nila dinala si Joanna?” alalang tanong ni Jules sa tiyuhin.

***

“THAT was it? That was how your sister died?” di-makapaniwalang tanong ni Finna kay Jules nang matahimik na ito.

Bumuntong-hininga ang lalaking napatingin sa kanya. “Ano pa nga ba ang iisipin namin? Nawala na siya. There was no trace to be found after she was taken by that… that dark… evil shadow!” ang kumumpas sa ereng tugon ng lalaki sa kanya.

Napababa ng tingin si Finna.

‘There must be something wrong with this picture,’ sa isip niya.

Napakurap-kurap ang dalaga, napaisip nang malalim. “Okay. So, namatay si Mariana. Hindi n’yo na nakita ang katawan niya. At pagkatapos ng isang taon, ganoon din ang nangyari sa kapatid mo. How about your parents?” ang tanong niya ritong tiningnan ang binata sa mukha.

“They… didn’t disappear if that’s what you wanna know,” kumibit namang anito at tumawa itong parang sira-ulo.

Napapikit ng kanyang mga mata ang dalaga. Gusto niyang makita ang pattern ng pangyayaring ito⸺kung meron man. Gusto niya itong resolbahin bago pa man mapahamak sina Saling at Tita Rina niya.

“Of course, I wanna know!” she snapped at him. “Ayokong mapahamak ang mga kasama ko sa bahay na nandoon pa sa malademonyong bahay na ‘yon!” That care she felt for him somehow flew out of the window in that very moment.

Narinig niyang bumuntong-hininga ito at saka sumeryosong tumingin sa kanya. “I’m sorry, but this isn’t my fault!” ang anito sa kanyang binigyan siya ng matalim na tingin pagkatapos nitong magsalita. “At tandaan mong sinabi ko sa ‘yong umalis kayo sa bahay na ‘yon, hindi ba?” dagdag na balik nito sa kanya.

“So, sinisisi mo na ako ngayon? What did you expect me to do? Basta-basta na lang kitang paniniwalaan?” inis niyang pakli sa binata.

“Yeah. You should have listened to me!” naaasar ding sabi nito. Nakabusangot ang mukha ng lalaki habang tinunghayan ni Finna.

“Could you stop that bickering? Walang mangyayari sa ‘tin dito kung ganyan kayo mag-uusap,” ang awat ng tiyuhin ng binata na bumaba at nakapamulsa ito ngayon sa suot nitong pantalon.

“May ideya ka ba kung ano’ng nangyari sa mga magulang ni Jules?” tanong na baling niya rito.

Napasulyap muna ang tiyuhin sa pamangkin bago napatinging muli sa kanya.

“Fine,” ang sukong saad ni Jules.